"Ms. Ellah, paano 'yan magpapa audition ka ba ulit bukas?"
Pumapasok sa garahe ang kotse ng magsalita si Homer , ang pinuno ng mga bodyguard niya.
Nilingon niya ang apat na bodyguard.
Si Homer ang katabi ng driver, ang iba ay sa likod niya. Nasa gitna siya nakapwesto nag-iisa at gano'n palagi ang kanilang posisyon.
"Hindi na. Hindi rin pala madaling gawin," tugon niya at tumingin sa malaking gate na bumubukas.
Mahirap pala humanap ng mapapangasawa. Akala niya kapag mayaman madali ng makahanap ng katuwang sa buhay.
Siyempre isa sa qualifications ay gwapo!
Wala siyang balak mag-asawa na hindi kayang ipagmalaki ang mukha.
Bobo na nga, pangit pa? Saklap!
Hindi na sana usapin ang pag-ibig, ang mahalaga, magkasundo sila ng mapapangasawa at marunong sa larangan ng negosyo.
"Tama lang namang tumigil na Ms. kasi 'yong mga hinayupak perwisyo, pinipilit akong pumalit sa linya niya at kakain daw muna siya. Ugok!"
Nagkatawanan sila.
Hindi na matapos-tapos ang reklamo ng mga bodyguard hanggang sa nakapasok siya sa mansyon.
Inabutan niyang nanonood sa telebisyon ng pang gabing balita ang kanyang abuelo.
"Tinatayang mahigit kumulang apat na pu't-lima ang patay sa naturang pagsabog ng isang lumang bodega kagabi bandang alas otso kagabi..."
"Lolo," lumapit siya rito at umupo sa tabi.
Nilingon siya ng abuelo.
"Nasaan ang lalaki mo?"
"Huh?" Kurap-matang tugon niya.
"Nag pa-audition ka para maghanap ng asawa hindi ba? Nakakita ka?"
"Wala po."
"Nagsasayang ng panahon! Mabuti na lang napigilan ko ang medya sa ginawa mong kalokohan."
Ibinalik nito ang tingin sa pinapanood.
Hindi rin naman niya gusto na umabot pa sa medya ang kanyang ginawa. Kahit pa mag viral 'yon sa social media ayos lang huwag lang sa balita.
Sinundan niya ng tingin ang nasa telebisyon, may posas ang mga kamay ng matandang lalaking nakasuot ng kulay orange na damit kasama ang parang tauhan nito patungo sa loob ng tila kulungan.
Natuon ang kanyang atensyon sa lalaking nakaharap sa isang mamamahayag na nasa tagiliran nito.
Sa pamamagitan ng paghawak nito ng shades ay nagmumukhang respetado, kahit pa nakasuot lamang ito ng itim na damit na pinatungan ng leather jacket na itim at maong na pantalon.
Bagaman at hindi niya nabistahang mabuti ang mukha ng naturang lalake dahil nakatagilid ito ay alam niyang may itsura at maawtoridad ang porma.
Ibinalik niya ang tingin sa abuelong nakaupo sa wheel chair nito matapos maaksidente ang sinasakyan nitong kotse noong nakaraang taon.
"Lolo, tuloy pa ba ang pagpapatingin mo sa doktor sa mga paa mo?"
"Oo."
Kahit nakaupo na lang ito at kailangan ng tulong ng ibang tao at tungkod kapag tatayo ay makikita pa rin ang tikas at awtoridad sa anyo ng abuelo.
Marahil, dito siya nagmana ng ilang katangian kagaya ng may awtoridad ang dating.
Sa edad na biyente-otso masasabi ng dalaga na kuntento na siya, siya na kasi ngayon ang General Manager ng kanilang kumpanya.
Mayaman siya, matalino at maganda, nasa kanya na ang lahat maliban sa lalaki.
Para sa kanya ay sagabal lang sa trabaho at sa buhay.
Ngunit kailangan niya 'yon upang hindi mawala sa kanya ang pinakamataas na posisyon bilang tagapagmana.
