Hindi maipaliwanag ni Elysia ang kaniyang nararamdaman nang makapasok na sila sa palasyo. Malaki ang kaibahan nito sa palasyo ni Vladimir— walang kahit anong madilim na kulay ang masisilayan roon. Puro liwanag, ginto, at pilak ang bumabalot sa bawat sulok. Ang mga haligi ay tila nililok ng pinong sining, at ang mga kisame ay puno ng makikinang na mural na nagkukuwento ng kasaysayan ng angkan ng mga Alarion. Bawat nilalang na kanilang nadadaanan ay may nakapaskil na ngiti sa kani-kanilang labi, masugid silang sinasalubong, at ramdam nila ang mainit na pagtanggap ng mga ito.
Habang pinagmamasdan ni Elysia ang kabuuan ng palasyo, napansin niya ang kabigha-bighaning liwanag na tila sumisiksik sa bawat sulok ng lugar. Sa loob ng bulwagan, sa gitna ng marangyang trono na yari sa purong ginto at inukitan ng anyo ng mga taong ibon, nakaupo ang isang matandang lalaki. Bagama't may edad na, ang tindig nito'y puno pa rin ng awtoridad at lakas. Ang kaniyang mga mata'y kulay pilak, katulad kay Zuriel— isang bagay na nagpasikdo sa puso ni Elysia. Sa wakas, makikilala na niya ang lolo na sinasabi sa kaniya ni Zuriel. Bahagya pa siyang napakapit sa braso ni Vladimir dahil sa matinding kaba na kaniyang nararamdaman. Isang marahang tapik naman ang iginawad sa kaniya ni Vladimir at marahang pinisil ang kaniyang kamay matapos pinagsalikop ang mga ito.
"Ikaw na ba si Elysia?" Ang tinig ng lalaki ay malalim ngunit magiliw. Ang bawat salita'y puno ng pagmamahal at pagkilala. Tumayo ito mula sa trono, at sa bawat hakbang nito papalapit sa kaniya, dama ni Elysia ang bigat ng koneksyon nilang dalawa.
"Opo," sagot niya, halos pabulong. "Ako po si Elysia…"
Ngumiti ang matanda— isang ngiti na nagpainit sa malamig na bahagi ng kaniyang puso. "Ako si Veyr, hari ng Astradel. At higit pa roon… ako ang iyong lolo. Maligayang pagdating sa iyong tahanan, apo ko."
Hindi napigilan ni Elysia ang maluha. Sa unang pagkakataon, naramdaman niya ang ganap na pagtanggap at pagmamahal mula sa isang pamilyang hindi niya alam na magpapakumpleto sa kaniya. Nang balingan ni si Zuriel ay nakangiti ito sa kaniya bago tumango. MUli siyuang tumingin sa matanda at nakita niyang nakabuka na ang mga bisig nito— tila naghihintay ng isang mainit na yakap mula sa kaniya. Magiliw itong pinaunlakan ni Elysia at sa pagramdam niya sa mainit na bisig ng matanda ay hindi na niya napigilan ang pag-agos ng masaganang luha mula sa kaniyang mga mata. Pahikbi niyang isinubsob ang mukha sa dibdib ng matanda, tila pinupunan ng yakap na iyon ang matinding pagnanasa ni Elysia na magkaroon ng tunay na matatawag niyang pamilya.
"Tahan na Elysia, masayang okasyon ang pagkikita nating ito." Pinahid ng matanda ang luha sa kaniyang pisngi. Hindi pa man tuluyang natutuyo ang luha ni Elysia, bumukas ang malalaking pintuan sa magkabilang gilid ng bulwagan. Sabay-sabay na pumasok ang sampong ministro ng kaharian, bawat isa'y nakasuot ng magagarang balabal na yari sa pilak at ginto, may nakaburdang mga simbolo ng kani-kanilang tungkulin sa kaharian. Tumigil sila sa harap ni Haring Veyr, Zuriel, Vladimir at ni Elysia, sabay na yumukod bilang pagbibigay-galang. Isang ministro, na may mahabang puting balbas at hawak na isang tungkod na kumikislap sa liwanag, ang unang nagsalita.
