Ayon sa aking observasyon at lumang nalalaman tungkol sa laro, hindi na ligtas pang lumabas ng mansyon, dahil matirik na ang kadiliman sa paligid at maaaring marami nang undead ang nakapaligid sa gubat at sa iba't-ibang sulok nito. Salamat na lamang at ako'y nasa loob pa kundi maaaring may makaharap pa ako ng mga nakakamatay na mga hayop at halimaw kagaya ng tarantadong toro.
Sa umpisa pa lamang ng prologue ng laro, marami na ang napaslang sa mga pangkat ng mga bida. Mabuti na lamang at hindi ako naging bahagi ng mga taong ito.
Tanging mga lampara sa mga lamesa, mga ilaw nakasabit sa mga pader at dingding ang nagbibigay liwanag sa aking mga mata. Ngunit may iba pang mga pasilidad na hindi nasisinagan ng liwanag. Kung kaya, kadalasan ay patay-sindi kong binubuhay ang flashlight na nakasabit sa parteng kanang dibdib ko upang maging pangunahin kong sandata sa mga lugar na ganito.
Nasa likuran ko ang isang bruhang gorilla, si Natasha, na anak pala ng CEO president. Hindi ko inaasahan na magkakasalubong kami ng landas. Wala ito sa tamang senariyo ng balangkas kung kaya, nangangamba ako na baka may mabago na ako sa mundong ito. Subalit, ano pa ba ang aking magagawa? Wala 'di ba? Syempre, may mga pagkakataon talagang hindi mo inaasahan na mangyayari sa iyong buhay. Samakatuwid, kailangan ko na tanggapin ang kasalukuyang problema at huwag balewalain ang binubuhat kong pasanin sa buhay. Baka may dahilan kung bakit kami nagkita, kung gayon, dapat kong panatilihing kalmado ang aking isip at damdamin. Dapat kasi ay namatay na itong bruha bago pa kami nagkita. Kaasar, may isa lang sila na trabaho pero nabigo pa sila. Mga tangang zombies na'to.
Napabuntunghininga ako at napaisip na naman. Kailangan kong isama ang bruha na ito sa helipad at sundin ang nakasaad sa balangkas ng istorya. Kahit sa totoo lang naman ay dapat siya lang mismo mag-isa. Kung marami man akong detalye na mabago, eh, patawarin nawa ako. Hindi ko rin naman na ginusto ito. Kaso, hindi ba't parang binago ko na lahat? Bwisit, nakakainis.
"Oi, saan ba tayo patungo?" tanong ni Ms. Natasha, habang siya'y nakaalisto sa kanyang likod at mga tagiliran.
Nanatili akong tahimik at hindi pinansin ang kanyang tanong.
"Oi, sabihin mo. Oi, magsalita ka diyan," kahit limang beses na niya akong tinatanung ay nanatili pa rin akong tahimik at nakaalisto sa aming paligid habang patuloy sa paglalakad at paghahanap ng susunod na palapag.
"S, Sandali nga," si Ms. Natasha ay hinawakan ang aking balikad at dahil sa malakas na pwersa ay napatingin ako sa kanya. "Bakit ba ang tahimik mo? Pipi ka ba o bingi? Hindi ka ba marunong makaintindi ng Ingles upang hindi sagutin ang aking simpleng tanong, huh?"
".... ?" napatagilid ang aking ulo sa tanong niya. Itinuon ko ang aking pansin sa kanyang magandang mga mata kahit nakakairita. Napaisip pa ako kung bakit kailangan ko pang sabihin. Pareho lamang naman kami ng pupuntuhan dahil alam kong nasa isip na rin niya na tumakas gamit ang helicopter na nakagarahe sa helipad.
"Grrrg," isang mahinang hampas ang ibinigay niya sa aking balikat dahil nanatili akong walang galaw at tikim ang bibig kahit nakakangilabot ang kanyang galit. Napaatras ako ng ilang centimetro sa pwersa ngunit hindi nakaramdam ng sakit. Gayunpaman, wala talaga akong ideya kung bakit kailangan ko pang sagutin ang tanong, na alam naman talaga niya ang sagot simula pa.
