Tinignan ni Maia ang saradong pinto nang makarinig ng pagkatok. At nang umulit ang pagkatok na iyon kasabay ng pagtawag ni Otis sa pangalan ni Malika, hindi maiwasan ang pag-asim ng kaniyang ekspresyon.
At aaminin rin niya na may pagtataka sa kaniya dahil hindi na lamang ito pumasok. Hindi ba na iyon ang nakasanayan nito?
Kung anuman, mas interesado pa rin siya sa dahilan kung bakit ito nandito ngayon. Batid niya na oras na ng tanghalian at bilang narito ngayon ang Mahal na Prinsipe ng Leyran, alam rin niyang dapat siya ay sumabay sa pagkain. Ngunit kung maaari lamang, hindi siya lalabas ng silid na ito---dahil sa mga malinaw na rason.
Sa kaniyang naalala mula sa pagtitipon, mas lalong hindi niya alam kung paano haharapin ang Mahal na Prinsipe; at sa mga nangyari naman sa kaniya at sa pamilyang umampon kay Malika, aaminin niyang naiilang na siya na makasama ang mga ito. Lalo pa na sa silid-kainan nangyari ang 'pakikipagtalo' niya sa mga ito na nagdala sa kaniya sa sitwasyong ito ngayon.
Malinaw pa rin sa kaniya kung paano niya pinagbintangan ang mga ito tungkol sa pagkaing hinahain kay Malika na sa ngayon ay kaniyang napag-alamang wala namang tunay na mga kasalanan. At oo, malinaw rin sa kaniya na nagawa ng mga ito na humingi ng paumanhin.
Gayunpaman, alam niyang kailangan pa rin niyang mag-ingat sa mga ito. At hangga't maaari, ayaw na niyang maki-halubilo sa mga ito o sa kahit na sino sa mundong ito.
Kumatok muli si Otis at batid ni Maia na wala na siyang magagawa upang maiwasan ang sitwasyon na dapat niyang harapin. Kung maaari lamang, magpapanggap na lamang siyang tulog o kaya ay may sakit ngunit hindi na iyon uubra lalo pa na kaniyang nakita at nakausap na ang Punong Lakan kanina, ganoon din ang Kamahalan. Ang huling bagay na nais niyang maisip ng mga ito, lalo na ang prinsipe, ay sinasadya niya itong iwasan---kahit totoo pa iyon. Mahirap na at baka masamain pa ng mga ito iyon at tuluyan na ngang siya ay ipapatay---kahit na malaki na ang tyansa na iyon nga ang magagawa ng Prinsipe sa kaniya.
Alinman, titiyakin niyang hindi siya mamamatay nang hindi lumalaban. Kung siya ay palarin, maaaring makaalis pa rin siya nang tahimik at buhay sa pagsapit ng dilim.
"Pasok," tahimik ngunit malinaw niyang tugon. Agad na pumasok si Otis at hindi maiwasan ang pag-seryoso ng kaniyang mukha nang makita na kasunod nito ang tagapaglingkod na kaniyang pinaalis kanina, may tulak-tulak itong karitela ng pagkain.
Batid niya na wala naman talaga siyang karapatan na paalisin ang tagapaglingkod lalo na kung ang Punong Lakan ang nagpasok dito. Ngunit sa mga nangyari... lalo na dahil sa paghingi ng Kaniyang Kataasan ng paumanhin, umasa siya na hahayaan siya nito. Na maaari, kahit sa maliit na posibilidad, ay pakinggan nito si 'Malika' at ibigay dito ang nais nito. Ngunit mali siya.
At katulad ng kaniyang tunay na ama, ganoon din ang Punong Lakan. Wala itong pakialam sa kung ano ang nais ng anak nito. Ang mahalaga ay ang masunod ang utos nito.
Ang magandang balita lamang sa kaniyang kasalukuyang nasasaksihan ay ang pagkain na dala ng mga ito. Mukhang hindi niya kailangang sumabay sa mga maginoo sa pagkain ngayong pananghalian.
Kung iyon ay dahil sa nakaalis na ang Kamahalan o maaaring ikinahihiya siya ng Punong Lakan, o sa isang magandang himala ay ayaw na siyang makasabay ng mag-amang maginoo sa pagkain, hindi niya tiyak. Ngunit kahit alin pa doon, hindi naman niya masasabing malulungkot siya o may pakialam siya. Mas pabor pa sa kaniya ang sitwasyon.