"Maligayang pagdatal sa kaharian ng Astradel Haring Vladimir, Prinsesa Elysia," aniya, ang tinig nito'y mababa ngunit malinaw, puno ng respeto. Pagkatapos ay iniangat nito ang tingin kay Elysia. "At isang karangalan para sa amin ang makita ang prinsesa ng Astradel sa unang pagkakataon. Ang iyong pagbabalik ay isang biyaya sa kaharian."
Bagaman nasanay na siyang tawaging prinsesa sa Nordovia hindi pa rin niya naiwasan ang magulat sa pagtawag sa kaniya bilang "prinsesa dito sa Astradel. "Hindi niya inasahan ang ganoong titulo, lalo pa't ngayon lamang niya nalaman ang kaniyang koneksyon sa mga Alarion. Napatingin siya kay Vladimir, na tahimik lamang na nakamasid, tila sinusuri ang bawat detalye ng nangyayari.
"S— Salamat," mahinang tugon ni Elysia, bahagyang yumuko bilang pasasalamat. Bagama't kabado, pinilit niyang magpakita ng lakas sa harap ng mga ito.
Sunod-sunod na nagsalita ang iba pang mga ministro, bawat isa'y nagpapahayag ng kanilang kagalakan sa kaniyang pagdating. Ngunit sa kabila ng magiliw na mga salita, hindi maiwasan ni Elysia na mapansin ang ilang pares ng mga mata na tila nagmamasid nang mabuti sa kaniya, puno ng pagsusuri. Hindi niya alam kung bakit, ngunit may kung anong bumubulong sa kaniyang isip na ang bawat galaw niya ay may kahalagahan para sa mga naririto.
Muling nagsalita si Haring Veyr, itinaas ang kaniyang kamay upang pakalmahin ang mga ministro. "Ngayong nakabalik na ang aking apo, sisiguraduhin nating maayos siyang maipakikilala sa kaharian. Ngunit para sa ngayon, hayaan muna natin siyang magpahinga. Marami pang panahon para sa mga usaping pangkaharian."
Ang lahat ng ministro ay sabay-sabay na yumuko muli bago dahan-dahang umatras palabas ng bulwagan. Pagkaalis ng mga ministro, bumaling si Haring Veyr kay Vladimir. Ang masiglang ngiti na kanina'y nakikita sa kaniyang mukha ng matanda ay napalitan ng seryoso at mabigat na ekspresyon. Tumitig siya kay Vladimir nang matagal, tila sinusukat ang lalim ng pagkatao ng lalaki na kumupkop at nag-alaga sa kaniyang apo.
"Vladimir," ani Veyr, ang tinig nito'y puno ng awtoridad ngunit may bahid ng respeto at pagpapakumbaba. "Hindi ko lubos na maipahayag ang aking pasasalamat sa ginawa mo para kay Elysia. Sa lahat ng taon na nawalay siya sa amin, ikaw ang naging haligi niya, ang nagbigay sa kaniya ng tahanan. Alam kong hindi iyon madali, lalo na't magkasalungat ang angkan na inyong pinagmulan."
Tumango si Vladimir, ang kaniyang mga mata'y malamig ngunit magalang. "Ginawa ko lang ang nararapat, Haring Veyr. Si Elysia ay hindi lamang isang responsibilidad para sa akin— siya ang kahati ng aking buhay. Ang kanyang kaligtasan at kapakanan ang naging pangunahing layunin ko sa lahat ng oras."
Sandaling natahimik si Veyr, tila iniisip ang mga sumunod na salitang bibitiwan. Pagkatapos ay tumingin siya kay Elysia, na nakikinig lamang ngunit halatang naguguluhan sa bigat ng usapan. Bumalik ang tingin ng hari kay Vladimir, at dito lumalim ang kaniyang tinig.
"Ngunit ngayon, may mas mabigat na usapin tayong kailangang harapin," wika niya. "Narinig ko ang balita tungkol sa nalalapit ninyong kasal, at ang balak mong iproklama si Elysia bilang Reyna ng Nordovia. Totoo ba ito?"
