Unduh Aplikasi
82.85% (FILIPINO) Belle Feliz's Lollipop Boys / Chapter 58: Chapter Nine

Bab 58: Chapter Nine

PAGLABAS ni Iarah ng silid ni Vann Allen kinabukasan ay nakita niya sa sala ang Ate Janis niya at si Peighton. Kausap ng mga ito si Vann Allen at ang mga magulang nito. Nginitian siya ni Vann Allen at ni Peighton nang makita siya ng mga ito.

"Umuwi na tayo, Iya," sabi ni Peighton. "Okay na ang ate mo."

Tahimik na tumango siya. Napatingin siya sa ate niya. Tahimik lamang ito. Katulad niya ay namumugto rin ang mga mata nito.

Magalang na nagpaalam siya sa mga magulang ni Vann Allen. Nagpasalamat siya sa pagpapatuloy ng mga ito sa kanya.

Napapikit siya nang hagkan ni Vann Allen ang kanyang noo. "Bibigyan ko kayo ng panahong mag-usap na magkapatid. Mamayang hapon na lang kita pupuntahan. May lakad ako ngayon, eh," anito sa napakasuyong tinig.

Tumango lang siya bilang tugon. Ayaw sana niyang mawalay rito ngunit sobra-sobra na ang pang-aabala niya rito. Kailangan niyang ayusin ang buhay niya sa sarili niyang sikap. Kailangang siya ang kumilos. Hindi niya maaaring iasa ang lahat dito.

Tahimik silang umuwi. Ayaw pa ring magsalita ng ate niya.

"Ate," tawag niya rito pagpasok nila sa apartment.

"Bibili lang ako ng almusal," paalam ni Peighton bago ito muling lumabas ng apartment.

"Ate, I'm sorry," aniya sa gumagaralgal na tinig. "Sorry kung binigo kita, kayo nina Nanay at Tatay."

Humagulhol siya ng iyak nang yakapin siya nito nang mahigpit. "Sorry din kung nasaktan kita kahapon. Iyong mga pangit na salitang sinabi ko, hindi ko sinasadya. Dala lang iyon ng galit. I didn't mean them. Hindi mo rin ako masisisi, eh. Binigo mo ako."

"Ate, sorry talaga," sumisigok na sabi niya. Wala na siyang ibang masasabi kundi iyon.

"Wala na tayong ibang magagawa kundi tanggapin na lang. Nariyan na `yan. Aalagaan natin ang magiging baby mo. Hindi natin siya pababayaan."

"Ate, salamat. Salamat talaga."

Pinahid nito ang mga luha sa pisngi niya. "Kakayanin natin. Ate mo ako, hindi kita pababayaan. Magiging maayos ang lahat. Tama na ang pag-iyak. Kahapon pa tayo drama nang drama. Nakakapagod pala," anito habang nangingiti. "Hindi bagay sa `kin ang umiiyak. Pumapangit ako. Ngiti ka na. Baka magkaroon ako ng pamangkin na iyakin."

Hindi niya magawa kahit na gustuhin niya. "Ate, paano sina Nanay at Tatay?"

"Parang ako lang sila. Magagalit at magwawala sila sa umpisa, siyempre. Pero mangingibabaw pa rin ang pagmamahal nila sa `yo. Hindi maiiwasang masaktan mo sila. Binigo mo sila, eh. Ang dami-dami nilang pangarap para sa `yo. Pero kapag nahimasmasan na sila, mapapagtanto nilang hindi nila kayang iwan ka sa kalagayan mo ngayon. Kung pababayaan ka naming pamilya mo, sino pa ang tutulong sa `yo… sa inyo ng baby mo? Pamangkin ko rin `yan. Apo nila ang bata. Mahal ka pa rin namin."

Hiyang-hiya siya sa kanyang sarili. Binigo niya ang lahat ng mga taong nagtitiwala at nagmamahal sa kanya. Ngunit tama rin ang kapatid niya. Nandoon na siya sa sitwasyong iyon. Hindi na niya mababago ang nangyari kahit gaano pa siya magsisi. Mamahalin na lang niya ang magiging anak niya. Aayusin niya ang buhay niya para dito.

"Uuwi ako sa atin bukas," patuloy nito. "Ako muna ang magsasabi sa mga magulang natin. Ihahanda ko muna sila bago mo sila harapin. Magiging maayos ang lahat, Iya."

"Salamat, Ate Janis." Napagtanto niyang napaka-suwerte niya sa kanyang kapatid. Napakasuwerte pa rin niya dahil hindi siya pinababayaan ng mga tao sa paligid niya. Hindi siya nag-iisa sa suliraning iyon.

