"AKALA mo ba matatalo mo ako, mahal? " malambing na sabi ni Tsukino sa kaniyang tainga habang walang kahirap-hirap na napigilan ang kaniyang kamao na pinalilibutan ng itim na apoy.
Pula pa rin ang mukha nito dahil sa lakas ng sampal na kaniyang ginawa pati ang pagdurugo at pamamaga ng leeg nito dahil sa kaniyang pagsakal ay kita pa rin.
"Kamahalan! Mag-ingat ka! " Rinig niyang sigaw ni Vien habang ito'y nakikipaglaban sa mga dheyati.
Nanginginig ang kaniyang kamao habang pilit na kumakawala sa hawak ni Tsukino. Nangagalaiti rin sa galit ang kaniyang puso at pinipigilan niya lamang ang kaniyang sarili upang hindi madala sa tawag ng sumpa ng kaniyang pagkatao.
"Hibang ka, Tsukino! Isa ka ring traydor! " gamit ang kaniyang buong lakas, gamit ang kaniyang isang kamao ay sinuntok ang sikmura ni Tsukino kung kaya't ito'y napa-atras.
Maluha-luha siyang tinitigan ni Tsukino habang sapo-sapo ang tiyan. "W-Wala ka ba talagang pagmamahal para sa ating anak at handa mo siyang saktan? " Tumalim ang mga mata nito at itinapat ang madugong espada kay Ringo.
"Pagmamahal? Pagmamahal? At talagang nanggaling talaga sa iyo, Tsukino? Ikaw na masama ang budhi. . ." Tumawa si Ringo at napapalakpak. "Wala akong anak, lalo na't mula sa iyo. Isa kang sinungaling! Ang tanging mahal ko ay si Kira at hindi ikaw—" Narinig ang malakas na sigaw ni Tsukino at ang paglabas ng pulang apoy sa kaniyang katawan.
"Kira! Kira! Lagi na lang Kira! Minahal naman kita higit kay Kira. . ." Bumuhos ang luha sa mga mata ni Tsukino. "Pero bakit hindi mo ako kayang mahalin?! " Nabalutan ng apoy ang espada nito at nagsimulang atakihin si Ringo na hindi naka-iwas at nadaplisan ang braso.
Napangiwi si Ringo at napaatras. "H-Hindi napipilit ang puso, Tsukino. Bakit hindi mo kayang tanggapin iyon? " Hindi napigilan ni Ringo ang paglabas ng kaniyang pangil at ang kagustuhang paslangin ang babaeng nasa kaniyang harapan.
Kinagat niya ang kaniyang hinlalaki at nagsimulang lumabas ang itim na usok mula sa kaniyang katawan. Naramdaman niya ang pagtalim ng kaniyang mga kuko at ang sakit na tila sinusunog siya ng mga iskriptong nakaukit sa kaniyang balat, nagpatuloy ito hanggang sa lumiyab ang kaniyang kamay at mag-porma itong bilang isang Quarterstaff na pinalilibutan ng kaniyang kapangyarihan at may tinik na gawa sa pilak sa magkabilang dulo. Lumiliwanag mula sa katawan ng sandata ang sinaunang iskripto na, "Et aqito selè viaphur" na ang ibig sabihin ay, "Ang bampira na siyang tutupok sa lahat. " Hingal na hingal niya itong itinutok niya ito kay Tsukino.
Nakita niyang tumaas ang sulok ng labi ng hangal na babae. "Magaling! Kaya mong tawagin ang iyong sinumpang armas, ngunit magagamit mo ba ito, mahal? " Kinagat ni Ringo ang pang-ibabang labi sa inis ngunit pagkaraa'y ngumisi rin, at gamit ang kaniyang kakayahan bilang bampira'y mabilis na gumalaw upang idaluhong ang kaniyang sandata upang atakihin si Tsukino.
Nakaiwas naman si Tsukino kapalit ng pagkapunit ng saya sa suot niyang bestida. Lumaki ang kaniyang mata at maluha-luhang tiningnan si Ringo. "P-Paano mo nagagawa sa akin ito, mahal? Ako ang iyong asawa! " Humagulhol ito at hindi maiwasang tumaas ang kilay ni Ringo sa asta ng nababaliw nang babae.
