Our story started at the middle of the school year at almost the end of the year.
September 2001.
Noong araw na iyon isang bagong estudyante ang lumipat sa aming paaralan.
Ang bayan namin ay maliit lamang at napakasimple. Kung tutuusin ay kilala na ng bawat isa ang lahat ng pangalan ng mamamayan sa lugar namin. Wala ring kakaiba sa aming bayan kaya't walang dahilan na dayuhin ito ng mga taga ibang lugar.
Ang bayan namin ay may dalawa lamang paaralan, isa para sa elementarya at isa para sa highschool. Lahat ng magnanais na mag kolehiyo ay mapipilitang lumisan sa aming bayan. Mayroon lamang din ito isang parke, palaruan, isang basketball court, maliit na clinic at maliit na palengke.
Kaya naman tunay na ikinatutuwa ng mga mamamayan nito kapag may dumarating na mga bisita o bagong maninirahan. Agad nila itong sinasalubong ng may ngiti at nagbibigay ng mga regalo.
Gayundin sa bagong dating na estudyante. Agad na nakuha niya ang atensyon ng bawat mag aaral sa San Fernando Highschool.
Siya si Adrian Galunday, ayon sa kaniyang pakilala.
Ngunit habang isa isang lumalapit ang aking mga kaibigan sa kaniya upang siya'y kilalanin. Mga katanungan ang nabubuo sa aking isipan.
"Class! Self Study muna kayo." pahayag ng guro namin sa English, "Kaibiganin niyo yang si Adrian and remember a quiz on monday."
Ang isa sa kakaiba sa kaniya ay kung bakit kailangang lumipat ng paaralan gayong nasa kalahati na ng taon. Pangalawa ay bakit wala ni isa ang nakakaalam na may darating na bagong estudyante. Gaya ng sabi ko maliit lamang ang bayan namin at madaling mapansin kung may pamilyang naglilipat ng gamit.
Nang maka-alis na ang aming guro ay gaya ng mga kaibigan ko ay lumapit ako sa kaniya upang kilalanin siya. Tanging mga kaibigan ko lamang naman ang nanguna na kausapin siya at sila lamang din ang nakapalibot sa kaniyang inuupuan. Naglakad ako patungo sa kaniya at napilitang umupo sa harap niya mismo dahil wala nang bakanteng puwesto.
Nang makita ko siya napansin kong may hitsura ang lalaki. Gwapo siya at natitiyak ko na marami siyang babaeng paiibigin at paaasahin. Maputi rin ang lalaki taliwas sa aming mga taga San Fernando dahil babad sa init. Sa panahong iyon wala pang mga teknolohiya kaya tanging mga gawain sa labas ng bahay ang pinagkaka-abalahan ng lahat kaya naman karamihan sa amin ay kayumanggi o nalalapit na sa pagiging itim.
Matangos din ang ilong niya kaya inakala ko na foreigner siya subalit nakaka-intindi naman siya ng tagalog. Maayos ang kaniyang buhok subalit hindi ko siya magawang titigan ng mata sa mata. Kakaibang bigat ang nararamdaman ko kapag sinusubakan kong pagtagpuin ang aming tingin. Tila nakatitig siya sa kalooban ko at inaalam ang mga lihim at kagustuhan ko. Dagdag pa dito ang tila pagtakip ng kaniyang buhok sa kaniyang mga mata ganoong malinis naman ang pagkakaayos ng maitim na buhok ng lalaki.
Habang nagkukuwentuhan at nagkakakilanlanan ay hindi ko napigilan ang sarili ko na magtanong.
"Bakit kinailangan mong lumipat sa San Fernando sa kalagitnaan ng taon?" usisa ko, "At bakit San Fernando?"
"Madali lamang ang kasagutan diyan." tugon niya, "Nakakita kasi ng opportunity si Papa sa bayan na ito at dito siya nakahanap ng magandang trabaho."
"Ukol naman sa tuluyang paglipat namin, lalo pa ng paaralan," dagdag niya, "talaga bang gusto niyong malaman?"
Sinambit niya ang mga katagang iyan ng tila ba nanakot siya o nagbabanta. Nangingibabaw rin ang kakaiba niyang ngiti habang inaalala ang kaniyang nakaraan.
