Noong may konti na akong naipon, nakakapagpautang na din ako sa mga kapitbahay namin na dati ay kami ang umuutang sa kanila. Naililibre ko na din ang mga barkda ko sa'min, maging sila pareng Ruel, Torvic at Rey, kapag sila ay pumapasyal sa'kin sa trabaho, maging sa mga galaan din. Nabibigyan ko na din ng pera ang mga kapati ko. Nakakabili na din ako ng mauulam namin.
Ang mga batang maliliit noon na mahilig manghingi ng mga barya sa'min ay nabibigyan ko na din ng mga barya. (Ginagawa ko din 'yon dati noong musmos pa ako!) Si Moymoy na anak ni kuya Junny at ate Rina ay malimit akong abangan noon sa kanto para manghingi sa'kin ng barya. Tinatawag n'ya akong "Lover boy" noon. Lover boy,"penge namang barya d'yan." Ang mga batang kapitbahay namin na sila Nonoy o Tsupit, ang kanyang kapatid na si Nine, maging sila Kolokoy ay nabibigyan ko din ng mga barya noon. Minsan si Moymoy pinupuntahan pa ako sa bahay namin kasama ang kanyang tropa para manghingi sa'kin noon ng pera. Masaya na sila noon sa konting mga barya! Ang bait ko daw, sabi ng mga batang uhugin dati. (Inuuto lang nila ako! 😇) Hindi, sadyang natutuwa lang ako sa mga bata na 'yon dati. Malamang ngayon mga binata't dalaga na ang mga 'yon. 'Yung ibang kapitbahay namin, binebentahan o sinasanglaan ako ng silver at ilan pang bagay. Nakakapagpainum na din na ako noon sa mga tropa.
Trenta pesos pa ang gupit noon kila Madir. Sa kanilang shop, ayon din ang pinakamurang gupit noon sa buong N.G.I, kaya napakarami na nilang mga suki o costumer. Kahit nga may bagyo marami pa din nagpapagupit doon. Mahigit na din daw sampung taon na ang kanilang barber shop. Pagdating sa porsyente, hatian ang labanan namin. Sa gupit na 30 pesos ay tig kinse kami. Ang tip naman ay sa'min na.
Kumikita dati ako ng 150 to 200 pesos kapag mahina. 300 to 400 kapag katamtaman ang lakas. 600 to 700 pesos kapag malakas. At 800 to 1,000 pesos kapag sobrang lakas. Malaking pera na 'yon dati kumapara ngayon. Araw-araw din namin kinukuha ang aming komisyon kaya, hindi ka mawawalan ng pera. At bukod pa 'don hawak namin ang aming mga oras kaya hindi kami pressure noon. Wala din kaming sinusunod ng oras ng pasok at ng pag-uwi.
Sobrang baba pa ng gupit dati ngunit kapag naiipon naman ang kita ay dumadami din. Nakabili din noon ako ng sarili kong razor at ilan pang gunting. Napag-ipunan ko din noon ng pambili ang kauna-unahang kong cellphone na Nokia 33 15 (Extinct na yata ngayon 'to!) sa halagang 5,600 pesos. Sinamahan ako noon ni pareng Nestor sa pagbili 'non sa Sta. Lucia Mall.
Kung saan-saan din ako noon nakarating dahil may budget na ako sa pamamasyal. Mga taong 2005, halos isang linggo din kami ni Rey sa Bicol dahil sa fiestahan sa kanilang probinsya noon. Nakakapag-outing din kami nila pareng Nestor, Rey, Mac-mac at ang kapatid ni Nestor na si Dodoy na kaedaran naman ni Dan. Nasundan din 'yon ng ilan pang outing namin. Nakakapagpadala din ako ng load sa mga babaeng katextmate ko noon.
