WHEN SHE FALL IN LOVE
By: XIUNOXKI
(ANG KUWENTO ITO AY KATHANG ISIP LAMANG... O, HINDI?)
"'Yong feeling ng ma-in love? Matamis? Nakakakilig? At iyan 'yong, ayaw mo siyang mawala sa paningin mo. Gusto mo sa 'yo lang siya. Gusto mo, ikaw lang ang tinitingnan niya. At ayaw mong pahawakan siya sa iba, kahit dulo ng daliri niya, o kahit dulo ng kuko niya..."
Ganyan ma-in love si Krisabel. Pero wala pa siyang naging nobyo. Pero in love siya, matagal na.
Isang tricycle ang huminto sa tapat ng tindahan ni Krisabel. Bumaba ang binata na nagpahinto sa oras niya na feeling niya nasa romantic movie siya at napakabilis ng tibok ng puso niya. "Hi, Bel!" matamis ang ngiting bati ng binata. Iyan ang kinalolokohan niya, si Jose. Isang tricycle driver, binata, guwapo, matipuno, mukhang mabango kahit pawisan, at ang pinakahinangaan niya rito ay ang dalawa nitong dimples sa magkabilang-pisngi.
"Hi, Jose!" kilig na tugon ni Krisabel na may pagguhit pa ng puso sa hangin.
"Pautang naman, kahit isang bote ng long neck lang. Nagkayayaan kasi ang tropa," sweet na hiling ni Jose.
Pa-sweet din ang ikinilos ni Krisabel pero mabilis pa sa kisapmata. Agad niyang inabutan ng dalawang bote ng alak si Jose. "Dalawahin mo na. Baka mabitin kayo ng tropa mo," malambing na sabi niya.
Sinadyang mahawakan ni Jose ang kamay ni Krisabel nang kunin nito ang mga bote ng long neck na nakalagay na sa plastik. "Salamat, Bel," pasasalamat ng binata na may kasamang kindat at pagpapalalim ng mga dimples sa mukha bago ito umalis sakay ng tricycle.
Hindi naman magkamayaw sa kilig si Krisabel na parang gusto nang maihi. Patalon-talon pa siya sa loob ng maliit niyang tindahan. Kung nililista niya lang ang mga nakuha ni Jose sa tindahan niya, isang notebook na ang nakonsumo niya. Ulila na si Krisabel, at mag-isa na sa buhay dahil wala naman siyang kapatid. Sampung taong gulang siya nang mamatay ang kanyang ina, at noong isang taon naman namatay ang kanyang ama. Malayo sa mga kabahayan ang bahay nila na may mataas na bakod. Pero hindi naman siya nalulungkot sa buhay niya kahit mag-isa lang siya at ni kaibigan wala. Para sa kanya kasi, kasama niya lang lagi ang mga magulang niya at binabantayan siya. At may Jose siya na inspirasyon niya para magpatuloy sa buhay at maiisipang huminga paggising sa umaga.
Bago pa lang sa baryo nila si Jose. Galing itong Maynila at ngayon nakatira sa lola nito. Ulila na rin si Jose at wala ring kapatid. Nang unang makita pa lang ni Krisabel ang binata ay humanga na siya rito. Nasakay siya nito sa minamaneho nitong tricycle nang galing siya sa bayan at namili ng paninda. Hinangaan niya ang lakas nito nang buhatin nito ang mga bigas na pinamili niya. At nang malaman niya ang kuwento ng buhay nito sa pagiging ulila rin nito, naisip niyang itinadhana silang magkakilala at magsama. Halos isang taon at kalahati na niya ring minamahal ang binata. Na ewan kung lihim dahil mukhang inuuto na siya nito at ginagamit ang charm nito para mapautang niya.
"Akin ka lang, Jose," usal ni Krisabel. Lumabas pa talaga siya ng tindahan niya para tanawin ang binata. At nagdisesyon siyang maagang magsara ng tindahan.
Naligo si Krisabel na todo kuskos sa katawan at tatlong beses pa nagsabon at nag-shampoo. At kanina, limang beses siyang nagsipilyo. Nakangiti siyang pumasok sa kuwarto niya para magbihis. Makikita sa kuwarto niya ang mga koleksiyon niya ng mga pictures ni Jose na nakadikit sa mga dingding na palihim niyang kinunan. Mga kuha sa kung saan-saang lugar. Pina-print niya ang mga pictures na may iba't ibang sukat. Ang pinakamalaking picture ay nilagay niya pa sa frame. Ang pinakapaborito niya sa mga litrato ay ang kuha ni Jose habang mahimbing na natutulog sa bahay nito. Pina-print pa niya ang isang litrato kung saan mahimbing na natutulog si Jose sa punda ng unan niya na lagi niyang yakap kapag matutulog na siya, hahalikan niya ito bago pumikit at hahalikan muli pagkagising niya sa umaga.
