Scholar
"Paborito mo romance stories 'di ba? Pasensya na ito lang nakayanan ng kuya. Gusot-gusot na kasi 'yung magagandang libro sa bangketa."
"Ayos lang kahit ano. Salamat, Kuya!" Masaya kong tinanggap ang tatlong librong binigay niya.
Syempre, ayos lang talaga sa akin basta bigay ng Kuya. Pinaghirapan niya ang pinambili nito kaya bakit ako magrereklamo? Tatlong libro iyon na kung titignan ay parang akala mo sinauna sa sobrang luma at bugbog.
Ginulo ni Kuya ang buhok ko. Inatras ko ang ulo ko para irapan siya.
"Hayaan mo 'pag naka-raket ulit ako sa pagwa-waiter sa resto bar, bibilhan kitang isang bundle sa national bookstore!" Garantiya niya.
Ngumisi ako habang iniiling ang ulo. Hinatak niya ang monoblock sa tabi ko at doon naupo. Tapos na akong kumain nang dumating ang Kuya kaya tumayo na ako para pagsilbihan siya. Kumuha akong plato at kusara't tinido.
Sa liit ng apartment na tinitirhan namin ay ilang hakbang lamang ang kailangan para makapunta sa bawat sulok ng bahay. Isang kwarto lang ang meron kami. At 'yon ang kwarto ko. Si Kuya ay sa salas natutulog. Meron naman kaming naipundar na radyo, electric fan at washing machine.
Nakikinuod na lang ako sa tindahan o di kaya'y sa kapitbahay namin ng teleserye. Dipende kung nasa mood siyang magpapanuod.
"Ayos nga lang kahit ano, Kuya. Ayos lang talaga." Marahang sambit ko habang inilalagay ang plato sa monoblock na lamesa.
Nginitian ko si Kuya Elias pagkaupo kong muli at inusisa na ang librong bili niya. Sa tatlong 'yon ay isa lamang ang masasabi kong maayos. Punit man ang cover ay maayos naman ang laman 'di tulad nung sa dalawa.
Mahilig lang talaga ako magbasa ng mga romance book. Dati naman ay hindi, puro nuod lang. Sa pagbabasa ko nahanap ang saya. Naging takbuhan ko iyon kapag dinadalaw muli ako ng lungkot. Sa romance book kasi, kadalasan happy ending.
I always wanted to also have a happy ending in life. Pero nang nangyari ang sunog tatlong taon na ang nakakalipas, sigurado na akong walang mangyayaring ganon sa buhay ko.
Paano ko masasabing may happy ending ang buhay ko kung wala na ang mga taong mahal ko?
Hindi nakaligtas si Nanay, Ate Erial at Elvira sa sunog. Napagalaman na nagsimula iyon sa kableng naka-usli sa gilid ng bahay namin. Ayon sa nakakita, nagliyab daw iyon. Dahil nga luma at kahoy ang haligi ng aming bahay kaya mabilis kumalat ang apoy.
Swerteng nakaligtas si Ate Cielo ngunit nagtamo siya ng second degree burn sa kanang balikat. Makakaligtas sana sila kung meron lang tumulong. Pero wala. Naiintindihan ko naman na naniniguro rin sila sa kanilang siguredad, inuna nilang ilikas ang kanilang gamit kesa apulahin ang apoy.
Marami namang ahensya ang tumulong sa amin kaya hindi kami nahirapan sa gastusin sa pagpapalibing kay Nanay at mga Ate ko. Masakit pero kailangan namin ni Kuya na magpatuloy sa buhay.
Si Kuya ang nagtaguyod sa akin. Tinulungan kami ng Mayor ng Maynila para may malipatan. Kaya ngayon, sa karatig barangay kami nakatira at magtatlong taon na.
Kung anu-anong trabaho na rin ang pinasukan niya para maipagpatuloy ko ang pag-aaral. Kahit na ba sa pampubliko ay kailangan pa rin namin ng pera. Sa pang araw-araw at pambayad ng bills.
