Tatlong araw bago sumapit ang kapanganakan ni Elysia. Lahat ng katiwala at mga kawal ay abala sa paghahanda para sa pagdiriwang. Mauuna ng ilang linggo ang kaarawan ni Elysia sa koronasyon at kasal nila ni Vladimir. Ang buong kaharian ay tila nagliliwanag sa kasiglahan, at bawat sulok ng palasyo at hardin ay napuno ng mga bulaklak at dekorasyon. Ang mga tagapag-alaga ni Elysia ay nagmamadaling magtahi ng kanyang kasuotang susuotin para sa pagdiriwang ngkaniyang kaarawan, habang ang mga kawal naman ay nagsasagawa ng mga huling pagsasanay para sa seguridad ng okasyon.
Habang ang lahat ay abala sa paghahanda, si Elysia ay naglalakad sa hardin ng palasyo, ang kanyang mga mata ay puno ng kasiyahan subalit naroroon din ang pag-aalala. Hindi niya maiwasang mag-isip tungkol sa hinaharap, sa mga pagbabago na dulot ng magiging kasal at koronasyon niya na magaganap sa mga susunod na linggo. Maliban sa pagiging isang prinsesa, siya rin ay magiging reyna at asawa ng lalaking puno ng misteryo at kapangyarihan. Ang bawat paghakbang niya ay kaakibat nito ang bigat, ngunit sa kabila ng lahat ng ito, naroroon ang isang matinding pagnanasa na makasama si Vladimir at mapaglinkuran ang buong Nordovia bilang reyna.
Huminto si Elysia sa ilalim ng isang matandang puno at naramdamam niya ang malumanay na hangin na dumapo sa kanyang mukha. Ang mga sanga ng puno ay tila sumasayaw sa kanyang paligid, at sa mga sandaling iyon, nakaramdam siya ng isang uri ng kapanatagan.
"Elysia, kumusta na?"
Marahas na napalingon si Elysia at kumislap ang mga mata niya nang makita si Zuriel na nakatayo sa kaniyang harapan. Tulad nang una niya itong makita, nasa taong anyo ito, nakasuot ng isang kasuotang naaayon sa kanilang kinaroroonan.
"Kuya Zuriel, ikaw nga," masayang bulalas ng dalaga at mabilis na yumakap sa binata. Natawa naman si Zuriel at gumanti ng yakap dito.
"Tatlong araw na lang at kaarawan mo na, nais ko sana sa araw na iyon ay sumama ka sa akin, nasasabik na si lolo na makita ka," wika ni Zuriel sa mahinahon at baritono nitong boses.
"Lolo? May lolo pa tayo, ibig sabihin buhay pa ang lolo natin?"
"Oo naman, sa pagsapit ng umaga ng araw ng iyong kapanganakan, susunduin kita, ibabalik kita rito bago magsimula ang selebrasyong inihanda ng mga bampira at mga tao sa'yo, ayos lang ba iyon?" tanong ni Zuriel at napangiti si Elysia.
"Oo, sige kuya. Sasabihan ko lang si Vlad, para hindi siya mag-alala. Siyanga pala, ako lang ba ang pupunta?" masiglang tanong ni Elysia at natatawang napapailing lang si Zuriel. Bakas na bakas kasi sa mukha ng dalaga ang kagalakan.
"Kailangan mong dalhin si Vladimir, dahil kikilatisin siya ni Lolo, kaya ikaw na ang bahalang maglahad ng imbitasyon sa kaniya. Maaasahan ko ba iyan, Elysia?"
"Oo naman, kuya. Pero huwag niyo sanang masayadong pahirapan si Vlad, ha." tugon naman ng dalaga at muli lang na tumawa ni Zuriel. Hindi na ito nagtagal pa at dagli ring nilisan ang lugar. KItang-kita ni Elysia ang pagbuka ng malalapad nitong mga pakpak bago ito lumipad papalayo sa palasyo. Dahil sa tuwa, pakandirit siyang pumasok sa palasyo upang ilahad kay Vladimir ang magandang balita.
"Imbitasyon galing kay Zuriel at sa lolo mo?" gulat na tanong ni Vladimir.
"Oo, hindi ako makapaniwalang may lolo pa ako Vlad, ang buong akala ko ay nag-iisa na lang ako, bukod sa kuya ko si Zuriel, may lolo pa ako. Hindi ba't nakatutuwa." masayang balita ni Elysia. Napalunok naman si Vladimir at bahagyang tumighim.
"Kuya mo si Zuriel?"
"Oo. bakit ano bang akala mo?" tanong ni Elysia at napansin niya ang pamumula ng pisngi ng binata. Napataas naman ang kilay niya dahil sa nakitang reaksiyon sa binata. Agad naman niyang naalala ang matatalim na tingin at matinding pagkadisgusto ni Vladimir sa kapatid. Ngunit nang mga panahong iyon, hindi niya alam na kapatid niya si Zuriel.
"Vlad, huwag mong sabihing pinagseselosan mo si Kuya Zuriel noon? Kaya ba lagi kang wala sa mood kapag nakikipaglapit siya at laging matatalim ang tinging ibinabato mo sa kaniya?" kunot-noong tanong ni Elysia at mabilis na nag-iwas ng tingin si Vladimir.
HUmagalpak ng tawa si Elysia nang mapagtantong tama ang hinuha niya. Patalon niyang hinawakan ang braso ni Vladimir at pinaharap ito sa kaniya.
