Diane's P.O.V.
May exam na naman pala bukas. As usual, wala na namang laman ang utak ko. Huling taon ko na sa kolehiyo. Walong exams kasama ang nakakakabang pre-board at dalawang thesis defense na lang ay magtatapos na ako sa kursong Accountancy.
Nakakatuwa lang isipin na kaunti na lang ay matutupad ko na rin isa-isa ang mga pangarap ko—lalo na ang pangarap ko para sa pamilya ko. Sila ang inspirasyon ko sa bawat araw na dumadaan. Sila ang dahilan kung bakit hindi ako sumusuko at patuloy lang na bumabangon sa bawat laban ng buhay.
Kaunting tiis na lang, Diane. You can do it!
Mahirap maging kolehiyala sa umaga at dancer naman sa gabi… pero hindi kami mayaman kaya kailangan kong maging working student. Kailangan kong kumita ng pera kung kaya't pinagsasabay ko ang pag-aaral at pagtatrabaho. Madalas ay halos wala na akong tulog, pero tinitiis ko lang dahil kailangan kong mag-ipon para sa future.
Bukod doon ay may dalawa pa akong pinapag-aral na mga kapatid: isang nasa fourth-year high school at isang grade six. Bata pa lamang kami nang mamatay ang aming ama. Ang aming ina mula noon ay naging sakitin na rin. Kahit papaano, sobrang thankful na rin talaga ako at may sarili kaming bahay na naiwan ng ama naming pulis. At least, nakabawas man lang sa mga gastusin.
Sa totoo lang, hindi ko naman talaga ginustong maging dancer sa club, pero iyon lang talaga ang trabahong pang-gabi na bukod sa matutustusan na ang aming pag-aaral na magkakapatid, ay maipagpapatuloy pa ang araw-araw na medication ni Mama.
Mayroon siyang high blood at halos linggo-linggo kung atakihin siya. Mahirap maging panganay, pero alang-alang sa kanila ay handa akong magsakripisyo at gawin ang lahat. Pwede akong mapagod pero hindi ako pwedeng sumuko kahit kailan. Kapag sumuko ako, paano na lang sila?
Ano ba naman iyong kaunting indak at seksing katawan na makikita ng mga customer kung hindi naman nila makikita ang aking mukha dahil sa suot kong maskara? Kaibigan ni Mama ang may-ari ng club na si Tita Lucy at iyon ang aming usapan. Hindi rin ako pwedeng i-table at lalong hindi ako magsusuot ng mga damit na halos kita na ang kaluluwa.
Sabihin na ng iba na maarte ako pero conservative pa rin naman ako kahit papaano. Hindi lahat ng dancer ay bayaran at hindi por que club dancer ay 'go all the way' na. Ibahin niyo si Diane.
Kahit maraming may gusto na maka-table ako ay hindi ko talaga sila pinagbibigyan. Kahit bigyan pa nila ako ng malaking tip, hindi ko pa rin sila papansinin. Minsan nga'y may lumapit sa akin at nag-offer ng gintong kuwintas at relo, iyon… nilayasan ko!
But above all these, may isang customer pala ang pinayagan kong makausap ako at iyon ay walang iba kung hindi si Leandro.
"Clariz, ikaw na ang susunod!" narinig kong sigaw ni Martina sa pinto ng dressing room.
Tumango lamang ako habang nagliligpit ng mga gamit dito. Ang iba naman kasing dancers ay ang gugulo ng mga gamit at sapatos. Nagkalat ang iba't ibang makikislap na damit at mga makeup, kung kaya't hindi maiwasan ang magkahanapan lalo na kung kailangan na nila ang mga ito.
Dito sa Lucy's Club, hindi namin sinasabi ang tunay naming mga pangalan. 'Yang si Martina? Maria Bettina ang tunay na pangalan niyan at isa siya sa mga may ayaw sa akin. Pinapaboran daw kasi ako palagi ni Tita Lucy, kahit na ang dami kong requests.
Anyway, Clariz was my second name at hindi ko alam kung anong trip niya para palagi na lang akong tawagin sa tunay kong pangalan—when my nickname here should be Claire. Minsan, hindi ko na lang siya pinapansin. Tinatawanan ko na lang nang palihim. Napaka-insecure kasi.