Nang maka-graduate ng senior high school ay huminto na ako sa pag-aaral. Hindi dahil sa ayokong nang mag-aral kundi ay wala na talaga kaming pera. Pinagtalunan namin ni Kuya ang bagay na 'yon dahil ayaw niya akong huminto.
Gagawin niya raw lahat ng paraan para mapag-aral ako. Kaya nga natatakot ako, e. Baka kasi kumapit siya sa patalim o maisipang ibenta ang kidney katulad ng mga kapwa naming nasa laylayan ng lipunan.
Nagtrabaho akong crew sa kfc para makaipon ng pang matrikula. Napakahirap pala magtrabaho sa fast food. Hindi pwede ang tatanga-tanga at balat sibuyas dahil sa mga balahurang costumer. 'Yung tipong fifty pesos lang ang halaga ng binili pero kung pagsalitaan ka ay parang palamunin ka nila.
Awa ng Diyos, natapos ko naman ang anim na buwang kontrata at naka-ipon ng malaki-laki. Subalit, na-dengue ang Kuya. Naubos lahat ng pinagsama naming ipon dahil ilang beses siyang nasalinan ng dugo.
Ganon talaga ang buhay 'no? Akala mo mananalo ka na sa hamon ng buhay pero hindi. Kahit anong plano ang gawin mo, kahit magsumikap ka sa buhay, kung hindi para sa'yo, hindi para sa'yo.
Ang hirap pala talagang maging mahirap. Kahit anong positive thinking ang gawin mo, kung suki ka naman ng kamalasan, wala rin. Ang buhay talaga parang life!
Ginawa akong suki ng kamalasan. Pero hindi ako sumuko. Nag extra akong cashier sa canteen ng dati kong school at hanggang ngayon ay doon pa rin ako namamasukan. Si Kuya naman ay pa-raket raket sa kung saan.
Sa disposisyon namin sa buhay, hindi mahalaga ang permanenteng trabaho. Hindi rin naman tumatanggap ang mga kumpanya ng elementary graduate lang. Mataas ang mga pangarap ng Kuya sadyang mababa lang ang buhay namin.
Kaya naman noong nabalitaan kong may nagiikot-ikot sa bawat barangay at naghahanap ng mga iskolar ay dali-dali akong pumunta dala ang credentials na kailangan.
Ang tanyag na Rizaldo Empire na kilala sa buong Asia ang magbibigay ng scholarship para sa katulad naming mahihirap. Sa dalawang daang nag apply ng scholarship ay bente lamang ang maswerteng natanggap at isa na ako roon!
Ako ang pinaka una sa listahan! Ang kapalit ng pagpaaral nila sa'yo ay kailangan mong magtrabaho sa kanila hanggang sa makatapos ka. Dapat ay wala kang bagsak para manatili kang iskolar. Wala namang problema dahil kayang-kaya ko 'yun!
Huminga akong malalim at sinandal ang likod sa upuan. Pinapakiramdaman ko muna si Kuya bago ko sabihin sa kanya ang magandang balita. Isinarado ko na ang librong hawak at patapos na rin siyang kumain.
"Sa August 10 na ang pasukan sa kolehiyo, MJ at 5 na ngayon. Dalawang libo na lang ang kulang sa pang bayad sa matrikula mo. Natanong mo na ba kung magkano ang uniform doon?" aniya habang nililigpit ang platong pinagkainan.
"Wala pong uniform doon, Kuya."
Tumango-tango si Kuya. "Nagbayad na pala akong tubig at kuryente kanina. May extra pa ako ritong limang daan, ipambili mo ng mga bagong damit."
Pagkalapag niya ng plato sa lababo ay dinukot niya ang pera sa likod ng bulsa ng kanyang pantalon at inilapag sa lamesa.
Ngumuso ako at tinitigan ang limang daan. Palagi na lang niyang ibinibigay lahat ng pera niya sa akin at wala siyang tinitira sa sarili. May sarili naman akong kita kahit na 'di kalakihan ay sapat na sa pambili ko ng pangangailangan.
