48
TUMAKBO ako nang mabilis palabas ng mansiyon. Walang tigil ang mga luha ko sa pagbagsak. Iba pa rin pala talaga ang sakit kapag hinampas ka na ng katotohanan. Parang binibiyak ang puso mo.
"Sorry, Krisel. Hindi ko naman intensiyong saktan ka lalo. Ang sa akin lang—"
"Hindi, Andeng. Wala kang kasalanan." Alam ko namang gusto niya lang malinis ang pangalan ko kaya pinagtulakan niya akong pumunta roon. Napakatanga ko lang talaga at hindi ko man lang iyon nasabi kay Sir Rod. Nakalimutan ko nang tuluyan ang pakay ko nang sandaling nakaharap ko siya. Tanga kasi, e. Nagpadala na naman ako sa pagmamahal ko sa kanya.
Napakadaya. Dibdib niya lang ang nasaktan, samantalang ako halos buong katawan pati ang puso ko namanhid na sa sakit.
Siguro ganito rin ang naranasan ni 'Nay Lourdes nung nalaman niyang nakapangako na sa iba ang lalaking iniibig niya. O mas masakit itong sa akin. Si 'Nay Lourdes kasi alam niyang minahal rin siya ni Señor Cristobal. Samantalang sa amin ni Sir Rod, simula pa lang, ako lang ang nagmamahal.
Pasensya na 'Nay Lourdes, mukhang hindi ko na matutupad ang pangako kong ipagpapatuloy namin ni Sir Rod ang naudlot na pag-iibigan niyo ni Señor Cristobal. Pasensya na at naulit lang ang lahat.
Sabi mo nga 'nay, paano mo pa ipaglalaban ang isang taong sumuko nang ipaglaban ka?
Sabi rin nila, 'pag nasa katwiran, ipaglaban mo! Mali. Kahit nasa katwiran ako, hindi ko na siya kayang ipaglaban pa dahil siya mismo ang dahilan kung bakit natatalo ako sa labang ito.
"Andeng, ayoko pang umuwi. Sa inyo muna ako." Ayokong mapag-isa sa bahay. Maiisip ko lang si Sir Rod at maiiyak lang ako. Ayoko na ring makita ako ni 'Nay Lourdes sa ganitong sitwasyon. Mag-aalala lang 'yun.
"Kasi Krisel, gustuhin ko man, abala ngayon si mama sa pagpapaayos ng sala namin. Makalat, hindi tayo pwede roon. Mag-mall na lang tayo!"
Sumang-ayon na rin ako sa kagustuhan ng aking kaibigan. Sa bagay ay kailangan ko ring magliwaliw.
Pagkatapos iuwi ni Andeng ang mga pinamili niya ay dumiretso na kaagad kami sa pinakamalapit na mall. Ito rin 'yung mall na pinagdalhan sa akin ni Sir Rod noon. Putragis naman! Kahit saang lugar na lang ba ay may alaala ang lalaking iyon?!
"Oh ba't nakasimangot ka? Minsan lang tayo makapunta rito oh! Enjoy-enjoy na, Krisel. Hanggang pa-aircon nga lang tayo, kasi wala tayong pera." Nakailang subok na si Andeng para mapagaan ang loob ko ngunit sa tuwing naaalala kong dito ko unang nakitang nag-usap at nagkasama sina Sir Rod at Trina ay hindi ko mapigilang mawala sa kondisyon.
"Alam ko na! Mag-boy hunting na lang tayo, girl! Promise, mag-e-enjoy ka." Hinayaan kong kaladkarin ako ni Andeng papunta sa mataong lugar. Pumwesto kami sa gawing gilid kung saan kitang-kita ang mga papasok at papalabas na mga kustomer.
"Tingnan mo 'yun Krisel oh! Shit! Ang sherep ng harap, bumubukol!" Tinampal ko ang kamay ni Andeng dahil walang pakundangan nitong tinuro ang padaang lalaking tinutukoy niya.
"Ano ba, Krisel? Ang KJ naman nito. Ayan, ayan may paparating ulit." Tiningnan ko ang tinatanaw niya at malayo pa lang ay kilala ko na ang imaheng iyon.
"Felix!" sigaw nang walang kahiya-hiya kong kaibigan dahilan para maagaw namin hindi lamang ang atensyon ni Felix kundi pati ng ilang tao roon. Nakakahiya itong kasama si Andeng!
"Krisel, tingnan mo ang manoy ni Felix, oh. 'Langya! Mukhang may pinagmamalaki rin," bulong ni Andeng habang naglalakad palapit sa amin si Felix. Tinulak ko nang bahagya ang bastos kong kaibigan! Pati ba naman si Felix, pinupuntirya niya.
Tawa lang nang tawa ang bruha. Nang dahil sa panlalason nito sa utak ko ay hindi ko na rin tuloy napigilang mapatingin sa gawing baba ni Felix. Nakita iyon ni Andeng kaya lalo itong humagalpak sa tawa.
"Hey!" bati ni Felix. Pinandilatan ko si Andeng dahil hindi pa rin ito matapos-tapos kakatawa kahit nasa harap na namin ang lalaking pinagnanasaan niya.
