KAAGAD na pumunta si Rafael sa kanyang kuwarto upang ayusin ang sarili. Nagtagal din siya roon nang halos tatlumpung minuto kakaisip ng dapat niyang sabihin kay Hannah. Pero biglang pumasok sa kanyang isip ang sinabi ng kanyang ina matagal nang panahon ang nakalilipas.
Don't let fear dictate what you should say or do. It's your heart who will speak for yourself.
Mabuti at laging may baong kasabihan ang kanyang ina. Iyon nga ang gagawin niya. Ang hayaan ang puso niyang magpaliwanag at humingi ng patawad kay Hannah. Umaasa at ipinagdadasal na lang niya sa Diyos na sana ay umayon sa kanya ang kanyang puso at hindi sa kung ano-anong daan mapunta ang kanyang dila. Tama rin si Elena. Hindi na dapat niya iyon patagalin. Time is gold, ika nga.
Pababa na siya ng hagdan nang biglang bumukas ang main door. Humahangos na pumasok doon si Mang Obet, ang kanilang security guard, at nakuha ang atensyon ni Rafael sa hawak na telegrama ng matandang lalaki.
"Para kanino po iyan?" maagap na tanong ni Rafael. Matagal-tagal na rin nang huli silang makatanggap ng liham—ang huli ay tatlong taon na ang nakalilipas. Para iyon kay Elena at ipinapaalam na namatay na ang nag-iisa nitong kapatid. Mas uso na kasi ngayon ang electronic mail.
Iniabot ng matanda kay Rafael ang liham. "Para ga are sa inyo, Ser," halata ang pagiging isa nitong Batangeño dahil sa paraan ng pananalita.
Kaagad na napakunot ang noo niya. Sa una ay nag-aalangan pa siyang tanggapin iyon pero pansin niya ang panginginig ng kamay ng matandang lalaki kaya kinuha niya iyon. "From whom?" tanong niya, saka niya tiningnan ang kabuuan ng puting envelope pero ang pangalan niya at address lang ng mansyon ang naroon.
"Ay, Ser, ala'y, 'di ko ga iyan ginalaw. Kanina ga'y pagkakuwa ko niyan, e, pumarine na ako," sagot ni Mang Obet.
Napangiti siya, saka tumango. "Thank you po."
Nagpaalam na rin ang matandang lalaki at agad din itong bumalik sa guard's house. Naiwan si Rafael sa sala—na puno ng katanungan ang isipan. Sino ang nagpadala sa kanya ng sulat? Hindi siya mapakali. Hindi niya alam pero para siyang magkaka-migraine habang hawak ang sulat na iyon.
Binuksan niya iyon at kaagad na bumungad sa kanya ang pangalan ng ni Luna, ang kasambahay na nakaaway ni Eris. Parang isang bata ang nagsulat niyon kaya halos pahirapan siyang basahin ang nilalaman ng sulat. Pero naiintindihan niya ang gusto nitong iparating. Gusto siyang makausap ni Luna nang personal. Mas lalong nangunot ang noo niya sa huling parte ng sulat.
Kailangang-kailangan ko na po talaga kayong makausap. Pinapatay na po ako ng konsensya ko. Magsasalita na po ako. Meron po kayong dapat malaman tungkol sa kapatid ninyo.
Bahagyang nilukot ni Rafael ang papel, saka siya tumingin sa malayo. Ano pa ang dapat niyang malaman? Sa nakikita niya sa kanyang kapatid, para bang bumabalik ulit ang dati nilang samahan. Ano ang kinalaman ng sulat sa nangyari kina Luna at Eris noong gabing iyon?
Napailing siya.
Kailangan mong kausapin si Hannah.
Napahugot siya ng malalim na paghinga, saka tumango. Nagsimula siyang maglakad pero sa hindi niya malamang dahilan, imbes na kay Hannah siya papunta, natagpuan niya ang sariling prenteng nakaupo sa may driver's seat ng kanyang sasakyan at kasalukuyang binubuhay ang makina niyon.
"Argh!" biglang angil niya nang mapagtanto ang kanyang ginagawa. Napapindot pa siya nang isang beses s busina ng sasakyan at napahilamos ng mukha. Ilang segundo rin siyang napatulala sa kawalan. Mukhang mapupurnada na naman ang paghingi niya ng tawad kay Hannah.
"Sorry, Hannah, babalikan kita agad," sabi na lamang niya, saka tuluyang umalis.
