Walang ibang dala bukod sa travelling bag na puno ng damit na bihisan, wallet, cellphone, sarili at ang kagustuhan kong lumayo sa lugar na pinanggalingan kahit na wala akong tiyak na pupuntahan ay umalis ako. Gusto ko lang lumayo at mapag-isa. Hindi ko alam kung paano pa ako haharap sa mga taong nakapaligid sa akin sa kabila ng mga nangyari. Alam ko sa sarili ko na sa oras na bumalik ako sa lugar na iyon ay hindi na ako magiging komportable gaya noong una. Alam ko na sa tuwing magtatagpo ang mata ko at ang mata nila ay mababagabag ako at tatanungin ko ang sarili ko kung ano ba ang iniisip nila sa akin. Hindi ako mapapakali. Hindi ako matatahimik. Hindi na magiging katulad ng dati ang lahat kahit pa humingi ako ng kapatawaran sa mga bagay na ginawa ko sa kanila. Nasira na lahat ng mayroon ako aa lugar na iyon. Hindi na ako nababagay roon. Kailangan kong humanap ng lugar na may tatanggap sa akin sa kung ano man ang kalagayan ko ngayon.
Napatingin ako sa labas ng bintana ng bus na sinasakyan ko. Hindi gaanong malinis ang kalangitan. May mangilan-ngilang ulap na maitim. Hindi rin nananatili sa isang pwesto ang mga ulap na nakikita ko. Mabilis silang hinahawi ng hangin patungo sa isang direksyon na animo'y dinidiktahan sila nito sa kung saan sila nararapat. Sana ay gaya ng mga ulap ay ituro rin jg hangin ang lugar kung saan ako marapat na pumunta.
Habang nakatingala sa kalangitan ay bigla akong nakaramdam ng pananakit ng sentido ko na dahilan para maiyuko ko ang ulo ko at maipikit ko ang mga mata ko. Napahawak na lang ako sa sandalan ng upuang nasa harapan ko habang madiin na nakapikit. Hinantay ko lang mawala ang sakit. Wala akong ibang ginawa kundi ipikit ng madiin ang mga mata ko at hintaying mawala ang sakit ng sentido ko.
Isang kakaiba ngunit pamilyar na tunog ang umalingawngaw sa buong lugar na lalong nagpasakit sa sentido ko. Madalas kong marinig ang ganitong tunog sa mga pelikula na may nakakatakot na istorya at sa tuwing tutugtog ito sa background ay madaping malalaman ng mga manonood na may masamang mangyayari sa taong pinapakita sa screen. Malapit ang tunog na naririnig ko sa tunog na iyon ang kaunting kaibahan lang ay mas matinis ang tunog na halos magpasabog sa pandinig ko.
Pakiramdam ko ay bigla na lang sasabog ang dalawang tainga ko. Sa lakas ng tunog ay nakaramdam ako ng hapdi sa loob ng tainga ko na may kasabay na pagtibok sa loob na animo'y may kung anong nilalang na may buhay na gumagalaw sa loob ng tainga ko. Namilipit na ako sa sakit pero pinipigilan ko ang sarili kong sumigaw o gumawa man lang ng kaunting ingay.
Dahan-dahan kong binuksan ang mga mata ko para hanapin ang pinanggagalingan ng malakas at nakabibinging tunog pero mukhang mali ang naging desisyon kong iyon. Akala ko ay magandang ideya na silipin ko ang pinanggagalingan ng tunog pero mali ako. Minsan ay mas mabuting itikom na lang ang mga mata at h'wag tumingin sa nangyayari. Curiosity kills ika nga ng iba. Pero anong magagawa ko kung pakiramdam ko rin ay mamamatay ako sa kuryosidad kung hindi ko malalaman ang pinanggagalingan ng kakaibang tunog.
Bumuka ang mga mata ko tumambad sa aking mga paningin ang mala-pelikulang pangyayari. Sunod-sunod na bumabagsak mula sa kalangitan ang mga sasakyan. Iba't ibang uri ng mga sasakyan ang sunod-sunod na tumatama sa kalupaan habang binabaybay ng bus na sinasakyan ko ang makipot na kalsada na napagigitnaan ng malalawak na mga palayan. Kung susuriing maigi ay mapagkakamali ng isang tao na isang yugto sa isang pelikula ang nangyayari pero totoo itong nangyayari sa harapan ko ngayon.
