Pumasok ako sa bahay namin nang walang lingon-lingon. Nang matapos kong ilagay ang bag na dala ko ay agad akong dumiretso sa kusina.
Nadatnan ko si lola na nagluluto, agad ko s'yang niyakap sa likuran at bumati sa kan'ya. "Magandang gabi po."
Humarap s'ya sa'kin at tumitig sa'kin. "May hindi ka ba sinasabi sa'kin?" Tanong n'ya na para bang may nalamang hindi n'ya alam noon.
"Ho? Hindi naman po ako nagsisinungaling sa inyo kahit kailan." Nagtatakang tanong ko imbes na sagutin ang tanong ni lola.
"Hindi mo sinabi sa'kin na may kasintahan ka pala. Nakita kita kanina sa may bintana." Isinuklay n'ya ang buhok ko gamit ang kanang kamay n'ya at malambing na nagsalita. "Alam mo naman talaga na sobrang kong hinihiling na may kasintahan ka na. May nagmamay-ari na sa puso ng apo ko, may tumatanggap na sa'yo ng buong buo at inaalagaan ka. Ganoon din kami ng lolo mo noong mga kabataan pa kami. Sobrang mahal ako ng lolo mo noon, apo ko. Binibigay sa'kin lahat ng gusto ko..."
Habang sinasabi n'ya sa'kin ay may unti-unti akong naramdaman na kakaiba na lumulukob sa dibdib ko. Nanlalaki ang mata ko habang nakatingin sa lola ko, naninigas ang katawan.
"... Ganun din ba ang kasintahan mo, apo ko? Pwede mo ba s'yang idala sa'kin? Gusto ko s'yang makilala." Nakangiting sambit n'ya. May kislap na bahid sa mga mata n'ya. Ramdam ko ang kasiyahan na bumabalot sa mukha n'ya.
"A-ah.. lola, eh kasi.." Nagsisimula na akong mataranta. Anong gagawin ko ngayon? Hindi ko naman kasintaham si John. Hindi pwedeng si John ang idala ko dito. Hindi s'ya ang tipo ng lalaki na gusto ng lola ko. Malulungkot s'ya at mabibigo.
Biglang nalungkot ang mukha ni lola. Mas lalo akong nataranta. "Ayaw mo ba?"
"Ah, sige! G-ganito nalang po, dadalhin ko po s'ya dito kapag wala na po s'yang inaabala." Ngumiti ako ng pilit.
"Ay! Masaya 'yan, apo! Talagang maghahanda ako ng masarap na pagkain." Biglang sumaya ang mukha ng lola ko habang hinahanda ang makakain namin.
Wala na akong magagawa. Ito na ang gusto ng lola ko. Gagawin ko ang lahat para mapasaya s'ya at gusto kong ako naman ang magpapasaya sa kan'ya gayun na wala na ang pinakamamahal n'yang asawa.