Napahikab ako ng makalabas na ako ng event center. Pasado alas-nuebe na at kakatapos lang ng trabaho ko. Gutom, pagod at antok na ako, pero fulfilling ang pakiramdam dahil nag-enjoy ako sa buong event. Bukod sa bagong trabaho, bagong kaibigan at nakilala, masaya ako dahil madami akong natutunan.
Madami akong tanong na nasagot ng mga kapwa ko models na medyo beterana na din.
Sinali din nila ako sa group ng mga models para mas madami pa akong matutunan tungkol sa trabaho.
Tatlong araw lang ang event kaya naman nagtanong-tanong na din ako sa kanila ngayon pa lang kung may alam silang raket.
"Sabay ka na sa amin, Cecilia," aya ni Mimi sa akin.
"Hindi ba nakakahiya sa boyfriend mo?"
"Hindi 'yan. Sayang ang ipapamasahe mo at saka mas komportable ang biyahe mo pauwi." Late na din kaya naman pumayag na ako. Madadaanan naman nila ang sa amin kaya naman sabay na lang ako sa kanila.
Saktong pagtawid namin ay naroon na din ang nobyo ni Mimi na naghihintay. Matangkad, guwapo at mukhang mayaman ang lalake. Magara din ang sasakyan na gamit.
Ang swerte naman ni Mimi. Napaiwas ako ng tingin ng nagyakapan at halikan sila.
Ako kaya? Kailan ko din kaya ma-e-experience ang ganiyan?
"Si, Cecilia pala. Kasama ko sa event," pakilala ni Mimi sa akin. Ngumiti ang boyfriend niya saka nakipagkamay.
"Pasensya na, ha, kung maaabala ko kayo."
"Ayos lang. Doon din naman ang daan namin. Sumabay ka lang sa amin hanggang sa last day ng event." Ngumiti ako.
Papasok na ako ng sasakyan ng mapansin ko sa di kalayuan ang bulto ng lalake na nakatingin sa amin. Nakatayo siya sa labas ng kaniyang sasakyan. Medyo madilim na at ang ilan sa mga ilaw sa gawi roon ay hindi maliwanag.
Dito ba siya nakatingin?
Dagli na akong pumasok sa sasakyan. Nang umandar ang sasakyan ay tumingin ako sa labas ng bintana. Sakto namang nadaanan namin ang lalake na kanina.
Nanlaki ang mata ko ng makilala ko siya. Si Jetro. Tama, siya nga.
Kaya pala may kutob akong parang kilala ko siya. Anong ginagawa niya dito ng ganitong oras?
Lumingon pa ako sa likod ng sasakyan ng malagpasan na namin siya.
Maling akala na naman ako. Nakumpirma ko na mali ang iniisip ko ng may lumapit na babae sa kaniya.
Mapait na lang ako na ngumiti. Pero ayos na din iyon na nakita ko. Baka hindi ako makatulog magdamag sa kakaisip kung bakit siya naroon. Malamang iisipin ko na ako ang dahilan.
Ayan ka na naman. Hindi ka na nadala. Akala ko ba kakalimutan mo na?
KINAUMAGAHAN bumangon pa din ako ng maaga kahit pa masakit ang mga binti ko at talampakan dulot ng mahabang oras na pagtayo kahapon sa trabaho.
Kakayanin ko bang tumayo ng walong oras? tanong ko sa sarili habang pinapakiramdaman ang buong katawan ko.
Bumuntong hininga ako. Kaya mo 'yan! Para sa pangarap, go, Cecilia. Cheer ko sa sarili ko.
Ganito talaga sa umpisa. Kapag nasanay na, sisiw na lang ang pagtayo-tayo.
Naligo na ako at nagbihis saka nagmadaling umalis. Sabado ngayon at baka ma-stuck ako sa traffic.
Sumakay ako ng tricycle hanggang sa tawiran papuntang MRT. Abot na hanggang kalsada ang pila ng mga pasahero pero mukha namang mabilis ang usad.
Medyo mainit na ang sikat ng araw kaya naman panay ang punas ko sa mga namumuong pawis sa mukha ko.
Mabuti na lang talaga at nagsuot muna ako ng pang-civilian dahil inaasahan ko na ang ganitong ganap ngayon.
Ayoko namang pawisan na ang uniform na suot ko bago pa man magsimula ang trabaho. Nakakahiya, nabansagang B.A slash model tapos amoy pawis at haggardo na.
Mabilis umusad ang pila hanggang sa makasakay na ako ng MRT. Maaga akong nakarating sa trabaho.
Pumasok muna ako sa restroom na nasa labas ng event center para isuot ang uniporme.
Saka ako humarap sa salamin upang simulan ng mag-ayos ng mukha. Una kong nilabas ang pangkilay na binigay sa akin ni Almira noon.
Napatingin sa akin ang babae na kasabay kong nag-aayos. Napatigil ako at nahiya dahil hindi ako marunong. Kahapon ay inayusan lang ako nina Aileen.
