"WOW! May okasyon ba?" masayang bati ni Michelle kay Jamie. Biyernes ng gabi kaya huling araw ng trabaho para sa linggong iyon.
Agad na sumalubong sa kanya ang halimuyak ng mga ulam pero kailangan pa niyang pumunta sa kusina upang tiyakin kung ano nga ang niluluto ng lalaki.
Sapat na bang dahilan ang weekend para maghanda ng halabos na sugpo at bulalo? Bukod pa doon ay may mantel ang lamesa, table runner bago pa ang kanilang usual na placemat at may plorera sa gitna na may magandang flower arrangement.
May scented candles din na nakasindi at nakapalibot sa vase. At mula sa stereo ay may tumutugtog na instrumental love song.
Nakatayo si Jamie sa harap ng stove kaya nakatalikod ito sa kanya. Mukhang bukod sa sugpo at bulalo na nakahain na sa lamesa ay may inaasikaso pa ito.
Naka navy blue collared shirt ang paminta at cream pants. Galing siguro ito sa labas at namili, pero ano ang dahilan para sa lahat ng ito?
Sanay kasi siyang nadaratnan ang housemate na nakapambahay lang. Pero nakita na rin naman niya itong nakabihis ng ganito noong nag date sila sa bar.
Tila ay nanonood si Michie ng isang pelikula nang bumaling sa kanya si Jamie at nginitian siya ng matamis. Ang kanyang lukaret na puso, nagsimulang magwala.
Bakit kasi napakaguwapo at kisig ng pamintang ito? Hindi tuloy niya masaway ang sarili na umasang magiging totoo pa itong lalaki. Mula kasi noong bumisita ang kuya niya, hindi na ito nag bekimon. Ang weird naman na sa isang pagkakataon lang ito natutong mag gay lingo.
"Welcome home. Mabuti at dumating ka na. I-aahon ko na lang itong lechon kawali at kakain na tayo," malambing na sabi ni Jamie.
Kumunot ang noo ni Michie. Teka, parang may mali ah. Bakit parang sweet ang paminta sa kanya? Nagka-apekto na ba ng alindog niya rito? Hindi naman siya ipinanganak kahapon lang para hindi makitang romantic dinner ang isinisigaw ng set up at musika.
Ipinatong niya ang bag sa nook at naglakad palapit sa lamesa. Si Jamie naman ay ini-aahon na nga ang lechon kawali. Tumikhim muna siya bago nagsalita.
"May okasyon ba? Wala pa namang may birthday sa atin at four months pa lang tayong housemates kaya hindi ka pa mag-ce-celebrate ng anniversary mo rito. What's so special about this night?"
Humarap sa kanya si Jamie na dala na ang ulam at inilapag iyon sa lamesa. Hindi nito inaalis ang tingin sa kanya na mas lalong nakapagpabilis sa pagtibok ng kanyang puso.
Lumapit sa kanya ang pamintang lalaki at hinawakan ang isang kamay niya. Ang isa naman nitong kamay ay ipinasok sa bulsa ng pants nito.
Napakainit ng kamay ni Jamie, kasing init ng mga mata nitong tila ay hinahaplos siya ng pagmamahal. Teka, pagmamahal?
Ay, niloloko na naman siya ng kanyang imahinasyon. Kung bakit kasi ginagawa niyang pampaantok ang pagbabasa ng mga romance pocketbook?
"Tonight, Michie, is the night I'm asking you to be my wife," Jamie said with the utmost sincerity. Ano raw? Ipinilig niya ang ulo dahil baka nagkakamali siya ng pandinig.
Magtatanong na sana siya nang biglang inilabas ni Jamie ang isang singsing mula sa bulsa nito at inilahad sa kanya. "Will you marry me, Michelle?"
Ay lintik, hindi nga siya nagkamali sa narinig kaya gusto niyang himatayin.
"ALAM mo, Michie, para na tayong magkapatid. Tingin ko ay dapat mong sabihin sa parents at kapatid mo ang pagpayag mo sa pekeng kasal niyo ni Jamie. Oo at gusto mo siyang tulungan, pero hindi biro ang gusto niyang mangyari," sabi ni Kristine sa kanya.