Hindi na nag-aksaya ng oras si Ringo at inatake muli ang babae. Sunod-sunod na itinulak ang sandata sa babaeng umiiyak habang umiiwas. Pagkara'ay ito'y tumawa at siya naman ang inatake gamit ang espada nito.
Hindi niya inasahan na hindi na pala talaga tama ang takbo ng isip ng babaeng ito. "Kailangan mo nang magpa-gamot, babae. At hindi kita mahal, hangal! " Nakita niyang napatigil ang babae at ang sakit na naroon sa mga mata nito, hindi nag-aksaya ng oras si Ringo at malakas na hinampas ang mukha ng babae gamit ang kaniyang sandata.
Ito'y napa-atras at napasigaw nang makitang may dumadaloy na dugo mula sa mukha nito. Sinapo nito ang mukha at napa-atras muli. "H-Hindi! H-Hindi! Ang mukha ko! " Histerikal ang pagkakasambit nito sa mga salita habang pahigpit nang pahigpit ang pagkasapo nito sa mukha, ito'y napapadyak at umiiyak.
Hindi napigilan ni Ringo na mapatawa sa nakikita. Basag na ilong—basag na mukha, mukha mang hindi tama na manakit ng babae ngunit kung ang babae ay tulad ni Tsukino, hindi na nararapat pang mag-dalawang isip.
Narinig nito ang kaniyang pagtawa at sa unang pagkakataon, isang matalim at madilim na tingin ang ibinigay sa kaniya ng pulang-pulang mata ni Tsukino, mga titig na nais pumatay. "Mahal! Isa kang masamang asawa! " sigaw nito at inatake siyang muli. Ang bawat pag-atake ay higit na mas malakas sa mga nauna at ito'y pag-atake na may motibo na upang tapusin ang kaniyang buhay.
Pinipilit na umiwas ni Ringo at pilitin ang sarili at ang lakas na hindi magkamali dahil hindi naman talaga siya sanay sa pakikipaglaban. "Paparusahan kita, mahal! Parurusahan kita! " malakas nitong wika at gamit ang isa pa nitong kamay ay nagpakawala ng enerhiyang apoy upang patamaan si Ringo.
"Tumahimik ka! Asawa lang kita sa papel, kaya puwedeng huwag ka nang pumapel! Hindi kita mahal! " gamit ang kaniyang isa pang kamay ay dinepensahan ang pag-atake gamit ang kaniyang itim na apoy. Nagkaroon ng pagsabog at parehas silang napa-atras. Nasira ang sahig ng lugar at lumipad ang mga labi ng nasirang sahig.
"Ako na lang! Ako na lang! " tumakbo ito sa direksyon niya upang atakihin siya at inihanda niya ang kaniyang sandata upang dumipensa.
Tiningnan niyang maigi ang estilo ng pakikipaglaban ni Tsukino at kaniyang napansin na pare-parehas lamang ang mga galaw nito. . .
"Isang atake gamit ang espada kapag lumalapit upang umatake ang kalaban. Atras gamit ang kanang paa at isang hampas upang umiwas. . ." Hindi niya napigilang sambitin habang nababasa niya ang galaw ng babae.
Nang nakahanap na siya ng tamang tiyempo upang umatake, nakaramdam siya ng kakaibang hilo at pagkasakit ng kaniyang ulo. Agad siyang umatras at napamura sa lumang iskripto.
Hindi pa siya sanay sa ganitong kapangyarihan. Masasabi man niyang naalala niya ang naganap sa Sitri noon ay hindi ito isang daang porsento at hindi niya maalala kung paano niya nakuha ang kaniyang sandata na para bang may nagpalimot sa kaniya rito.
Napadaing siya at naihulog sa sahig ang kaniyang sandata nang lubhang lumalala ang sakit na kaniyang dinarama. Napasalampak siya sa sahig at napasigaw. "Akala ko'y gamay mo na ang sinumpang sandata mo, mahal. Pero hindi pa pala, nakakaawa, " puno nang pambubuska na ani ni Tsukino, pasayaw-sayaw na unti-unti siyang nilalapitan habang nilalaro-laro ang espada nito.
"Kung hindi ka man lang magiging akin, mas mabuting tapusin ko na lamang ang iyong buhay. . ." Tumango-tango pa ito at hinimas ang tiyan. "Matatanggap naman ng anak natin na kailangan mo nang mauna dahil isa kang masamang asawa, 'di ba, anak? " Tumawa ito at humagikhik.