Sa pagliko ng sinasakyan kong bus ay kasabay na bumagsak sa gilid ng kalsada ang isang kotse na may lulan na limang tao. Durog ang mga katawan ng sakay nito, nagkalat ang dugo sa loob at labas ng kotse at napintahan ng pula ang kulay bughaw na kulay nito. Sa pagdiretso ng bus ay kasunod na bumagsak ang isang van na may lulang walong katao. Sunod ay isang truck na may lulang tatlong katao. Sa patuloy na pag-andar ng sinasakyan ko ay naging mabilis ang pangyayari at nakita ko na lang ang sarili kong lumilipad sa himpapawid. Hindi ba ako alerto o sadyang naging sobrang bilis lang ng mga pangyayari kaya hindi ko na namalayang sa sinasakyan kong bus bumagsak ang isa pang bus?
Sinubukan kong sumigaw sa takot pero walang nalabas na tunog sa bibig ko. Umabot din ng tatlong minuto ang paglipad ko sa ere bago ako bumagsak sa gilid mismo ng bus na sinasakyan ko. Naramdaman ko ang pagkabali ng ilang buto sa katawan ko gayon din ang pagtagas ng dugo sa mga labi ko. Hindi ko na alam kung paano ko nagawang gumapang o kung gumapang ba talaga ako papunta sa isang tao na paulit-ulit na sumisigaw dahil naipit ng bus ang kalahati ng katawan niya. Hindi ko rin masabi kung sino sa aming dalawa ang mas swerte? Ako ba na halos durog na ang loob at labas ng katawan ngunit nakakagalaw o siya na binti lang ang napuruhan pero hindi kayang umalis sa kinalalagyan niya?
Hindi na ako nakapagsalita kaya napahawak na lang ako sa manggas ng suot na damit ng taong nasa harapan ko para kunin ang atensiyon niya. Lumingon siya ng mabilis sa direksyon ko. Nakita ko ang hitsura niya. Napasigaw ako. Doon lang ulit may lumabas na boses sa mga bibig ko. Hindi ako natakot dahil sa mga dugo sa mukha niya o dahil sa sobrang wasak na ito. Mas natakot ako dahil kilala ko kung sino siya. Isa sa mga taong hindi ko gustong makita pang muli ang mukha.
Sa maraming pagkakataon na may mga taong ayaw kong makita ang hitsura ay ito ang pagkakataong pinakanatakot ako. Sa lahat ng naging kakilala ko, sa lahat ng nakasalamuha ko, sa lahat ng naging kaibigan ko, sa lahat ng naging kaaway ko ay siya ang nag-iisang mukha na ayaw kong makita. Hindi dahil napakalaki ng galit ko sa kaniya. Kundi dahil may isang bagay sa kaniya na nagiging dahilan para bagabagin ako ng konsensya ko. Kaya kong makita ang tao kahit na napakalaki pa ng galit ko sa taong iyon pero kung sa tuwing makikita ko ang tao ay babagabagin ako ng konsensya ko, yun ang hindi ko kayang harapin.
Sumigaw ako ng malakas dala ng napakatinding takot. Sa pandinig ko ay napakahina at napakatinis lang ng nililikha kong tunog. Unti-unti itong lumakas hanggang sa tuluyan na itong naging isang napakalakas na sigaw na kahit ako ay halos mabingi na sa sobrang lakas ng tunog na nanggagaling sa akin.
*RESET*
Iniyuyugyog ako ng konduktor ng bus at pilit na ibinabalik ako sa ulirat. Makikita sa hitsura ng mukha ng konduktor ng bus ang pagtataka kasabay ng pag-aalala sa kung anong nangyayari sa akin. Napatigil ako sa pagsigaw ng mamalayan ko na nasa bus pa rin ako. Ang ipinagtataka ko ay kung bakit walang tao sa loob at tanging ako at ang konduktor na lang ang natitira aa loob.