Lahat kami ay natigil at nanahimik sandali dahil sa pagkabigla. Sa sandaling iyon ay nakaramdam ng lamig ang aking katawan subalit tila tuloy tuloy ang pag agos ng butil ng pawis sa aking mukha.
"Sige bakit hindi natin pakinggan." sambit ni MJ.
"Hindi maganda ang nangyari sa aking dating paaralan ko." pagsasalaysay niya, "Noong simula ay maayos naman ang school namin. Ilang taon na akong pumapasok doon ngunit ngayon lamang nangyari ang bagay na iyon."
"Anong pangyayari ang tinutukoy mo?" usisa ni Ivy.
"Ang unti unting pagkawala ng mga estudyante." pagpapatuloy niya at agad namang nagtayuan ang mga balahibo ko, "Nagsimula ito noong July. Isang araw isang estudyante ang hindi pumasok sa paaralan. Noong una inisip nila na absent lamang ito hanggang sa naging tatlong araw ang pagliban nito kaya nagpadala ng sulat sa magulang. Tinugon naman ng magulang ang liham ng school at sinabing masama lamang ang pakiramdam ng bata kaya naman hinayaan na lamang ng paaralan.
Hanggang sa ang tatlong araw ay naging lima, at ang lima ay naging walo. Nabahala na ang paaralan kaya naman minabuti na nila magtungo sa tahanan ng estudyante upang alamin ang sitwasyon ng bata. Nang dumating sila ay naging mabait naman sa kanila ang mga magulang, binigyan sila ng makakain at maiinom. Hanggang sa nagsimula na silang pag usapan ang di pagpasok ng bata.
Nabigla sila ng sabihin ng ina nito na wala silang anak at kailanman ay hindi pinalad na magkaroon nito. Nagpakita sila ng mga larawan at album na magpapatunay na wala silang anak at ang tanging makikita nga lamang dito ay mga puting papel o larawan ng mag asawa na may kaunting espasyo sa gitna, na tila may dating nakatayo sa gitna. May mga larawan din na hindi kayang ipaliwanag, gaya ng cake na may nakalagay na 'happy 2nd birthday' subalit walang pangalan, basketball court na walang tao, at mga gumaganang pambatang rides sa mall gayong walang nakasakay dito.
May uniporme din sa bahay at mga kagamitang pang eskuwela gayong walang nagmamay ari sa mga ito. Dagdag pa sa kanilang pagkalito ay kilala ng magulang ang mga guro gayong wala silang alaala na nagpapasok ng bata sa paaralan. Maging ang gurong nagtungo ay hindi na naalala ang dahilan kung bakit siya nagtungo sa tahanang iyon. At tuluyan na nga na sumuko ang guro at nagbalik na lamang."
"Anong nangyari sa estudyanteng nawala?" tanong ko.
"Hindi na siya nakita." kaniyang tugon, "Wala nang nakaalala sa batang iyon kahit isa man. Nanatili na lamang isang pangalan sa listahan ng mga mag aaral ang batang iyon. Hindi rin naman magawang buharin ng mga guro ang kaniyang pangalan sa di malamang dahilan.
Subalit akala namin ay doon na nagtatapos ang pangyayaring ito. Ang kapabayaan pala sa isang estudyante ay simula pa lamang at magtutungo sa dumaming bilang ng pagkawala at kaguluhan sa paaralan namin. Isa isang nabawasan ang mga pumapasok sa paaralan. Maging ito man ay pagkawala, pagpapatiwakal o pagkakakulong, malaking sira ang nagawa nito sa paaralan.
Siyempre nabahala ang school at nagsimula silang mag imbestiga at inatas nila ito sa aming guro dahil siya ang unang nawalan ng estudyante. Subalit ano man ang pinagmumulan ng kaguluhan ay hindi ito pumayag na nagiimbestiga at nakikialam ang paaralan. Nagsimulang mabaliw ang aming guro hanggang sa isang araw magwala siya sa kaniyang mga estudyante at nagsimulang manakit.
Pumasok siya sa silid namin, hindi upang magturo kundi manggulo. Dumating siya na ang dala, hindi mga libro, chalk o kagamitang panturo, bagkus ay isang kutsilya na talagang hinasa ng lubusan. Lahat kami ay nagkagulo, hindi namin magawang lumabas dahil iisa lamang ang daan papasok at palabas, at hinaharangan niya ito.
