Mabilis na nakarating ang ORION sa Mindanao dahil sa gamit nilang helicopter. Agad silang dumiretso sa opisina ng PHOENIX. Isang briefing ang isinagawa ni Iggy at ng matapos ay agad silang nagplano ng rescue operation para mailigtas ang dalawang nurse at si Valerie.
....
"Doktora, nandito na po tayo." Dahil sa tagal ng pagkakapiring sa mga mata ni Valerie ay nasilaw siya sa liwanag na bumungad sa kanya. Ang akala ng dalaga na sa pagbubukas ng kanyang mga mata ay may makikita na siyang mga kabahayan at mga tao pero isang kagubatan ang bumungad sa kanya.
Isang rubber shoes ang iniabot sa kanya ni Dante na kinakunot ng kanyang noo. "Malayo pa po tayo at kailangan nating maglakad dahil hindi na po makakarating ang sasakyan sa aming lugar." Saka lamang tinanggap ni Valerie ang sapatos.
Nang lingunin ni Valerie si Sarah ay mahimbing pa din ang pagkakatulog nito.
"Paano siya?" Tanong ni Valerie. "Si Kanor na po ang bahala sa kanya." Sagot ni Dante at nagulat na lang ang dalaga ng pasanin ni Kanor si Sarah na parang sako at inilagay sa balikat nito. Laking pasasalamat ni Valerie ng ipilit niyang huwag siyang patulugin kanina.
Magsisimula na sanang maglakad si Valerie pero pinigil siya ni Dante.
"Doktora, pasensya na po pero kailangan naming makasiguro." Kumunot ang noo ni Valerie at saka lang niya naintindihan ang ibig sabihin ni Dante ng magsimula itong kapkapan siya. Naging maingat naman ang lalake dahil iniwasan nito ang maseselang parte ng katawan ni Valerie.
Napangiti si Valerie ng lihim dahil alam niyang hindi talagang masasamang tao ang mga kumuha sa kanila. Saka lang niya malalaman ang dahilan ng kanilang mga ginawa pagdating nila sa lugar ng mga taong ito.
Nanlumo si Valerie ng biglang tapakan ni Dante ang kanyang phone. Nagcrack ito at tiyak niya na sira na ang phone niya.
"Tara na po, Doktora." Sabi ni Dante at nagsimula na silang maglakad papasok sa kagubatan. Muling nilingon ni Valerie ang phone. "Luke..." Bulong niya.
....
"Cap!" Tawag ni Archer kay Iggy at tinuro ang monitor kung saan makikita ang tracker ni Valerie. "Ano'ny nangyari?" Tanong ni Iggy. "Biglang huminto ang signal, Cap." Sagot ni Archer. Naikuyom nila Iggy at Luke ang kanilang mga kamao. Ang tanging maghahatid sana at magpapabilis ng pagbawi nila kay Valerie ay tiyak na nasira na. Ngayon ay back to zero ang kanilang magiging misyon. Pasalamat na lang sila at hindi tuluyang nasira ang tracker na nasa likod ng phone ni Valerie.
Sabay-sabay na tumunog ang mga emergency alert ng ORION at PHOENIX.
"Let's move!" Sabay na sigaw nila Iggy at Luke ng mabasa ang go signal ng mga nakakataas ng opisyal ng kanilang unit na simulan na ang kanilang rescue operation.
....
Nasa kalagitnaan na sila ng daan ng magising si Sarah. Agad siyang binaba ni Kanor.
"Pasensiya ka na Kuya Kanor." Nagulat si Valerie sa sinabi ng nurse. "Okay lang, pagbalik mo sa inyo ay magpahinga at kumain ka ng mabuti. Para akong nagbuhat ng walis tingting kanina." Sabi ni Kanor na nagpangiti sa kanilang mga kasama.
"Kuya Dante, pasensiya na po sa inasal ko kanina." Tumango si Dante. Muling napatingin si Valerie kay Sarah.
"Naiintindihan ka namin Sarah. Sa pagod, puyat, at hirap ninyo ni Hazel sa araw-araw, talagang bibigay ang isip at katawan ninyo." Sabi ni Arman.
Nagpatuloy na sila sa paglalakad. Naguguluhan si Valerie sa kanyang mga nadinig. Si Sarah at Hazel ang nurse na kinuha ng mga lalaking ito pero bakit parang ngayon ay ayos na kay Sarah ang mga nangyayari.
"Doktora." Boses ni Dante ang nagpabalik sa sarili ng dalaga na halatang malalim ang iniisip dahil ilang beses siyang napatid ng mga ugat na nakausli sa daan.