"H-hi, Felix!" baling ko sa lalaking nakapamulsang nakatingin sa lokaret kong kaibigan. "Uh, hayaan mo na 'yan, Felix. Nababaliw lang 'yan."
Sumilay ang ngiting pang-colgate ni Felix nang bumaling ito sa akin. "It's nice to see you here, Krisel. 'Buti at may pinabili ang pamangkin ko rito, kung hindi ay hindi kita makikita ngayon."
Naisip ko bakit kaya wala siya roon sa mansiyon ng mga Tuangco, e nandoon sina Faye at Pat?
"Uh shit! Excuse me lang guys ha? Naiihi ako," eksaheradang wika bigla ni Andeng bago ito tumakbo palayo sa amin para maghanap kuno ng banyo.
Takte! Kilala ko ang babaeng iyon. Halos kakaihi niya lang tapos naiihi na ulit siya? Alam kong nagdahilan lamang ito para maiwan akong mag-isa rito kasama si Felix.
"Uh..." Malilintikan talaga mamaya sa akin 'yang Andeng na 'yan. Halos dumugo na ang pang-ibabang labi ko kakakagat ko rito dahil sa ilang. Hindi ko magawang tingnan nang diretso si Felix. Hindi ko alam kung bakit nagkakaganito ako gayong hindi naman ako nakakaramdam ng ilang sa kanya noon.
"Yes, Krisel?"
"Ahh... ano... m-may pamangkin ka pala?"
"Yup. She's seven years old, anak ni Ate Fiona. You got to meet her. Siguradong magugustuhan ka niya."
Um-oo na lang ako dahil ayoko nang humaba pa ang usapan. Siguro naman ay hindi naman mangyayari iyon.
Lumipas ang ilang minuto ay hindi pa rin bumabalik si Andeng. Pambihira! Gaano ba kahaba ang ihi niya at inabot siya ng siyam-siyam?
Ito tuloy at kanina pa kami walang kibuan ni Felix matapos ang huling pag-uusap namin tungkol sa nangyari sa akin kanina sa mansiyon. Sinikap ko namang hindi umiyak kanina habang nagkukwento ako pero wala e, traydor at mga pasaway ang mga luha ko.
Naiilang tuloy ako ngayon sa mga tingin ni Felix sa akin. Ramdam na ramdam ko ang awa sa mga titig niya.
Lalo pang bumigat ang loob ko nang tinanong ko siya kung bakit hindi siya sumama kina Faye at Pat sa mansiyon ng mga Tuangco. Hindi niya man kasi direktang sinagot ang tanong kong iyon, alam kong hindi sila ayos ng mga kaibigan niya. At kahit ilang beses niya mang itanggi, alam kong ako ang dahilan ng hindi nila pagkakaintindihang magkakaibigan.
Wala ka nang ginawang tama, Kriselda! Siguro iyan ang dahilan kaya ka iniiwan. Kaya hindi ka na binalikan ng tunay mong mga magulang. Kaya ganun-ganun ka na lamang husgahan ng mga taong tinuring mong kaibigan. Kaya ganun-ganun ka na lamang ibasura ng lalaking lubos mong minahal at pinagkatiwalaan.
Iniwas ko ang mukha ko kay Felix para hindi nito makita ang namumuong luha sa aking mga mata. Ayoko nang umiyak. Magsusulat na lang ako ng tula. Sobrang nakakamakata pala talaga kapag sobra ka nang nasasaktan.
"Damn! Let's go somewhere else, Krisel." Napaharap ako kay Felix nang bigla itong umeksena sa malalim kong pag-iisip.
"Ha? Teka... Paano si Andeng? Hahanapin tayo nun."
"I'll just text her. Tara na..." Pansin kong hindi siya mapakali. Anong problema?
"Felix, may problema ba?"
"Wala. Wala, Krisel. Sa labas na lang natin hintayin ang kaibigan mo."
Hindi ako kumbinsido. May tinatago sa akin si Felix. Inilibot ko ang tingin ko sa paligid para hanapin si Andeng. Baka pinagkakaisahan nila akong dalawa.
"Shit! Krisel, please! Kung ayaw mong masaktan lalo... come with me."
Nangunot ang noo ko sa tinuran niya. "Anong ibig mong sabihin?"
"Basta, Krisel. Let's go, please..." Kulang na lang ay lumuhod siya sa harap ko. May mali talaga. Pinanindigan ko ang pagbibingi-bingihan at patuloy kong sinuyod ng tingin ang mataong mall.
"Fuck!" dinig kong mura ni Felix sa tabi ko. At alam ko, sa puntong ito... alam ko na ang dahilan ng pagmumura niyang iyon. Alam ko na kung bakit hindi siya mapakali. Alam ko na kung bakit halos magmakaawa na siya sa akin sumama lang ako sa kanya.
Dahil dito... Dahil sa kanila...
Hindi ko nilubayan ng tingin ang dalawang taong dahilan ng unti-unting paninikip ng dibdib ko. At kasabay ng pagkulong sa akin ni Felix sa yakap, ang pagbagsakan ng mga luha ko mula sa aking mga matang pagod nang umiyak para sa kanya.