"Ano ba? Tayo na lamang ang nabubuhay dito sa loob ng mansyon. At tayo na lamang ang mga matitinong tao na hindi kumakain ng laman loob ng kapwa-tao. Sabihin mo man lang sa akin kung saan tayo pupunta dahil hindi ko na alam kung paano pa tayo makakaligtas ng buhay. Bigyan mo man lang ako ng ideya kung ano ang pupuntahan natin. Ano? Mananatili ka lang ba dyan na tahimik at walang kibo?"
Sa isang simpleng tungo ay lalo yata siyang nagalit. Pero, binitawan na lamang niya ang aking balikat at sinabi, "Kung ayaw mo talagang bigyan ako ng kahit anu mang ideya ay 'di wag. Bahala ka. Dali, maglakad ka na nga," ang kanyang bitaw na salita bago niya itinulak ang aking likod para maglakad.
Sa haba ng kanyang sinabi ay nalalapit na ang oras ng pagdating ng pangkat ng mga bida. Kailangan ko nang magmadali bago pa magsimula ang palabas. Hindi biro na mabago ko ang pinakabalangkas ng laro dahil maaaring maging sanhi ito ng hindi magandang senariyo sa mundo. At baka maaari rin yata akong maapektuhan kapag hindi ko sinunod ang mga ito.
Nang makapasok kami sa sunod na silid, tumambad sa amin ang isang dosenang mga babaeng undead. Ang isa sa kanila ay nakilala ni Ms. Natasha at napakagat-labi sa lubos na awa. Maaaring isa sa mga zombies ay malapit sa kanya bilang kaibigan o malapit na kamag-anak.
Itinutok kaagad ni Ms. Natasha ang kanyang hawak na pistol sa direksyon ng mga halimaw. Ngunit ang kanyang atensyon ay nakatuon sa ulo ng kakilala niya na nakadamit ng laboratory coat. Ang babae ay palapit na palapit kasama ang mga kapwa mangangain sa magandang dalagita. Kahit anu man pilit nitong pagmamakaawa na huwag lumapit at 'tigil' ay hindi pa rin nagawa niya na hilahin ang gantilyo ng kanyang pistol.
"Siguraduhin mong hindi ka sasablay. Tamaan mo lang siya sa ulo." Siya ay nagulat sa aking pinayo. Napatuon ang kanyang mata sa akin na may kasamang galit. "'Wag mong ibalin ang iyong atensyon sa akin. Sa kanila mo ituon ang iyong galit. Kahit na kaibigan o kamag-anak o malapit na kakilala mo man sila ay 'wag mo kalimutan na matagal na silang patay."
"P-P-Pero…. " siya ay napakagat-labi at lumuha, "hindi ko kaya!"
"Tang-ina, kung ako nga ay gusto mo paslangin kanina dahil sa galit mo sa mga kasamahan ko. Ito? Ito pa bang mga huntong-lupa na mga buhay na bangkay pa ba ang tatalo sa tapang mo?"
Si Ms. Natasha ay nangatal. Ang kanyang mga kamay at nagdadalawang-isip ay hindi makagalaw at nakatuon ang atensyon sa papalapit na mga undead. Sa lubos na takot at awa sa kanyang nakikita ay ipinikit na lang niya ang kanyang mga mata habang ang kanyang baril ay nakaasinta sa papalapit na undead.
"Ano pa ba ang iyon' hinihintay? Parada ng mga patay? Barilin mo na!" ang aking tugon para bigyan siya ng lakas ng loob. Mabuti na lamang ay nahila niya ang gantilyo bago pa siya makagat sa kamay. Sa dami ng putok ng bala ay tumumba sa harapan niya ang mga bangkay. Napahawak sa bibig si Ms. Natasha, gulat na gulat, at napaluhod habang naghihinagpis. Marahil,isa sa mga napatay niya ay malapit na tao.
"Patawad. Patawad, " ang kanyang bukang bibig habang patuloy sa pag-iyak.
Hindi niya napansin na bumabangon na ang bangkay at malapit nang kagatin ang kanyang makinis na binti. Nagulat na lamang siya na bumagsak ang katawan nito sa harapan niya.
