MEETING tonight. Common Area. Everyone must attend. For charity purposes.
Napahinto si Rob sa paglalakad sa lobby ng Bachelor's Pad nang mapansin ang anunsiyong naka-flash sa malaking flat screen sa lobby. Mayamaya ay napakunot-noo siya. Sa tagal niya sa gusaling iyon, noon lang nabuhay ang flat screen. Sa halip tuloy na dumeretso sa elevator, lumiko si Rob patungo sa common area, nagbabaka-sakaling naroon si Keith upang ipaliwanag ang ibig sabihin ng anunsiyo.
"Hey, Rob!" masiglang bati sa kanya ni Brad pagdating niya sa common area.
Mas maraming tao roon ngayon kaysa karaniwan. Naroon si Ryan Decena na bihirang makita ni Rob dahil mas nakatira daw ito sa opisina ng pag-aaring publishing company kaysa sa Bachelor's Pad. Maging si Trick Alfonso na tagapagmana ng isang multimillion-peso company ay naroon din. Kung bakit mas pinili ni Trick na doon tumira ay walang ideya si Rob.
Wala roon si Ross subalit naroon sina Jay at Charlie. At ang nakakagulat ay naroon din si Keith na tulad ng dati ay mukha na namang hindi nag-shave nang ilang linggo.
"I was wondering kung ano `yong nasa screen sa lobby," sabi ni Rob.
"Ah. Iyon ang paraan ni Maki na makipag-communicate sa mga residente ng Bachelor's Pad. Huwag kang mawawala mamayang gabi. Required tayong lahat na sumali sa kahit anong activity na maisip ni Maki," paliwanag ni Keith.
Kumunot ang noo ni Rob. "You know, this Maki is a weird person. Sigurado ka ba na may sense ang mga naiisipan niyang gawin?" hindi nakatiis na tanong niya.
Tumawa si Keith. "Wala kang dapat ipag-alala. Maganda ang mga naiisip ni Maki. Lahat ay para sa charity."
"Tama si Keith. Sa isang nursing home ang huling charity na ginawa namin bago kayo maging residente nina Ross. Tuwang-tuwa ang mga lola na makakita ng maraming lalaki," nakangiting sabi ni Ryan.
"At ang ginawa namin bago iyon ay nagpakain ng mga street children para sa isa sa mga foundation ni Maki," sabi naman ni Trick.
"Mag-e-enjoy ka sa mga activity na ito, Rob. Maniwala ka sa akin," nakangising sabi ni Keith.
"Oo nga. Masyado kang seryoso, Rob. Kailangan mo ng kaunting unplanned activities," sabi naman ni Brad na biglang ngumisi nang makahulugan bago idinugtong, "Pero mukhang may ginagawa ka nang interesante at hindi ka na mukhang naiinip."
Naningkit ang mga mata ni Rob subalit hindi pinansin ang pahaging na iyon ni Brad. At sa totoo lang, mas gusto niya na makipagkita kay Daisy mamayang gabi kaysa dumalo sa meeting. "Titingnan ko kung makakapunta ako mamaya. Aalis na ako." Bago pa makapagreklamo sina Keith at Brad ay tumalikod na siya. Palabas na siya ng common area nang marinig ang pahabol na salita si Brad.
"Nag-check ka na ba ng balita ngayong umaga?"
"No," sagot ni Rob bago tuluyang lumabas. Hindi pa siya nagbubukas ng Internet dahil wala siyang oras sa umagang iyon. Ang unang ginawa niya ay isa-isang tawagan ang Wildflowers upang siguruhin na makakadalo ang lahat sa content meeting ng benefit concert ng TV8 Foundation. Mas madali kasing ma-contact ang mga babaeng iyon sa umaga.
Nang nasa parking lot na ay dinukot ni Rob ang cell phone at tinawagan si Daisy. Napakunot-noo siya nang nasa loob na siya ng sasakyan ay hindi pa rin sumasagot ang dalaga. Hindi na naman ba nito naririnig ang pagtawag niya? Busy na ba agad ito nang ganoon kaaga?
Habang nasa biyahe patungo sa Diamond Records ay tinatawagan pa rin ni Rob si Daisy. Panay ring lang ang kanyang naririnig kaya nakakaramdam na siya ng frustration. Bakit ba ang hirap sumagot ng tawag si Daisy?
Biglang napailing si Rob nang mapagtanto ang ginagawa. Damn, was he being desperately pushy? Hindi pa siya tumawag nang ganoon sa kahit na sinong babae. Hindi ba kaya nga siya umalis sa dating unit at lumipat sa Bachelor's Pad ay dahil umiiwas siya sa mga babaeng makukulit? Ngayon, iyon mismo ang kanyang ginagawa. It was disgusting.