"Pahangin lang ako lolo."
"Kung wala kang makukuhang asawa, bumalik ka sa pakikipag date sa mga nirereto ko sa'yo."
Tahimik siyang tumango.
Humugot siya ng malalim na paghinga at tinungo ang terasa at nagpahangin.
Naalala niya ang nangyaring audition kanina. Isa sa mga hindi nakapasa ang may sinabing nagpatatak sa isipan niya.
"Next!" sigaw niya.
"Huwag na Miss Lopez!"
Umangat ang tingin niya sa lalaking nakangisi.
"Kaya siguro kayo mayaman ano dahil mga drug lord kayo! Tingnan mo nga 'yang mga goons mo o! Mukhang mga tauhan ng sindikato!"
Ito talaga ang mabigat na pinoproblema niya mula pa noon, ang kanyang mga bodyguard.
Naalala niya kung paano matakot ang mga kliyente sa apat niyang gwardya.
"Nakakatakot ang mga gwardya mo, ang lalaki at naku madam mukhang mga goons eh? Iyon bang nakikita kong mga kontrabida sa pelikula. May mga tattoo pa parang adik."
Ngayon nahihirapan siya kung paano papagwapuhin ang mga gwardya.
Bumalik ang dalaga sa tabi ng abuelo at umupo.
"May problema po tayo sa mga gwardya ko lolo."
"Ano 'yon?" kunot-noong nilingon siya nito.
Inayos niya muna ang suot na black coat hanggang tuhod. Sa ilalim ay maiksing fitted skirt na pinaresan ng kulay pulang blusang de kwelyo.
"Gusto kong palitan sila."
"Ano! Hindi pwede, sila na ang pinakamagaling!"
"Kesa naman matatakot ang makakakita? Nangingilag ang mga oa na kliyente."
"Hayaan mo sila!" tumaas ang boses ng matanda.
Natahimik siya at halos bumulong na lang ng muling magsalita.
"Nawawalan na tayo ng kliyente kaiisip nila na ang mga gwardya ko ay goons ng isang sindikato.
Nagmumukha tayong drug lord sa paningin nila, ang hahaba pa ng mga armas."
"Talaga?" kunot-noong nilingon siya nito.
"Opo."
"Pagwapuhin mo na lang," suhestyon ng abuelo.
"Iyan nga ang pinoproblema ko!"
Dahil doon ay natahimik ang don at huminga ng malalim.
"Mahirap nga 'yan. O sige na maghahanap ako."
"Kahit isa lang pero katumbas ng apat na 'yon."
"Ano? Hija mahirap ang gusto mong-"
"Kapag nakakita kayo bukas, pag-iisipan ko ang pakikipag date sa mga nirereto mo." Tumayo siya at umakyat ng hagdan patungo sa silid.
"Alex come here!" tinawag ng don ang kanang kamay.
Napangiti si Ellah.
"Bakit po don Jaime?"
"Nakikita mo ang taong 'yan?" itinuro nito ang isang lalaki sa screen.
Hindi naman niya nakita ng malinaw ang mukha nito dahil nasa malayo na siya.
"Opo"
Napailing siya dahil alam na ang gagawin ng isang don Jaime.
Nakatutok sa telebisyon si don Jaime habang tinatanong ng mamamahayag ang isang lalaki.
"Sir anong masasabi ninyo sa pagkahuli ng isa sa pinakamalaking sindikato ng bansa?"
"Ginagawa lang natin ang ating tungkulin. Kailangang masugpo ang mga malalaking ulo na nasa likod ng maliliit na mga galamay."
Hinarap nito camera at tumitig sa screen na tila ang kinakausap ay ang mga pinupuntirya.
"Hindi tayo titira ng maliliit na galamay, dahil maging sila ay biktima ng malalaking ulo."
Napangiti ang don.
"Ang taong 'yan..." turo ng don sa telebisyon.
"... ang magiging bodyguard ng apo ko," deklara ni don Jaime Lopez.
---
CITY JAIL ZAMBOANGA CITY...