Ang dami niyang issues sa buhay! Hindi na naubusan. Kahit napakaliit na issue nang pagkawala ng mumurahin niyang face powder ay pinalalaki niya pa. Pati na ang mga bagong dancer at waitress sa club ay binu-bully niya. Pero tingin ko'y ako talaga ang pinaka-kinaiinisan niya sa lahat.
Mas sexy kasi ako at 'di hamak na mas bata kaysa sa kanya. Mas makintab ang aking buhok kung ikukumpara sa buhok niyang puro split ends. Isa pa, may gusto kasi 'yan kay Leandro—na kahit anong pilit kong iwaglit sa isipan ko, ay alam ko namang sa akin lang nagkakagusto.
Mula sa dressing room ay pumunta na ako sa entablado. Tila nagfa-fashion show akong naglalakad habang nakatuon lang sa'kin ang spotlight at ang mga mata ng customers.
Suot ang aking itim na maskara, maikling shorts na bumagay sa mahahaba kong mga hita, high heels na kung saan kampante na rin akong gamitin habang nagsasayaw at cropped-top sleeveless na pang-itaas, pumuwesto na ako sa gitna at nag-umpisang umindayog sa saliw ng isang mapang-akit na musika. Malaya namang nakalugay ang buhok kong lagpas-balikat.
Hinawakan ko ang pole at nagsimula nang lumiyad, sumayaw at umikot dito. Pole dancing talaga ang mastery ko na kinabagayan pa ng lambot ng katawan ko. Isa sa mga dahilan kung bakit karamihan sa mga manonood ay gustong-gusto ako. Ito raw ay bago sa kanilang paningin dahil ako lang ang nagpo-pole dancing dito.
Iyon nga lang… sa dami nang nangahas manligaw sa akin ay wala man lamang akong natipuhan ni isa sa kanila. Not even Leandro, dahil kaibigan lang talaga ang turing ko sa kanya.
Leandro James Evangelista was a twenty-five-year-old young businessman of this generation. Sa murang edad ay hindi maitatangging napaka-successful na habang namamahala ng sarili niyang negosyo.
Gwapo, masipag, mayaman. 'Yong 'di ka mahihiyang ipakilala siya sa pamilya at mga kaibigan mo. 'Yong tipong boy-next-door at matinée idol ang datingan. As in, masasabi kong pang-boyfriend material talaga si Leandro. Pero sa kabila ng lahat, hindi ko alam kung bakit hindi ko pa rin siya gusto.
Hindi mo naman mapipilit ang puso na gustuhin din ang isang tao dahil lang may gusto siya sa'yo, hindi ba?
Ewan ko ba kung bakit. Siguro ay dahil nase-sense ng radar ko 'yong pagiging mayabang niya. Ayoko sa lahat ay 'yong mayabang. Baka gawin lang niya akong tropeyong napanalunan sa isang paligsahan kapag ipinakilala na niya ako sa pamilya at mga kaibigan niya.
Siguro, 'yong ibang babae ay magugustuhan agad siya. Pero ako? Alam kong may iba akong hinahanap at hindi ko pa nakikita 'yon.
Wala kasi akong nararamdamang ni katiting sa kanya sa tuwing magkasama kami. Wala 'yong sinasabi nilang spark at kakaibang lundag sa dibdib. Wala 'yong mga nagliliparang paruparo sa tiyan at labis na tuwa kapag nakikita ko siya. Wala akong nararamdamang ganoon sa kanya.
Hindi ko namalayan na tapos na pala ang dance number ko. Medyo napatagal yata ang puwesto ko sa itaas ng pole. Maingat na dumausdos ako pababa rito at nakangiting nag-bow sa mga manonood. Malakas na palakpakan naman ang sumunod.
Pumunta na ako sa back stage at didiretso na sana sa dressing room, nang may biglang humawak sa kamay ko at mabilis akong hinila sa mas madilim na sulok na hindi gaanong maaaninag ng kung sino mang dadaan sa gawing iyon.