"K-kuya, bakit po?" Pinunasan ko ang pawis ko na bumalot sa mukha ko.
"Utoy, ayos ka lang ba? May problema ba sa'yo? May sakit ka ba?" Sunod-sunod na tanong ng konduktor na wala akong balak sagutin.
"Bakit po ako na lang ang tao?" Imbis na sumagot ay binawian ko siya ng tanong.
"Nasa terminal na tayo. Last stop na. Kaya bumaba ka na. Bakit ka ba nasigaw?" Mabilis na sabi nito at muli akkng tinanong.
"Wala kuya. Nanakit lang tagiliran ko." Palusot kong sabi saka ako mabilis na bumaba ng bus. Hindi na ako lumingon sa direksyon ng konduktor at sa driver ng bus na naglalakad papunta sa direksyon ko ng marinig ang sigaw ko. Minabuti kong tahimik na umalis sa loob ng bus para umiwas sa mga susunod pang tanong ng dalawa. Wala akong obligasyon na magpaliwanag sa kanila sa kung anong nangyayari kaya hangga't maaari ay umiwas ako sa mga mapanuri nilang tanong.
Mabilis akong nakababa sa bus kaya mabilis ko ring nahanap ang susunod na bus na sasakyan ko. Agad akong pumasok sa susunod na bus saka umupo sa pinakadulong upuan sa may bandang kaliwa sa tabi ng bintana at doon ko isiniksik ang katawan ko. Umiiwas ako sa tingin ng ibang sumasakay kaya mariing nakapako ang mata ko sa labas ng bus nang sa gayon ay hindi magtagpo ang paningin ko sa sinumang papasok sa bus.
Hindi ko rin alam kung bakit, pero sa tuwing nakaupo ako sa mga ganitong pampasaherong sasakyan ay pakiramdam ko ay tinitingnan ako ng mga taong papasakay pa lang at naghahanap ng mauupuan. Pakiramdam ko ay kinikilatis nila kung saan sila marapat na umupo, kung masamang loob ba o hindi ang makakatabi nila, o di kaya'y kung gwapo ba o hindi ang taong naunang umupo sa isa sa mga upuan. Sa palagay ko ay ako lang ang nag-iisip nito pero hindi maalis sa isip ko ang bagay na ito sa tuwing nakaupo na ako sa mga pampasaherong sasakyan.
Nag-umpisang umandar ang sasakyan kahit na hindi pa ganoon kapuno ang bus. Nagsimula nang umikot ang konduktor para maningil ng pasahe sa mga nakasakay. Tahimik lang akong nakaupo at hinahantay na makarating sa kinauupuan ko ang konduktor. Hindi rin naman nagtagal at nakarating nga sa kinalalagyan ko ang konduktor at naging mabilis naman ang naging transaksyon namin dahil sa mabilis kong sinabi kung saan ako bababa.
Naupo ang konduktor sa bakanteng pwesto sa tabi ko matapos niya akong singilin ng pasahe na nagbigay sa akin ng kaunting pagkailang. Hindi ko na lang ito pinansin bagkus ay ipinikit ko na lang ang mga mata ko para ilihis ang atensiyon ko sa taong tumabi sa akin. Ilang saglit pa at nakatulog na ako.
- - - - -
Madilim ang paligid. Walang maririnig na kahit na katiting na tunog. Malamig ang buong lugar at mararamdaman ang tubig na bumabalot sa dalawa kong paa. Alam ko na minsan na akong nanggaling sa lugar na ito kaya handa na ako sa mga bagay na maaaring mangyari. Alam ko na kung sino ang makakatagpo ko sa lugar na ito.
"Nakakamangha. Mas kampante ka ngayon kumpara noong una kang tumapak sa lugar na ito." Parehong-pareho na ang boses naming dalawa ngayon kumpara noong una siyang magsalita sa harapan ko. "Nasanay ka na ba sa lugar na ito o natandaan mo na kung sino ang mas nararapat mamalagi sa lugar na ito?" Mahinahon lang ang boses niya. Unti-unting nagkaroon ng mahinang liwanag sa paligid na naging dahilan para makita ko ang mukha niya. Parang nasisinagan ng buwan ang buong lugar na dahilan para magkaroon ng liwanag ang paligid. Nakangiti siya ng malawak kaya nakikita ang nakahilera niyang ngipin ngunit maaaninag sa mata niya ang lungkot na tinatago niya sa likod ng mga ngiti.