Sinimulan niyang saksakin ang bawat estudyante na malalapitan niya. Wasiwas ng kutsilyo sa iba't ibang direksiyon, di alintana kung sino man ang matamaan, maging ako ay natamaan at nahiwa niya."
"At ano naman ang ginawa niyo para mapigilan siya?" tanong ni Ivy.
"Simple lang, pinatahimik siya ng paaralan." kasabay ng pagbanggit niya ay ang pagtunong ng bell kaya naman lahat kami ay nagulat.
"Huwag na nating isipin ang nangyari sa iyo dati ang mahalaga ay nandito ka ngayon at titiyakin namin na di mo na muli madadanas ang mga bagay na iyon." pahayag ni MJ at tinugon lamang siya nito ng isang ngiti.
"Halika na at tayo'y kumain na." kinuha ni Ivy ang kamay ni Adrian at hinihila patayo.
Tumayo naman si Adrian at dahil dito ay napansin ko na matangkad siya. Nang maglakad siya sa tabi ni MJ ay mas matangkad pa siya. Ako ay may taas na 5'4 at si MJ naman ay mas matangkad sa akin. Si MJ na nga ang pinakamatangkad sa amin kaya naman siguro kapansin pansin siya kapag naglalaro ng basketball. Kung hindi ako nagkakamali ay nasa 5'8 si MJ, o ngayon ay 5'10 na siya, subalit mas mataas parin sa kaniya si Adrian na siguro ay nasa 6' na.
Nakayakap si Ivy sa braso ni Adrian at nagtungo kaming lahat sa canteen. Agaw pansin sina Adrian at Ivy dahil mukha silang magkasintahan na naglalakad. Bagay din naman sila sa isa't isa dahil si Ivy ang maituturing na Venus ng San Fernando.
Pagtungo namin sa canteen ay mayroon ng mahabang pila. Kaya naman napilitan din kaming mag antay ng ilang sandali bago pa tuluyang mabili ang nais naming kainin. Nang makuha na namin ang pagkain, sa dulo ng pila, isang lalaki ang humarang sa daraanan namin.
"TABI!" sambit ng lalaki, "Huwag kang humarang sa daan ko."
"Paumanhin, ngunit maaari mo bang ulitin ang sabi mo." sambit ni Adrian.
"SABI KO UMALIS KA SA DADAANAN KO!" nagngangalit na tugon ng lalaki.
"Paano kung ayaw ko." dagdag pa ni Adrian.
"Adrian huwag mo nang patulan." bulong ni Ivy, "Si Bruce iyan, bully iyan dito at lahat ng gumalit sa kaniya tiyak na mabubugbog."
"Wala akong pakialam kung sino siya." pagpapatuloy ni Adrian, "Tayo ang nasa tama. Ito ang daan paalis sa pila at sa kabila naman ang simula ng pila. Tapos darating ka bigla dito, hindi iyan maaari dapat matuto kang maghintay at pumila tulad ng iba."
"Tsk! Makulit ka talaga!" sambit ni Bruce, "Tutal mukha namang sabik ka na sa pagkain mo, bakit hindi mo na tikman ngayon pa lamang!"
Hawak ni Adrian ang tray ng kaniyang pagkain. Laman nito ang isang soft drink, tinapay at mainit na pagkaing may sabaw. Kinuha ni Bruce ang soft drink na dala ni Adrian at ibinuhos sa kaniya. Nagulat ang lahat sa ginawang pagpapaligo kay Adrian ng soft drink. Ngayon lahat ng atensyon ay nasa kanilang dalawa.
"Sayang naman," sambit ni Adrian habang tumutulo pa mula sa buhok niya ang mga likido mula sa inumin, "paborito ko pa namang inumin iyon. Paano na itong soup ko, wala nang kapares, hindi na masarap, sayang naman. Alam ko na tutal naman ikaw ang nagsayang ng soft drink iyo na rin ito, huwag kang magsasayang ng pagkain!"
