AWKWARD SANA KUNG NARITO SI BRETT. Paano nila paguusapan ang ma-aksyong nangyari nung nakaraang gabi? Buti na lang excused ang mokong—may isang linggo silang magpa-practice sa basketball. At dahil star player at team captain ng team, halos maghapong nasa gym si Brett kasama ang mga team mates.
Minsan nahuhuli ni Jack na napapasulyap si Camille sa bakanteng upuan ni Brett. Hindi na lang yun pinapansin ni Jack—hayaan mo siyang makapag-move on sa sariling niyang paraan.
Si Thea naman, tila panay ang pangungulit kay Jack. Bakante rin kasi ang katabing upuan ni Jack—may bulutong-tubig ang usual na nakaupo rito na si Ghayle, at malamang isang linggo pa rin itong absent—at madalas nakikiupo rito si Thea. Lagi itong may tanong: ano ba ang meaning ng "conflagration"? Ano ba ang pinaka-paborito mong tula ni Elizabeth Barrett Browning? Sino ba talaga ang pumatay kay Lapu-lapu?
Minsan, parang "loaded" na ang mga tanong ni Thea: Jack, ano ba sa Tagalog ang "secret crush"? Paano mo malalaman kung may feelings sa iyo ang isang babae?
Na sasagutin naman ni Jack nang paiwas, na madalas ay idadaan niya sa joke: Eh di pag bigla na lang nangingisay yung girl kapag ngumingiti yung guy, matinding senyales yun na may feelings yung girl.
Kapag ganun na ang tema, magwa-walk out agad si Thea, lilipat ng upuan, ipaparamdam kay Jack na na-offend sya sa hindi nito pagtrato ng seryoso sa mga tanong niya. "Lagi ka na lang ganyan. Hindi ka na makausap nang matino," madalas na reklamo sa kanya ng dalaga. Pero panandalian lang yun—maya-maya, nariyan ulit ang dalaga, nagtatanong na naman. Jack, ano ba ang type mo sa isang babae?
"Ang type ko ay yung malaki ang mga braso saka malago ang bigote. Ang hot nun!"
Si Thea: sisimangot, Walk-out Queen.
Pero babalik ulit: Jack, natikman mo na ba yung bago ng McDo? Yung McRib?
"Hindi pa eh. Tatlong araw na nga akong hindi kumakain."
Si Thea: uusok ang ilong, Walk-out Queen.
Kapag recess o lunch, mas malaking problema. Dahil ngayon, kasabay na nila si Thea. Nakikihati pa ito sa baon ni Jack. "Ang sarap talaga ng pusa," madalas sasabihin nito habang nginunguya ang kalahati ng siopao ni Jack. "Scrrrrrrumptious!"
Ngingiti lang si Camille, makikisakay sa bagong sitwasyon, kahit lihim na napipikon. Si Jack, tila naiipit sa dalawang naguumpugang bato. Dati'y kahit si Mang Kiko na janitor ng school ay ayaw makisabay sa kanyang kumain. Ngayon dalawang naggagandahang girls ang nag-aagawan na makasama siya.
Sa ganun mauubos ang mga araw. Tumitindi rin kasi ang level of excitement ng buong school—papalapit na kasi ang Foundation Week, at ang lahat ay excited na sa mga palaro at kung anu-anong pakulo ng mga estudyante. As usual, maraming responsibilities si Camille—siya ang nakatoka sa pag-o-organize ng programme of activities—mula sa mga parlor games, special presentations ng bawat section, pati ang pagma-manage ng basketball tournament. Syempre, naka-assist lang si Jack—naroon lang siya lagi sa tabi. Kapag may kailangang gawin na nangangailangan ng computer-aided design, si Jack ang gumagawa nun. Hindi na siya masyadong tumututol—kung anong gusto ni Camille, yun na agad ang tinatapos nila. May kakaibang enthusiasm kasi si Camille, lalo na't kapag ang basketball tournament ang pag-uusapan. Kahit itanggi nito na may feelings pa rin siya kay Brett, lumalabas pa rin ang tutoo. Kahit sa pinakamaliit na detalye, inuurirat ni Camille: kung ano ang pagkakasunod-sunod ng mga maglalabang basketball teams, kung anong oras at araw ang schedule ng mga laban (suspetsa ni Jack ay inaalam lang ni Camille kung ano ang schedule ng team ni Brett).
Biyernes ng hapon ay nagmadaling umuwi si Thea—hindi na sila hinintay. Ipinagkibit-balikat lang yun ni Jack. Medyo weird din kasi ang panahon—makulimlim, mukhang uulan nang matindi. February na ngayon, bakit may ulan pa rin?
Si Camille naman, parang wala sa sarili, parang may iniisip na malalim. "Nagmamadali ka na bang umuwi? Gusto mo tambay muna tayo dito sa school?"