MASAYANG nakikipag-inuman si Jose sa dalawang tropa niya sa likod ng kanilang bahay, nagkakantahan sila na may gitara. Ang hindi alam ni Jose, may mga matang nakamasid sa kanya.
"Nauto mo na naman pala 'yon? Astig ka talaga, boy!" natatawang papuri kay Jose ng isa niyang kaibigan at nakipag-apir pa ito sa kanya.
"Ako, pa!" pagmamalaki sa sarili niyang komento.
"Sayang ang babaeng 'yon. May hitsura pa naman," tawa rin ng isa niya pang kaibigan.
"Kaso parang may sayad?" muling tawa ng isa.
"Talagang may sayad!" natatawang komento din ni Jose at sumenyas pa ng paikot sa sentido.
Napakuyom ng mga kamao ang taong kanina pa nakabantay sa kanila na nagtatago sa kakahuyan.
NATAPOS ang inuman nina Jose at nagpasya nang umuwi ang mga kainuman niya. Bago siya pumasok sa bahay, pinuntahan niya muna ang tricycle niya para kunin ang susi nitong nakakabit pa sa motor nito. May nakita siyang nakaupong taong nakamaskara sa loob ng tricycle na ikinagulat niya. Nakaitim na jacket ang taong tumambad kay Jose at may hawak na tubo, at agad siyang nawalan ng malay nang hampasin nito ang tubo sa ulo niya.
NAGISING si Jose na hilo pa rin dahil sa tama ng alak at sa pagkakapalo sa ulo niya. Nandilat ang mga mata niya sa tumambad sa kanya. Nasa maliit siyang kuwarto na walang gamit at katabi niya ang dalawang bangkay ng kaibigan niyang kanina'y kainuman niya pa lamang. Laslas ang leeg ng mga ito at nagkalat ang dugo sa sahig na pumahid na rin sa katawan niya. Gustuhin mang sumigaw ni Jose ay hindi niya magawa dahil naka-duck tape ang bibig niya. At gustuhin niya mang bumangon ay hindi niya rin magawa dahil nakatali ang mga kamay at paa niya. Pag-iyak na lang at pagsigaw sa isip ang nagawa niya. Sa isang sulok, nakita niya si Krisabel na may takip din ang bibig at nakatali rin tulad niya. Makikita rin sa mukha ni Krisabel ang labis na takot.
Nilakasan ni Jose ang loob niya. Dahil abot naman ng nakatali niyang mga kamay ang bibig niya, inalis niya ang tape sa kanyang bibig. Gamit ang ngipin niya, inalis niya ang pagkakabuhol ng tali sa kanyang kamay. Nagtagumpay siyang maalis ang tali at sinunod niya ang tali sa kanyang paa. Nakiramdam muna si Jose sa paligid at pinakiramdaman ang labas ng kuwarto kung sakaling pumasok ang taong may gawa nito sa kanila bago nilapitan si Krisabel at pinakawalan ito. Agad niyang nakalas ang nakatali kay Krisabel dahil hindi ito mahigpit, 'di tulad ng pagkakatali sa kanya.
Isang mahigpit na yakap ang isinukli ni Krisabel sa ginawa ni Jose. Pinakawalan niya ang matagal na niyang pananabik sa binata na mayakap ito at madama ang init ng katawan nito. Idinampi niya pa ang kanyang labi sa pawisang leeg nito at nilanghap ang amoy nito. Isang pangarap ang natupad para kay Krisabel, isang panaginip na ayaw na niyang magising. Pero walang forever, itinulak siya ng binata palayo.
"Ano ba'ng ginagawa mo? Kailangan na nating makaalis dito," sabi ni Jose at tinungo ang pinto para buksan ngunit naka-lock ito.
Nilapitan ni Krisabel si Jose at hinaplos ito sa mukha na may nangungusap na mga mata. "Mahal mo rin ako, 'di ba? Kaya mo ako pinakawalan dahil gusto mo rin ako, tama?" masuyong tanong niya at pilit nilalapit ang labi niya sa labi ni Jose.
"Ano ba'ng pinagsasabi mo?" muling itinulak ni Jose si Krisabel. "Ang dapat nating gawin ang makatakas dito. Hindi ako papayag na mamatay ako tulad nila." Itunuro nito ang mga kaibigang wala nang buhay na nakahandusay sa sahig. Hindi pa rin ito makapaniwala sa mga nakikita at napahawak ito sa ulo nang muling makaramdam ng pagkahilo.
"Walang tatakas. Dito na tayo titira! Magsasama na tayo sa bahay ko!" sigaw ni Krisabel.
Napaatras si Jose. "A-Ano'ng sinasabi mo?" naguguluhang tanong nito.
"Ikaw at ako. Tayong dalawa. Magsasama na tayo. Akin ka na, Jose," makapanindig balahibong rebelasyon ni Krisabel at humakbang siya palapit sa binata. Abot tainga ang ngiti niya at nanlilisik ang mga matang nakatingin kay Jose na animo'y pagtitig ng mabangis na hayop sa kanyang biktima. Na may halong pagnanasa na hinuhubaran na sa isip niya ang binata.