Sa panahong iyon pinapasyalan din ako ng ilan kong naging mga kaklase noon sa P.H.S para magpagupit sa'kin at para tumambay na din ng konting oras. Malimit noon sa'kin sila pareng Rey, Ruel, Torvic, Nestor at si Ian Morcoso na kaklase ko noong third year. Nagugupitan ko din noon ang mga ilang estudyante na nanggaling din sa P.H.S. Minsan naman nagugupitan ko sila Jay-pee, kaklase ko din nu'ng third year. Si Paul at ang kanyang kapatid na kaklase ko naman nu'ng fourth year. Nagupitan ko rin doon ang mga naging kaeskwela ko noong elementary ako tulad nila Omar, Christopher Aquino, pati na din si Andrei (Naisama naming maglayas nila Joel) Batibot, sila Jovel na naging barkada ko din. Maging si Mr. Tado na naging teacher ko noong elementray ako. Kapag nagugupitan ko si sir Tado nakakapagkwentuhan kami. Kilala n'ya pa din ako kahit may katagalan na din ng taon. Napag-uusapan din namin ang mga naging estudyante n'ya din dati na sila Kimburt Begornia, Cazandro Galupe na mga kababata ko at iba pa naming mga kaklase noon. Andon pa din daw s'ya sa St. Mary Elementary School. Sa tansya ko nu'ng panahon na nagugupitan ko s'ya noon ay nasa labing isang taon na s'ya sa St. Mary. Sabi n'ya rin noon sa'kin na, "Dati ang liit mo pa lang, pero ngayon malaki kana." At pati na din si Mr. Calero ay nagupitan ko din doon. Hindi na lang ako noon nagpakilala sa kanya dahil parang hindi n'ya na din ako makilala noon. Maging si kuya Mulo na may-ari ng Jay-r's Bakery na pinagtindahan ko noon ay nagupitan ko din doon ng ilang beses. Medyo humina na daw ang panaderia nila nu'ng panahong iyon. Ang mga ibang taga sa amin ay nagugupitan ko din doon. Maging ng mga naging tropa ko pa o mga bago kong naging tropa ay sa'kin din nagpapagupit.
Kapag wala doon sila Madir nililibre ko na sila ng gupit. Minsan naman kalahati na lang ang pinapabayaran ko, 'yung parte na lang nila Madir. Kadalasan naman ngbabayad talaga sila at may tip pa ako. Dati may nagpagupit sa'kin 'don. Kasama n'ya noon ang kanyang anak na babae. Birthday daw n'ya noong araw ding 'yun at humingi s'ya noon ng tawad sa 30 pesos na gupit na nga lang namin, sinabi n'ya sa'kin na kulang daw ang pera n'ya at wala na daw s'ya 'nung trabaho. Naawa naman ako sa kanya noon, kaya hindi ko na s'ya pinabayaran pa. Laking pasalamat n'ya noon sa'kin.
Naging tropa ko din doon si pareng Noel na pamangkin ni Madir. Malaki ang naging tanda sa'kin ni Noel, 36 years old na s'ya noon habang ako'y 20 plus pa lang. Malimit din dati kaming magkasama noon, noong nandon pa s'ya kila Madir. Sinamahan n'ya din dati ako sa Hard Rock Cafe Makati para sana ipakita at ipagbili sana ang mga sketch kong mga 70's and 80's rock band. Hindi naman iyon nabili dahil mga memorabilla lang daw ang binibili nila. S'ya rin noon ang kasama kong manuod ng live sa Eat Bulaga taong 2004. Nakita namin noon ng personal ang mga dabarkads na sila Bossing Vic at iba pa. Nakita ko rin doon si Francis M. noong nabubuhay pa s'ya. Parang kasinglakihan ko lang din pala si Francis M. Minsan, nakapag-inuman din kaming tatlo nila kuya Jimmy sa kanilang shop at doon na rin ako natulog.