Kinuha ko ang pera at tumayo. Naghuhugas na ngayon si Kuya ng aming pinagkainan. Tinatanggap ko ang perang binibigay niya at tinatago. Sa lahat ng bigay niya ay wala pa akong nagagastos ni cincong duling.
Itinatago ko lang for emergency. Sasapat na 'yon sa kulang na dalawang libo pang matrikula ko pero siguradong hindi tatanggapin ni Kuya ang pera na mula sa akin. Ganon naman lagi, ang kita niya ay para sa amin at ang kita ko ay gusto niyang sa akin lang.
Sinaglitan ko lang ang pagpunta sa kwarto para itago ang pera sa safety box at binalikan din agad si Kuya. Nakangiti na ako at excited na. Nagpapawis na nga ang palad ko. Sa buong tatlong taon ng buhay ko ay ngayon na lang ulit ako nakaramdam ng saya kaya mangiyak-ngiyak din ang mata ko.
Naupo muli ako sa monoblock chair at nagpapanggap na nagbabasa pero ang totoo ay nagaantay ako. Tumikhim ako nang maaninag sa gilid ng mata na nagpupunas na ng kamay si Kuya.
"Alas nuebe na, MJ. Matulog ka na at masama ang magpuyat."
"Magbabasa lang saglit, Kuya..."
"Lalabo ang mata mo, sige ka. Nga pala, naka bili ka na ba ng bagong contact lens? Mag-iisang buwan na 'yan."
Suminghap ako. May kung anong kinukuha si Kuya sa loob ng kanyang bag na nakapatong sa lamesa. Parang kinurot ang puso ko nang mapagmasdan ang bag. Lumang-luma na at mapupunit na sana ang sabitan kung hindi lang nasalba ng tahi. Itim iyon pero dahil nga sa kalumaan ay namumuti na.
Nag-iwas ako ng tingin nang sulyapan ako ni Kuya. Palihim kong pinunasan ang namuong luha. Hulog talaga ng langit ang mga Rizaldo!
Maybe it's time for our life to roll and be on top. Dahil sa kanila ay tanaw ko na ang tagumpay. Gagalingan ko talaga sa trabaho at tutuparin ko ang pangarap ni Nanay na makapagtapos akong pag-aaral at bibilhan kong maraming bag ang Kuya!
"Huy, ayos ka lang?"
Umiling ako at suminghap. Nilagay ko ang buhok ko sa likod ng aking tainga at humarap kay Kuya na ngayon ay umupo na sa tabi ko.
"Sabi ko naman kasi bumili ka na ng bagong contact lens 'di ba? Masakit ba ang mata mo?" malambing niyang sabi at hinaplos ang buhok ko.
Hindi ko na napigilan ang maluha. Ang mainit kong luha ay umagos nang umagos hanggang sa leeg. Inusog ni Kuya ang upuan papalapit sa akin at muli na namang hinaplos ang buhok ko.
Sobrang saya ko lang na kasama ko pa rin sa buhay si Kuya. Palagi niya akong inaalala at inaalagaan. Napapabayaan na nga niya ang sarili niya dahil sa akin, e.
"Tanggalin mo na 'yan at bukas na bukas ako na ang bibili ng contact lens mo. Magpahinga ka na." mas naging mahinahon pa ang boses niya.
Suminghap ako at nag-angat ng tingin sa kanya. Tumigil na rin ang pag-iyak, sinadya ko iyon pigilan para hindi na siya mag-alala pa. Pinunasan ko ang natirang luha gamit ang likod ng aking kamay.
"Kuya..." medyo basag pa ang boses ko at nanunuyot ang lalamunan.
"Hmm?"
Lumunok ako at suminghot para makahinga maayos. Inaayos ni Kuya ang buhok ko papunta sa likod ng tainga.
"Natanggap po akong scholar ng Rizaldo Empire, Kuya..." nanginginig kong sabi na hindi ko inaasahan.
Tila nabato si Kuya sa paghaplos ng buhok ko. Nang matauhan ay hinawakan niya ako sa magkabilang balikat at pinanliitan ng mata, nanunuri.