"Nakakatuwa. Mukhang pinakita mo na sa akin ang tunay mong nararamdaman." Nagkaroon ako ng lakas ng loob para kausapin siya kahit na nakararamdam pa rin ako ng takot sa kaniya.
"Nakakatuwa nga. May lakas ka na ng loob para kausapin ako sa paraang sapat para ibaba mo ang katayuan ko sa katayuan mo." Sumimangot ang mukha niya. "May lakas ka na ba ng loob para ipiit ang sarili mo rito?!" Lumakas ang boses niya. "Kaya mo na bang bumalik dito?!" Lumabas ang galit niya. "Makikipagpalit ka na ba sa akin?!" Lumabas ang ugat sa leeg at noo niya sa sobrang lakas ng sigaw niya na umalingawngaw sa paligid na animo'y nasa loob kami ng isang bakal na silid.
"Hindi ako makikipagpalit ng puwesto sa iyo." Nanginginig ang boses ko pero nagawa kong tapusin ang buong pangungusap.
"Kung ganoon, bakit ka nagmamataas sa akin ngayon?!"
"Hindi ako nagmamataas. Gusto ko lang makiusap na tigilan mo na ako. Pakiusap." Humina ang boses ko.
"Hindi sapat ang pakiusap! Parte ako ng pagkatao mo! Hindi pwedeng ikaw lang ang makukuntento! Dapat ako rin! Dapat! Ako rin!" Napaatras ako sa pagsasalita niya. "Kung hindi mo ako tatanggapin na parte ng pagkatao mo hindi ka nararapat na mabuhay ng masaya! Ikaw ay ako!" Patakbo siyang lumapit sa direksyon ko at nang maging sapat ang distansya sa pagitan namin ay mariin niyang hinawakan ang mga balikat ko.
Hindi ko pa rin maintindihan kung bakit kailangan kong tanggapin na parte siya ng pagkatao ko gayong hindi ko naman hiniling na mapunta siya sa katawan ko. Ni hindi ko alam ang dahilan kung bakit siya naging bahagi ng pagkatao ko o kung ano ang naidudulot niyang maganda sa buhay ko. Hindi ko siya kayang tanggapin na parte ng pagkatao ko dahil mas gusto ko siyang mawala sa lalong madaling panahon at sa pinakamabilis na paraan na kaya.
Nagtagpo ang paningin naming dalawa. Nakita ko ang galit niya sa akin. Pakiramdam ko aynilalamon ako ng mga mata niya. Alam kong nag-uumpisa na siyang lamunin ako para siya na ang magkaroon ng kontrol sa katawan ko kaya lumaban ako. Mariin kong tinitigan ang mga mata niya at nilabanan ko ang paghigop nito sa ulirat ko. Pinanatili kong gising at malakas ang diwa ko para hindi niya magawang kunin sa akin ang katawan ko.
Nagkamali ako sa pag-aakalang balak niyang angkining muli ang katawan ko dahil habang tumatagal ay biglang nagbabago ang mukha niya. Napaatras ako sa pwesto ko at pilit na pumiglas sa pagkakahawak niya nang unti-unting makumpleto ang pagpapalit niya ng hitsura. Nakikilala ko agad kung kaninong mukha ang ginagaya niya kaya mas lalong lumakas ang pagkawala ko sa mga hawak niya. Ginagaya niya ang mukha ng taong gusto ko nang kalimutanmatagal ko na sanang nakalimutan ang taong ito pero bigla na lang bumalik ito sa alaala ko nitong nga nakaraan na naging sanhi ng pagiging mabigat ng pakiramdam ko. Nang mabuo na ang hitsura niya ay bigla akong napasigaw ng malakas.
