Kyohei Sagara
Nagmamaneho si Kyo nang may makita syang isang babae na nakaupo sa tabi ng kalsada. Tulala at walang buhay. Normal lang naman sa araw-araw nya na makakita ng mga taong nakaupo sa may gilid ng kalsada. Karamihan sa kanila ay mga namamalimos o mga batang kalye na nagtitinda ng kung anu-ano.
Pero hindi yon ang nakakuha sa atensyon ng binata kung hindi ang pagiging pamilyar nito sa kanya. Pamilyar ang maamo nitong mukha. Sigurado syang hindi ito pulubi dahil maganda ang damit nito at maayos ang hitsura. Bukod don, pamilyar din sa kanya ang emosyon sa mukha ng dalaga. Hindi man ito nakikita ng ibang tao, alam nya kung ano ang nasa loob ng dalaga. Pinagdaanan nya na rin ito. Sigurado sya sa nakikita nya.
Tila pagtusok ng isang matulis na karayom ang muli nyang naramdaman sa puso nya. Naalala nya ang pakiramdam na pilit nyang ibinabaon sa malalim na parte ng puso nya. Binalot sya ng awa para sa babae. Inihinto nya ang sasakyan sa tabi ng kalsada. Bumaba sya ng sasakyan at nilapitan ito.
"Samantha!" tawag nya sa pangalan nito nang makilala nya.
Mas lumapit pa sya dito. Umupo sya sa harap nito, iniluhod nya ang isa nyang tuhod sa semento. Tinitigan nya ang walang buhay nitong mukha. Mayamaya ay nakita nyang lumuha ito. Mukha itong isang anghel na naputulan ng pakpak at bumagsak sa lupa.
"Hijo kilala mo ba sya?" tanong ng isang babaeng sidewalk vendor.
"Opo, kasintahan po sya ng kaibigan ko."
"Ay ganoon ba? Mabuti naman, kanina pa kasi yan ganyan. Natatakot nga kami baka biglang tumawid sa kalsada, mukha kasing may balak magpakamatay."
"Hindi naman po siguro." Minsan nya na ring naisip yon, pero kahit kailan ay hindi nya ginawa. Alam nyang hindi yon ang solusyon.
"Ang mabuti pa, ihatid mo na sya pauwi. Sayang naman kasi, ang ganda nya para gumawa ng ganong bagay. Ang bata pa nya."
"Sige po," sagot nya sa matandang babae. Hinawakan nya si Samantha sa siko at inalalayan tumayo. "Samantha," tawag nya sa pangalan nito.
Unti-unting tumingin sa kanya ang dalaga. Sobrang awa ang naramdaman nya. Pareho lang sila ng nararamdaman. Nakikita nya ang unti-unting pagkadurog ng puso nito.
"Kilala mo ba ako? Ako si Kyo."
Hindi sya nakakuha ng sagot. Tumingin sa harap si Samantha, nakatingin sa mga dumadaang sasakyan. Kinabahan sya dahil sa naisip. May balak nga kaya itong magpakamatay?
"Ihahatid na kita sa bahay nyo," sabi nya.
Bigla itong nataranta. "Hwag!" Nagulat sya nang bigla itong sumigaw. "Ayokong umuwi, hwag don."
Mas nagulat sya sa pagmamakaawa na nakita nya sa mga mata nito. Nakatingin ito sa kanya. Naka-focus ang mga mata nito sa mata nya. Natulala sya, nagulat at matagal na hindi nakagalaw. Alam nyang maganda si Samantha noon pa man, pero mas.. Ipinilig nya ang ulo nya. Ano ba'ng iniisip nya? Bumuntong hininga sya. Wala na syang nagawa pa kung hindi ang sumunod. Pero saan naman kaya nya ito dadalhin?
Tick. Tock.
Nababalot ng katahimikan ang bahay ni Kyohei Sagara. Sa sobrang tahimik ay mapagkakamalan itong walang tao.
