DAHAN-DAHAN bumukas ang pintuang nakapinid. Kahit napakadilim ay kitang-kita ko ang pagpasok ni Dexter. Nanginginig na ang mga tuhod at hita ko habang nasa likod ako ng pintuan, Nang tuluyang makapasok na si Dexter ay agad akong nagtatakbo palabas ng kuwartong kinaroroonan namin.
Nakita ko pa ang makahulugang ngisi niya patumbok sa aking naiwang si Touishiro. Gusto ko man siyang balikan at hilahin palabas ay hindi ko na magawa dahil kailangan kong unahin si Dada.
Tiningnan ko sa silid si Dada ngunit wala siya roon. Mabilis akong nagpunta sa kusina at nakita ko naman agad ito. Nakatali ang mga paa at kamay niya sa inuupuang kahoy at walang malay. Nang tuluyan ko siyang malapitan ay agad kong inalis ang panyong nakatali sa kaniyang bunganga.
"Are you alright, Dada? May masakit ba sa yo? May ginawa bang masama sa iyo si Dexter?" puno ng pag-aalalang tanong ko. Mukhang hinang-hina si Dada sa hitsura niya ngayon. Namumutla siya at balot ng takot ang mukha.
"W-wala naman akong nararamdamang masakit bukod sa batok kong kumikirot, Kuya Nakame."
Nang tuluyang matanggal ko na ang mga tali niya ay agad ko na siyang hinila. Ngunit sa pagkagulat naming dalawa ay isang tali ang natapakan namin. Sa isang kisapmata ay nagkaroon na ng apoy at mabilis na gumapang ang naglalagablab at nangangalit na apoy sa loob ng kusina. Lalo kaming nataranta pagkatapos. Halos Hindi kami makagalaw.
Dahil sa luma na ang mansyon at puro kahoy ang pundasyong ginamit dito ay natitiyak kong mabilis na tutupukin ito ng apoy. Nagtatakbo kami sa may back door ngunit nataranta ako nang mapagtantong naka-double lock iyon. Lalo akong nataranta nang madilaan na ng apoy ang kaliwa kong braso.
"Gagong Dex 'yan! Isasali pa tayo sa pagkabaliw niya! Kung gusto niyang magpakamatay. . . huwag niya tayong isali!"Nanggagalaiti kong saad. Lakad at takbo ang ginawa namin ni Dada para makaligtas. Mabilis ang ginawa naming mga hakbang papuntang sala kung saan naman naroon ang main door.
"Kuya, paano na tayo? Natatakot na ako!"nanginginig ang boses na saad ni Dada mula sa aking likuran.
Lalo kaming kinain ng takot nang mabilis nang kumakalat ang apoy sa buong mansiyon. Pilit na binubuksan ni Dada ang pintuan. Nagsisigaw na siya at maski akoy tuliro na. Pati ako ay parang gusto nang baklasin ang mga bintana, ngunit nadismaya kami dahil naka-double lock din iyon.
Narinig ko sa aking tabi ang umiiyak nang si Dada. "Hindi na tayo palalabasin ni Kuya Dexter nang buhay. Mamatay na tayo, Kuya Nakame! Masusunog tayo nang buhay!" Nag-umpisa na siyang mapaiyak.
Napatikom na lang ako ng bibig dahil pati ako ay hindi na makapag-isip. Letseng Dexter na iyan! Kung ganoon nga ang pinaplano niya ay isasama natin siya sa kamatayan! huling sabi ko. Mabilis kong hinawakan ang mga kamay ni Dada para upang hilahin siya papunta sa banda roon ngunit bigla na lamang may sumabog sa may kusina dahilan upang mawalan kami ni Dada ng malay at bumagsak sa gitna ng natutupok na mansiyon.
HINAYAAN kong makatakbo si Nakame dahil wala rin naman siyang magagawa, Naka-double lock ang lahat ng puwede nilang malabasan.
Plinano ko na lahat ng apoy na unti-unting tutupok sa mansiyon. Wala akong pakialam kung mamatay kaming lahat. Bastat walang makakaalam ng sikreto ko. Papatayin ko silang lahat kahit mga kadugo ko pa ang mga ito. Mahigpit kong hinawakan ang hawakan ng katana at mabilis na iwinasiwas kay Tosh.
Lalo akong nasabik nang marinig ko ang malakas niyang pag-aray. Tiyak na natamaan ko ito dahil naamoy ko ang masaganang dugong umaagos sa kaniya. Para akong lalong nauulol dahil may mga bumubulong sa akin na magpatuloy lang sa ginagawa.
Kitang-kita ko ang magkahalong takot at pagkamuhi sa mukha ni Tosh habang nakahawak siya sa beywang niya na siyang natamaan ko kanina.
Mabilis akong tumakbo papunta sa kaniya ngunit nakailag siya at malakas akong itinulak kaya natumba ako at nabitawan ko ang katana.
Mabilis akong dinamba ni Tosh at ipinalo sa ulo ko ang hawak niyang lamp shade. Halos mawalan ako ng ulirat ngunit nanatili akong gising.
"Hindi kita papayagan, Dex! Papatayin muna kita bago mo maisakatuparan ang mga plano mo! Kahit umabot na pati buhay ko ay isasakripisyo ko huwag lang madamay sina Dada at Nakame!" puno ng determinasyon ang tinig nito.
Lalo akong ginanahan at mahigpit kong hinawakan ang braso ni Tosh na nakahawak sa lampshaide. Nagbuno kami at nagpagulong-gulong. Dinakma ko ang nasugatang beywang niya at mariing pinisil iyon upang mabitiwan niya nang tuluyan ang hawak-hawak. Napayuko siya sa sahig.