- - - - -
Nagising ako nang tapikin ng konduktor ang balikat ko. Dahan-dahan akong napadilat at tumingin sa direksyon ng konduktor sa kaliwa ko. "Sir, dito ka na bababa di ba?" Napatingin ako sa labas ng bintana at napatango sa konduktor kaya dali-dali rin akong bumaba. Kailan ba ang huling pagkakataon na napadpad ako sa lugar na ito? Hindi ko na maalala kung kailan ako huling pumunta rito at kung bakit ako pumunta rito.
Muli akong dinala ng katawan ko sa lugar na matagal ko nang hindi napupuntahan. Sa lugar kung saan ko pinaghilom ang pagkatao ko. Sa lugar kung saan kahit sinong makasalamuha ko ay hindi tatangkaing itanong ang mga bagay mula sa nakaraan ko. Sa lugar na sa pakiramdam ko ay tanggap ako ng lahat.
Mula sa kinatatayuan ko ay tanaw ko na ang isang kongkretong bahay kung saan ako manunuluyan habang nandito ako. Mahigit apatnapung metro mula sa paanan ng bundok, sampung metro mula sa kalsada roon nakatayo ang nasabing bahay. Binaybay ng mata ko ang mas maliit na kalsada sa harapan ko. Hindi gaya noon ay mas marami nang tao sa lugar na ito kumpara noong huli akong pumarito.
Nagsimula akong lakarin ang mas maliit na kalsada. Hindi muna ako dumiretso sa bahay na tutuluyan ko dahil may isang lugar akong higit na kinasabikang balikan. Nasa halos sampung minuto kong nilakad ang kalsada bago ko narating ang dalampasigan. Sa dulo ng kalsadang nilakad ko ay naroon mismo ang kongkretong seawall, sa ibaba noon ay nakalatag ang mga maliliit at pinong mga bato(pebbles) na nagpapaganda sa lugar.
Bumaba ako sa kongkretong hagdan pababa ng seawall para makalapit sa mismong dalampasigan. Maaamoy kung gaano kaalat ang dagat kasabay ng magagandang tunog ng bawat alon na tumatangay sa maliliit na bato pabalik sa dalampasigan. Sa tapat ng mismong kinatatayuan ko ay makikita ang hindi buong horizon dahil sa mga maliliit na isla sa di kalayuan.
Hinubad ko ang sapatos at pantalon ko para ilubog ang binti ko sa tubig. Napalundag ako nang madama ng binti ko kung gaano kalamig ang tubig na galing sa dagat. Inabot pa ng ilang minuto bago ko tuluyang kayanin ang tubig sa dalampasigan. Habang nakatingin sa malawak na dagat ay pinakikiramdaman ko lang ang alon na humahampas sa mga binti ko na lumilikha rin ng kakaibang tunog.
"Jiojan!" Narinig kong sigaw ng isang lalaki kaya napalingon ako.
"Oh Tiyo Samuel!" Sigaw ko nang makita ko kung sinong tumawag sa pangalan ko.
"Pumunta ka na rito at umuwi ka muna!" Muli niyang sigaw kaya inalis ko ang mga binti ko mula sa pagkakalubog sa dagat at naglakad papunta sa kaniya bitbit ang mga gamit ko.
"Mabuti at napansin ka kanina ni Saleng. Dumaan ka na raw doon e hindi ka pa dumiretso sa bahay." Mahinahon na sabi ni Tiyo Samuel sa akin.
"Na-miss ko lang ho ang dagat, Papay." Paliwanag ko sa kaniya.
"Tapos kami hindi mo na-miss, ganoon?" Birong sabi nito.
"Syempre na-miss ko kayo, Papay." Bawi ko.
Pagkauwi namin ay agad kaming nag-agahan at nagpatuloy na ako sa pagpapahinga. Hindi ko alam kung hanggang kailan ako mananatili rito sa lugar na ito. Maaring sa loob ng isang linggo, o isang buwan, o isang taon, maaari ring higit pa roon. Ang tanging alam ko lang sa ngayon ay ayaw kong bumalik sa lugar na pinanggalingan ko. Hindi pa sa ngayon.