Matapos sambitin ni Adrian ang kaniyang mga paalala, siya naman ang nagbuhos at nagpaligo ng mainit na sabaw kay Bruce. Halatang nasaktan din ito dahil sa init subalit tiniis niya ito. Hinila ni Bruce si Adrian sa damit at hinagis. Tumama si Adrian sa isang mesa at di agad nakatayo.
"Tsk! Humanda ka sa akin kapag nakita ulit kita." umalis na si Bruce dahil sa sakit ng pagkapaso at kailangan niya magpalit ng damit. Ginamit din niya ang pagkakataong iyon upan maka alis ng paaralan at makagala.
"Duwag ka! Duwag ka!" sigaw ni Adrian, "Tandaan mo ito! Ang huling taong nanakit sa akin ay wala na ngayon sa mundong ito kaya mag iingat ka."
Matapos naman ay agad din na umalis si Adrian. Nagtungo siya sa palikuran upang linisin ang mga dumi at mantsa sa damit at katawan.
Ang palikuran ng aming paaralan ay nahahawig sa palikuran ng isang mall. May mga cubicle at isang mahabang salamin sa harap ng lababo.
Pagpasok niya sa palikuran ay agad niyang binuksan ang gripo at tumingin lamang sa salamin. Napakatahimik ng palikuran at tanging pag agos lamang ng tubig ang iyong maririnig. Ilang sandali pa ay ngumiti siya at biglang tumawa ng malakas, isang halakhak na nagpapahiwatig ng isang masamang balak.
"Mukhang masisiyahan ako sa lugar na ito!" sambit niya sa sarili.
Nang dumating kami sa banyo ay naghihilamos na siya at basang basa na ang buhok. Subalit iniisip niya kung ano ang gagawin niya sa basa niyang damit at paano niya ito papalitan.
"Hindi ka dapat sa CR nagtungo upang maglinis." sambit ni MJ sabay bigay ng towel kay Adrian, "May shower room naman tayo dito sa school."
"Ano ka ba?" sambit ko, "Nakalimutan mo na ba na accessible lang ang shower room kapag P.E. at tanging mga varsity lang na gaya mo ang malayang makakapasok dito."
"Heto nga pala," sabay abot ni MJ ng T-shirt kay Adrian, "pamalit ko yan minsan kapag tapos ng mga practice namin. Alam kong wala kang isusuot at naisip ko na siguro ay kakasya sa iyo ang damit ko. Huwag kang mag alala ang damit na sinusuot ko ay malaki ng konti kaya tiyak ako na sakto lamang ito sa iyo."
Naghubad na nga ng damit si Adrian upang mapalitan ang basang kasuotan niya kanina. Nabigla kami pareho ni MJ ng aming makita ang katawan ni Adrian. Mayroon siyang isang malaking peklat na mula sa isang pagkahiwa o pagkataga sa kaniya. Nagsimula ang hiwa sa kanang dibdib niya patungo sa kaliwang bahagi ng kaniyang tiyan. Hindi ko na rin napigilan ang aking sarili at nagtanong ako, subalit bago pa man ako makapagsalita ay sumagot na agad siya. Tila napansin niya ang pagkabigla namin ng sa kaniyang katawan.
"Ah ito ba? Tama kayo ng iniisip, ito nga ang sugat na gawa ng guro namin sa akin noon."
"Malaki pala ang sugat mo akala namin ay simpleng hiwa lamang." sambit ni MJ.
"Hayaan niyo na." tugon ni Adrian. "Nakaraan na ito. Hindi na natin dapat isipin o alalahanin pa ito. Dahil kapag patuloy tayong nagpadala sa mga kamalian ng ating nakaraan, hindi tayo magkakaroon ng oras na planohin ang isang magandang kinabukasan."
Matapos niyang magpalit ng damit ay nagtungo na kami sa aming classroom. Ipinaliwanag na rin namin sa aming mga guro ang dahilan kung bakir hindi naka-uniporme si Adrian.
Naging tahimik at payapa ang mga sumunod na araw. Hindi namin naisip o inisip man lamang kung ano ang pagbabago na nangyari sa aming school kaya naging tahimik ito. Hanggang sa isang araw ipinatawag si Adrian sa Principal's Office.
