Naramdaman ko ang liwanag sa kabila ng sarado kong mata. Dahan dahan kong binuksan ito at tinitigang ang lumiliwanag na kalangitan. Pinilit ko ang sarili kong bumangon at lumingon sa aking kanan. Tumambad sa akin ang papausbong na araw na siyang simbolo ng bagong umaga. Hindi ko na pinansin ang mga buhanging dumikit sa aking katawan o kung ano na ang aking hitsura matapos kong lumuha ng matindi.
Bagong umaga...
Ngayon ay isa na namang panibagong simula...
Ilang umaga na ba ang nagdaan matapos ang pangyayari na yun? Ilang umaga na ba akong nagtatanong kung para kanino pa ako bumabangon? Ilang umaga lang ba ako naging masaya? Ilang umaga lang ba ang nagparamdan sa akin na masarap ang mabuhay? Darating ba ang araw na gigising ako na mararamdaman ang kaluwagan sa aking kalooban? Itinaas ko ang kanang kamay na tila bang kaya kong hawakan ang araw. Ginalaw galaw ko ito at hinayaan ang pagtakas ng liwanag mula sa espasyo sa pagitan ng aking mga daliri. Napatingin ako sa aking braso na may bakas ng mga buhangin. Ibinaba ko ang aking kamay at ramdam ko ang init mula dito. Muli akong tumingin sa kalayuan. Kailangan kong bumangon. Kailangan kong lumaban. Pinilit kong tumayo kahit ba pakiramdam ko ay wala na akong lakas kahit pa muntikan na akong matumba.
Ilang beses ko bang pinilit bumangon? Marami na. Ilang beses ko bang pinili na maging masaya? Marami na. Ilang beses na ba akong lumaban kahit masakit? Marami na.
Maraming beses na akong sumubok. Pakonti konti kahit ba tila usad pagong ako patuloy akong susubok. Tinalikuran ako ang sumisikat na araw at nakayukong naglakad patungo sa aking tahanan. Ramdam ko ang bigat sa bawat hakbang na para bang tutumba ako anumang oras. Nararamdaman ko na din ang unti unting pagdilim ng aking paningin. Kailangan kong makauwi. Kailangan kong makauwi. Iyan ang paulit ulit kong sinasabi sa aking sarili. Tanaw ko na ang bakod. Sa aking isip ay tinatakbo ko na ito pero sa katunayan ay mabagal ang aking mga hakbang. Napaluhod akong bigla at tinukod ko ang aking may kamay bilang suporta. Ramdam ko ang pagmuo ng mga malalamig na pawis. Kailangan kong makauwi kung kailangan kong gumapang pauwi ay gagawin ko. Pinilit kong tumayo pero wala na akong lakas. Kailangan kong makauwi...
"Carly!" narinig ko ang pagtawag sa aking pangalan ngunit malabo. Sinundan ko ng tingin kung saan nanggaling ang tinig pero malabo na talaga ang aking paningin.
Baka ito na ang huli kong umaga... At tuluyan na akong nilamon ng kadiliman.
---
Masaya kong bitbit ang supot ng mga tsokolate na dala ko mula sa siyudad. Ilang araw ko na siyang hindi nakakausap. Alam ko namang hindi na niya masyadong binibigyang pansin ang kanyang telepono. Mahirap tumakas sa trabaho ultimo weekends ko ay kinanain ng trabaho. Sandamakmak na deadlines. Sandamakmak na demands. Kailangan ko nang huminga.
Sa kalayuan ay nakita ko ang pagtumba ng isang babae. Dahan dahan ang lakad nito at pasuray suray. Sinundan ko ito ng tingin at parang alam ko na ang pamilyar na bakod na ito. Si Carly ito? Tinawag ko ito at tumakbo patungo sa kanya. Hinang hina ito at lumingon pa sa aking direksyon. Nakatingin siya sa kawalan. Tuluyan na itong tumumba. Tinawag ko siya na makailang ulit ngunit hindi na ito sumasagot. Pinakiramdaman ko ang paghinga nito. Salamat sa Diyos at humihinga pa siya. Binuhat ko siya patungo sa kanilang bahay. Parang nangyari na to ah? Naalala ko nung niligtas ko siya sa dagat. Akala ko ba okay ka na? Bakit nagkakaganito ka na naman.
Tinawag ko si tita at binalita ang nangyari. Tinawag din nila ang doctor sa bayan para tignan siyang muli. Binigyan siya ng IV drip. Tinuruan na kami ng nars na kasama niya kung paano ito tatanggalin.
"Kakadalaw lang ng pamilya niya. Mukhang okay naman siya. Ano na naman kaya nag nangyari sa kanya?" ani ng aking tiyahin.
"Kahit anong pilit natin hindi talaga natin siya maintindihan. Iba iba tayo ng paraan para mag cope up sa mga pagsubok." sagot ko.
"Baka gusto lang niya ipakita sa pamilya na okay siya kahit hindi." saad nito. "Maintindihan naman siya ng pamilya niya e kung hindi talaga siya okay. It's okay not to be okay." dagdag pa nito.
"Baka natrigger na naman siya?" duda ko.
"Hayaan na muna natin siya magpahinga. Dito ka muna para anumang oras siya magising ay maasikaso mo siya. Dadalhin ko ang lugaw dito."
"Sige po tita." inihatid ko siya sa palabas ngunit tumanggi na ito. Minabuti ko na lamang na maghintay sa sala. Mukhang mahaba haba ang magiging tulog niya. Mabuti na lamang at dumating ako sa oras kundi baka kung napaano na siya. Buti na lang sakto din ang araw ng punta ko. Kailan ka ba magiging okay Carly? Gusto ko lang sumaya ka ulit at malampasan mo na ang pagsubok na ito. Hindi ako mapakali kaya minabuti kong silipin siyang muli. Tulog pa din ito at malapit na mangalahati ang kanyang suero. Isinara ko ang pintuan at napabuntong hininga na lamang ako. Anumang oras pwede nitong piliin ang wakasan ang kanyang buhay. Paano kung walang tao sa kanyang paligid? Hindi na din naman ako basta basta makakaluwas na gaya ng dati. Ano ang dapat gawin?
Darating pa ba ang isang umaga na masaya para sa kanya?
29/05/2021
— 次の章はもうすぐ掲載する — レビューを書く