Pipindutin na sana ni Rob ang End button nang sa wakas ay sumagot si Daisy. "Hello."
Muntik na siyang mapapikit nang mariin sa labis na relief nang marinig ang boses ng dalaga. Subalit agad din niyang kinalma ang sarili. Damn, ano ba ang nangyayari sa kanya?
"Rob?" untag ni Daisy mula sa kabilang linya.
Napakunot-noo si Rob nang may mahimigan siyang kakaiba sa tinig ng dalaga. "What's wrong?"
Ilang segundo ang lumipas bago sumagot si Daisy. "Wala. Ahm, Rob, I'm kinda busy today. Can I call you when I'm free?"
Parang sinuntok sa sikmura si Rob sa kalamigan ng tono ni Daisy. She was obviously brushing him off. Tumiim ang kanyang mga bagang. Wala pang babae ang gumawa niyon sa kanya at hindi niya naiwasan na makaramdam ng iritasyon. "Fine," malamig din niyang sagot. Tinapos na niya ang tawag at dumiin ang hawak sa manibela.
What the hell? Maayos naman ang paghihiwalay nila kagabi. Bakit biglang naging ganoon ang pakitungo ni Daisy?
Naglalakad na si Rob sa loob ng Diamond Records ay iyon pa rin ang kanyang iniisip. Hanggang sa mapansin niya ang kakaibang tingin ng mga taong nadadaanan. Noon niya nasiguro na may mali. Kung ano man iyon ay sigurado siyang tungkol sa kanila ni Daisy kung pagbabasehan ang kalamigan sa boses ng dalaga kaninang kausap niya sa telepono.
Mabilis na dinukot ni Rob ang cell phone at kumonekta sa Internet. Pagkabukas pa lamang sa Web site ng Yahoo! Philippines, bumulaga agad sa kanya ang larawan nila ni Daisy habang pinagsasaluhan ang isang mainit na halik.
"Damn it…" gigil na naiusal ni Rob at napahinto sa paglalakad. Lalong nag-init ang kanyang ulo nang mabasa ang laman ng artikulo.
"Nakita mo na?" biglang tanong ni Rick mula sa kanyang likuran.
Nag-angat siya ng tingin kay Rick na bahagyang nakangiti kaya lalong kumunot ang kanyang noo. "Bakit parang natutuwa ka pa?"
Ngumisi si Rick. "Dahil nakakatawa ang sitwasyon mo. Dati, palagi kang tagaayos ng mga gusot at tagaharang ng mga balita tungkol sa Wildflowers. Ngayon, ikaw na ang nasa balita."
Iritable pa ring napailing si Rob. Nagdesisyon siya na tawagan ang mga contact subalit napigilan siya nang muling magsalita si Rick.
"Kapag pinatanggal mo ang mga balitang `yan, mahuhulaan ng lahat kung sino rin ang naglinis ng mga artikulo tungkol sa kinasangkutang away ni Daisy Alcantara sa isang club noon. At lalo lang magkakagulo ang mga reporter tungkol sa inyong dalawa."
Marahas na bumalik ang tingin niya sa lalaki. "How did you know that?"
Umangat ang isang kilay nito at natawa. "Rob, I own a recording label. Marami rin akong kilala sa industriya. Sa tingin mo ba, hindi ko malalaman ang tungkol doon? Isa pa, ikaw lang ang kilala kong kayang gawin `yon nang walang kahirap-hirap."
Humugot ng malalim na hininga si Rob. Ngayon ay alam na niya kung ano ang ibig sabihin ng tanong ni Brad kanina. At sigurado siya na iyon din ang dahilan kung bakit malamig ang tono ni Daisy nang makausap niya sa cell phone.
Napaderetso siya ng tayo at bumaling pabalik sa direksiyon kung saan siya nanggaling. Malalaki ang hakbang na naglakad siya.
"Saan ka pupunta?" habol ni Rick.
"I'm going to see her," hindi lumilingong sagot ni Rob. Kung ang larawang iyon nga ang dahilan kung bakit ganoon kalamig si Daisy, mas dapat niyang puntahan ang dalaga. Nakita niya kung paano naging miserable ang bawat miyembro ng Wildflowers kapag nasasabak sa eskandalo. At kahit gaano katapang si Daisy sa panlabas, nararamdaman ni Rob na hindi okay ang dalaga sa mga sandaling iyon. Kaya kahit ayon sa rasyonal na bahagi ng kanyang utak na hindi siya dapat magpunta sa TV8, binale-wala niya iyon.