"Anu?" hindi makapaniwala si Ms. Natasha sa kanyang nakita. Sa harapan niya ay ang bangkay ng kaibigan niya, may saksak ng kutsilyo sa ulo. "A,a,ano? Akala ko ―"
"―Patay? Kung akala mo na napatay mo na siya ay nagkakamali ka binibini. Nagmintis ka dahil nakapikit ang iyong mga mata. Natumba lang siya dahil natamaan mo lang ang kanyang leeg." ang aking paliwanag habang tinitignan ang paligid. "Ang mga bangkay na ito ay hindi maaaring kaawaan. Tandaan mong mabuti na patay na silang lahat. Mga halimaw na kumakain ng tao na ang mga kaibigan mo rito."
"A,a,ano bang gusto mong ipunto? Ang dalagang pinaslang mo ay kaibigan ko. Wala kang karapan na tawagin siyang halimaw!"
"Binibining Natasha, isang malaking biro para sa akin ang iyong sagot. Oo nga, kaibigan mo siya pero kung ganyan lang ang iyong mga prinsipyo sa buhay ay 'yan din mismo ang isa sa mga magiging dahilan ng ikakapahamak mo." Dahan-dahan akong lumalapit sa kanya habang sinasabi ang aking mga pinupunto.
"Baliw ka. Kahit ano pa man ang iyong sabihin ay wala akong pakialam. Oo na, tama ka. Undead ay undead. Pero, pero, pero," nagpigil ng luha si binibining Natasha.
"Pero?"
"Oo na nga. Halimaw na siya kung halimaw. Pero hindi magbabago ang katotohan na na naging kaibigan ko siya at iba. Oo, tama ka rin. Mahina ako! Marami na akong nilagpasan na mga katulad nila, karamihan ay mga kaibigan o mga kakilala ko dito sa mansyon. Dahil sa aking awa ay wala pa rin akong tsyansang mapatay sila. Dahil nga mahal ko sila! Hindi mo talaga maiintindihan ang aking damdamin dahil tuta ka lang ng aking ama. Wala ka sigurong puso kung kaya madali lang sa'yo ang maging kalmada." Tumayo si binibining Natasha at ipinagdasal ang kanyang kaibigan na undead. "Mapatawad mo nawa ako. Patawad kung wala akong nagawa para tulungan kayo. Patawarin niyo nawa kami. Nawa ang poong Maykapal ay tanggapin ang inyong mga kaluluwa sa langit kagaya...."
"...," Itinikom ko na lamang ang aking bibig at hinayaan si binibining Natasha na magdasal pansamantala. Masakit man ang kanyang mga binitawang salita ay hindi ko naman talaga maitatangi na wala akong nararamdam na konting awa at hinanakit sa mga bangkay. Hindi ko na rin malaman kung bakit ako nagkakaganito pero kung iisiping mabuti ay maaaring epekto ito ng matagal kong pag-iisa sa aking apartment sa aking mundo. Wala na kasi akong mga buhay na kaibigan at tanging iilan na lamang ang aking nakakausap minsan pa nga ay mga baliw at mga gago. Napatingin ako sa aking kamay kung nararapat pa ba akong mabuhay.
Nang mapunasan na niya ng panyo ang kanyang mga mata ay binigyan niya ako ng isang mahinang suntok sa tiyan.
"S-salamat," sabi niya. Ang suntok ay ang kanyang pasasalamat sa aking payo. Napangiti ako dahil kahit paano ay nakahinga na siya ng maluwag. Ipinagpatuloy muli namin ang aming paglalakad at sa wakas ay nahanap na namin ang pinto na magtutungo sa amin sa pangatlong palapag.
Tumambad sa aming harapan ang mga halaman at mga ugat ng puno sa bawat sulok ng mga pader nang narating namin ang hagdan. Hindi ko man malaman ang dahilan ay ang bruhang gorilla ay napakapit na naman sa aking balikat.