Si Rex na nagbabantay sa water reffiling station na kapitbahay lang ng shop namin ay naging tropa ko din. Madalas s'ya noon na magsangla sa'kin ng kanyang silver at mangutang din dati sa'kin. Hindi ko din noon problema ang tubig, lapit lang ako sa kanya may cold mineral water na ako. Noong nagbirthday si pareng Rex, kasama ako sa selebrasyon n'ya. Kasama namin noon ang mga naging tropa din namin na mga taga Fortune. Inabot kami noon ng madaling araw sa bahay ni Rex. 'Yung mga tropa n'ya doon sa kanila, naging tropa ko na din. Masarap ang inumang iyon namin, marami-rami din kaming alak na naubos noon. Napasama din dati ako kay Rex at Tisoy sa kanilang labas ng gabi. Pinuntahan nila ako noon sa shop ng mga alas otso ng gabi. May kasama kami noong tatlong babae, ang isa doon ate ni Tisoy, ang isa naman ay pinsan n'yang bakasyonista na taga Zambalez. At ang isa namang babae ay pinag-aagawan nila ni Rex. Nagkaroon sila noon ng "Love triangle" hehehe... Naging kapartner ko noon ang pinsan ni Tisoy. Maganda din talaga ang babaeng 'yon na may pagkatisay. Pumunta kami noon sa isang billiard hall na may inuman at videoke sa loob, (hindi ko na matandaan ang pangalang ng hang-out na iyon) malapit lang din 'yon sa River park. Tinuruan ko s'ya noon magbilyar, tinuruan ko din s'ya ng tamang pagtumbok sa tako habang kami'y may mga hawak na beer. Nag-enjoy kami nu'ng gabing iyon at talagang parang nahuhulog na din ako sa kanya. Pagkatapos ng hang-out naming iyon, dumeretso kami kila Tisoy sa Fortune. Tumambay pa kami noon sa kanila ng ilang oras, may event din noon sa kanilang lugar. Nakausap ko pa noon ang kanyang pinsan, pinakilala din kami ni Tisoy sa mga tropa n'yang nag-iinuman doon at napashot din ng kaunti. Nagpaalam na din ako noon sa kanila, halos madaling araw na din 'yon.
Buhat 'non hindi ko na nakita pa si Tisay! Nabalitaan ko na lang noong nagpagupit sa'kin si Tisoy na nakauwi na pala s'ya sa kanila. Kinuha ko noon ang address n'ya sa Zambales kay Tisoy. At isa rin s'ya sa mga babae na napadalhan ko noon ng sulat. Nagdaan pa ang mga buwan, muling nagpagupit sa'kin si Tisoy. Sinabi n'ya sa'kin noon na ang kanyang pinsan ay nakapangasawa na ng taga doon. Sinabi n'ya rin sa'kin na natanggap daw ng pinsan n'ya ang sulat ko. At naging sila na noon ng babae na kasama namin sa paghang-out, buntis na rin noon ang babae. Natanggap na din naman na ni Rex ang nangyari at hindi din naman naapektuhan pa noon ang pagiging mag-tropa nila. Nanghiyang din ako noon sa pinsan ni Tisoy, masasabi kong panalo ka 'don!
Sila kuya Jimmy at Jessy naging kabatak ko din noon, maging si Jojo na kapatid din nila. Si Jocelyn at Jocephine naging ka close ko din nu'ng kalaunan na mga anak nila Madir at Padir din. Pati na din ang anak ni te Nene ay naging tropa-tropahan ko din na si choy at ang kanyang ate na mga elementary at high school student pa noon. Si Ama na ama ni Madir ay naging kabatak ko din. Ang kanyang edad na noon ay 83 years old na, ngunit makisig at malakas pa si Ama! Lagi kami noong ng-e-sparring ng boxing sa loob ng shop at nagpupunong braso din kami. Malimit ko din noon s'yang nakakakwentuhan. Sinabi n'ya noon sa'kin na mas maayos daw akong gumupit kumpara kay mang Mar. Nagkwento din s'ya sa'kin noon ng mga naging karanasan n'ya noong panahon ng hapon. Naging guerilla daw s'ya noon at sila'y namundok. Sa galit daw nila sa mga hapon, niluto daw nila ang isa dito at kinain. (Noong wala na daw silang makain) Saka lang daw sila bumaba ng bundok noong dumating na ang mga amerikano. Meron din s'ya noong chick na nasa thirty plus lang ang edad. (ganon kakisig si Ama!)