Pumasok si Peighton. May bitbit itong ilang supot na may tatak ng isang sikat na fast-food restaurant. May dala-dala rin itong paper bag ng isang bakeshop na malapit sa kanila. "Tapos na ang part two ng drama n'yong magkapatid?" tanong nito sa nagbibirong tinig. "Kain na tayo?"

Sabay na tumango silang magkapatid. Magkatulong na inihanda nila sa mesa ang mga biniling pagkain ni Peighton.

"I HOPE you don't mind my asking, Iya, pero tatanggapin mo ba ang alok ni Vann?" tanong ni Peighton habang kumakain sila.

Natigilan si Iarah. Hindi pa niya naiisip ang bagay na iyon. Ang totoo, hindi pa niya alam kung ano ang gagawin niya.

Hinawakan ng Ate Janis niya ang kanyang kamay. "Hindi sa pinapangunahan kita, Iya, pero kailangan ba nating mandamay ng ibang tao? Sigurado ako, hindi ka ginalaw ni Vann. Alam kong kay Daniel `yang bata. Sadyang napakabuting nilalang ni Vann. Tatanawin kong utang-na-loob ang pagtulong niya sa `yo, pero kailangan bang umabot ang lahat sa pagpapakasal? Ang bata mo pa. Hindi rin magiging legal ang lahat."

"Pag-iisipan kong maigi," sabi na lang niya.

Tama ang kapatid niya. Hindi niya kailangang mandamay ng ibang tao. Sobra-sobra na ang naging tulong ni Vann Allen sa kanya.

Pagkatapos ng agahan ay pinagpahinga na siya ng kanyang kapatid. Huwag daw niyang pababayaan ang anak niya. Stressed na stressed na raw siguro ang baby niya dahil sa kakaiyak niya mula pa nang nagdaang araw. Kailangan niyang ipahinga kahit sandali lang ang kanyang isip. Kailangan niyang kalmahin ang kanyang damdamin.

Kinagabihan, naging bisita niya si Vann Allen. Hinayaan sila nina Peighton at ng Ate Janis niya na mapag-isa at makapag-usap.

"Kumusta ka na?" nakangiting tanong nito. "Si baby?"

Ngumiti siya nang matipid dito. Nahihiya siyang aminin dito na natutuwa siya nang husto dahil nakita niya uli ito. Ang sarap-sarap nitong titigan. Tila lalo itong nagiging guwapo sa paningin niya.

"Okay. Okay lang kami," tugon niya.

Lumapad ang ngiti nito. "Mabuti naman. Huwag kang masyadong ma-stress, ha? May mga dala akong prutas para sa `yo. Kakainin mo, ha?"

"S-salamat."

Bakit ba napakabait nito? Parang ang sarap dayain ng kanyang sarili at isiping ito ang tatay ng dinadala niya. Paano kaya kung ito ang talagang tatay ng nasa sinapupunan niya? Paano kung walang Daniel na dumating sa buhay niya? Paano kung ito ang minahal niya? Siguro, wala siyang madaramang pag-aalala sa kalagayan niya. Siguro, pareho silang masaya dahil magkakaroon na sila ng baby.

Ngunit hindi ganoon ang nangyari o kahit mangyayari. Kung hindi dumating si Daniel sa buhay niya, at si Vann Allen ang patuloy niyang minahal, sigurado siyang hindi sila magiging mga magulang sa murang edad. Magiging responsable si Vann Allen. Hindi siya nito gagalawin. Maghihintay ito ng tamang panahon. Ganoon ang pagkatao nito. Tama ang lahat sa pagkilala sa pagkatao nito.

Kaya wala talagang maniniwalang ito ang ama ng dinadala niya.

Tumikhim ito at hinawakan ang kanyang kamay. Nagulat siya nang may isuot itong singsing sa daliri niya. Napatingin siya sa singsing. Simpleng silver band lamang iyon, wala kahit anong precious stone. Gayunman, iyon na yata ang pinakamagandang singsing para sa kanya. Nais niyang maiyak.

"Papalitan ko `yan kapag maayus-ayos na ang kita ko. Alam ko, hindi siya mukhang engagement ring. Kapag nagkapera ako nang malaki, ibibili kita ng mahal na diamond ring. Sa ngayon, ito muna, ha?"

"Vann..."

"O, huwag ka nang umiyak. Tahan na."

"Pakakasalan mo talaga ako? Aakuin mo talaga ang responsibilidad? Hindi yata tama."

