Isiniksik sa utak niya ang memoryang iyon at hindi niya iyon maalala. Ang mga alaalang iyon ay sa kaniya ngunit parang may parteng parang hindi sa kaniya. Kaya naman siya ay naguguluhan.
Mayroon siyang naaalalang pangyayari kung saan sila ay nasa Cloudy Peaks at ang tanging nakikita niya lang ay puro dugo.
Sa sumunod na sandali ay narinig nila ang mga yabag sa bakuran, agad na naglaho sila Ye Sha at Ye Mei.
Hindi matiis ni Xiong Ba na hindi mag-alala. Isinama nito si Qing Yu papunta sa tinutuluyan ni Jun Wu Xie. Kahit na nagdadalawang-isip siyang istorbohin si Jun Wu Xie, pinilit niya pa rin magpunta para alamin kung ano ang tunay na nangyari.
Kakatapak pa lang ni Xiong Ba sa bakuran nang makita niya ang isang gwapong lalaki na nakatayo sa labas ng pintuan ni Jun Wu Xie!
Agad na nakaramdam ng panganib si Xiong Ba, "Sino ka? Anong ginagawa mo saking Fiery Blaze Clan Hall?"
Hindi pa kailanman nakita ni Xiong Ba ang lalaking ito. Mahigpit ang seguridad sa Fiery Blaze Clan Hall. Kaya paanong nakapasok ang lalaking ito dito?
Dahan-dahang tumingin si Jun Wu Yao sa kinakabahang si Xiong Ba at Qing Yu. Maya-maya ay ngumiti ito at sinabing: "Ako ang personal na alalay ni Young Master Jun."
"..." Nanlaki ang mga mata ni Xiong Ba. Mukha itong hindi naniniwala sa sinabi ng lalaki.
Mukhang hindi katulong ang awrang binibigay ni Jun Wu Yao. Sa halip ay dama ng kahit na sino ang lakas at kapangyarihan na tinatago nito.
Sinong tatanggap dito bilang katulong lang?
"Sinungaling! Hindi nagdala ng alalay si Jun Xie dito! Sino ka ba talaga? Paano mo nagawang makapasok saking Fiery Blaze Clan Hall?!" Hindi magawang maniwala ni Xiong Ba na ang lalaking ito ay katulong ni Jun Xie o ng kahit na sinuman. Mas lalo pa itong naging kahina-hinala dahil wala man lang nakapansin sa pagdating nito.
Lumalim ang tingin ni Jun Wu Yao kay Xiong Ba saka ngumit.
[Medyo mahirap 'tong sitwasyong ito.] Bulong ni Jun Wu Yao sa kaniyang sarili. Base sa mga impormasyong binigay ni Ye Sha, nahuhulaan niya na kung sino ang dalawan lalaking ito. Kung naging ibang tao lang ang mga ito, baka kanina niya pa ito pinatay. Pero mukhang nakikipagtulungan si Little Xie sa dalawang ito, mahihirapan siyang sumagot kay Jun Xie pag nagkataon.
Nang hindi sumagot si Jun Wu Yao, agad itong sumugod kay Xiong Ba.
Ngumiti si Jun Wu Yao at itinaas ang kaniyang kamay para saluhin ang kamao ni Xiong Ba na dapat ay susuntok sa kaniya.
"Mas makabubuti siguro kung hindi mo ako sasaktan. Wala ako sa huwisyo ngayon." Saad ni Jun Wu Yao. Ang tanging gusto niyang gawin sa mga oras na iyon ay ang pumatay ng mga tao.
Gulat na tumingin si Xiong Ba kay Jun Wu Yao. Pwersado ang suntok na iyon at ginamit niya ang kaniyang buong lakas ngunit walang kahirap-hirap na sinalo iyon ng lalaking nasa kaniyang harapan.
"Tingin ko naman ay ayos lang basta hindi kita pinapatay." Nakangiti pa rin si Jun Wu Yao. Ngunit ang mga salitang iyon ay nanatili lang sa kaniyang isip.
Magsasalita pa sana si Xiong Ba nang kanilang marinig ang malakas na tunog ng buto. Agad na nabali ni Jun Wu Yao ang kamay ni Xiong Ba!
Pinagpawisan ng malamig si Xiong Ba dahil sa matinding sakit na dulot noon!
Gulat na gulat naman si Qing Yu nang makita niya iyon. Gusto niyang tumakbo palapit kay Xiong Ba para saklolohan ito, ngunit nang kaniyang makita ang nakakatakot na tingin ni Jun Wu Yao ay napaatras siya.
"Kung ayaw mo siyang mamatay, manahimik ka diyan."