"Nasaan si Mindy?" kaniyang tanong. Ngayon, mas dapat niyang unahin at malaman kung ano ang mangyayari sa nag-iisang taong pinagkatiwalaan ni Malika lalo na't narito na ang bagong tagapaglingkod. Hindi siya makaaalis kung hindi niya matitiyak na magiging ligtas rin ito.
"Huwag po kayong mag-alala, Mahal na Binibini," simula ni Otis, pansin niya ang magalang na tinig nito. "Ayon po sa inyong Ama, naiintindihan po ng Kaniyang Kataasan ang inyong pagnanais na panatilihin ang inyong tagapaglingkod. Kung kaya hindi po kailangan na umalis ang dalagang iyon. Ngunit bilang alipin, mapapanatag po ang Punong Lakan kung may iba pa kayong tagapaglingkod na nagmula sa malalayang tao---kahit isang karagdagang tagapaglingkod man lamang, Mahal na Binibini. Ito po ay para rin sa inyong ikabubuti."
Malinaw sa kaniya na ang ibig nitong sabihin ay para sa ikabubuti ng pangalan ng Pamilya Raselis. At malinaw rin na ginagamit ng mga ito si Mindy upang siya ay mapasunod.
Hindi kinakailangan na umalis nito kung hahayaan niya na maging kaniya ring tagapaglingkod si Ilaria. Iyon ang kundisyon ng Punong Lakan.
Malinaw at nakabibingi ang mensahe. Kuha niya. Ngunit...
"Naiintindihan ko ang lahat. Kung iyon ang ikapapanatag ng loob ng Punong Lakan, walang problema sa akin." Ipinagdikit niya ang kaniyang mga labi bago nagpatuloy, "Ngunit hindi mo sinagot ang aking tanong, Otis," may bigat na kaniyang dagdag.
Bahagya itong yumuko. "Paumanhin po, Mahal na Binibini. Hindi ko po ibig na hindi masagot ang inyong katanungan ngunit sa katotohanan po, wala pong nalalaman ang katiwalang ito. Ang tangi ko lamang pong natitiyak ay kasama ng inyong kapatid, ang Mahal na Lakan, ang inyong tagapaglingkod, at bago pa sumapit ang dilim, sila po ay agad ring babalik."
Bahagyang kumunot ang noo ni Maia. "Ang Lakan ang dahilan kung bakit wala si Mindy dito ngayon?"
"Opo, Binibini. Kaya sana po ay hindi kayo mabahala."
Nais sumalungat ni Maia sa sinabing iyon ni Otis. Ngunit nang kaniyang maisip na maaaring tama ito sapagkat si Malika ang dapat mag-ingat kay Akila at hindi si Mindy, nagpasya siyang paniwalaan ito---sa ngayon.
Sana lamang na hindi siya magkamali at tunay na makababalik si Mindy. Sapagkat kung may mangyari dito, hindi niya alam kung anong mukha ang kaniyang ihaharap kay Malika.
Huminga siya ng malalim. "Nauunawaan ko kung gayon. At?" tanong niya sapagkat malinaw rin na hindi lamang tungkol sa sitwasyon ng kaniyang mga tagapaglingkod ang dahilan kung bakit ito nandito ngayon.
Napahinto si Otis ngunit agad ring yumuko, may maliit na ngiti sa labi nito. "Napakahusay, Mahal na Binibini. Kahanga-hanga po ang inyong taglay na kabatiran."
Halos umikot ang mata ni Maia sa narinig ngunit pinili na lamang niyang ilabas sa kabilang tenga ang mga iyon at pakinggan lamang ang mga susunod nitong sasabihin.
"Nais pong hilingin sa inyo ng inyong Mahal na Ama na simula bukas, kung maaari na kayo po ay sumabay sa bawat pagkain. Hangga't maaari, nais pong iwasan ng Punong Lakan na kayo ay kumain nang mag-isa dito po sa inyong silid. Maliban na lamang po sa mga araw na maaaring hindi maganda ang inyong pakiramdam."
Hilingin?
Seryoso ba ang mga ito?
Pagkatapos ang malinaw na pagbabanta ng mga ito na aalisin si Mindy, nais ng mga ito na hilingin na siya ay makasama sa pagkain?
Isa pa, bakit kailangan pa na siya ay sumabay? Maiintindihan niya kung iyon ay sa tuwing may bisita lamang upang maipakita na 'maayos' ang pamilya ng mga ito ngunit ang maging kasanayan iyon? Bakit?