Sinamahan namin siya patungo sa office subalit siya na lamang mag isa ang pumasok upang makipag usap sa principal. Sa loob naroon ang ina ni Bruce at kinausap siya nito. Hindi naman nagtagal ang kanilang pag uusap kaya agad na nakalabas si Adrian. Paglabas ni Adrian isang malakas na hagulgol at pag iyak ang maririnig sa loob ng silid.
"Anong pinag usapan niyo?" usisa ko.
"Ilang araw na palang nawawala si Bruce at ang huling araw na nakita siya ay noong nakipag away siya sa akin."
"Kaya pala tahimik ang school ngayong linggo, kasi wala ang number one bully" pahayag ko, "Nga pala yung quiz next week sa English, dahil wala kang notes balak ka sana naming pahiramin. Kaya lang naisip namin, kung ayos lang sa iyo sa inyo na lamang tayo mag aral."
"Ayos lang naman sa akin."
"Kung ganoon ay ipagbibigay alam ko na sa kanila."
Dumating ang napagkasunduang araw na magrereview kami para sa darating na pagsusulit. Magkakaiba ang dinaanan namin subalit sabay sabay kaming dumating sa bahay ni Adrian.
Masasabi naming maganda ang bahay nina Adrian dahil tila isa itong mansion o tahanan ng mga maharlika sa ibang bansa. Lumapit kami sa pintuan at kumatok pero walang sumagot. Naghintay kami ng ilang sandali bago muling tumawag at kumatok sa pinto. Nang hawakan ko ang door knob ay nalaman kong hindi pala ito naka lock. Pipihitin ko na sana ang pinto ng biglang tumawag si Adrian mula sa gilid ng kanilang bahay.
"Hindi tayo diyan." pahayag niya, "Dito tayo sa dating bodega namin."
Nagtungo kami sa sinasabing bodega ni Adrian. Marahil dati isa itong bodega pero ngayon ay isa na itong magandang silid. Dahil bagong lipat pa lamang sila ay hindi pa ganoong ayos ang silid pero kakikitaan na ito ng kaayusan.
Sa silid ay may kama dito, marahil ito ang tinitigilan ni Adrian paminsan minsan. Sakto din sa pag aaral ang silid na ito dahil mayroon itong study table at board na may ilang papel na nakapaskil. Nang subukan kong basahin ang nakasulat sa mga papel ay tinakpan ni Adrian ito ng tela, kung hindi ako nagkakamali ay mga balita ito o bahaging kinuha sa mga magazine at dyaryo. May malaking mesa din na nakahanda para sa darating na bisita niya. May mga kahon din na nakapatas, marahil gamit na hindi pa naililipat.
"Siya nga pala sa likod ng mga kahon ay may isang pang maliit na silid. Hindi pa iyon masyadong nalilinis kaya huwag niyo muna sanang bubuksan. Marahil may mga hayop ding nanirahan doon dahil sa kalumaan kaya kung may maririnig kayo huwag niyo na sanang pansinin." paliwanag ni Adrian, "Maiwan ko muna kayo kukuha lamang ako ng makakain sa bahay."
Walo kami ngayong nasa silid ni Adrian. Ako, si MJ, si Ivy at iba pa naming kaibigan. Kasama na ang kambal na Montenegro, sina Dexter at Denver. Si Denver ang pinakamatalino sa aming section at ang kambal naman niyang si Dexter, na nasa star section, ang pinakamatalino sa buong campus. Siyempre mag aaral kami kaya isinama namin ang pinakamatalino naming kakila.
Kasama din namin si Matthew, mahirap lamang pero masayahin naming kaibigan. Si Harry na palagi na lamang sawi sa pag ibig. At ang best friend ni Ivy na si Mae. May ilan din kaming kaibigang inimbitahan na hindi nakasama dahil sa pamilya, responsibilidad at karamdaman.
Habang iniintay namin si Adrian ay nilibot namin ang silid niya. Kapansin pansin na maraming case at bote ng mga soft drinks ang silid ni Adrian, marahil ay mahilig talaga siya dito kaya ganito na karami ang nauubos niya.
Sina Matthew naman at Harry ay nagsimulang maglaro at maghabulan sa silid ni Adrian. Ang kambal, gaya ng palagi nilang ginagawa, nagtatalo na naman sa mga bagay na tanging matatalino lang nakakaalam. Si Ivy ay nagsisimulang nang magalit dahil sa kaguluhang ginagawa ng aming mga kasama.