"Sure," sabi ni Jack, tutal weekend naman. Ang inaalala lang niya ay kapag natuloy ang pag-ulan. Magmimistula silang basang sisiw nito pag nagkataon.
Niyaya siya ni Camille sa canteen: tig-isa sila ng Coke, treat ng dalaga. "Nakakapagod, ano?"
Inisip ni Jack na ang mga paghahanda sa Foundation Week ang tinutukoy ni Camille. "Oo nga e. Pero kung magiging successful naman, it's all worth it. Mapapasaya natin ang buong school."
Nakasimangot si Camille. "Hindi yun. I mean, si Thea. Bakit ba siya laging sumasama sa atin?"
Atin. May "atin" pala. "Ano naman ang masama dun? Okay naman si Thea ah. Kwela."
Hindi kumibo si Camille. Sunod-sunod ang lagok ng Coke, akala mo alak ang tinutungga nito. "Hindi ko siya gusto," biglang sabi nito.
Nagulat si Jack. Actually, alam na niyang may "friction"—nararamdaman niya yun—pero ngayong actual na sinasabi ito ni Camille, parang naninibago siya. "Ikaw naman. Ayaw mo ba nun? Di ba sabi nga, 'three is a crowd'. Masaya pag marami. At least, hindi na iisipin ng mga tao na may 'something' sa atin dahil tayo lang lagi ang magkasama."
Nakatitig lang si Camille sa mukha ni Jack. "So ganun? Nahihiya ka na baka isipin ng mga tao na may 'something' sa atin?"
"Hindi naman yun ang—"
Biglang tayo si Camille. "Madali naman akong kausap. Kung gusto mo kayo na lang ang magsama."
Akmang aalis na padabog si Camille nang pigilan siya ni Jack. "Teka lang. Hindi yun ang ibig kong sabihin. Ang sinasabi ko lang, bakit di mo bigyan ng chance si Thea. Okay naman siyang kasama, di ba? She's funny."
Napaismid si Camille. "So ako hindi funny kaya bored ka na sa akin?"
Dyusko! Tini-twist ni Camille ang bawat sabihin niya! "Hindi nga yun ang—"
Hindi na natapos ni Jack ang sasabihin—dahil sa may entrada ng canteen, nakatayo si Brett, tila maamong tupa. Paglingon ni Camille, napasinghap din ito sa gulat. "Ano'ng ginagawa mo dito?"
"Pwede ba tayo mag-usap?" Napasulyap si Brett kay Jack. "I mean, yung tayo lang? Walang ibang tao?"
Walang ibang tao? Parang nag-init ang mukha ni Jack—FYI, hindi siya "ibang tao!" Pero hawak na ni Brett ang isang kamay ni Camille, at ang nakakainis pa, hindi yun binabawi ng dalaga.
"Ano pa ang paguusapan natin?" May pagtatampo sa boses ni Camille. "Tapos na sa atin ang lahat. Ayoko na. Magsama kayo ng Joanna na yun!"
"You don't understand!" Lalong lumapit si Brett sa dalaga. "Maling mali ang iniisip mo. If you can just give me a minute para magpaliwanag?"
Tinitigan ni Camille ang mga mata ni Brett, tila hinahanap dito ang katotohanan. Matagal siyang hindi nakapagsalita.
Nang lumingon sya kay Jack, wala na ang binata. Nakaalis na pala ito.
Alam na kasi ni Jack ang mangyayari—si Camille pa? Isang sorry lang ni Brett, okay na ulit ang lahat. Kaya minabuti na lang niyang talikuran ang nakaka-umay na eksena kaysa hintayin niya pang makitang lunukin lahat ni Camille ang nauna na niyang pangako sa sarili na hinding hindi na papansinin ang mokong na yun. Ang kaso, nagsimula nang umulan paglabas ni Jack ng canteen. Patalon-talon siya sa mga gilid ng buildings sa kakaiwas sa patak ng ulan. Matagal siyang nakatayo sa waiting shed. "Lalakas pa iyan," opinion ng matandang babaeng nagtitinda ng yosi dun. "Parang may bagyo, ano," dugtong pa nito. Shet. Kapag ang matandang tindera ng yosi ang nag-salita, maniwala ka na. Expert ito e. Isa pa, baka maabutan pa siya ni Camille at Brett dito sa waiting shed, hindi niya masisikmura yun. Baka magwala na siya kapag nakita pa niyang sweet na ulit ang dalawa sa isa't isa. Ibang level na ng awkward kapag silang tatlo pa ang mai-stranded dito sa waiting shed kakahintay na tumila ang ulan. Kaya nung kumidlat at kumulog ulit, huminga nang malalim si Jack, bago sinugod ang ragasa ng ulan. Sipon lang naman siguro ang mapapala niya dito. O kaya trangkaso. Okay lang yun, maliit na bagay, malayo sa bituka. Ang problema ay ang puso—ang maarte, tatanga-tanga at uma-aray na nyang puso.