Pilit na gustong bumangon ni Ringo ngunit hindi siya sinusunod ng kaniyang mga tuhod at ang nakakamatay na sakit ng kaniyang ulo; Naramdaman niya ang pagtulo ng dugo sa kaniyang bibig at ang kagustuhan niyang uminom non.
Hindi niya napansin na nakalapit na sa kaniya si Tsukino at nasa may kaniyang leeg na ang espada nito. "Paalam, mahal. " Pinikit na lamang niya ang kaniyang mata at hinintay ang pagtama ng espada sa kaniyang leeg.
Ngunit hindi ito naganap. Narinig niya ang isang malakas na pagsabog at ang pagsigaw ni Tsukino. Binuksan niya ang kaniyang mata at nakita niya si Vien na may hawak ng isang sandatang may mahika; Ito'y nakatutok kay Tsukino.
"Andito pa ako, stera aze. . ." Bagot itong tumingin kay Tsukino at tinuro ang mga dheyati na wala nang buhay at hindi na makilala. "Et zves jelemo? Ang hina nila. " Pinagsamang saya at gulat ang nararamdaman ni Ringo. Gulat kung bakit tila napakalakas ni Vien na nararapat ay mahina.
"Verdeios, diyan ka muna, babae. " Itinuro ni Vien si Tsukino na akmang gagalaw ngunit tila hindi ito makagalaw.
Lumapit si Vien kay Ringo at itinaas ang mangas ng suot niya, itinapat niya ito sa bibig ni Ringo. "Inom, maari na lamang na bilisan mo, Ringo. " Kahit nahihirapan ay madiin nitong tiningnan si Vien; lunok ang laway dahil namumula ang kaniyang paningin at nanunuyo ang kaniyang lalamunan habang nakikita ang kayumanging balat ni Vien at ang masarap na pulang likido na meron dito.
Mas lalo nitong tinapat ang braso sa bibig ni Ringo. "Inom. " Naramdaman ni Ringo ang kaniyang mga pangil na dumikit sa balat ni Vien at sumaksak sa laman nito hanggang sa natikman ng kaniyang bibig ang likido na kaniyang nais.
Wala man lang reaksyon ang mukha ni Vien habang iniinom ni Ringo ang kaniyang dugo. Noong matapos na, ay naglakad siya papunta sa direksyon ni Tsukino at itinaas ang mga kamay. "A' Evtes. " Nakagalaw nang muli ang babae na hingal na hingal na tiningnan si Vien ng isang hindi makapaniwalang tingin.
"P-Paano? Isa ka lamang mahinang nilalang! Isang nilalang na hindi man lang humindi isang taon na ang nakakalipas noong gabi—" Hindi pinatapos ni Vien ang sasabihin ni Tsukino nang itali nito si Tsukino at busalan ng bibig ng liwanag na galing sa palad ni Vien.
"Vadetemos cyetri! Kukunin ko ang lahat ng nasa sa iyo dahil isa kang devire. "
Hindi alam ni Ringo ang nangyayari na para bang isa na lang malaking panaginip ang lahat.
Isang lalaking may kulay kayumanging buhok, itim na mata at may katamtamang kulay ang matiim na pinagmamasdan ang isang walang malay na lalaki.
"Sino ba ang nilalang na ito? Hindi mukhang magnanakaw ngunit madungis. " Usal ng isang lalaki at ipinitik ang noo ng nakataling si Ringo; may hawak itong isang kawali at ano mang oras ay maari niyang ihampas ito sa katawan nito.
Natagpuan niya ang lalaking ito na duguan at mahina habang pinipilit kunin ang isa sa mga bote ng halamang gamot na naroroon sa estante ng kaniyang tindahan. Hindi man lang napansin ng kaniyang mga empleyado na nakapasok na pala ang lalaking ito at kung hindi siya pumunta upang tingnan ang kaniyang negosyo ay baka nanakawan na siya.
Sinundot-sundot niya ang mukha nito gamit ang kawali; Siya ay nagtataka kung bakit napaka-puti nito na tila nauubusan na ito ng dugo. Nilakasan niya ang pagsundot sa mukha nang hindi pa rin ito gumalaw. "Gumising ka! " sa ikatlong pagkakataon, sinundot niyang muli, gumalaw man ito ngunit hindi pa rin nagising.