Bumuntunghininga si Michie. Pinuntahan niya ang kaibigan sa theatre kung saan ito nagtatrabaho. Kasalukuyan silang nasa café na malapit lang sa workplace nito.
"Huwag mong sasabihin kay kuya Mike ha. Kunwari lang naman ang kasal, may pekeng judge at kailangan lang din namin ng pekeng witness. Para sa pictorial lang naman ang set up. Kailangan kasi ni Jamie ipadala ang pictures sa kanyang magulang.
"Hindi naman niya kasalanan ang maging bakla kaya kailangan lang niya ng pekeng kasal at asawa," may pagmamakaawa na sa tinig ni Michie.
Bago pa himatayin si Michie sa proposal ni Jamie ay agad siya nitong niyaya kumain at noon nito ipinaliwanag ang lahat. Ibinalita nito na kinakamusta ito ng magulang at kung wala pa itong girlfriend ay may gusto ditong ipagkasundo at ipakasal.
Nagmakaawa si Jamie sa kanya na ayaw nitong makasal sa babae na gustong ipagkasundo rito. At siya lang ang susi sa problema nitong nakakandado. Kung papayag siya sa plano nito, ipapadala nito ang pictures ng pekeng kasal nila sa mga magulang para tantanan na ito.
Siyempre ay hindi pumayag si Michie kahit ba napakasarap ng mga ulam na niluto ni Jamie.
Pero nang sabihin ng lalaki ang mga katagang "Hindi ko makita ang sarili ko na ikinakasal sa iba puwera lang sa'yo. Iba ka kasi sa lahat ng babaeng nakilala ko. Hindi ka marunong magkunwari, kapag may topak ka, may topak ka.
"Kung galit ka, ipinapakita mo. At iyang ganda mo, hindi lang panlabas kundi hanggang loob. Ikaw lang ang babae na nakita ko ang sarili ko na puwede kong makasama hanggang sa pagtanda. Kung hindi lang magulo ang sitwasyon ko ngayon, sasabihin ko sa'yo ang lahat ng tungkol sa akin."
Yes, what he said wasn't that romantic, it's even offensive to some, but she could hear the sincerity in it. Ang nakakalito lang sa kanya, nung kinukumbinsi siya ni Jamie na pumayag sa pekeng kasal, hindi niya makita ang pagiging beki o paminta nito.
Kinakausap siya na para bang tunay itong lalaki na nagpapahilo talaga sa kanya. Nakakawindang na parang may pinaghuhugutan ang mga sinabi nito sa kanya.
In fairness, kinilig naman siya sa sinabi nitong siya lang ang babaeng gusto nitong pakasalan kung sakali. O style ba nito iyon para pumayag siya? Humingi na lang siya ng panahon upang pag-isipan ang lahat.
Halos hindi nakatulog si Michie nung gabi na nag propose si Jamie. Kahit na peke ang kasal, kung bakit naman kasi napaka romantic pa ng ginawa nitong set up at may pa-singsing pa na tingin niya ay totoo ang ga-munggong diyamante.
Natuto kasi siya tumingin ng alahas noong naghirap sila, at ginawang sideline ng mama Amanda niya ang pagbebenta ng jewelries. Tuwing kinsenas at katapusan ang hulog sa mga iyon.
Napansin din ni Michie na laging may iniisip si Jamie at madalas bitbit nito ang cellphone na dati naman ay nasa kuwarto lang ng huli. Para bang lagi itong naghihintay ng balita o kung anoman.
Siguro nga ay totoo ang sinasabi nito tungkol sa magulang kaya hindi mapakali. Hindi nagbago ang pakikitungo sa kanya ni Jamie, inaasikaso pa rin siya at tingin niya ay mas lalo pa nga naging sweet.
Madalas ay may rosas siyang natatagpuan sa bahagi ng bahay kung saan siya naglalagi. Kapag papasok siya sa trabaho ay may pabaon sa kanya na pagkain. He was doing things he wasn't doing before.