Sa mga nangyari at sa kaniyang mga nasabi, hindi ba na mas tama lang kung hindi na siya sasabay sa mga ito? Upang maiwasan ang gulo at hindi na lumalim pa ang mga hindi pagkakaunawaan?
"At huwag rin po kayong mag-alala, Mahal na Binibini," pagpapatuloy ng matanda na nagpahinto sa kaniyang mga iniisip. "...tinitiyak po ng Kaniyang Kataasan na hinding-hindi na mauulit ang mga nangyari sa inyo sa mga nakalipas na taon. Iyon rin po ang pinaka-mahalagang tungkulin ng inyong bagong tagapaglingkod na si Ilaria. Bilang isang mahusay na kusinera, siya po ang mismong maghahanda ng inyong mga kakainin upang matiyak na masarap at ligtas ang lahat ng ihahain sa inyo."
Binaling ni Maia ang tingin sa tagapaglingkod na tila ay nahiya at agad na yumuko nang siya ay lumingon. At ngayong tinititigan niya ito nang mas mabuti, masasabi niyang ibang-iba ito kay Mindy.
Maayos at tuwid ang tindig nito, napakalinis ang kasuotan nito bagaman karaniwang pang-tagapaglingkod na bestido ang suot nito... ngunit ang tunay na nakakuha sa kaniyang atensyon ay kung gaano kakinang at mukhang napakalambot ang kulay pilak na buhok nito. Para sa isang malayang tao, hindi karaniwan iyon.
Inalis ni Maia ang tingin dito bago napailing sa isip at itinigil ang mga tanong at pagdududa na naglalaro sa kaniya tungkol kay Ilaria at sa mga sinabi ni Otis.
Hindi na dapat niya inaalala ang mga iyon. Kung tutuusin, kapag natuloy ang kaniyang plano, bukas ng umaga ay maaaring nakalayo na siya sa palasyong ito... sa lugar na ito.
Hindi. Kaniya iyong titiyakin. Kung kaya wala nang saysay ang pag-iisip sa mga bagay na hindi mangyayari---tulad ng pagsabay niya sa pagkain at pagkakaroon ng bagong tagapaglingkod.
Matapos niyang matiyak na ligtas si Mindy, agad na siyang aalis. At kaniyang titiyakin na hinding-hindi na makikita ang kahit na sino na nakilala at nakasalamuha ni Malika sa lugar na ito.
Hahanapin niya ang lugar kung saan niya mahahanap ang kapayapaan at maipakita at maibahagi rin iyon kay Malika... sa huling buhay ng katawan nito.
"Naiintindihan ko," payak niyang sagot matapos niyang magpakawala ng malalim na paghinga na tila ay nagpalaya sa bigat ng kaniyang mga balikat. "Kung iyon lamang, makaaalis ka na."
"Kung inyong mamarapatin, Mahal na Binibini, may nais po sana akong sabihin."
Halos tumaas ang kanang kilay ni Maia nang marinig ang sinabi ni Otis. Sa katotohanan, may bahagi sa kaniya na ayaw marinig ang kung anuman ang lalabas pa sa bibig nito, para na rin kay Malika. Ngunit hindi niya rin maiwasang mausisa sa kung ano ang nais nitong sabihin sa dalaga na halos buong buhay ay pinakitaan nito ng kawalang-galang.
Matapos ang ilang segundo ng pag-iisip, marahan ngunit mabilis na inilahad ni Maia ang kaniyang kaliwang kamay, tanda na pinapahintulutan niya itong magpatuloy bago siya humalukipkip.
"Maraming salamat po, Mahal na Binibini," magalang na sambit nito, habang bahagyang nakayuko. At sa pagkurap ni Maia, nasa sahig na ang noo at mga palad nito, isang pangyayari na hindi niya maikakaila na kaniyang ikinagulat. At kung hindi lang sa pagsinghap ni Ilaria at sa kamang nasa kaniyang likuran, tiyak siyang napaatras na siya sa kaniyang kinatatayuan dahil sa pagkabiglang iyon.
"Sa lahat po ng kalapastanganang aking nakamit laban sa inyo, ako po ay lubos na humihingi ng paumanhin. At handa po akong tanggapin ang kahit anong kaparusahang inyong ipapataw sa akin, Mahal na Binibini."