"Mag-ingat ka, ang mga nakikita mo ay isang hamak na ilusyon lang. Lahat ng mga halaman dito ay nagdadala at naglalabas ng mga nakamamatay na lason," ang kanyang payo. "Oi, maniwala ka o sa hindi ay isa sa mga junior ko ay namatay dahil sa maling proseso ng paghawak sa mga ito."
"Ah, kita ko nga," ang tanging tugon ko. "Salamat sa iyong payo pero kailangan nating dumaan dito para makarating sa susunod na palapag. Tutal naman ay alam mo ang mga uri ng mga halaman na nakapaligid dito ay may ideya ka ba kung paano tayo makakalusok sa mga ito?"
Napahawak sa kanyang baba si Ms. Natasha at itinuon ang kanyang paningin sa bawat halaman. Ipinikit niya ang kanyang mga mata at nag-isip bago siya nagsalita, "Sabi ko na nga ba ang mga halaman na ito ay magsusulputan dito. Sa tingin ko, kailangan natin ng laboratory anti-poison boots at gloves. Kailangan nating bumalik sa nilagpasan nating silid kanina. Umm, o-o-oi, bakit―"
Napatuon ang aking paningin sa kanyang mukha at napatagilid ang aking ulo sa kanyang sinabi.
"'Wag mo nga akong tignan na parang sinasabi mo na may gayong uri pala ng kagamitan kami dito. Ba't di mo sinabi agad? Pakiusap pakinggan mo muna ako."
Inilapit ko ang aking mukha sa kanyang namumulang mga pingi.
"Ilayo mo nga ang iyong mukha sa akin at 'wag mo nga akong tignan na nagtatanong kung saan makikita 'yon. Oo na, wag mo naman akong tignan na mukha akong tanga sa lugar na ito. Alam ko na nagagalit ka dahil babalik na naman tayo sa dating silid na nilagpasan natin kaso kailangan natin ang mga ito para maiwasan na matusok ng mga halaman na may lason."
"Hindi ko na kailangan pa ng mga kagamitan na 'yan. Kung gusto mo bumalik ka mag-isa. Hindi ko na problema 'yon. Kung kanina mo pa sinabi na may ganito palang lugar na tatambad sa ating harapan ay hindi na sana pa tayo babalik doon." Ang mainit na isinagot ko sa kanya. Napalunok ng laway si Ms. Natasha dahil punto naman ang aking pahayag tungkol sa mga ito. Ngunit hindi pa rin siya nagpatinag at sinabi, "Tignan mo ang mga kasamahan mo doon sa tagiliran. Mukha pa ba silang buhay sa lagay na 'yan? Tignan mong maigi luko, tignan mo ang ipinagmamalaki mong kagamitan na nakapalibot sa iyong katawan. Epektibo pa ba 'yang kasuotan mo laban sa mga halaman na 'yon?"
Napakagat ako sa labi nang nakita ko ang dalawa kong mga kasamahan na naging pataba na sa mga halaman. Isa sa kanila ay hinihigop ang kanyang mga dugo at nagiging sanhi ng pagkakaroon ng kulay pula sa mga bulaklak sa paligid. Ang ilan sa mga undead ay nagiging pagkain ng mga malalaking uri ng mga halaman na may mukhang halimaw.
"Sige, nanalo ka na. Ikaw ang mauna at dalhin mo ako doon sa laboratoryo niyo."
Napakasungit naman ng ating bida. Sa tingin nyo, may magandang maidudulot ang ganitong pag-uugali niya?
Hanggang dito na lamang po ang ating maikling kwento. Ito po lamang ay isang eksperimento kung ang aking pagsusulat ng wikang Filipino ay karapat-dapat pang ituloy.
Sa totoo lamang po ay gusto ko po itong gawing nobela ngunit dahil na rin po sa sobrang higpit ng aking schedule ay wala po akong oras para makapagsulat pa ng mga katulad nito.
Wala pong hahantungan ang aking serye kung hindi ko po ito isasapubliko, kung kaya napagdesisyunan ko po na iupload na po ang kwento dito sa Web novel.
Muli, ito po ang inyong linkod na si Red Adam ay nagpapasalamat. Mabuhay po tayong lahat.
— Tamat — Tulis ulasan