Napilitan si MJ na pigilan sina Matthew at Harry. Sa takot ng dalawa ay lalo silang nagmadali sa pagtakbo at di sinasadyang nabangga ang mga kahong maayos na nakapatas. Gaya nga ng sabi ni Adrian ay may silid pa na natatakpan ng mga kahon.
Isa isa naming pinulot ang mga kahon para maibalik ito sa ayos. Sana sina Matthew at Harry na lamang ang hahayaan naming mag ayos ng gamit dahil sila naman ang naggulo nito. Subalit naisip namin na baka magalit sa aming lahat si Adrian kapag nakita niya ang kalat.
Habang pinapatas namin ang mga kahon ay nakarinig kaming tunog mula sa pintong nasa harapan namin ngayon. Lahat kami ay natigil sa aming ginagawa at nagkatinginan lamang, nakikiramdam kung sino ang unang kikilos. Hindi malinaw sa amin kung ano ang aming narinig, isa ba itong kaluskos, mahinang panaghoy o kagamitang nahulog namin. Isa lamang ang sigurado na hindi ito guni guni dahil lahat kami ay malinaw na narinig iyon at nasisiguro kami na iisang lugar lang ang pinagmulan nito.
Nagkasundo kami na buksan ang pintuan dahil sa kabilang bahagi lamang nito ang magbibigay linaw sa aming narinig. Ang nanging problema ay kung sino ang magbubukas ng pintuan. Dito muling nagsimula ang aming pagtatalo hanggang sa napagkasunduang daanin sa bato bato pick ang pagdedesisyon. At si MJ nga ang naatasang magbukas nito, kahit na best friend ko pa siya ay wala ako sa tabi niya ng subukan niyang buksan ang pintuan.
Lahat kami ay natiginal sa aming kinatatayuan dahil sa aming nakita. Ang pagbubukas ng pintong iyon ay hindi nagbigay ng kasagutan, sa halip naging dahilan ito upang magkaroon ng panibagong katanungan ang aming isipan.
Sa loob nito isang lalaki ang nakatali sa upuan at nababalot ito ng dugo. Maraming sugat ang katawan at halos mawalan na ng malay. Hindi lamang kung sinong lalaki ang nakagapos ngayon, kilalal naming lahat kung sino siya at tiyak na di siya malilimutan.
Ang lalaking nagbigay takot sa bawat mag aaral sa San Fernando. Ang lalaking walang sinuman ang makagapi at nangahas na labanan. Ang lalaking ipinagdadasal ng lahat na mawala na lamang. Ang lalaking, ang pagkawala ay nagdulot ng kaginhawaan sa karamihan. At higit sa lahat ang lalaking nakalaban at pinagbantaan ni Adrian.
Si Bruce!
Si Bruce ang lalaking ngayon ay nagdudusa sa kanilang harapan. Ang dating hindi nagagapi ngayon ay naghihirap dahil sa bagong saltang lalaki. At ano naman ang nais makuha ni Adrian sa pagtatago at pagkukulong kay Bruce.
Pinilit naming lahat na huwag masuka sa aming nakikita. Subalit hindi napigilan ni Ivy na magkalat sa lugar na ito. Sa pagkabigla at takot ay napatakbo si Mae, nadapa siya at napakapit sa tela na nakatakip sa board. Dito lumantad ang mga papel na itinago ni Adrian sa amin.
Mga artikulo at balita tungkol sa lumang bayan na pinagmulan niya at sa San Fernando. Mga impormasyon at larawan namin at nang iba pang mamamayan ng San Fernado. Hindi lamang iyan may mga libro at piraso din na nagsasaad ng paraan ng pagpapahirap at mga simbolong di namin nauunawaan.
Habang lahat kami ay naguguluhan at di makagalaw sa dahil sa pagkalito at takot. Nakarinig pa kami ng tinig na nagdagdag sa aming pangamba.
"Hindi ba sinabi ko na huwag ninyong bubuksan ang pintuang iyan!?" pagbati ni Adrian dala ang mga biscuit at inumin na kinuha niya sa kanilang bahay.
— 次の章はもうすぐ掲載する — レビューを書く