Kinabig siya nito at niyakap. "Duda ka ba? Hindi ba sinabi kong magiging maayos ang lahat? Magkakaroon tayo nang maayos at masayang pamilya."

"Hindi mo kailangang gawin ito, Vann. Kung naaawa ka lang sa `kin—"

"Sshh, tahimik. Ginagawa ko `to dahil gusto ko. Iya, huwag na tayong magtalo, o. Magpapakasal tayo, tapos ang usapan."

"Hindi magiging legal ang kasal natin."

Pabirong napalatak ito. "Ang babaeng ito talaga. Hindi ka patatalo, ano? Maikakasal tayo basta may consent ang mga magulang natin. Kailangan nga lang nating ikasal uli pagsapit mo sa tamang edad para maging legal ang pagiging mag-asawa natin. O, tahimik na. Pagod ako."

Inihilig niya ang kanyang ulo sa balikat nito. Nakakaramdam siya ng kapayapaan sa mga bisig nito. "Saan ka ba galing? Pumasok ka ba sa eskuwela?"

"Baka tumigil na ako sa pag-aaral, Iya."

"Ha? Bakit?" May kinalaman ba siya roon?

"Magiging busy na kasi kami masyado, eh. Hindi ko na hawak ang schedule ko. Kagaya ngayon, maghapon ang rehearsal, hindi ko na nagawang pumasok. Ang daming classes na dapat naming pasukan. Voice class, dance class, personality development, at kung anu-ano pa."

"Sigurado ako, sisikat kaagad ang Lollipop Boys."

"Sana nga tangkalikin kami ng mga tao. Sana ay maraming dumating na trabaho. Kailangan kong matulungan ang pamilya ko. Malapit nang makatapos sina Ate Jhoy at Ate Toni. Kailangan din nating makaipon para sa panganganak mo. Siyempre, paglabas ng bata, maraming pangangailangan `yan."

Nahihirapan siyang huminga. Pakiramdam niya ay lumobo ang puso niya. Punung-puno iyon ng halu-halong emosyon—saya, lungkot, lubos na pasasalamat, at pag-ibig.

Ikinulong nito ang mukha niya sa mga kamay nito at tinitigan siya. Unti-unting lumapit ang mukha nito sa mukha niya. Napapikit na lamang siya nang lumapat ang mga labi nito sa mga labi niya. Puno ng pagsuyo ang naging paraan ng paghalik nito.

Kakaibang sensasyon ang kumalat sa buong pagkatao niya. Walang pag-aalinlangan na tumugon siya. Nawala ang lahat ng mga alalahanin niya. Naglaho ang lahat ng mga agam-agam sa puso niya.

The kiss felt right. It felt so amazing. Pakiramdam niya ay mahal na mahal siya ng lalaking humahalik sa kanya.

Magiging maayos ang lahat. Magiging maayos ang lahat basta naroon si Vann Allen.

UMUWI sa Ilocos Norte ang Ate Janis ni Iarah. Wala siyang ibang ginawa kundi ang magdasal nang magdasal. Tatanggapin niya ang lahat ng galit ng kanyang mga magulang. Tatanggapin niya ang kaparusahan ng mga ito. Ipinapanalangin niya na sana lang ay dumating ang araw na mapatawad siya ng mga ito. Sana ay dumating ang araw na matanggap ng mga ito ang magiging apo.

Isang araw ay nasa bahay lang siya. Lumabas sandali si Peighton at may bibilhin daw ito sa malapit na mall. Isinasama siya nito ngunit nagpaiwan na siya dahil masama ang pakiramdam niya. Mabigat kasi ang pakiramdam niya mula nang gumising siya.

Tahimik na binabasa niya ang isang libro ng ate niya tungkol sa pagbubuntis nang may kumatok. Kaagad na binuksan niya ang pinto. Nagulat siya nang makita si Jhoy. Walang kangiti-ngiti ang mukha nito.

"Tuloy po kayo, Ate Jhoy," aniya habang niluluwangan ang awang ng pinto.

Tumuloy ito. Pinaupo niya ito. Kaagad na nagtungo siya sa kusina upang ikuha ito ng inumin.

"Ayokong magpaliguy-ligoy pa," anito sa pormal na tinig nang balikan niya ito sa sala. "Alam mo naman sigurong papasukin na ni Vann ang entertainment business. Mapapabilang siya sa isang all-male singing group. Hindi rin siguro lingid sa `yo na kilala na ang Lollipop Boys kahit wala pa silang official debut. Hit na hit ang lollipop commercial nila. Lahat ng tao ay gusto silang limang lalaki."