"Pasensiya na po kayo pero pagdating po natin sa aming lugar ay si Ka Mario na po ang magpapaliwanag sa inyo ng lahat. Konting tiis na lang po Doktora at makakarating na po tayo doon." Tumango si Valerie saka inayos ang sarili.
....
Dumating na din ang puting van kung saan huminto sila Dante pero hindi agad sila sumunod sa mga ito, sa halip ay binago nila ng lugar ang mga sasakyan. Nakita ng isang lalake ang sirang phone at dahil sa pag-aakalang sira na ito at walang silbi ay hinayaan na lang ito. Nang makasigurado na maililigaw na nila ang mga susunod sa kanila ay saka lang sila pumasok sa kagubatan.
....
"Archer?" Tawag ni Iggy sa kanyang 1st Lieutenant na naka-monitor sa tracking device na dala. "Nandoon pa din ang signal ng tracker, Cap." Tumango si Iggy saka tiningnan isa-isa ang mga kasama sa military truck na kanilang sinasakyan.
"Hindi natin alam kung sino at ano'ng grupo ang kumuha kila Valerie. Dahil nakatakip ang kanilang mga mukha ay nahirapang i-identify ang kanilang pagkakakilanlan. Sa ngayon ang misyon ay ang muling maibalik ang mga kidnap victims na maayos at ligtas. Is that clear?" Sabay-sabay na sumagot ang lahat ng, "Yes, Captain!"
"Val, konting tiis pa, parating na kami." Bulong ni Luke sa sarili."
....
Halos kararating lang nila Dante sa lugar at ang sumalubong sa kanila ay ang nagkakagulong mga tao na nakapaligid sa isang puting tent.
"Ano'ng nangyayari?" Tanong ni Dante sa isang kasamahan. Sasagot pa sana ang taong tinanong ni Dante pero isang matinis na boses ang kanilang nadinig.
"Labas! Lahat kayo lumabas! Layo! Isa itong sterile area at kahit sino ay hindi pwedeng pumasok kahit ikaw Ka Mario!" Sigaw ni Hazel. Natawa si Sarah sa kaibigan na halatang naiinis na naman sa pagiging pasaway ng mga tao sa lugar lalo na ang ama ng pasyente.
"Hazel!" Sigaw ni Sarah na ikinalingon naman ng dalaga. Ngumiti ito at lalong lumawak ang pagkakangiti nito ng makita kung sino ang nasa tabi ng kaibigan.
"Doktora Valerie!?" Tili ni Hazel saka patakbong lumapit sa dalaga at walang sabi-sabing hinili ito sa tent. Papasok na sana si Valerie pero may biglang naalala si Hazel.
"Sarah!?" Tawag ni Hazel sa kaibigan. Naintindihan naman agad ni Sarah ang ibig sabihin ni Hazel kaya siya naman ang humila kay Valerie sa katabing tent nito.
Maliit lang ang tent na pinasok nila Valerie at Sarah kumpara sa tent kanina.
"Doktora, pasensiya na po. Puro improvised lang po ang mga gamit dito pero ang mga gamit sa kabila ay hindi. Palit ka na po." Iniabot ni Sarah ang isang scrub suit kay Valerie.
"Buti na lang at magkakasize tayong tatlo." Sabi ni Sarah ng makita na kasyang kasya ang damit kay Valerie. Hindi na nila kailangan lumabas muli sa maliit na tent dahil meron ding improvised na pintuan na nakakonekta sa malaking tent sa kabila.
Namangha si Valerie ng makapasok sa malaking tent. Halos kumpleto ang loob nito at sa unang tingin ay aakalain mong nasa isang Operating Room ka talaga. Maliban sa mga gamit sa OR ay meron ding mobile xray at ECG. Meron ding machine na pang-laboratory tests.
"Doktora, mamaya na po tayo magkwentuhan." Sabi ni Hazel at agad na inabot an mga lab tests kay Valerie.
"Kailangan na ma-operahan siya agad at palagay ko ay dito natin gagawin kahit ipilit ko pa na sa ospital ang tamang lugar." Tango ang isinagot nila Hazel at Sarah. "May isa pa po tayong problema, Doktora. Ayon po sa baby record ni Sophia, AB positive ang blood type niya." Sabi ni Hazel. "At si Mang Mario lang po ang AB positive sa kanilang lahat." Sabi naman ni Sarah. "AB positive ako." Tanging sagot ni Valerie at lumabas na siya para kausapin ang ama ng kanyang pasyente.