Suminghap ako at ngumiting tagumpay. Umiling-iling si Kuya at bumagsak ang tingin sa sahig, nanatili ang hawak niya sa balikat ko at parang nanginginig. Nabalot kami ng katahimikan, narinig ko na lang ang hikbi niya.
Nagpunas siya ng luha at saka nag-angat ng tingin. Kumikinang ang kanyang mata dahil sa tama ng liwanag sa luha.
"Talaga tanggap ka? Scholar ka na? Matutupad mo na pangarap mo, MJ!" marahan niyang inalog ang balikat ko at pilit na pigilan ang emosyon.
Nakangiti akong tumango habang kagat-kagat ang labi.
"Pangarap natin, Kuya! Pangarap nila Nanay, Ate Erial at Ate Elvira. Ako ang tutupad ng mga pangarap nila..."
Bumitaw na si Kuya sa braso ko. Nagsasalin na siya ng tubig sa baso at mabilis na ininom, nakahawak pa ang isang kamay sa dibdib animo'y naghahabol ng hininga.
"'Yun ba 'yung nababalitaan kong nagiikot sa bawat barangay ang Rizaldo Empire?"
Tumango ako. "Oo, Kuya! 'Di ba si Tori Rizaldo ang dati mong boss? Siya na ngayon 'yung bagong president at siya rin ang bumuo ng scholarship foundation na 'to!"
Marahang tumawa si Kuya. Dati siyang naging driver ni Tori Rizaldo kaso hindi man lang natapos ang kontrata dahil tinanggal siya nito. Crush pa naman niya 'yon. Nakilala na rin namin siya nila Nanay.
Pumunta sila dati sa bahay at may dalang pang almusal. Ang ganda ganda talaga niya at mabait pa! Saksakan ng yaman pero wala akong nakitang arte sa kanya, marunong makisama at hindi nagreklamo kahit mainit at masikip ang aming bahay.
Siguro napansin niyang crush siya ni Kuya kaya niya tinanggal? Hindi naman pangit si Kuya pero ang sabi niya'y may boyfriend si Tori noong panahong 'yon.
Maaga akong gumising para sa araw na 'to. Kahapon ay nagpaalam na ako kay Ate Vilma na liliban ako ngayong araw para asikasuhin ang scholarship ko. Dala ko ulit ang mga credentials na kakailanganin ipasa.
Sabay kami ni Kuya umalis ng bahay. Binigyan niya na naman akong extra na dalawang daan para kung magutom ay ikain ko raw sa fast food kesa sa karinderya.
Sa Huang Enterprise sa Taguig ang punta ko. Sila ang agency na magaasikaso ng aming scholarship. Mamaya ang briefing kung saan at paano ang magiging sistema. Sa dami ba namang business ng mga Rizaldo, pwede nila kaming ilagay kahit saan.
Nagmamay-ari sila ng airline, hotel and resorts, casino, restaurants, school pati na rin hospital. Baka nga marami pa, e. Kaya nga tinawag na Empire dahil halos sakupin na ng yaman nila ang buong Pilipinas.
Mabuti na rin at naisipan nilang mamigay ng scholarship sa mga kapuspalad. Pakikinabangan nila ang labor namin at pakikinabangan din namin ang pagpaaaral nila. 'Di ba win-win situation?
"HRM ang course na kukunin mo 'di ba? O baka sa hotel ka nila ilalagay." anang Jean.
Niyakap ko ang bitbit na bag at tinignan siya. Kaklase ko siya noong high school at tulad ko ay natanggap din. Isa siya sa mga nambu-bully sa akin noon pero naging magkaibigan na kami.
"Ikaw din kaya. Tingin mo saang hotel?" Balik tanong ko.
"Hmm, sana sa Reussie! Nakita mo ba itsura ng mga Rizaldo? Grabe ang sasarap! Lalo na si Shaun Rizaldo! Super bet ko siya sa kanilang lahat!" nagtititili niyang sabi.
Nagsalubong ang kilay ko at humingang malalim. Tiningala ko ang maliwanag na ilaw sa likod ng nameplate na nakadikit sa pader. Nakalagay doon ang pangalan ng building sa cursive form.
