Bagsak ang katawang inihiga ni Josh ang sarili sa may kalakihan niyang kama. Nilibot ng tingin ang silid. Nandun ang mga tropeyo at medal sa pagiging atleta na may ilang taon na ang nakakalipas... kelan nga ba siya huling naging masaya? Ang tagal na at ayaw na rin niyang balikan.
Hinubad niya ang pang itaas na uniporme kung saan naghalo ang amoy alak at pawis nang nagdaang araw. May bahid din ito ng putik mula sa pagkakadapa sa kalsada nung nagdaang gabi at dugo mula sa kanyang labi. Kinuha niya ang kanyang wallet at napagkaalaman niyang ubos na ang kanyang allowance ng nagdaang linggo. Abala siya sa pag-iisip tungkol sa pera at hindi niya napansin ang batang nakatunghay sa labas ng naiwan niyang bukas na pinto ng silid. Si John iyon. Ang nakababata niyang kapatid. Malungkot itong nakasilip at pinagmamasdan ang kanyang kuya na halata ang takot sa inosente nitong mukha.
Nang magtama ang kanilang mga tingin ay agad nagbaba ng tingin ang bata na tila takot na nahuling nakasilip sa kanyang kuya. Hawak nito sa isang kamay ang tau-tauhang bali ang isang paa.
Kinawayan ito ni Josh na lumapit sa kanya. Alangan naman ang bata kung lalapit nga ba o hindi. Eh papaano ay ilang beses na rin niyang nabubulyawan ito, ayaw niya sa lahat ang pinakikialaman ang mga gamit niya. Minsan nga ay kumatok ito sa pintuan niya at nagsabing natatakot sa kulog... di niya pinansin dahil may lakad ang tropa ng gabing iyon. Minsan naman ay nabasag nito ang isa sa kanyang mga pabango at pinalo niya ito't sinigawan. Puro bulyaw mula sa kanya ang napapala ng walang muang na batang si John. Kaya ngayon ay alangan itong lumapit sa kanyang nag-iisang kuya.
"Halika." matigas ngunit banayad na tawag ni Josh sa bata.
Alangan man ay tuluyan pa ring lumapit sa kanya ang nakababatang kapatid. Nakayuko ito na nakatingin sa hawak-hawak na sirang laruan.
Kinuha ng binata ang laruan mula kay John at doon na nagsalita ang bata, na tila ba gusto ipaliwanag ang kalagayan ng sirang laruan. "My toy is broken, kuya." Naroroon ang takot sa boses nito. Tila yata natatakot na pagagalitan na naman siya ng kuya niya sa nasirang laruan.
Subalit ngumit lamang ang binata at inayos ang laruan. Kailangan lamang ng konting puwersa para maipasok ang nabaling binti ng laruan at ayun ayos na!
"Oh ayan. Ayos na si Soldier. " masayang winika ni Josh sa kapatid.
Namutawi ang kasiyahan sa inosenteng mukha ng bata at doon napagtanto niya na tulad ng sinasabi ng nakararami na kahawig nga niya ang nakababatang kapatid.
"What will you say to your kuya?"
"T-thank you kuya." malambing na sagot ng bata.
"Sige na play ka na ulit..." yun lang at masaya ng lumabas ng kanyang kwarto ang batang si John. Bitbit ang laruang inayos ng kanyang kuya.
Mulinh naiwan si Josh na mag-isa sa kanyang silid. Lumilipas ang kanyang isipan. Si Elijah. Naalala niya ang nakababatang kapatid ng dalagang kausap niya kanina. Ang pera. Kailangan niya maibalik ito. Isang paraan lang ang alam niyang kaya niyang gawin sa ngayon. Madalian ito at wala ng iba pang paraan. Kuyom ang mga kamao na lumabas ng kanyang silid ang binata.
Pumasok siya sa office room ng bahay at tahimik na isinara ang pinto sa kanyang likuran. Napukaw naman niya ang atenyon ng isang may edad ng lalaki na abala sa harap ng isang laptop.
"Dad..."
***