Baka paraan iyon ng paminta para mapapayag siya sa hinihingi nitong pabor. At ang pinaka nagustuhan niya, hindi siya kinukulit ni Jamie kung papayag siya o hindi.
Pagkatapos ng gabi ng proposal nito, hindi na ulit ito nagtanong at tahimik lang na naghihintay sa kanyang sagot, kahit na napapansin niya ang pagkabalisa na pilit nitong itinatago.
Na-touch si Michie at naisip niya na hindi lang nga sila housemates ni Jamie kundi magkaibigang tunay. Siya na rin ang hindi nakatiis at isang araw ay sinabi na niyang pumapayag siya sa pekeng kasal.
Kulang ang sabihing naglulundag si Jamie na tila ba ay totoo ngang ikakasal sila. Ito na raw ang mag-aayos ng lahat, siya na lang ang kailangan kumuha ng mag-wi-witness na kayang itago ang kanilang sikreto.
"Oy, Michie, na-walexit ka diyan!" untag sa kanya ni Kristine.
Napatingin siya sa kaibigan. "Ano? Walexit?"
Ngumisi ito bago nagpaliwanag. "Pauso ko lang. Nawawala sa sarili, walexit. Saan ka ba nagpupunta, sa Neptune? Ang layo naman."
Tumaas ang kilay ni Michie. "May ganun na? Ang alam ko lang eh Brexit at Chexit. Pauso mo lang nga `yang walexit. Hindi, naalala ko lang kasi si Jamie. Nakilala mo naman siya, hindi naman siya mukhang manloloko. Wala siyang masamang tinapay."
Pinanlakihan naman siya ng mga mata ni Kristine. "Ano ka ba? Ano'ng hindi manloloko? Eh peke nga ang kasal-kasalan niyo, hindi ba panloloko iyon sa magulang niya? `Di dalawa pa kayong manloloko, at isasama mo pa ako at kung sino man ang tatayong judge.
"Mag-isip-isip ka nga, Michie. Kung ang magulang niya ay kaya niyang lokohin, paano mo pa siya pagkakatiwalaan ng husto?" Natigilan ang kaibigan at tinitigan siya. Pakiramdam ni Michie ay parang tinitignan nito ang kanyang kaluluwa.
"Unless may feelings ka para kay Jamie kaya gusto mo siyang tulungan." And she sounded like it was a statement and not a guess.
Kasabay ng pagbaba ng kilay ni Michie ang pagbaba ng kanyang tingin. Hindi naman niya iyon itatanggi kay Kristine eh. Alam naman niya na para siyang open book. Kung bakit naman kasi sa dinami-rami ng lalaki, sa ex-men pa siya nagkagusto?
Hinawakan ni Kristine ang kamay ni Michie bago marahang pinisil. "Mahirap `yan, bff. Kapag bakla ang isang lalaki, hindi iyon magbabago. Wala akong nakilalang bakla na naging lalaki. Maraming mga lalaki na naging bakla, may mga pamilyado pa nga.
"But not the other way around. Masasaktan ka lang. Pag-isipan mo maigi. At kung hindi ka talaga mapipigilan, sige papayag na ako riyan sa kalokohan n`yo kahit hindi keri ng konsensya ko."
Kahit na pinapagalitan siya ni Kristine, na-touch si Michie kaya niyakap niya ang kaibigan. "Salamat, Kris. Huwag kang mag-alala, pinag-isipan ko naman mabuti eh. Pero pag-iisipan ko ulit dahil sinabi mo."
Ginantihan siya ng yakap ng kaibigan. Tama naman ang mga sinabi ni Kristine, at mas lalong hindi niya puwedeng i-deny na mahal niya si Jamie. Kung hindi ba naman ubod ng tanga ang kanyang puso... Umaasa sa isang lalaki na obviously ay Mr. Wrong, ay mali, Ms. Wrong nga pala.
Ano ang tingin mo? Tama ba o mali ang desisyon ni Michie? ;D Thank you as pagbabasa. ^^
Anyway, stay safe, stay healthy, and stay inside of your homes everybody! May our good Lord heal and protect the whole world.