Walang pagdadalawang-isip na hinatak nila si Sitan papalapit doon sa kinaroroonan nila Miguel.
Nang marating na nila ito ay agad na pinagtabi nila ang katawan ni Isagani at ang aswang na nahuli naman nila Obet . Nagbitaw si Miguel ng paunang dasal bago nito inilapat ang krus na hawak sa dibdib ng katawan ni Isagani. Napasigaw naman Si SItan at kitang-kita nila ang pagmamarka ng krus na iyon sa dibdib nito.
Bahagyang nabahala naman si Mina dahil alam niya ang markang iyon ay maiiwan sa balat ni Isagani. Subalit tiniis niya iyon,dahil iyon lamang ang paraan upang maibalik nila si Isagani sa katawan nito.
Patuloy na sa pagbanggit ng mga latin si Miguel habang ang palad naman niya ay nakapatong sa ibabaw ng krus na nasa dibdib ni Isagani. Walang patid ang pagsigaw ni Sitan na animo'y baboy na kinakatay habang nagpupumiglas ito sa kanyang pagkakatali.
Dinig na dinig ni Mina ang mga katagang lumalabas sa bunganga ni Miguel at tila ba may nagtutulak sa kaniyang sundan ito. Sa kanyang pakikinig ay hindi na niya namalayang dahan-dahan na din siyang napapabigkas.
Kitang-kita nila ang unti-unting pag-usok ng katawan ni Isagani at ang walang patid na pagtulo ng laway nito habang wala parin itong tigil sa pagsisigaw.
Samantala, sa kaloob-looban ng pagkatao ni Isagani ay pilit niyang nilalabanan ang kanyang pagkakagapos roon. Mariing nakapikit ang kanyang mga mata na tila ba hindi niya kayang maimulat. Ngunit alam niya sa kanyang sarili na naririnig niya ang boses ni Mina.
Dinig na dinig din niya ang magdasal na pumapaikot sa buong sistema niya na siya naman nagpapatindi ng sakit na kanyang nararamdaman.
Ilang araw na ba siyang nasa ganitong sitwasyon? Hindi na niya mawari kung araw lang ba, linggo o buwang ang lumipas simula noong sapilitan siyang patulugin ni Sitan. Pilit niyang iginagalaw ang kanyang katawan ngunit kahit anong gawin niya ay hindi pa din siya makagalaw.
'Mina... Mina...' sigaw ng kanyang isipan ngunit walang boses na lumalabas sa kanyang bunganga. Ramdam na ramdam niya ang tila paghatak ng kung ano sa kanyang katawan. Tila ba merong pinupunit sa kanyang pagkatao.
Sa kanyang pakikipaglaban sa pwersang tila pumupunit sa kanya ay narinig naman niya ang isang pamilyar na boses na siyang nakapagbuhay ng kanyang pag-asa.
"Pilitin mong labanan Isagani. Ang ginagawa ngayon nila Mina ay ang ritwal ng pagpapalayas ng dem*nyo sa iyong katawan. Ngunit kapag ito'y hindi mo nalaban, maging ikaw ay mahahatak ng ritwal." Wika ni Adlaw.
"Ngunit, paano ko ito lalabanan kung pikit ako nitong hinahatak?" Tanong niya habang nagkikiskisan ang kanyang mga ngipin.
"Hayaan mong linisin ko ang iyong kalukuwa Isagani. Ito lamang ang paraan upang hindi ka maapektuhan ng ritwal na ginagawa ng itinakda. " Sagot ni Adlaw at bigla naman itong lumitaw sa harapan ni Isagani.
Iniabot nito ang kamay sa kanyang dibdibat inilapat ito doon. Sa paglapat ng kamay nito sa kanyang dibdib ay siya namang pagramdam niya ng sakit na tila ba pinapaso siya ng nagbabagang bakal.
Mula roon ay unti-unting hinuhugot ni Adlaw ang isang itim na bato na naroroon sa kanyang puso.
Ang bertud ng Gabunan.
Nang tuluyan na itong mapasakamay ni Adlaw ay inihipan niya ito habang nagbibigkas ng mga salitang noon lamang niya narinig. Muli naman nitong ibinalik sa kalooban ni Isagani ang bertud at muling sumilay ang ngiti sa mga labi nito.