Nakaupo kami sa steel waiting bench kasama ang iba pang scholar. Naghihintay na lamang kaming matawag ang pangalan. Tapos na kaming sumulat sa form at na-assess na rin ang aming papel.
Hindi ko inaasahan na magiging ganito ang pagbi-brief nila. Sa loob ng opisina ay grupo-grupo ang pagtawag nila at kung sino ang kasama mong natawag ay siya ring makakasama mo sa trabaho. Umayos akong upo ganon din si Jean nang sumungaw ang assistant na may hawak na black hardboard.
"Ms. Emery Joule Hernandez and Jeana Lina!"
Napatili si Jean at naunang tumayo. Pakiramdam ko ay para akong binuhusan ng nagyeyelong tubig sa panlalamig ng kamay.
"Aba kilos-kilos, MJ! Dali tayo na!" aniya sa matinis na boses.
Napalunok ako at tumayo na. Inayos ko ang suot kong blue na polo shirt at hinatak pataas ang pantalon. Pagpasok sa loob ay matalim na agad ang titig ng lalaking nakasuot ng kurbata. Putok na sa kanyang tiyan ang suot sa long sleeves at parang hindi na nakakahinga.
Ngumisi ako panandalian at binalingan ng tingin si Jean. Naupo kami sa pandalawahang couch na nakatapat sa table ng lalaki sa swivel chair.
"Oh, sa Hotel Reussie ko kayo nilagay. Tutal HRM ang course niyo at doon nangangailangan ng maraming tao..."
Nagkatinginan kami ni Jean at napangisi. Bakla pala itong si Sir! Maton siya tignan kaya hindi ko akalain! Pumipilantik pa ang kamay tuwing magsasalita. Matapos ng mahabang usapin ay may inabot siya sa aking papeles kung saan nakalagay ang schedule namin.
Talaga namang nalaglag ang panga ko nang malamang hindi kami sa pampublikong kolehiyo mag-aaral kundi sa Rosehill University!
Isa sa mga prestihiyosong paaralan sa Pinas at mga Rizaldo rin ang nagmamay-ari. Base sa aming schedule ay MWF ang pasok namin sa school at ang natitirang araw ay ang araw naman ng pasok sa Reussie.
Pinapunta kami si Sir Rosales sa RHU para kunin ang handbook, registration form, ID pati uniform. Nalipasan na kami ng gutom kaya dumiretso na rin kami. Pahapon na rin.
Nakaramdam akong panliliit sa sarili habang pinagmamasdan ang imprastraktura ng RHU. Sinunod lang namin ang tinurong direksyon ng guard patungong registrar.
Pinagtitinginan kami ng mga estudyanteng nadadaanan. Pinasadahan kong tingin ang damit kong kupas. Bumubuka na rin ang swelas ng sapatos ko.
"Dito na talaga tayo mag-aaral?" bakas sa boses ni Jean ang saya.
Tumango ako at ngumiting kaonti. Bawat kilos kasi namin ay tinitignan kami na para bang isa kaming katatawanan. Tinulak ko na si Jean para magpatuloy sa paglalakad.
"Huy! Meron silang water drinking fountain!" Napahiyaw si Jean at tumakbo papalapit doon.
May bulung-bulungan akong narinig at ang iba ay natawa. Yumuko ako at napakagat labi habang papalapit kay Jean. Inapak-apakan niya ang water fountain at doon naghugas ng kamay.
"Jean lika na... pinagtitinginan na tayo..."
"E bayaan mo sila! First time kong makakita ng ganito, e." aniya at nagpatuloy sa paghuhugas.
Napasapo na akong noo sa sobrang hiya.
"Ma'am bawal po 'yan..." sita ng guard sa amin.
Kinalabit ko sa tagiliran si Jean. Ngumuso siya at humarap sa guard saka ito tinarayan.
"Para saan ba 'yan? 'Di ba para gamitin?" Nagpamaywang pa.