Sa labas ng naturang establisyemento ay nagkikislapan ang mga kamera habang pinalilibutan ng mga mamamahayag ang buong entrada.
Sabay-sabay ang mga tanong at napakaingay ngunit may isang nakakuha sa kanyang atensyon.
"Sir bakit hindi ninyo kinumpiska ang mga produkto at sa halip ay pinasabog niyo?"
Natigilan si Gian at napatingin sa lalaking reporter. Derekta ang tanong ng nasabing mamamahayag na para bang alam nitong pinasabog nga.
"Kailangang baguhin kung ano ang nakasanayan. Kaya sa bawat produktong masasabat, apoy ang katapat!" tugon niya at hindi na ito pinansin.
Bumaling siya sa matandang Mondragon na nasa loob.
Matapos magamot ay pormal na nila itong hinuli.
Habang dinidinig ng korte ang kaso nito ay hindi ito maaaring magpiyansa, iyon ang sinigurado niya sa dami ng ebidensiyang hawak nila laban dito.
Bumaling ang kanyang tingin sa mamamahayag.
Hindi niya derektang sinagot ang tanong nito bagama't ang totoong dahilan kaya hindi nila kinukumpiska lahat at kumukuha lang ng kaunti sa mga nasasabat bilang ebidensiya dahil may ibang opisyal ng ahensiya ng PDEA na pinapakinabangan ang mga produkto at ibebenta ulit sa mga sindikato.
Ang ganyang gawain ay isang malaking kagaguhan sa gobyerno at sa bansa.
Sinisigurado niya rin na lahat ng ilegal na gawaing may kinalaman sa droga ay lilinisin niya kahit pa ang nasa likod nito ay makapangyarihan at maimpluwensiya!
Tumiim ang tingin niya sa matandang Mondragon.
Inalala niya kung paano nakapasok sa grupo nito anim na buwan na ang nakakaraan.
---
6 MONTHS AGO...
THE BEACH HOUSE...
Sa loob ng isang hotel sa beach resort ay makikita ang tila umuulang mga bala at mga nagtatalsikan sa sahig na mga basyo nito.
Nagkagulo ang lahat nang biglang may grupo ng kalalakihan ang sumugod at pinagbabaril ang kabilang grupo.
Nagkaroon ng matinding labanan sa pagitan ng dalawang panig at nanganganib ang kanilang kliyente.
Bilang gwardya sa naturang resort ay tungkulin niyang iligtas ang mga kliyente rito.
May matandang lalaki ang papalabas ngunit hinahabol ng kalaban at pinagbabaril.
Hinila niya ito sa kwelyo ng suot na tuxedo at pinaikot sa likuran saka nakikipaglaban gamit ang kwarenta 'y singkong baril.
Habang nakakubli sa posteng kinaroroonan ay napatingin ang matanda sa lalaking nagligtas dito.
Napagtanto nitong sa mga gwardya ng resort na madalas puntahan dahil kaibigan ang may-ari.
Ngunit nahintakutan ang matanda nang matamaan ito ng bala sa dibdib habang patuloy na nakikipaglaban.
Bago ito natumba ay naubos nito ang lahat ng kalaban.
---
ZAMBOANGA CITY MEDICAL CENTER...
Tumambad sa paningin ni Gian ang isang matandang lalaking nakatayo sa may paahan.
"Anong pangalan mo?"
"D-Dave Villamayor ho, sir."
"Maraming salamat sa pagligtas mo sa akin Dave."
"Trabaho ko ho ang protektahan ang kliyente bilang gwardya."
Tumango ang kausap habang nakatitig siya ng malalim sa matanda.
Iniligtas niya ang taong ito hindi lang dahil bilang kliyente ng resort. May iba pang tunay na dahilan.
Ito ang kanyang misyon.
"Mula ngayon, hindi ka na magtatrabaho bilang gwardya sa resort na 'yon."
Lihim siyang napangiti. Ang misyon niya ay ang mga taong makapangyarihan at maimpluwensiya!
---
MINE SITE...