Agaran din ang paglaho nito sa harapan ni Isagani na lubha namang ikinabahala ng binata. Muling tumahimik ang kanyang paligid at ang tanging naririnig na lamang niya ay ang mga dasal nila Mina.
Nagpatuloy pa ang kanilang pagdarasal hanggang sa huminto na nga si Miguel at tinitigan si Sitan.
"Ikaw na isang Di*blo. Manlilinlang ng tao. Ikaw na siyang nagtakwil sa Panginoon, lisanin mo ang katawan ng taong ito. Sa ngalan ng Diyos Ama,lisanin mo ang katawan ng taong ito." Malakas na sambit ni Miguel at oatuloy na nagbigkas ng latin habang iginuguhit sa katawan ni Sitan ang mga banal na simbolo.
"Sumpain kayong mga tao..." Sigaw ni Sitan. Patuloy na umusok ang katawan nito habang wala pa rin itong tigil sa pagsigaw na tila ba kinakatay. Pabago-bago din ang boses nito na animo'y napakaraming nilalang ang sumapi doon. Nag-aagaw na din ang wangis ng dem*nyo at ang wangis ni Isagani, dahilan upang lalong lakasan ni Miguel ang pagdarasal. Iyon na kasi ang tanda na malapit na nilang mapalabas si Sitan dito.
"Isagani, labanan mo. Huwag mong hahayaan madaig ka ng dem*nyo. Pilitin mong iwaksi si Sitan sa iyong katawan. Sabayan mo kaming magdasal." Sigaw ni Miguel at ipinatong nito ang kamay sa mukha ni Isagani.
"In nomine Patris, et Filii, et Spiritus Sancti." Huling sambit ni Miguel habang gumuguhit ng krus sa noo ni Isagani gamit ang kanyang hinlalaki. Sa bawat pagguhit at siya naman pagkasunog ng parteng pinagguhitan niya.
Bigla namang umangat sa lupa ang katawan ni Isagani, nakanganga ito habang may tila itim na usok ang lumalabas sa bunganga nito. Ang itim na usok naman na iyon ay pumaikot sa kanila na animo'y nagtatangka itong sumnib sa isa man sa kanila.
Subalit, dahil napaghandaan ito ni Miguel ay may karampatang dasal siya na inilagay sa katawan ng bawat isa sa kanila. Patuloy na umiikot ito sa kanila at pilit itong binabangga ang katawan nila ngunit hindi nito magawang pumasok sa katawan nila. Kahit sa katawan ni Amante na isang mambabarang ay hindi nito nagawang tumagos man lang.
Nang mapagtanto nitong wala na itong magagawa ay muli itong bumalik sa katawan ni Isagani ngunit katylad nang nangyari kanina ay paramg bumunggo lamang siya sa isang pader. Walang nagawa ang nilalang kundi ang pasukin ang katawan ng isang aswang na nasa tabi ni Isagani. Nang makit ito nila Mina ay agad na silang naghanda. Mabilis nilang ginapos ang aswang na iyon at nilapatan ng paunang dasal.
Lumabas na din ang gabay na anghel ni Miguel. Nakatayo ito sa tabi ng binata habang nasa harapan nito ang napakalaki nitong espada. Halong mangha at pagkagulat ang kanilang nararamdaman sa pagsilay nila sa nilalang na iyon. Kung noon ay purong liwanag lamang ang kanilang nakikita . Ngayon naman ay napakalinaw na nito sa kanilang mga mata. Kitang-kita nila ang matipuno nitong katawan na nababalutang ng gintong balute. Wala itong pagkakakilanlan dahil ang mykha nito ay natatakpan ng isang pares ng mapuputing pakpak. May pakpak din ang magkabilang paa nito at sa likod naman nito ay naroroon ang malaki at maputi nitong mga pakpak na animoy sa kalapati.
Hindi naman nila mawari ang kanilang pakiramdam. Para sioang natutuwa ngunit para din silang naiiyak. Ito yung pakiramdam kapag nakakarinig ka ng banal na salita na tumatagos talaga sa iyong puso. Iyong pakiramdam na animoy nilulukob ka ng napakagandang presensya na animoy dinig na diniig mo ang pag-aawitan ng mga tao sa simbahan at kasabay naman nito ng pag-awit ng iyong puso. Napaluhod ang lahat dahil sa presensya ng gabay ni Miguel. Isa pa lamang ito sa kawal ng Panginoon ngunit pakiramdam nila ay nasa pinti na sila ng langit.