Tick. Tock. Tick. Tock.
Tanging tunog lang ng malaking grandfather's clock ang maririnig sa sala.
Tick. Tock. Tick. Tock.
'Tama kaya na dinala ko sya dito sa bahay?' ang paulit-ulit na tanong ni Kyo sa sarili nya. 'Kapag nalaman 'to ni Pinuno... Ah! Di bale na nga!'
Muling bumalik ang tingin nya sa dalaga na nakaupo sa harap nya.
"Gamutin muna natin ang sugat sa kamay mo. Paano mo ba nakuha 'yan?" tanong ni Kyo kay Samantha.
Katulad kanina, wala ulit syang nakuhang sagot mula dito. Blanko lang ang mukha nito. Kanina pa natuyo ang mga luha sa pisngi ng dalaga. Tulala lang ito at walang imik. Napabuntong hininga nalang sya. Hindi nya alam kung ano ang gagawin sa babae.
Dumating at lumapit sa kanya ang mayordoma nila sa bahay. "Young Master, heto na po ang ipinakukuha nyong kit."
Tumayo sya at kinuha ang first aid kit mula rito. "Salamat."
"May ipag-uutos pa po ba kayo?"
"Wala na."
"Sige po." Yumuko muna ito sa kanya bago umalis.
Bumalik sya ng upo sa harap ng dalaga. "Uhh Samantha, gagamutin ko na 'tong kamay mo ha?" paalam nya sa dalaga. Pero parang hindi naman sya nito narinig. Hindi rin yata sya nakikita. Diretso lang ang tingin nito, blanko sa emosyon. Tila nasa malayong lugar ang isip nito.
Kinuha nya ang kamay nito. Napangiwi sya sa nakitang mahabang linya ng hiwa sa kamay nito, kasing haba ng hintuturo nya. Nalinis na nya ito kanina at natanggal ang ilang maliliit na piraso ng bubog sa kamay nito pero sa tuwing makikita nya ang sugat sa kamay ng dalaga ay hindi nya mapigilan na mapangiwi. Sigurado sya na sa lambot ng kamay nito ay hindi ito sanay nang nahihirapan o nasasaktan.
Hindi man ganon kalalim ang hiwa na kakailanganin pa ng tahi, sigurado parin sya na masakit 'yon lalo na sa isang babaeng katulad ni Samantha.
"Medyo masakit 'to kaya tiisin mo muna," sabi nya.
Tumingin ulit sya sa mukha ng dalaga, blanko. Napabuntong hininga nalang sya. Inumpisahan na nya itong gamutin, nilagyan nya muna ito ng mga antiseptic bago balutan ng benda. Nang matapos ay inayos na nya ang mga gamit.
"Samantha, nagugutom ka na ba?" Wala pa ring sagot. "Sandali lang, kukuha lang ako ng maiinom mo." Tumayo sya at pumunta sa kusina. Kinuha nya ang cellphone at tinawagan ang isa sa mga kaibigan nya.
[Kyo] bati sa kanya ng nasa kabilang linya.
"Vin, san ka?"
[Nandito sa lunch meeting, bakit? Ano'ng kailangan mo?]
"Tsk, tulong. S.O.S."
[SOS? Anong gulo 'yang pinasok mo?]
"Basta dito ko nalang sa bahay ipaliliwanag."
[Sige, bigyan mo 'ko ng fifteen minutes.]
Matapos ang tawag ay nagpahanda sya ng pagkain para kay Samantha. Bumalik sya sa sala.
"Samantha," tawag nya dito kahit alam nyang hindi ito sasagot.
Laking gulat nalang nya nang tumingin ito sa kanya. Napatigil sya sa kinatatayuan nya.
"Bakit?" walang buhay nitong tanong.
"Ah, ano... gusto mo bang magpahangin? Dun tayo sa labas, mahangin don eh, tara?"