Nagtatakang napatango siya. Saan patungo ang pag-uusap na iyon? At bakit napakapormal naman yata nito?

"Gusto kang pakasalan ng kapatid ko. Alam kong gusto mo rin. Naiintindihan ko. Kung ako ang nasa kalagayan mo, papayag din ako. Alam kong kailangan mo ang kapatid ko. Kailangan mo ng isang masasandalan at makakapitan. Naiintindihan ko iyon, babae rin ako. Pero sana, bago ka pumayag na magpakasal kay Vann ay maisip mo kung ano ang magiging epekto niyon sa kapatid ko."

"Ate Jhoy..."

"Marami ang nagsasabing promising ang kapatid ko. Marami ang nagsasabing malayo ang mararating niya. He's talented and very good-looking. Napapasaya niya ang lahat ng mga taong nasa paligid niya. He would shine so bright, I know. Pero kung pakakasalan ka niya, hindi mangyayari iyon. Hindi tatangkilikin ng mga tao ang isang teenage dad. Hindi lang siya ang maaapektuhan, pati ang mga kagrupo niya. Pati manager nilang malaki na ang ipinuhunan sa kanila. Ngayon pa lang, napakalaki na ng expectations ng mga tao sa Lollipop Boys… kay Vann. Dahil siya ang nasa gitna, siya ang parang leader ng grupo. Hindi mo paniniwalaan kung ilan na ang members ng fans club nila. Alam mo ba kung paano ang maging fan? Ang isang fan, perpekto ang tingin sa mga idolo nila. Nangangarap silang magkakaroon sila ng love story kasama ang idolo nila."

Nakagat niya nang mariin ang kanyang ibabang labi. Tila alam na niya ang nais tumbukin nito. Parang nadudurog ang puso niya.

"Possessive ang mga fans. Sila rin minsan ang nagdidikta kung sino ang dapat magustuhan o makatuluyan ng isang celebrity. Ano sa palagay mo ang mangyayari kung malalaman nila na ang lalaking pinapangarap nila ay may asawa at anak? Guguho ang mga pangarap nila. Guguho rin ang pangarap ng kapatid ko pati ng apat pang miyembro ng Lollipop Boys. Maaatim mo bang mangyari iyon?"

Nag-init ang kanyang mga mata.

Hinawakan nito ang mga kamay niya. Napatingin siya rito. May pagmamakaawa sa mga mata nito. "Huwag mo sanang iisipin na nagiging kontrabida ako, Iarah. I have nothing against you. Hindi ko rin hinuhusgahan ang moralidad mo, maniwala ka. Hindi rin kita minamaliit. Lahat ng tao, nagkakamali. Kaya lang, huwag mo sanang idamay ang kapatid ko sa pagkakamaling iyon. Alam ko rin na si Vann ang mapilit. Ang pakiusap ko, huwag muna ngayon. Hayaan mo munang lumipad at kuminang ang kapatid ko. Tutulungan ka pa rin namin, pangako. Huwag ka munang magpakasal sa kanya. Huwag muna ngayon. Isa pa, ang babata pa ninyo."

Lumuluhang tumango siya. Tama ang lahat ng sinabi nito. Hindi kakayanin ng konsiyensiya niya kung babagsak si Vann Allen dahil lang sa kanya.

"Naiintindihan mo ako, hindi ba, Iarah?"

Muli siyang tumango. Hindi siya magagalit o magdaramdam dapat dito. Kung siya ang nasa kalagayan nito, ganoon din siguro ang gagawin niya. Hindi rin ang katulad niya ang gugustuhin niya para dito.

Vann Allen deserved someone better.

Marahan niyang hinubad sa kanyang daliri ang singsing na ibinigay ni Vann Allen sa kanya. Kaagad na nakadama siya ng kahungkagan.


Load failed, please RETRY

Status Power Mingguan

Rank -- Peringkat Power
Stone -- Power stone

Membuka kunci kumpulan bab

Indeks

Opsi Tampilan

Latar Belakang

Font

Ukuran

Komentar pada bab

Tulis ulasan Status Membaca: C58
Gagal mengirim. Silakan coba lagi
  • Kualitas penulisan
  • Stabilitas Pembaruan
  • Pengembangan Cerita
  • Desain Karakter
  • Latar Belakang Dunia

Skor total 0.0

Ulasan berhasil diposting! Baca ulasan lebih lanjut
Pilih Power Stone
Rank NO.-- Peringkat Power
Stone -- Batu Daya
Laporkan konten yang tidak pantas
Tip kesalahan

Laporkan penyalahgunaan

Komentar paragraf

Masuk