Nagtatangis na humihingi ng tawad ang mga ito habang patuloy na nakaluhod. Hindi naman iyon binigyang pansin nila Mina at Miguel dahil nakatuon ang pansin nila sa pagbabalik kay Sitan sa impyerno.
"Inay, ito na ho ang huli nating laban. Salamat sa inyong tulong. Nawa'y maging payapa na kayo sa kabilang buhay. " Naluluhang bulong ni Mina at muling binuklat ang libreta na nasa kanyang palad. Hinugot niya ang punyal na binigay sa kanya ni Manong Ben at walang pag-aatubili nitong hiniwa ang kanyang palad. Umagos doon ang masagang dugo at ipinatak niya iyon sa lupang kanilang inaapakan habang nag-uusal.
Biglang bumitak ang lupang iyon at bahagya silang napaatras. Kinuha naman ni Miguel ang kwentas na krus sa katawan ni Isagani at inilipat iyon sa aswang na nilipatan mg kalukuwa ni Sitan. Napahiyaw ng malakas ang nilalang dahil sa sakit at init nitong nararamdaman. Nawala na din ang mga kadenang gawa sa kaluluwa ng mga babaylan. Naging kulay asul na hamog na ang mga ito at pumaikot-ikot iyon kay Mina. Hanggang sa tuluyan nang naging isang kwentas ito na may kulay asul na bato sa gitna.
Napangiti si Mina at nagpasalamat sa Panginoon. Muli niyang tinitigan ang katawan ngayon ni Sitan at nagpakawala ng labindalawang buhay na salita na siya namang magiging sumpa nito kapag tinangka ulit nitong lumabas sa kanyang pinagkukulungan.
Matapos ang huling kataga ay itinarak naman ng gabay ni Miguel ang malaking espada nito sa tiyan ni Sitan at iyon naman ang magsisilbing selyo niya hanggang sa tuluyan na siyang litisin ng Panginoon.
Walang anu-ano'y gumapang ang bitak ng lupa sa kinaroroonan ni Sitan at walang awa itong nahulog doon. Rinig na rinig nila ang sigaw ni Sitan kasabay ng mga pag-aatunggal ng kung anong nilalang na nanggagaling sa lupa. Hindi na nila iyon pinansin at kaagaran din nilang isinara ang lupang iyon. Matapos ang napakahabang ritwal ay nagsimula nang pasibulin ni Mina ang buong kagubatan. Ang kaninang mga patay na puno ay muling nanumbalik ang mga buhay. Maging ang tuyong lupa ay nagsisimula na din tubuan ng mga damo at mga bulaklak. Ang dating kulay putik na kapaligiran ay naging berde na ulit. Sabay-sabay silang napahiga sa lupa habang pinagmamasdan ang dahan-dahang pagsilip mg bukang liwayway.
Napahagulhol naman si Luisa dahil sa pagsilay niya sa araw. Ang buong akala niya ay hindi na sila muling sisikatan ng araw. Sa sobrang kagalakan ay napayakap siya sa unang taong nakita niya.
"Ayos ka na ba?" Tanong pa nito at halos maitulak niya ito nang buong lakas nang mapagtanto niyang si Amante ang niyayakap niyang iyon. Agad na pinamulahan ang kanyang pisngi na lubha naman ikinagulat ng binata. Bahagya itong natawa at tinapik ang dalaga sa balikat. Tipid na ngiti lang ang sinagot niya rito dahil hindi pa rin siya makapaniwalang nayakap niya si Amante nang mga panahong iyon.
Mabilis namang nilapitan ni Mina si Isagani nang makita nilang nagkakamalay na ito. Hinaplos niya ang sugat ng binata sa dibdib nito at nagulat siya nang unti-unti itong naglalaho sa balat nito. Napaung*l nang bahagya si Isagani hanggang sa tuluyan na nitong maimulat ang kanyang mga mata.
Laking tuwa naman nila nang tuluyang na itong nagmulat ng mata. Bakas dito ang sobrang kapaguran at antok na animo'y galing ito sa napakahabang digmaan.