Kinuha niya ang plorera sa may mesa at inilapag ang bulaklak dito at walang pakundangang ibinuhos ang lamang tubig sa ulo ng lalaki. Mabilis pa sa kidlat na napadilat ang lalaki at nang mapansin nitong nakatali ito sa isang upuan ay pilit nitong gustong kumawala.
"Asan ako? Hindi ito ang Titania! Asan ang aking heneral? "Masama ang tingin nito sa kaniya ngunit hindi siya papatalo at tinitigan ang estranghero. "Pakawalan mo ako! Isa ka sigurong dheyati! " Pilit na kumakawala ang lalaki ngunit sa lakas nito ngayon ay hindi nito kakayanin.
Inilapag niyang muli ang plorera sa may mesa at napabuntong-hininga. "Anong dheyati ba sinasabi mo, ginoo? Ikaw na nga itong nais magnakaw ng gamot sa aking tindahan. Ikaw pa itong galit. Hindi ito ang Titania, ito ay ang ciudad ng Chedline, kaharian ng Hearthè de dios, Sferemio buen ere! " Ang huling sinabi ng lalaki ay hindi pamilyar kay Ringo kaya siya'y napatanga na lamang.
Ngunit papaano siya napunta rito? Ang huling naalala niya ay ang pagtutok ni Tsukino sa kaniya ng sandata at ang iba pang nangyari ay pawang isang panaginip.
Ngunit kailangan niyang makabalik sa lalong madaling panahon.
Napailing na lamang siya. "Pakawalan mo ako, ginoo. Babayaran na lamang kita kapag ako'y nakabalik na ng Titania. " Hindi kumbinsido ang mukha ng lalaki at itinutok sa kaniya ang hawak nitong kawali.
Sa lahat ng maaring sandata, bakit kawali?
Umiling-iling na lamang si Ringo at pinigilan ang sarili na hindi tumawa. "Bakit ka tumatawa? Isa kang loforë! " Puno nang inis na wika ng lalaki habang sinasambit nanaman nito ang mga salitang hindi niya mawari.
"Patawad, ginoo. Hindi ko maintindihan ang iyong wika. Ngunit, ako'y pagpasensyahan kung ako'y nagnakaw man. Aking ipapangako na aking babayarin kung ako'y nakauwi na sa Titania," usal niya.
"Ang aking sinasalita ay Chedlish, ang natibong lenggwahe ng aking ciudad. . ." Ibinaba ng lalaki ang hawak na kawali. "Kung ikaw ay taga-Titania, ikaw ay isa sa mga nakatakas? Ang bali-balita ay nakakulong sa isang malakas na kapangyarihan ang kaharian pati na rin ang mga ciudad nito, wala pang nagtatangkang pumasok at tinaguriang nawawala o namayapa na ang emperador ng kahariang iyon." Hinawakan ng lalaki ang sarili nitong baba at tumingin sa itaas para bang nag-iisip kung tama ang balitang inihayag nito.
"Anong araw na ngayon, ginoo? " Mukhang nagulat ang lalaki ngunit ito'y tumikhim. "Ikaapat ng Ventreso, taong dalawang libo ng panahon ng Evesaque. "
Mahigit dalawang linggo na pala ang nakakaraan.
Nanlamig ang laman ni Ringo sa narinig, sa kabila ng panghihina ay naramdaman niya ang pagbabanta ng kaniyang kapangyarihan na lumabas dala ng galit niya kay Tsukino—na alam niyang ito ang may-sala sa lahat ng nangyari. "Mas lalo mo akong nararapat pakawalan at tulungan, ginoo. Dahil ako si Ringo Florence Rosseau, ang emperador ng Titania. " Naka-rehistro ang gulat sa mukha ng lalaki ngunit siya ay nanatiling kalmado.
"Ako si Brenton Soleil Fintan. " pagpapakilala ni Brenton at tinitigan niya ang lalaking nagpapakilalang emperador ng Titania. Tiningnan niya ang pula nitong mga mata upang tingnan kung ito'y nagsisinungaling ngunit tanging determinasyon at hindi maipaliwanag na galit lamang ang kaniyang nakita.
Base na rin sa kakaibang kapangyarihag ispiritwal na naramdaman niya kani-kanina. Maari ngang hindi nagsisinungaling ang lalaking ito.