~*~
MAG-IISANG ORAS na yatang nakatambay si Rafael sa isang parke sa Makati City ay hindi pa rin dumarating si Luna. Ni wala siyang natanggap na reply sa mga text messages niya. Makailang beses na rin niyang tinatawagan ang babae pero hindi ito sumasagot. Out of coverage.
Naisip niya na baka ngayon ay nakahingi na siya ng tawad kay Hannah. Pero mas pinili pa rin niyang umalis. Wala rin naman pala siyang mapapala.
Nadidismaya man ay minabuti na lang niyang bumalik sa kanyang kotse na nakaparada sa may parking lot sa labasan. Napahinto siya sa paglalakad nang mahagip ng paningin niya ang isang maliit na flower shop na naroon sa kabilang kalsada. Naisip niya si Hannah. Nasisiguro niyang matutuwa ito nang husto kapag inabutan niya ito ng bulaklak. Hindi niya gustong suhulan ang nararamdaman ng babae. Gusto lang niyang alisin kahit papaano ang lungkot na nararamdaman nito.
Napaamoy pa siya sa hawak na boquet ng bulaklak bago tuluyang lumabas sa flower shop. Pero muli siyang napahinto sa paglalakad nang biglang tumunog ang kanyang cellphone sa bulsa ng pantalon. Kaagad na bumungad sa kanya ang pangalan ni Liam sa screen.
Sinagot niya ang tawag at halos masira ang pagkaka-arrange ng bulaklak sa higpit ng pagkakahawak niya. Nag-igting ang kanyang panga at hindi alam kung ano ang sasabihin dahil sa masamang balitang hatid sa kanya ng matalik na kaibigan.
"I'll be there in a jiffy," sabi niya, saka muling inilagay sa bulsa ang cellphone. Nagmamadaling nagtungo si Rafael sa kanyang kotse at halos paharurot na binagtas ang maluwang na kalsada pa-norte.
Napahinto siya sa pagmamaneho nang marating niya ang sinabing lugar ni Liam. Iyon ang parte sa Makati City kung saan ay walang kagusa-gusali. Pagmamay-ari ang lupang iyon ng isang mayamang angkan at para bang walang balak sa lugar kaya naiwang nakatiwangwang at hinayaang pamahayan ng talahib.
Halos mapuno ang kalsadang iyon ng mga nakikiusyosong sibilyan, media reporters, SOCO team, Rescue team, at mga pulis. Hindi niya makita ang tinitingnan ng mga ito dahil maraming nakaharang pero ang sabi sa kanya ni Liam, mayroon daw natagpuan ang mga residente na isang paagnas ng bangkay ng isang babae.
Napatakip kaagad siya ng ilong dahil sa masangsang na amoy. Pilit siyang sumingit sa kumpol ng mga tao hanggang sa makapasok siya sa mismong pinagmumulan ng kumosyon. Nakakordon ang isang parte ng talahiban, may kalayuan ng kaunti mula sa kalsada. May mga awtoridad na sa lugar at nadatnan niyang kasalukuyang inilalagay sa cadaver bag ang bangkay.
Napalingon siya sa kanyang likod nang may biglang tumapik sa balikat niya.
"One down, Brod," naiiling na sabi ni Liam. Nakatuon ang atensyon nito sa bangkay, na ngayon ay binubuhat ng ilang miyembro ng rescue team ang bangkay papunta sa loob ng sasakyan ng mga ito.
"Natukoy na ba ang pagkakakilanlan ng bangkay?" hindi maiwasang maitanong ni Rafael. Napatingin siya kay Naoimi na kasalukuyang humaharap sa media. "And why is Naoimi looked pre-occupied?"
Rinig ni Rafael ang buntonghininga ni Liam na para bang naaasiwa. Nagpamaywang ito. "Wala ako sa posisyon para sabihin 'to, Brod, pero mukhang pinagsususpetsahan niyang ang bangkay at si Freia ay iisa."
Natigalgal bigla si Rafael. Ang unang pumasok sa isip niya ay si Hannah. "Not a good joke, Lee," sabi niya, pero umiling si Liam. "Pa'no niya naisip na si Freia nga ang natagpuang patay? They didn't do any tests yet to prove her hunch."
"'Yong suot niyang uniporme, Brod," sagot ni Liam. "Pareho ng suot ni Freia noong nakidnap siya. Tsk. Kawawa. Tao nga naman, o. Walang sinasanto."
Hindi makaimik si Rafael. Totoo man o hindi ang narinig niya sa kanyang kaibigan, okupado ng isip niya ang nagdadalamhating imahe ni Hannah.
— Bab baru akan segera rilis — Tulis ulasan