Hindi alam ni Maia kung ilang segundo o minuto siyang nakatitig sa nakaluhod na Punong Katiwala. At aaminin niya na kumpara kay Mindy, masasabi niyang siya ay mas naasiwa na makita itong ganito sa kaniyang harap---marahil sa malinaw na katotohanang higit na nakatatanda ito sa kaniya.
Alam niyang malaki ang pagkakasala nito kay Malika, ngunit hindi niya mahanap sa sarili na matuwa sa nangyayari at ginagawa nito. At iyon ay marahil naman na sa kaniyang isipan, hindi bukal sa loob nito ang paghingi ng tawad. Maaaring nababahala lamang ito para sa sarili sapagkat pinaalis ng Punong Lakan ang lahat ng tagapaglingkod sa palasyo. Humihingi lamang ito ng paumanhin ngayon sa pag-asang mailigtas nito ang sarili at ang hanap-buhay nito.
"Otis, maaari ka nang tumayo at lumabas," walang kahit anong emosyon na kaniyang tugon.
"B-Binibini?" mahinang sambit nito.
Malinaw ang kalituhan at pagkabigla sa silid---galing kay Otis at maging kay Ilaria. Ngunit masasabi niya na walang-wala ang mga iyon sa nararamdaman niyang pagkalito... at inis.
Bakit siya muli ang kailangang makasaksi sa paghingi ng paumanhin na para dapat ay kay Malika?
Maaaring alam niya ang mga nangyari dito, ang mga pinagdaanan nito, ngunit wala siya ni katiting na ideya sa kung ano ang kaniyang dapat gawin o sabihin sa ganitong sitwasyon. Wala siyang karapatan upang magbigay ng kaparusahan... o ang magpatawad sa ngalan nito.
Dalawang bagay iyon na hindi niya maatim na gawin para dito. Masyadong personal ang mga iyon upang siya ang mag-desisyon.
Nakalulungkot man, huli na ang mga ito sa paghingi ng paumanhin.
At wala siyang planong pagaanin ang pakiramdam ng mga ito sa 'pagpapatawad' sa mga ito. Kay Malika lamang siya may responsibilidad, at iyon ay ang protektahan ang katawan nito, ang natitirang oras nito sa mundong ito.
At para sa mga taong nakasakit dito...
Sa katotohanan, ayaw na niyang problemahin pa ang mga ito.
Nais na lamang niyang ituon ang atensyon sa pag-alis at sa kaunting oras na mayroon rin siya sa katawang ito.
"Ako ay iyong narinig sa unang pagkakataon. Hindi ko na uulitin ang aking nasabi."
Nalilito man, maingat ngunit agad ding tumayo ang matanda. Malalim itong yumuko bago nagsalita muli, ang paggalang ay malinaw pa rin sa tinig nito. "Masusunod po, Inyong Kataasan."
Halos mangiwi si Maia sa ginamit nitong pagtawag sa kaniya ngunit hindi na niya ito pinansin hanggang sa tuluyan na itong makalabas. Ilang segundo rin ang lumipas bago niya muling naalala na may kasama pa siya sa silid---ang bagong tagapaglingkod ni Malika.
Humugot siya ng malalim na paghinga bago itinuon ang atensyon dito. "Ilaria, iyong nakita ang ginawang pagluhod ni Otis..."
Marahang tumango-tango ang bagong tagapaglingkod kahit hindi naman siya tunay na nagtatanong, may bahid ng pangamba sa mga mata nito.
Naglakad siya patungo sa gitna ng silid kung nasaan ang mga kanape at umupo sa isa bago nagpatuloy, "Iyon ang isang bagay na huwag na huwag mong gagawin sa akin."
"Eh?" Bumilog ang mga mata nito kasabay ng pag-awang ng mga labi nito, malinaw ang kalituhang naglalaro sa isip nito. Ngunit nang tinignan lamang ito ni Maia, tila ay natauhan ito at agad na inayos ang sarili. "O-Opo, Mahal na Binibini! Paumanhin po. Masusunod po," malinaw ngunit may kaba na sabi nito.
Tinanggal ni Maia ang tingin dito at hindi niya maiwasang mapaisip. Bakit nga ba kaniya pang nasabi iyon?
Bumaba ang kaniyang tingin sa mesa sa kaniyang harap kung saan niya inilapag ang luntiang rosas na ibinigay ng Prinsipe ng Leyran.
Hindi na iyon kailangan pa.
— 次の章はもうすぐ掲載する — レビューを書く