Hinatak ko na ang suot niyang polo shirt na katulad ng akin ay luma na. May ibang estudyanteng huminto para lamang tapunan kami ng mapanglait na tingin.
"Kuya naligaw lang po kami... saan po ba ang registrar?" Tanong ko dahil mukhang nagkakainitan na ang dalawa.
"Bakit estudyante ba kayo rito? Bawal dito mga mukhang busabos." bastos niyang sagot.
Nagpupuyos na sa galit si Jean at gusto nang mangalmot kung hindi ko lang nayakap. Kumulo rin naman ang dugo ko sa bastos na guard kaso ay ayoko na ng atensyong nakukuha namin.
"Ang kapal naman ng mukha mo! Iskolar kami ng school na 'to kaya estudyante rin kami! Makapagsalita ka parang Rizaldo ka ah! Rizaldo ka ba ha? Si Shaun Rizaldo ka ba? Pangit mo hoy!" asik ni Jean.
"Sa kabilang building ang registrar, Miss."
Napalingon kami ni Jean sa pinagmulan ng boses. Humanga agad ako sa ganda ng babae. Nakasuot siya ng t shirt na kulay mustard at itim na mini skirt. Napalunok ako at umayos ng tindig.
Nginitian niya ako nang mapansin ang pagtitig ko. Hindi ko magawang ngumiti pabalik dahil sa hiya. Itsura pa lang alam mong ubod ng yaman. May accent pa magsalita.
"Let's go. I'll accompany you two." aniya habang inaalog ang kape niyang galing starbucks.
Tumango ako at sumunod na. May pahuling hirit pa si Jean sa guard na tinawanan ko. Tahimik kaming sumusunod sa babae na nagmukha na kaming chaperone.
Sumasayaw ang buhok niya sa bawat lakad at para akong nanunuod ng fashion show. Kulot ang dulo ng buhok niya, mahaba ang legs at sobrang kinis! Parang nagbabad yata sa papaya kaya naging ganyan.
"I heard scholar kayo? Good luck sa pasukan. Hmm, good thing RHU has a uniform kasi if that's what you're gonna wear every day..." huminto siya at tinignan ako mula ulo hanggang paa. Umasim ang mukha niya.
"Uhhh, whatever. By the way, I'm Blanca Pereira..." Bigla siyang ngumiti at naglahad ng kamay sa akin.
"Jeana Lina. Ang ganda mo 'te ha! Model ka?" Si Jean ang tumanggap no'n.
Agad binawi ni Blanca ang kamay at kumuhang kung ano sa bag. Namilog ang mata ko nang naglabas siya ng wet wipes at pinunasan ang kamay na hinawakan ni Jean. Nakakabastos ang ginawa niya pero ano bang bago roon?
Sana hindi na lang siya naglahad ng kamay kung pandidirihan lang kami. Bumughang marahas na hangin si Jean at nag walkout. Tumango ako kay Blanca bilang paalam.
Sumunod ako kay Jeana sa loob ng registrar. Nahanap agad siya ng mata ko dahil sa itsura naming kakaiba sa lahat. May babae pang hi-nead to foot ako dahil papalabas siya. Umalis ako sa pintuan. Nang irap muna ito bago lumabas.
Tumabi ako kay Jean, suminghap muna at tinitigan siya.
"Hayaan mo na Jean..." pagpapakalma ko.
She glared at me. "Anong hayaan? Kaya ka binu-bully noon kasi hinahayaan mo!"
I shook my head while chuckling. Oo nga pala, nakaligtaan kong palaban itong si Jean.
"Paconyo-conyo pa. Konyatan ko siya eh! Hmp!" Iritadong aniya at humalukipkip.
Saktong alas cinco kami natapos sa RHU. Nakapagpa-ID picture na kami at isa na kaming ganap na estudyante ng RHU! Sinuot agad ni Jean ang kanyang ID at niyabang sa guard na nakaaway kanina. Bumelat pa!
Bukas na bukas ay sa Hotel Reussie naman ang tungo namin at ito-tour kami ng manager sa buong lugar. Kayang ko kaya ko lahat basta para sa pangarap, para sa magandang buhay!