Hindi nag-atubili si Vladimir sa kaniyang sagot. "Opo, Mahal na Hari. Noon pa man, alam kong si Elysia ang karapat-dapat na tumayo sa tabi ko bilang Reyna ng Nordovia. Hindi ito usapin ng politika o kung ano ang kaniyang pakinabang— ito'y isang bagay na matagal nang nararapat at nakalilok na sa aming mga tadhana."
Napatingin si Elysia kay Vladimir, nagulat sa kanyang hayagang deklarasyon. Bagama't alam niyang pinag-uusapan na nila ang tungkol sa kasal, tila iba ang bigat ng pahayag na iyon kapag naririnig mula mismo sa bibig ni Vladimir.
"Kung ganoon," ani Veyr, nag-aalab ang mga pilak nitong mata, "Vladimir, nais kong itanong sa iyo, hindi bilang isang hari kun'di bilang lolo ni Elysia— nakasisigurado ka bang kaya mo siyang protektahan laban sa mga panganib na nagbabanta sa kaniyang buhay, lalo na ngayon na mas lantad na siya sa mata ng mundo? Lingid na rin sa kaalaman namin ang nangyaring pagbabago sa katawan at katauhan ng aking apo, at dahil doon, higit siyang nanganganib ngayon."
Tahimik na tumitig si Vladimir kay Veyr, ang kaniyang mala-yelong aura ay hindi natitinag. "Kahit buhay ko ang nakataya, Haring Veyr, hindi ko hahayaang may sinoman o anomang makapanakit kay Elysia."
Sa sagot na iyon, bahagyang lumambot ang ekspresyon ni Veyr. Tumango ito, ngunit hindi nawala ang seryosong timpla ng kaniyang mukha. "Mabuti, Vladimir. Pero tandaan mo ito: si Elysia ay hindi na lamang magiging Reyna ng Nordovia. Siya rin ang prinsesa ng Astradel. Ang dugong dumadaloy sa kaniyang mga ugat ay magiging simbolo ng kapayapaan at kapangyarihan ng dalawang kaharian. Kung siya'y magkakamali, o ikaw, hindi lamang isa kundi dalawang mundo ang maaaring maapektuhan."
Tumango si Vladimir, ginagap niya ang kamay ni Elysia at pinisil ito. Sa isiping iyon, alam niyang ang nalalapit nilang kasal at ang koronasyon ni Elysia ay hindi lang isang simpleng seremonya— ito'y magiging simula ng mas malalaking hamon na kakailanganin nilang harapin nang magkasama. Bukod roon, nariyan din ang banta ni Vincent at mga kampon nito na ang layunin ay pabagsakin ang kaharian at ang paslangin sila.
Sinulit ni Elysia ang pagkakataong makasama ang kaniyang lolo at kuya, alam niya pagkatapos nito ay matatagalan pa bago ang muli na naman nilang pagkikita. Hapon nang mapagpasiyahan nilang bumalik na sa Nordovia. Naging emosyonal si Veyr nang makitang papaalis na si Elysia. Isang mahigpit na yakap ang muli niyang iginawad sa dalaga bago ito hinayaang sumakay sa karwahe. Nag-iwan din ito ng mga paalala at bilin kay Vladimir bago sila tuluyang umalis.
Sumandal si Elysia at marahas na bumuga ng hangin.
"Hindi pa rin ako makapaniwala. Hindi ko inasahan na kakaiba pala ang angkang pinanggalingan ng aking ama. Bata pa ako nang mawala sila kaya hindi na nasabi sa akin ni Mama ang katotohanan sa pagkatao ko." Panimula ni Elysia.
"Ayos lang iyon, ang mahalaga, alam mong may pamilya ka pa, bukod sa akin, syempre." Saad naman ni Vladimir.
"Pero Vlad, totoo ba nag lahat ng sinabi mo sa lolo ko? Hindi ka ba talaga magsisisi?" Tanong ni Elysia at ngumiti si Vladimir.
"Ikaw ang pjnakamagandang nangyari sa buhay ko, matapos ang limampung taong pag-iisa, bakit ako magsisisi?" Balik na tanong ng binata at sumikdo ang puso ni Elysia sa labis na kasiyahan.