Si kuya Jessy naman ay masarap din kakwentuhan at kainuman. Kapag kami ay nag-iinom sa shop at kasama s'ya, tiyak na hindi ka malulungkot. Sobrang joker n'ya kasi! Lahat ng kanyang ikwento ay matatawa kang talaga. May pagkahawig s'ya kay Dick Israel. Habang si Jojo naman ang pinakamalakas sa kanilang uminom. Malaki ang kaha ni Jojo at 'di mo 'yon matatalo sa inuman. Mabait din si Jojo. Si Jay-r ang naging pinakaclose n'ya sa amin at lagi silang nagkukulitan noon. Para silang mga bata noon kung magharutan. Habang si Julius at ang dalawa pang anak nila Madir na "J" din ay pumapasyal din doon. Ang kanilang bunsong si Pong na "J" din ay high school pa lang noon. Naging tropa ko din noon ang tropa ni kuya Jimmy. (limot ko na din ang pangalan) Namasyal kami noon sa Sta. Lucia Mall gamit ng kanyang 90's model na kotse. Sinabihan n'ya noon ako na ayos ang pormahan mo ha. Parang Spandue Ballet ang datingan mo.
Naging madalas din noon ang aming inuman kapag tapos na kami sa trabaho. Kasama namin na noon si kuya Teng na aking kapitbahay. S'ya ang pumalit kay Ariel na kanyang pinsan noong umuwi na ito sa Masbate. Umalis na rin noon si kuya Teng sa kanyang pinapasukang barber shop sa Quezon City.
May pagkakataong nakakapag-inuman kami nila kuya Teng sa gilid ng shop kasama ang ilang tropa naming barbero sa kalapit naming pwesto kahit hapon palang o may kaagahan pa kapag mahina ang gupitan. May sugalan din doon, playing cards kapag siesta. At nagkaroon din noon ng videoke bar sa bakanteng pwesto nila Madir sa gilid ng kanilang shop na pinatakbo ng kanyang kapatid.
Kapag may handaan sa kanila, hindi din kami nawawalan ng pagkain kila Madir. Masarap din noon magluto si Madir. At mapaparami ang kanin mo sa kanya,sa mga tinda n'ya noong pagkain sa tanghalian. Kapag december 25, amin na noon ang mga gupit. Iyon na ang pinaka bonus namin sa loob ng isang taon.
Naging bisyo ko din noon ang pagpasok ng umaga at pag-uwi ng tanghali o pag-alis ng tanghalian. Tapos ang balik ko na 'non ay hapon na. Minsan nga mga alas singko na ako nakakabalik ng shop. Pumupunta ako minsan sa bahay nila Rey at sa bakery na pinapasukan nila Nestor. O, madalas din na gumagala kami. Madalas din noon sa bahay lang ako dahil sa inaabangan ko noong koreanovela na "A wish upon a Star". Si Jay-r noon at kuya Teng ay maagang umuuwi kaya pagdating ng gabi kaming dalawa na lang ni mang Mar ang natitira. Maagang pumasok noon si kuya Teng at Jay-r habang si mang Mar ay tanghali na kung pumasok. At minsan, after lunch na din kung pumasok si mang Mar.
Madalas noon akong naiiwan sa gabi kapag umuuwi na si mang Mar. Nagpapaabot ako doon ng alas dyis ng gabi. May mga nagugupitan pa naman ako sa ganong oras. At minsan, nakakaligtaan ko na ang oras. Sasabihan na lang ako noon ni Padir na 'Xel magsara na tayo. Halos araw-araw ko 'yon ginagawa noon.