"Ms. Ellah talaga bang kailangan na naming iwan ka?" si Homer 'yon katabi ng kanilang driver.
Araw ng sabado at pauwi na sila galing sa mine site.
Madalas talaga siyang ginagabi lalo na kung may mga aberya sa field office kagaya ngayon alas syete na nasa daan pa sila.
Kanina niya sinabing huling pagbabantay na ng mga ito sa kanya at papalitan na.
"Paano na ang increase namin?"
Tumaas ang kilay niya sa narinig.
"Tumahimik ka nga Lando," saway ng leader na si Homer.
"Totoo naman ah? Sa yaman ni don Jaime dapat buwan-buwan ang increase ng sahod natin."
"Ms. Ellah, pagpasensiyahan niyo na po ang kabulastugan nitong si Lando."
"Magpapogi muna kayo," tumatawang tugon niya.
"Mag-aahit kami ng balbas, " masiglang tugon ni Claudio.
" Magpapapayat kami!" sagot ni Lando.
Nagkatawanan sila.
" Mabuti pa itong si Mang Jude payat, siguro ang laki ng sahod mo Mang Jude ano? " si Lando.
"Hindi naman masyado," nangingiting tugon ng tsuper.
Malapit na ngang mag-isang taon ang mga ito at kahit papaano ay natutuwa naman siya sa serbisyo, lalo na kay Homer na talagang seryoso at pinakamatino sa lahat.
"Mag-eexercise ako para pumayat!" ani Waldo na siyang may pinakamalaking katawan.
"Ang kaso Waldo mas lumalaki ka kapag nag-ehersisyo!" ani Lando.
Nagkatawanan ang mga ito.
Ngayon niya napagdesisyunan ang isang bagay.
'I'll keep this goons of mine forever...'
Hindi na niya ito ipagpapalit pa.
Panay ang tawanan nila
subalit biglang natahimik ang mga ito at naging seryoso.
"Bakit?" nagtataka niyang tanong.
Ngunit ang kanyang pagtataka ay biglang napalitan ng takot nang sabay-sabay
magkasahan ng mga mahahabang armas ang apat na gwardya.
Kumabog ng husto ang dibdib ng dalaga sa takot.
Walang kabahayan ang paligid at walang halos dumadaang sasakyan.
"Ms. Ellah," ang driver ang sumagot na patingin-tingin sa likuran.
"Parang may sumusunod sa atin!" May kalakip ng pangamba sa boses ng tsuper.
"Ano!"
Hindi nakasagot ang tsuper nang biglang magpreno kaya muntik na silang mapasubsob dahil sa humarang na sasakyan.
"Ms. Kahit anong mangyari huwag kayong bababa!" matigas na utos ni Homer.
Naglabasan ang limang kalalakihang nakatakip ng itim na maskara at tinutukan sila ng mga mahahabang armas.
"BABA!"
Malakas ang singhal ng tila pinakapinuno habang nakatutok ang baril nito sa kanila.
Nanginig ang dalaga sa takot.
"Ms. Kapag sinabi kong dapa, dumapa ka lang naiintindihan niyo?" muling utos ni Homer.
"O-oo, oo!"
Tila mawawalan ng ulirat si Ellah sa tindi ng takot ngunit pinilit niyang magpakatatag.
"ILABAS NIYO ANG BABAE AT WALANG MANGYAYARING MASAMA SA INYO!"
Namutla ang dalaga sa sigaw ng isa sa mga lalaki.
Nagkatinginan ang apat na gwardya saka nag senyasan na buksan ang pinto at sabay na nagsilabasan.
Pigil-hiningang hinintay ni Ellah ang mangyayari.
Esaktong paglabas ng mga gwardya ay ang mabilis na pagdampot ng mga ito sa mga armas sabay sigaw ni Homer.
"DAPA!"
Kasabay ng kanyang pagdapa ay ang sunod-sunod na nakakarinding putukan.
Ang mga bala ay naglilipana mula sa dalawang grupong naglalaban ng harapan.
Walang nakakatakas at walang umaatras!