Kinalas niya ang tali hanggang sa makawala na ang lalaki mula roon. Ito'y tumayo at niyuko ang ulo bilang pasasalamat, sa itsura pa lamang ng tayo nito ay makikita na na tunay ngang mataas ang posisyon nito sa lipunan.
"Maraming salamat at kung iyong mararapatin ay maari bang humingi ng pabor sa iyo? " wika nito sa isang mababang boses.
Alam ni Brenton na maaring magbigay ito ng kapahamakan sa kaniya at tiyak na ikagagalit ito ng kaniyang kapatid, ngunit—
Siya ay tumango.
SAMANTALA, pilit na hinahanap ni Kira ang kaniyang sandata kahit purong dilim lamang ang kaniyang nakikita. Rinig niya ang mga yabag ng paa at ang pagtawa ng kung sinong may kasalanan kung bakit wala siyang naaninag.
Siya rin ay nag-aalala nang hindi na niya maramdaman ang presensya ng batang si Violet. Hindi niya alam kung nasaan na ito.
"Bakit mo ba ginagawa ito? " Kumakapa-kapa si Kira sa sahig habang siya ay gumagapang. "Hindi ka naman siguro isa sa mga dheyati at mga taga-konseho. " pagpapatuloy niya. Hindi niya lubos maintindihan kung bakit hindi niya pa rin mahanap ang kaniyang sandata gayo'y kanina pa siya gumagapang at kumakapa-kapa.
Narinig niyang pumalakpak ang nilalang at ilang segundo pa ang nakakalipas, hawak na nito ang kaniyang baba. "Nagbibiro ka ba, kriminal? Ikaw ang may gawa nito! At nagawa mo pang ikulong sa iyong kapangyarihan ang sinaunang sirena! Alam kong may masama kang paka—" Hindi na naipagpatuloy ng lalaki ang sasabihin nang makaramdam ng sakit ng sampal mula sa binulag niyang babae. Kahit na siya'y may suot ng maskara ay naramdaman niya ang lakas ng sampal.
Nangagalaiti ito at galit na galit. "Bakit ba ako na lamang lagi ang inyong sinisisi? Bakit kasalanan ko lahat? Teseros vindi! Kung hindi ako lumaban kanina ay baka hindi lang ang Astonia ang nasira pati na rin itong gubat! Kung talagang may malasakit ka sa Astonia bakit nahuli ka na kung kailan sira na ang bayan!" Nagawang tumayo nang babae kahit ito'y hirap na hirap. Mata wala mang makita ay matalim at seryosong nakatitig sa direksyong alam niyang naroroon ang nilalang.
Lumaki ang mata ng lalaki at sinapo ang mukha kung saan siya sinampal. "Hindi mo maiintindihan—" pangangatwiran niya sa babae na ngayo'y lumalaban sa kapangyarihan niyang ilusyon.
"Kung hindi kita maintindihan, von cosaves eve nove! Hindi mo rin maintindihan kung bakit ko ito ginagawa. . .mahikero. " kahit hirap na hirap na ito mula sa mga sugat ay nagawa pa nitong itaas ang palad at pilit na tinatawag pabalik ang kaniyang espada.
Tumawa ang mahikero at kinumpas ang kamay, isang puting hamog ang lumabas sa kaniyang kamay at pumalibot kay Kira. "Ang mundo'y puno nang ilusyon at ang ilusyong ito'y nagiging mabagsik na papatayin ang sinuman gamit ang katotohanan, " malamig niyang usal. "Ang ilusyo'y nakakamatay at ikaw ay mamatay. "
Ilang beses nang nahulog sa kaniyang ilusyon si Kira. Ilang ulit na rin itong nakakalabas ngunit kapalit ang lakas nito at ang pagkakaroon nito ng maraming sugat na sa normal na nilalang ay agad na ikakamatay.
"Espetio irisis! Paalam, " mahina niyang wika at pinagdaop pa ang palad na parang pinagdarasal ang kaluluwa ng babae sa napipinto nitong kamatayan.
Ngunit. . . Wala siyang narinig na sigaw nang paghihirap mula sa dilag, ngunit siya ay nakarinig ng pagtawa mula rito. Isang tawa na parang siya ay binubuska, na para bang isa siyang maliit at kaawa-awang nilalang.