Si Ruel Casamayor noon, nakapagtrabaho sa French Baker bilang staff. Si Victor San Jose nama'y nag-aral ng automotive at kalaunan ay naging ganap na mekaniko. Si Paul Aguilar ay nagpatuloy sa collage. Habang si Rey ay nagtrabaho sa isang pabrika, at ng lumaon ay naging cellphone technician na. Si Crisper Lisay, ( magaling sa Math) nakikita ko noon na ngkokondoktor sa isang jeep. Maging si Ian Morcoso (Anak ni mam Morcoso ng P.H.S) ay kasakasama din ng kanyang bayaw sa pagbyahe ng jeep. Si Roger Tayam noon ay umuwi na ng Bicol at nagmanage ng kanilang internet shop doon. Ang iba kong mga kaklase noon ay nakikita ko sa N.G.I gaya ni Jimlord Calvert, at iba ko pang mga kaklase noon, maging mga babaeng naging kaklase ko din. Ang iba noon hindi ko na nakikita at wala na din akong naging balita. Si Nestor naman ay kasalukuyan noong nagtatrabaho bilang isa ng ganap na panadero sa isang bakery sa parteng Concepcion, Marikina. Habang si Omar at pareng Ricky ay nag-aral sa isang kolehiyo sa Marikina din.
Naging magkatrabaho pa si pareng Nestor at Zander noon sa isang bakery malapit sa bayan ng Marikina ng umalis na si Nestor sa Concepcion. Ngunit hindi sila doon nagtagal dahil masama ang ugali ng kanilang among lalaki. Naka ilang pasyal din dati ako sa pinasukan nilang bakery na 'yon. Pinagtanggol ako noon ni Nestor sa amo nila ng makita n'yang ang pagkaing ipapakain sa'kin ay tira-tira na lang o parang binaboy na. (Masama nga ang ugali!) Nag-apply din si Nestor noon sa Julie's Bake Shop sa N.G.I at natanggap naman s'ya bilang panadero din, habang ako'y nasa 9 J's pa din.
Si pareng Nestor at pareng Rey ay nakilala din noon nila Madir at padir. Nakakapag-usap din sila noon kapag nasa aming shop ang dalawa, maging ang mga kasama kong barbero ay nakakakwentuhan na din nila noon. Nagparepair din noon si Madir at Padir kay Rey ng kanilang mga cellphone na may kabigatan na, 51 10 na nokia.
Mahigit tatlong taon din akong nagtrabaho sa 9 J's barber shop. Naka tatlong pasko din ako noon sa kanilang shop. Hanggang sa tinamad na lang akong gumupit noon at panandaliang nawala. Nakabalik pa ako noon kila Madir at nakapagtrabaho pa ako ng mahigit apat na buwan bago ako tuluyan ng nawala sa kanila.
Mga taong 2008, nakapasyal pa ako doon at nakapagpagupit pa ako kay kuya Teng. Kumpleto pa din noon sila habang si Julius ang pumalit sa akin. Nabalitaan ko na lang dati na wala na ang kanilang barber shop at kanilang bahay sa likod. Lumipat na daw sila Madir noon sa Bulacan kung saan taga doon naman talaga sila. At ang kanilang barber shop at bahay ay nabili na noon ng bangko. Si kuya Teng at si Jay-r ay lumipat na noon sa katabi naming shop. Habang si mang Mar naman ay lumipat na din sa iba o nawala na.
Bago ako ng umalis Marikina, naka anim na barber shop akong pinasukan. At ang huli ay isang salon for men and women sa may Nangka malapit lang sa Sea oil. (isang gasulinahan) Tumagal din ako ng may pitong buwan doon. Ipinasok ko 'don si Billy boy bilang kapalit ko nu'ng umalis na ako sa kanila.
Ang mga ibang barber shop na napasukan ko noon sa Marikina ay naging panandalian lang din. Tanging sa 9 J's lang ang aking pinagtagalan noon, kung saan doon ako natutong gumupit ng buhok. At namulat sa tunay na mundo.
Sobrang bilis talaga ng panahon! Kailan lang naggugupit pa ako doon. Mantakin mong labing limang taon na pala ang lumipas. Kumusta na kaya sila ngayon? 🤔