"Nagseselos ka nga, naririnig ko ang isip mo." tawang-tawa si Elysia sa kaniyang nalaman. Noon lang din niya napagtanto na ang tulad ni Vladimir na parang bato ang emosyon ay may ilalambot din pala.
Kumikislap pa ang mata niya habang nakatingin sa mga mata ni Vladimir. Dinig na dinig kasi niya ang panibugho nito tungkol sa maling akala nito kay Zuriel. Nasapo naman ni Vladimir nag noo nang maalala na naririnig pala ni Elysia kung ano ang nasa isip niya at gano'n din siya sa dalaga.
Sa halip na mainis, natawa na lang din siya at niyakap nag dalaga. Pinaupo niya ito sa kaniyang binti at pinasandal sa kaniyang dibdib habang marahang hinahaplos ang buhok.
"Ngayong makikilala mo na ang pamilya mo, paniguradong mahaharap ka sa pagpili kung saan ka mananatili. Tandaan mo ito, Elysia, kapag darating ang araw na papipiliin ka, nais kong isaalang-alang mo ang kaligayahan mo. Kahit ano ang pipiliin mo, mananatili akong nakasuporta sa'yo."
Napatingala naman si Elysia at nakita niya ang kaseryosohan sa mukha ng binata. Natahimik lang si Elysia at napatango. Alam niyang darating siya sa oras na iyon at mukhang ang imbitasyon na ito ang magiging simula ng lahat. Marahas na bumuga ng hangin si Elysia at matamis na ngilumiti kay Vladimir.
"Ano't ano pa man, siguradong ikaw ang pipiliin ko at ang Nordovia." Nakangiting wika ni Elysia.
Lumapad naman ang ngiti sa mga labi ni Vladimir at tumango bilang pagsang-ayon rito.
Sumapit ang araw ng kapanganakan ni Elysia, sa pagsisimula ng pagsikat ng araw, isang puting karwahe ang huminto sa hardin ng palasyo. Hinahatak ito ng tatlong kabayong may pakpak, lulan ang isang kabalyerong puti.
Sa paglabas ni Elysia kasama si Vladimir, agad na sumilay sa kanila ang nakaluhod na kabalyero habang iminumuwestra ang nagkabukas na pinto ng karwahe. Nagpasalamat si Elysia at maingat siynag inalalayan ni Vladimir na makaakyat bago ito sumunod sa kaniya.
Mabilis na isinara ng kabalyero ang pinto ng karwahe at sumakay na ito sa harap. Lulan ng karwaheng puti, tinahak nila ang landas patungo sa Astradel. Nasa ibayo pa ito ng Nordovia, ilang bundok rin ang nadaanan nila bago naramdaman nila naramdaman ang pag-angat ng karwahe sa ere.
Manghang-mangha naman si Elysia habang nakatingin sa napakagandang tanawin sa ibaba. Bukod sa ulap, kitang-kita rin niya ahg kabuuan ng kalupaan sa ibaba.
"Hindi ko akalain na ganito kaganda ang tanawin dito aa itaas. Pero nakakatakot din dahil siguradong lasog-lasog ang katawan natin kapag nahulog tayo." Qika ni Elysia.
Narinig niyang tumawa si Vladimir at sinamaan niya ito ng tingin.
"Paano malalasog kung kaya mo namang lumipad. Sa dinami-rami ng sinanay mo sa sarili mo, ang paglipad ang nakalimutan mo." Turan ni Vlad at napipilan naman ang dalaga.
Tunay ngang hindi pumasok sa isip niya ang bagay na iyon. Nawala sa isip niya na dahil kapatid niya si Zuriel, paniguradong kaya rin niyang makalipad gamit ang pakpak niya.
"Dapat pinaalala mo sa akin." Sumbat niya sa binata na ikinabigla naman nito.
"Hindi ba dapat alam mo sa sarili mo iyan?" Laban ni Vlad at ngumuso naman si Elysia.
"Kahit na, mas matanda ka sa akin kaya dapat pinaalala mo," giit namn ni Elysia at nasapo lang ni Vladimir ang noo at natawa.
"Panalo ka na, pasensiya na kung hindi ko pinaalala. Sa susunod, sasamahan pa kita paya magsanay na lumipad." Kakamot-kamot sa ulo na wika ni Vladimir.
Ngumiti naman si Elysia— ngitihg tagumpay na nalusutan ang isang pagkakamali.
Ilang sandali pa, narating na nila ang kaharian ng astradel na nakatirik sa malaking isla na animo'y nakapatong sa napakalaking at napakakapal na ulap.
Bukod sa puti, ginto at makukulay na palamuti ang nakikita ni Elysia sa buong paligid.
"Mabuti naman at nakarating kayo." Malapad ang ngiting sunalubong sa kanila si Zuriel. Bakas sa mukha ni Zuriel ang labis na kaligayahan. Yumakap ito sa dalaga habang ang mga mata ay nananatiling nakatingin kay Vladimir.
Napangisi naman si Zuriel nang makitang walang pagbabago sa reaksiyon ng binata, nakangiti ito sa kaniya at animo'y maamong aso na nakasunod lang kay Elysia. .
"Mukhang naipaliwanag na sa'yo ni Elysia ang sitwasyon, maligayang pagdating sa Astradel, ako at ang buong angkan ng Alarion ay nagpapasalamat sa pag-aalaga at pagkupkop mo sa aking nag-iisang kapatid." Saad ni Zuriel at maluwag na inilahad ang kamay. Nakangiting tinanggap naman ni Vladimir ang kamay ni Zuriel. Matapos ang sandaling pagbati sa isa't isa ay pumasok na sila sa matayog na palasyong nasa harapan nila.