"I-Ikaw ang – ?"
"Oo! Ako!" sagot ni Krisabel sa naguguluhang binata. May binunot siyang baril sa likod niya at itinutok kay Jose. "At hindi na ako papayag na makaalis ka pa!" ipinutok ni Krisabel ang baril at tinamaan si Jose sa binti na nagpatumba rito.
Napasigaw sa sakit si Jose hawak ang napinsalang binti at pinilit bumangon, at nagmakaawa. "Pakiusap, Krisabel, 'wag mong gawin 'to. 'Wag mo akong papatayin. Pakawalan mo ako," iyak nito.
"Sshhh, 'wag kang umiyak," pagdamay ni Krisabel sa binata at pinahid ang luha nito sa mukha.
"Ano ba'ng kasalanan ko sa 'yo?"
"Wala kang kasalanan, mahal ko. Minahal lang kita." Tumayo si Krisabel. "Kaya akin ka na!" sigaw niya at pinukpok ang ulo ni Jose gamit ang baril na nagpawala sa malay-tao nito.
MATAMIS na pinagmamasdan ni Krisabel ang maamong mukha ni Jose. Tulog ang binata na nakatali ang mga kamay at paa sa magkabilang-dulo ng kama. Nasa kuwarto na sila ni Krisabel kung saan naroon ang mga koleksiyon ng larawan ni Jose. Nahiga si Krisabel sa tabi ng mahimbing na natutulog na binata. Iginuhit niya ang daliri niya sa gitna ng mukha nito, mula noo, pinatawid sa ilong hanggang sa mapupulang labi nito. Hindi na nakatiis si Krisabel at hinalikan niya ang labi ni Jose. Para siyang kinukuryente sa kilig, isang pangarap na namang natupad.
Unti-unting dumilat si Jose dama ang sakit ng mga natamong pinsala sa katawan. Nalalanghap niya ang 'di kaaya-ayang amoy, amoy ng nabubulok na bangkay.
"Hi, love. Ang guwapo mo talaga," matamis na bati ni Krisabel. Iba na ang suot ni Jose, naka-amerikana na ito at nakasuot ng itim na sapatos na balat. Iba na rin ang bihis ni Krisabel, bulaklaking bistida at naka-make up na siya ng makapal at lipstick na pula. Mapang-akit siyang lumapit kay Jose na ipinapakita pa ang mapuputi niyang hita at isinusuklay ang daliri sa mahaba niyang buhok. "Oops, 'wag muna. Later na lang. Mag-dinner muna tayo," saway niya nang maupo siya sa tabi ng binata. Nasa isip niya na marahil ay sabik na sabik na si Jose sa kanya. Pero ang katotohanan, ay takot na takot si Jose at baliw na halimaw ang tingin nito sa kanya.
"Bakit mo ba 'to ginagawa?" iyak ni Jose habang kinakalas ni Krisabel ang tali nito sa kamay at sinuutan ito ng posas.
"Dahil love kita. Ang sabi ng paborito kong author na si 'Xiunoxki' nang maka-chat ko siya sa facebook, 'ang love ay 'di mo makukuha sa pa-cute lang, kailangan may aksiyon!' Kaya ito, umaksiyon na ako. Gusto mo naman ako, 'di ba? Nararamdaman ko 'yon. Kaya nga ang bait mo sa 'kin, 'di ba? Kaya nga araw-araw kang dumadalaw sa tindahan ko? Kaya lagi kang umuutang, dahil ayaw mong makalimutan kita. Iyon 'yon, tama? Kundi mo ako gusto, sana hindi ka naging malapit sa 'kin."
Napahagulhol na lang si Jose. "Baliw ka na. Baliw ka!"
"Tama. Baliw na baliw ako sa 'yo, Jose..." matamis na tugon ni Krisabel at hinalikan sa labi ang binata na nagdarasal sa isip nito na sana'y masamang panaginip lamang ang lahat.
Pinatayo ni Krisabel si Jose nang matanggal niya na rin ang tali nito sa paa at inutusan itong maglakad palabas ng pinto ng kuwarto. Hawak niya ang baril at nakatutok ito sa binata kaya wala itong magawa kundi ang sundin siya kahit pa hindi ito makalakad ng maayos dahil sa sugat nito sa binti.
Nang marating nila ang sala, muling napaiyak si Jose sa nakitang mga bangkay na nakaupo sa sofa at halos mapaupo ito sa panghihinang umatake rito – ang lola nitong nakabalot ng plastik ang ulo at si Ruby na pinopormahan nito na tindera sa palengke na wasak na ang mukha, at ang aso nitong si Spot na wala naman talagang spot dahil kulay brown lang na hiwalay na ang ulo sa katawan.
...ITUTULOY