Maayos na maayos ang mukha ng kasama ko ngayon dito sa restroom. Malinis ang pagka-make up niya at agaw pansin ang napakagandang pagkakagawa niya ng kilay at ang eye shadow niya.
Ngumiti ako ng tipid sa kaniya saka ko sinimulang guhitan ang kilay ko. Kita ko ang pagkunot niya ng noo habang nakatingin sa akin.
"Gusto mong ayusan kita?" tanong niya sa akin.
"Talaga?" mangha kong tanong.
"Gaya ng ayos mo?" tanong ko sa kaniya. Tumango siya at tipid na ngumiti.
Binigay ko sa kaniya ang make up kit na ang laman ay galing lahat kay Almira.
"Wow! High end brands pa ang gamit mo," aniya ng makita ang laman ng make up kit.
"Ahm. Bigay lang 'yan ng isang kaibigan." Tumango siya at namili sa mga make up.
Binura niya ang ginuhit kong eyebrows saka siya nagsimulang ayusan ako.
Hindi ako makapaniwala habang nakatingin sa salamin. Mangha ako sa ayos ko at sa babaeng nag-make up sa akin. No offense, Almira. Mas magaling siyang mag-make up sa'yo.
Panay ang pasalamat ko sa kaniya ng lumabas na kami parehas sa restroom.
"Basta tandaan mo lang iyong tinuro ko sa'yo," aniya bago kami naghiwalay ng daan. Habang inaayusan niya ako ay tinuturo niya ang tamang paraan ng paggamit.
NAGSIMULA ang trabaho at mas dumoble pa ang mga tao sa event kaysa kahapon.
Ramdam ko pa din ang pagkirot ng talampakan ko pero hindi ko na ininda. Nag-focus ako sa trabaho. Gusto kong ma-reach ang quota ko ngayong araw, at kung puwede nga lang mas mataas pa.
Nag-sales talk at todo push ako ng product. Bago breaktime ay quota na kaming lahat.
Ganado kaming tatlo na kumain ng lunch. Nagkuwentuhan kami sa mga plano namin at mga raket na nakaabang next weekends. Laking pasalamat ko ng ni-reserve nila sa akin iyong isang slot sa susunod na event.
Parehas ang rate, may food and transportation allowance at mas malaki ang incentives.
Ang saya pala ng trabahong ito.
"Cecilia, may naghahanap sa'yo kanina," sabi ng kasamahan ko ng matapos kaming mag-lunch.
"Sino?" tanong ko at napakunot ang noo. Naglista siya ng benta niya saka binigay ang record book sa TL namin para makapag-break na din siya.
"Hindi ko kilala eh. Matangkad, guwapo, yummy at yayamanin." Tinaas baba niya ang kilay niya.
Sino naman kaya iyon? Madami namang matangkad, guwapo mayaman dito. Puro ganiyan ang ginagamit nilang description.
Dumaan kaya si Kuya Adrian ulit dito?
O di kaya'y?
Bumuntong hininga ako. Nasa trabaho ako kung ano-ano na naman naiisip ko.
Alas-singko ng sinesenyasan ako ng isang kasamahan ko. May tinuturo siya sa unahan at may binibigkas na salita na hindi ko man lang maintindihan.
Tinignan ko ang tinuturo niya. Matangkap, guwapo at mukhang mayaman panggagaya ko sa mga description na ginagamit nila.
"Hi," bati sa akin ng lalake ng makalapit siya sa akin. Magalang akong bumati sa kaniya saka hinawakan ang produkto ko.
Napangiti siya sa akin at bahagya pang nilagay ang dalawang daliri sa kaniyang baba. Sinimulan kong mag-sales talk.
Nakangiti lang siya habang nagsasalita ako at tutok na tutok sa akin. Hindi naman ako naiilang sa mga ibang customer na binebentahan ko pero siya nakaramdam ako ng pagkailang.
Kaunti lang naman.
"Give me twenty bottles," aniya na kinalaki ng mata ko. Malabo namang gagamitin niya ang lahat ng 'to.
"Naku, sir. Tiyak na matutuwa sa'yo ang girlfriend o asawa mo," sabi ko.
"Too bad, wala akong girlfriend o asawa," aniya at mahinang tumawa.
"Sa guwapo mong 'yan, sir, tiyak madali ka lang makakahanap ng girlfriend." Biglang naging palagay ang loob ko sa kaniya. Nginitian niya ako.
"Sa tingin mo?" tanong niya.
"Oo naman, sir, lakas kaya ng dating mo," puri ko sa kaniya. Grabe, pa-humble naman 'to masyado. O gusto lang purihin siya.
"Parang ayaw kong maniwala sa sinasabi mo." Kumunot ang noo ko.
"Grabe si sir, ang humble mo po masyado." Tumawa siya ulit, mas lalo tuloy siyang gumuwapo.
"Bjorn." Napalingon kami parehas ng may nagsalita sa harapan. Nakangiti si ate Tasha sa akin. Kasama niya si Kuya Adrian. Si Kuya Adrian naman at ang customer ko ay nagtanguan. Mukhang magkakilala sila.
— Bab baru akan segera rilis — Tulis ulasan