Kitang-kita ko ang pamimilipit niya dahil sa ginawa ko. Ramdam na ramdam ko na sa balat ko ang mainit na dapyo ng nangangalit na apoy.
Dahan-dahan kong nilapitan ang katana ngunit mahigpit namang niyakap ni Tosh ang mga binti ko. Malakas ko siyang sinipa sa mukha para agad siyang mapabitiw. Mabilis kong kinuha ang katana at itinapon iyon kay Tosh na nawalan naman ng malay.
"Maiiwan na kita, Tosh. Hayaan mo, isusunod ko si Dada at Nakame sa pupuntahan mo!" nababaliw kong bulyaw rito at iika-ikang lumabas ng kuwarto ko.
Sinalubong ako ng mas higit na naglalagablab na apoy. Dinama ko ang sugat ko sa ulo na inaaagusan na ng dugo. Sa kabila niyon ay lalong nag-umapaw sa akin ang pagkasabik.
Nang makita ko sila Nakame at Dada ay nakaratay sila sa baldosa. Agad kong nilapitan si Nakame. Hinawakan ko nang mahigpit ang buhok niya at itinapat ko ang aking mukha sa kaniyang mukha. Bigla itong naalimpungatan dahil sa higpit ng pagkakasabunot ko sa kaniyang buhok. Tila kumikilala pa siya
Kasiyahan ang nangibabaw sa lumbay na aking nadarama. Halo-halong emosyon na ang nararamdaman ko ngayon.
Agad ang pagbaling ko rito nang dahan-dahan itong magsalita.
"Mapatay mo man kaming lahat, Dex, darating din ang panahon na mabubunyag lahat ng mga ginawa mong ito. Hindi mo matatakasan ang lahat kaya pakiusap, itigil na natin ito! Please naman, maawa ka Dex!"
Halos nagtagis ang mga ngipin ko at lalong hinigpitan ang pagkakahawak sa buhok ni Nakame. Sa isang iglap ay malakas kong iniuntog sa matigas na marmol ng aming mansiyon ang mukha niya.
"Wa-walang makakapigil sa-sa akin dahil papatayin ko ang lahat ng sagabal sa landas ko!" hinihingal kong sabi. Ramdam na ramdam ko ang panggigigil at pananabik sa mga kaganapan. Dahan-dahan ko nang binitiwan ang ulo ni Nakame. Tiyak na basag na basag ang mukha niya sa ginawa ko.
Nakita ko pang nangisay ang katawan niya bago hugutin ni Nakame ang huling hiniga. Mayamaya ay narinig ko ang matinis na tili ni Dada. Dali-dali siyang lumapit kay Nakame at nag-iiyak. "Tumigil ka, Dada! Huwag kang mag-aalala dahil isusunod na kita sa Kuya Nakame at Kuya Tosh mo!"
Kitang-kita ko rito ang pagkapuot. Patakbo siyangng lumapit at pinagsusuntok ako. "Wala kang puso! Hindi ikaw ang kakambal naming si Dexter dahil demonyo ka! Mabubu. . ." Hindi na naituloy ni Dada ang sasabihin nang mahigpit ko siyang sinakal. Nang mukhang malalagutan na siya ng hininga ay dahan-dahan kong ibinaon sa sikmura niya ang katana.
Nagsuka na siya ng dugo. Mabilis kong hinugot ang katana sa katawan niya nang matiyak kong wala na siyang buhay at hinayaan siyang bumagsak sa sahig.
"Hindi!" sigaw ni Tosh at malakas niyang ihinataw sa akin ang umaapoy na kahoy. Agad kong isinangga ang aking braso, pero dahil malakas ang impact ay naitulak ako sa gilid. Hindi ko hinayaang mawalan ako ng ulirat dahil kailangan kong tapusin ang inumpisahan ko.
Mabilis akong tumayo at halos pangapusan ako ng hininga nang maramdaman ko ang hapdi sa nasunog kong balat sa kanang braso. Agad kong dinampot ang katana at itinaas sa uluhan ni Toshiro habang patuloy lang siya sa pag-iyak. Tinitigan ko siya.
"Alam mo ba, Tosh, kung paano ko pinatay ang Mama? "
Napakurap siya nang ilang beses. Kitang-kita ko sa kaniya ang labis na pagkamuhi sa akin. "Ihinulog ko lang naman siya sa matarik nating hagdan at pinanuod ko lamang kung paano siya mangisay sa harapan ko!" bulyaw sa kaniya na nanlalaki pa ang mata. Naghalo ang malakas niyang pagtangis at ang halakhak kong puno na ng kasiyahan.
"Walang hiya ka, Dexter!"
Nagtatakbo siya sa akin at isang suntok ang ipinadapo sa mukha ko. Kitang-kita ko ang pagdaloy ng sarili niyang luha sa magkabila niyang pisngi. Mahigpit kong hinawakan ang katana.
"Dex, minahal ka namin, inalagaan ka ng Mama. Bakit ganito ang isinukli mo?"bahaw na tanong ni Tosh habang naguumpisang pangapusan siya ng hininga.
Dahan-dahan kong inalis ang pagkakabaon ng katana sa katawan ni Tosh at hinayaan kong bumagsak at maligo siya sa sarili niyang dugo.
"Dahil kinailangan kong mabuhay sa ganitong kaparaanan. Nabubuhay ako para pumatay. Kaya ang sino mang balakid sa landas ko ay papatayin ko. Patawad, kambal ko, kung nagpalaki si Mama ng isang katulad kong halimaw."
Dahan-dahan akong bumagsak sa tabi ni Tosh. Kitang-kita ko ang nakabukang mga mata niya. Unti-unti kong iginala ang paningin sa nasusunog na mansiyon at ang patuloy na pagbagsak ng mga bahagi nito.
Sa wakas. . . natapos na rin nang tuluyan ang lahat.