32
AYON sa nabasa kong libro, normal sa isang relasyon ang magkaroon ng away, tampuhan at hindi pagkakaintindihan. Ngunit kailangan din daw kaagad itong maayos para hindi na lumaki pa.
Kaya naman kagabi bago ako matulog, halos abutin ako ng siyam-siyam kakaisip ng paraan para maibsan ang tampo sa akin ni Sir Rod. Hindi man kasi sabihin nito, alam kong hindi nito nagustuhan iyong hindi ko pagsunod sa utos niya na manatili lamang sa kotse.
Kung hindi pa nga nahagip ng mga mata ko ang librong 3 Ways to Heaven na nakapatong sa maliit na lamesita sa tabi ng higaan namin ni 'Nay Lourdes ay baka inabot ako ng madaling araw kagabi. Naisip ko kasing baka sa pamamagitan niyon ay mawala ang tampo sa akin ni Sir Rod.
Alas kwatro ng madaling araw habang mahimbing pa ang tulog ni 'Nay Lourdes ay bumangon na ako para basahin ang kasunod na bahagi ng Part 2 ng libro na hindi pa namin matapos-tapos ni Sir Rod.
Third base. Iyon ang nakalagay sa itaas na parte ng pahina. Tahimik kong binasa ang mga nakasaad doon patungkol sa third base at ganoon na lamang ang pangungunot ng noo ko sa mga salitang bumungad sa akin.
"Third base may include manual or oral sex for either partners," basa ko ulit sa linyang 'di ko maunawaan. Ang komplikado kasi ng mga salitang ginamit. So ano ngayon 'yang manual at oral sex? Dapat kasi 'yung tagalog version ang binili ni Sir Rod e, para madaling maintindihan.
Lalo pang nangunot ang noo ko sa sumunod na pangungusap. "Third base is simply either what we call handjob, blowjob, fingering or muffing." Ay ewan! Bangag yata ang nagsulat ng librong ito, e. Kulang-kulang sa detalye. Dapat kasi pinaliwanag din niya kung ano 'yang handjob, blowjob, fingering at muffing na 'yan nang maintindihan naman ng mga ignoranteng kagaya ko.
Badtrip kong sinara ang libro. Imbes na makatulong ay binigyan lang ako ng sakit sa ulo.
Pagdating namin ni 'Nay Lourdes ng mansiyon ay dinig ko na kaagad ang mga boses ng mga kaibigan ni Ma'am Mira sa kusina. Humirit ako ng isang silip mula sa sala at nakita ko ang masaya nilang kwentuhan habang nag-aalmusal. Wala roon ang mag-asawang Tuangco, pati si Sir Rod.
Nagpalipas ako ng ilang minuto sa sala bago nagdesisyong akyatin na si Sir Rod sa kwarto nito. Subalit nakakailang hakbang pa lang ako sa hagdanan ay natigil na ako nang marinig ang boses ni Ma'am Mira na pihadong namataan akong paakyat.
"Wala riyan si kuya, maagang umalis kasama sina mom at dad. Samahan mo na lang muna kami rito, Krisel." Medyo nag-aalangan ma'y pumihit ako papunta sa gawi nila. Pagkalapit ko'y kaagad na tumayo si Felix para hilahin ang silyang katabi ng inuupuan niya.
Tipid akong ngumiti saka umupo sa silyang iyon. Nagkatitigan sina Ma'am Mira, Faye at Pat at alam kong iisa lang ang tumatakbo sa isip nila ngayon.
"Ang sweet naman!" palatak ni Ma'am Mira. Nangamba tuloy ako dahil ang alam ko ay siya ang gusto ni Felix, hindi ako. "Anyway, kain ka Krisel," dugtong niya.
"Hindi na po. Nag-agahan na po kami ni 'Nay Lourdes bago pumarito." Tumango-tango siya saka sinimulan ang bagong paksang pag-uusapan.
Habang nag-uusap ang magkakaibigan ay bigla akong siniko ni Felix dahilan para lingunin ko ito. "You should eat, kahit konti," halos pabulong na aniya. Marahan akong umiling. Hindi yata nito narinig ang sinabi ko kanina.
"Ayos lang, busog pa ako." Ngumuso siya na naging sanhi ng pag-alpas ng ngiti sa labi ko. Ang cute niya kasi, parang bata. Nasa ganoon kaming ayos nang makarinig kami ng tunog ng camera.
"OMG! You two are so cute! Look at this, guys." Hindi magkamayaw ang tatlo sa kakatudyo sa amin ni Felix nang dahil sa litratong kinuha ni Faye. Nakanguso roon si Felix habang nakatingin sa akin samantalang nakangiti naman akong nakatingin sa kanya.
"You look like a sweet couple here," komento pa ni Ma'am Mira.
"Papasa nga." Lahat kami napatingin kay Felix nang magsalita ito. Hawak-hawak niya ang kanyang cellphone at nakatingin siya kay Faye.
"Anong sinabi mo?" halatang nagpipigil ng ngiting wika ng huli.
"Send me the pic. Gagawin kong profile pic sa social media accounts ko." Pagkasabi nun ni Felix ay nagkagulo na ang tatlo, tuwang-tuwa sa narinig sa kaibigan.
Eh?
Habang nagkakasiyahan sila ay palihim kong kinalabit si Felix. "Ahm... ano 'yung social media accounts?"
Nang maiwan kaming dalawa ni Felix sa sala ay saka niya pinaliwanag sa akin kung ano 'yung social media accounts. Ito pala iyong Facebook, Twitter, Instagram, at iba pa na minsan kong makitang pinagkakaabalahan nina Andeng, Ma'am Mira at Sir Rod sa kanilang cellphones.
Natuwa ako dahil may bago akong natutunan mula kay Felix. At mukhang marami pa siyang alam kaya naman naisip ko ring itanong sa kanya iyong mga salitang hindi ko naintindihan kanina sa librong 3 Ways to Heaven, baka sakaling alam niya.
"Ah... 'yung handjob, blowjob, fingering at muffing, alam mo ba kung ano iyon?" Napatayo siya bigla sa gulat at nananantiya ang klase ng tinging ibinabato niya sa akin.
"Saan mo napulot 'yan?"
"Ah... eh... nabasa ko sa libro."
"What book?"
"Ahm... kung hindi mo alam, Felix, ayos lang naman." Binigyan ko siya ng ngiti. Windang pa rin ang ekspresyon ng mukha niya at mukhang hindi niya alam kung anong gagawin.
Dinig ko ang paghugot niya ng isang malalim na hinga bago muling nagsalita. "Okay, Krisel, listen..."