Maraming mga bagay akong iniiwasan sa lugar na iyon. Sa sobrang dami ay hindi ko na alam kung paano ko ihahanay ang mga bagay na iyon para gawing dahilan sa pag-alis ko roonna posibleng gawin ko ring dahilan para hindi na bumalik. Kung magawa ko mang ihanay ang mga dahilan na iyon ay kailangan ko namang humanap ng taong maniniwala at susuporta sa akin kaya mas mabuting hindi ko na lang ihanay ang mga bagay na iyon.
Kung pagtakas man, paglayo man, pagtatago man o paglayas man ang itawag ng iba sa ginawa kong pag-alis doon ay hindi ko na maididikta sa kanila iyon. Walang maaaring maging angkop na tawag. Hindi na rin ako interesado sa marapat na itawag sa ginawa ko. Mas importante ang dahilan ng bawat aksiyon kaysa sa marapat na itawag sa paggalaw ng isang tao.
Sa pagsapit ng dilim ay muli akong bumalik sa dalampasigan para sumagap ng magandang hangin. Mas masarap sa pakiramdam kung pakikinggan mo ang tunog ng mga alon sa oras na papalubog na ang araw. Imbis na sadyain ko ang dagat sa mga ganoong oras ay mas pinili kong pumunta sa oras na hindi ko na makikita kung paano humampas ang alon sa dalampasigan. Sa oras ng dilim ay tanging ang tunog na lang ng bawat paghampas ang maririnig ko, mas maamoy ko ang amoy ng dagat sa ganitong mga oras, mas dama ko ang kapayapaan na hatid nito habang lumalalim ang gabi at papaunti ang mga taong sumasadya sa lugar na ito.
Kung sana ay laging ganito kapayapa ang lugar na pupuntahan ko ay hindi ko na nanaising umalis. Kung sana ay ganito lang katahimik ang buhay ko ay hindi ko na nanaising lumayo sa mga taong mahalaga sa akin. Kung sana laging maayos ang lahat ay hindi ko na kailangan pang hilingin ang nga bagay na ito. Pero hindi. Hindi sa lahat ng pagkakataon ay payapa ang kinalalagyan ko, hindi sa lahat ng pagkakataon ay tahimik ang buhay ko, hindi sa lahat ng pagkakataon ay maayos ang lahat. Kaya nga ako umalis at nagpakalayo-layo ay katunayang hindi sa lahat ng pagkakataon sa buhay ng tao ay magiging masaya siya.
Naupo ako sa sahig ng nakalatag na bato para ipahinga ang binti kong nangalay na sa pagtayo ng matagal. Halos kalahating oras napako ang paningin ko sa kawalan na nasa harapan ko. Pilit na pinapakalma ng mga alon ang isipan ko sa pamamagitan ng pagsayaw nito sa harapan ko na sinabayan ba ng tunog ng paghampas nito sa dalampasigan na bumubuo ng isang kapakagandang musika.
Naalis lang ang tingin ko sa dagat nang mapukaw ng liwanag ng buwan ang paningin ko. Iniilawan ng buwan ang lahat ng nakikita ko sa paligid; ang karagatan, ang isla, ang mga batuhan, maging ako ay kasama sa mga bagay na tinamaan ng ilaw na mula sa buwan. Nakakamanghang pagmasdan ang liwanag ng buwan sa ganitong mga sandali. Habang nakikinig sa tunog ng mga alon ay sinusulyapan ko ang buwan na hindi pa ganap na bilog ngunit sapat na ang hugis para maakit ang mga mata ko.
Sa mga bagay na nakikita ko ngayon, sa mga bagay na naririnig ko, sa mga bagay na nararamdaman ko ay nakaramdam ako ng kakaibang sensasyon. Tila pinapagaan ng mga bagay na ito ang damdamin ko. Pinapatahan ang kalooban ko. Niyayakap ako ng bawat tunog, bawat tanawin, maging ng simoy ng hangin sapat para malimutan ko kahit sandali ang lahat ng mga bagay na bumabagabag sa akin.
Malapit na maghatinggabi nang maisipan kong umuwi na sa bahay nina Tiyo Samuel. Kahit na gusto ko pang namnamin ang sandali at damahin pa ng kaunti ang kalikasan ay nadaig na ako ng antok kaya minabuti ko nang umuwi para magpahinga.