Ang lahat ay nagulat na ang balita ay mabilis na darating.
"Ayon sa pinagmulan ng balita, nakita nila si Charlie noong nakaraang buwan; nakaitim na damit si Charlie at patungo sa isang lokasyon. Tumangging ibigay ng tao ang lokasyon hanggang sa makita natin sila ng personal at ibigay sa kanila ang pabuya," sabi ni Sam sa lahat.
Ngumisi si Wolf. "Halata namang isa itong patibong. Gagawin talaga ng tao ang lahat para sa pera."
"Sigurado naman. Sinabi pa sa atin ng tao na dalhin natin ang pera. Hindi pa ba sila masyadong halata noon?" Dagdag din ni Ali.
Tumutol si Sam, "Sa tingin ko ay hindi naman tunog na nagsisinungaling ang taong ito. Ang sabi nila ay papunta si Charlie sa isang espesyal na lugar, ang lokasyon ay hindi niya maaaring ibigay sa pamamamagitan ng sulat. Gusto lamang nilang lumantad ngayon dahil sa pabuyang pera."
"Maaari nga kayang may nangyari kay Charlie?" Tanong ni Cairn at naging seryoso ang ere.
Nagreklamo si Ali, "Paano kung kailangan ni Charlie ang tulong natin?"
"Kaya nga dapat ay harapin natin ang taong ito kahit na ano ang mangyari," pagtatapos ni Sam. Pagkatapos ay bumaling siya kay Xinghe at nagtanong, "Ano sa tingin mo?"
Matapos ang dalawang araw na magkakasama, si Sam at ang iba pa ay nagsimulang tratuhin si Xinghe bilang kanilang strategist. Sa ibang kadahilanan, naniniwala sila sa katwiran at desisyon nito. Tumango si Xinghe. "Kailangan nga talaga nating puntahan ang taong ito pero hindi direkta. Mauna kayong lahat, at susunod ako sa likuran."
Agad nilang naunawaan ang ibig niyang sabihin. Ngumiti sila na nakahinga ng maluwag. Ang kanilang kahilingan ay naisawalat sa publiko pero sila mismo ay hindi kilala. Sa madaling salita, alam ng mga tao na may naghahanap kay Charlie pero wala silang alam kung sino ang taong ito.
Kahit ang kanilang mga pag-uusap ay nagawa sa pamamagitan ng isang voice changer. Siyempre, walang nakakaalam na nagbago ang lahat para sa SamWolf pero hindi naman masama na mag-ingat.
At tulad na lamang nito, nagdesisyon na si Sam at ang grupo na katagpuin ang taong ito, para malaman ang katotohanan ng kanilang balita. Sa mensahe, sinabihan sila ng tao na magtagpo sa isang lalawigan. Kumuha ng isang kotse si Sam at ang grupo at nagmaneho patungo sa kanilang destinasyon. Si Xinghe ay nakasunod sa kanila sa malayo at tinitingnan sila sa computer.
…
Narating na nina Sam at ng grupo ang napagkasunduang destinasyon bandang hapon. Nang lumabas sila mula sa kotse, isang grupo ng mga tao ang lumabas mula sa mga sirang pader.
Ang pinuno ay si Ryan!
Nagulat ang parehong grupo na makita ang bawat isa.
"Kayo!" Dumilim ang mukha ni Sam. "Ryan, alam mo kung nasaan si Charlie?"
Hindi sumagot si Ryan pero natuon ang mga mata nito sa armored car sa kanilang likuran at sa mga armas na kanilang dala. May pagtataka sa mga mata nito.
"Sam, dalawang araw pa lamang ng huli tayong nagkita at ang grupo mo ay agad na umunlad? Ano, may nahanap kayong maimpluwensiyang tao na dinikitan ninyo?" Maingat na tanong ni Ryan.
Ngumisi si Sam pero hindi siya sumagot. Imbes ay sinabi niya, "Ikaw ang huling tao na iisipin kong pagmumulan ng balita. May kinalaman ka ba sa pagkawala ni Charlie?"
Tumawa si Ryan. "Paano ito naging posible? Alam ko lamang kung nasan siya, iyon lang."
Nag-iba ang mukha ni Sam at ng grupo.
"Nasaan siya?" Matapang na tanong ni Wolf.
Lumihis ang tingin ni Ryan at nagbato ng sarili nitong tanong, "Nasaan ang pera? Ipakita ninyo sa akin ang pera at sasabihin ko ang lahat."