Pinagmasdan ng mahikero ang dilag na tumatawa pa rin kahit na sagana ang pagdurugo ng mga sugat nito. Nakakuyom ang kamao nito at nakatingin sa kaniyang direksyon kahit hindi ito makaaninag. "Ang ilusyon ay isang kasinungalingan kung gagamitin mo ito upang lihisin ang katotohanan sa iyong sarili. Kailan ka titigil sa pagtatago at pagtakbo, mahikero? Ilan nga ba ang dapat magbuwis ng buhay bago mo mapag-isipang gawing prioridad ang lahat pwera sa iyong sarili? Kailan ka titigil isisi sa iba ang iyong pagkukulang?" Tila ilang espada ang sumaksak sa puso nang mahikero sa kaniyang narinig.
Tama. Sinisi niya ang konseho sa pagkamatay ng kaniyang pamilya ngunit ano nga ba ang kaniyang nagawa sa kabila ng kaniyang lakas—Wala.
Ngayon pati ang Astonia ay wala na.
"Hindi. . .May nagawa ako! " pagpapaniwala niya sa kaniyang sarili na ikinaani ng tawa mula kay Kira.
"Isa kang mahinang nilalang tulad namin, mahikero. . .puno nang pagkakasala ngunit may panahon pa. " Nagliwanag ang kamay ni Kira. "Yare! " bumalik sa kamay nito ang kaniyang espada; Hiniwa nito ang sariling braso at pumikit.
"Balon ng katotohanan, ipakita sa akin ang nararapat! Alisin ang pagkakanulo at pagsisinungaling nang liwanag ay magbabalik din! Illeo moze! " Sa isang iglap nagkaroon ng mga asul na mariposa na nagsimulang magkumpulan sa puting hamog na pumapalibot kay Kira, isa-isa itong nagliwanag hanggang sa nabali ang puting hamog na para bang isang sinulid.
Hindi nakagalaw ang mahikero at hindi niya inasahan ang susunod na ginawa ni Kira, ito'y tumakbo sa kaniyang direksyon kahit wala itong makita. Tumigil ito sa kaniyang harapan. "Hindi pa ako handang mamatay, mahikero. May propotektahan pa ako, ito ang aking misyon at sana sa iyo rin. " Sa isang mabilis na paghiwa, nabasag ang suot na maskara ng mahikero at lumabas ang kaniyang totoong wangis.
Hindi na nakita pa ni Kira ang mukha ng mahikero kahit na bumalik na ang kaniyang paningin dahil sa matinding pinagdaanan—siya ay nawalan ng malay.
Sinapo niya ang kaniyang mukha at tiningnan ang duguang babae. "Protektahan, huh? Marahil tama ka. . ." Nadapo ang kaniyang tingin sa lilang iskripto sa noo ng babae.
Tumaas ang sulok ng kaniyang labi. "Tunay ngang isa sa mga alkemista. . ." Tumingin siya sa sirang bayan ng Astonia at mapait na ngumiti. "Patawad. "
"Magkikita pa rin tayo, mademiže ryuu. Sana sa panahong iyon ay mas malakas ka na upang pwersahan akong sumama sa inyo. May dalawa pa kayong pagkakataon. Te reve. " Gumuhit siya ng simbolo sa kaniyang palad, prevece.
May pagkakataon pa siyang protektahan siya.
Inilapag niya sa sahig ang isang baraha at nang tumama ang sinag nang araw sa kaniya.
Siya ay nawala.
-
Vocabulary:
Lumang iskripto
prevece- protect
Te reve - Goodluck
mademiže ryuu - babaeng dragon
Yare - Halika
Teseros vindi- putangina mo!
Ventreso - June
dheyati- nilalang ng dilim
Vadetemos cyetri! - Isa kang mababang puta
A' Evtes- Ibalik ang itinigil
Verdeios- Teka
Et zves jelemo? - Ito lang ang pinagmamalaki mo?
stera aze- Nakakadismayang hindi ako pinansin.
Chedlish (Ang lenggwahe ng mga taga-Chedline)
Sferemio buen ere!- Napaka-ignoranteng nilalang!
loforë- Baliw
Selenian (Ang lenggwahe ng bayan ni Kira)
von cosaves eve nove- Isang malaking katangahan
— Bab baru akan segera rilis — Tulis ulasan