Unduh Aplikasi
11.53% Legend of the Bladed Hand / Chapter 3: Ang Kuwintas ni Nanay (Part II)

Bab 3: Ang Kuwintas ni Nanay (Part II)

TANDANG-TANDA PA NI Rodel kung paano nagpaalam si Maya. Nasa Tagaytay sila noon dahil kaarawan ni Dian. Umupa sila ng isang bahay para mag-overnight, at noong gabing iyon, habang mahimbing na natutulog si Dian sa kandungan ni Maya, nilapitan niya ang asawa at binulungan upang yayaing lumabas. Binitbit ni Maya ang anak at dinala sa kwarto. Matapos niyang halikan ang noo ni Dian ay sinahaman niya si Rodel sa balkonahe. Kabilugan ng buwan noon at kumukuti-kutitap ang mga bituin.

Niyakap ni Rodel ang asawa habang nakatingin sila sa langit. Umihip ang malamig na hangin – sumipol sa gitna ng mga puno. Hinalikan ni Rodel ang buhok ng asawa. Kung ganito sila palagi, wala na siyang hihilingin pa.

"Rodel," panimula ni Maya. "Kailangan ko nang umalis. Tinatawag na nila ako."

Hinigpitan ni Rodel ang yakap niya. Bakit ngayon pa?

"Napag-usapan na natin ito, 'di ba?" sagot ni Maya sa ginawang iyon ni Rodel. Alam niya na hindi basta-basta papayag ito, kahit pa bago pa man sila magpakasal pinag-usapan na nila na darating ang panahon kailangan nilang maghiwalay.

Sa puso ni Rodel, walang lohikal na dahilan para sila maghiwalay ni Maya. Sa loob ng sampung taon, kahit pa may mga hindi pagkakaunawaan, ni minsan hindi sila nagbangayan. Ganoon na lamang ang pagkakaintindihan nila sa isa't isa kung kaya walang rason para gawin nila ito, kahit pa pinilit siya ni Maya na pumayag sa kondisyong iyon bago sila nagpakasal.

Marahang pumiglas si Maya sa yakap ni Rodel. Seryoso niyang hinarap ang kasintahan.

"Kung 'di natin 'to gagawin, mapapahamak ka," ang sabi ni Maya, ngayo'y pabulong na ito, tulad ng hangin. "Mapapahamak din si Dian. Hindi ko maipagtatanggol ang pamilya natin. Alam mo naman 'yun 'di ba? Gagawin natin 'to para kay Dian."

Ayaw pa ring sumagot ni Rodel. Kahit gusto niyang makipag-debate sa asawa, hindi niya makayang buksan ang bibig. Parang may nakakapit sa kanyang dila.

"Bakit ayaw mong magsalita?" ang tanong ni Maya.

"Tumakas na lang tayo," ang sagot ni Rodel. Sa wakas ay nagkaroon siya ng lakas ng loob.

Napangiti si Maya sa sinabing iyon ng asawa. "Hindi biro ang gusto mo."

"Hindi ako nagbibiro," sabi ni Rodel, "magtago tayo. Magpalit tayo ng pangalan. Maghahanap na lang ako ng ibang trabaho. Baka sakaling hindi nila tayo mahanap."

Hinaplos ni Maya ang pisngi ni Rodel.

"Kahit pa ano ang gawin nating pagtatago, magpalit man tayo ng pangalan, magpakalayo-layo man tayo, matutunton pa rin nila tayo."

"Ganoon sila kagaling?"

"Ganoon sila kalupit," may paninindigang sabi ni Maya. "Parang hindi mo naman alam."

At alam na alam ni Rodel kung ano ang ibig sabihin ni Maya, dahil hindi ordinaryong tao ang asawa niya. Nagkakilala sila sa kolehiyo, first year. Computer Science ang kinukuha niya noon, samanatalang Political Science naman si Maya. Aksidente lang na nabuhusan niya ng tubig ang printout ni Maya habang naggagaguhan silang magtotropa sa canteen. Hindi nakapagpigil si Maya noon at pinakitaan siya nito ng galing sa martial arts, gamit lang ang libro. Isang makapal na libro. Ilang sipa, ilang tadyak, at isang karumal-dumal na hataw sa panga.

Dahil hindi basta-basta gumaling ang panga niya, hindi rin niya agad nalimutan ang babaeng nagbigay sa kanya ng mga pasa. Hinabol-habol niya si Maya para sa second round. Nagsanay siya ng ilang galaw sa Taekwondo. O baka Karate. Hindi niya alam kung ano man 'yung tinuro ng mga balahura niyang tropa. Hindi na rin niya inisip kung babae ang makakalaban niya, dahil katumbas naman ng sampung lalaki ang lakas ni Maya.

Samakatuwid, napapayag niya ang dalaga sa isang match, sa araw mismo ng pageant kung saan kasali si Maya. Representante siya ng PolSci department, dahil sa kanyang talino at ganda. Aba! Naka-makeup pa ang kaaway niya nang makipagkita ito sa likod ng basketball court.

Siyempre, nadagdagan lang ang pasa ni Rodel. Nabalanse naman, dahil sa kabilang panga naman siya sinupalpal ni Maya. Pagkatapos niyon ay parang walang nangyari at pumunta na sa stage si Maya para sa pageant niya.

Dahil hindi naman niya matalo ang dalaga sa santong paspasan, dinaan niya ito sa ligaw. Naisip niya, baka kaya hindi niya magawang saktan si Maya ay dahil may gusto siya rito. Araw-araw ay nagpakita siya kay Maya. Laging nakangiti, kumakaway. Hindi naman siya pinansin nito. Isang beses ay plano niyang magdala ng rosas, pero wala siyang makita o mabili, kaya pumitas na lang siya ng gumamela at saka ibinigay iyon sa dalaga. Napatitig lang si Maya sa bulaklak, saka tinrato siyang hangin.

Pinansin lang siya ni Maya isang hapon nang pauwi siya galing sa part-time niya sa resto. Sa isang eskinita, nakita niya ang Ms. University na pinalilibutan ng limang kalalakihang naka-itim. Sa isip niya, ano na naman ba ang pinasok nitong basag-ulong babaeng ito? Tumakbo siya patungo kay Maya upang protektahan ito, ngunit hindi naman nito kailangan ng katuwang. Mabilis na napatumba ni Maya ang mga kaaway, at si Rodel, ang kawawang si Rodel, ay nasupalpal na naman sa mukha. Nalagasan pa siya ng isang ngipin.

Doon nagsimulang gumaan ang loob ni Maya sa kanya. Masyado kasi siyang makulit kaya siya napapahamak. At 'ika nga, the rest is history.

Akala ni Rodel magiging tahimik na ang buhay niya nang maging magkasintahan na sila ni Maya. Akala niya, pagkatapos niyang makakuha ng trabaho bilang salesman at makapag-ipon nang kaunti para sa kinabukasan nila ni Maya, magiging maayos na ang lahat. Ngunit wala siyang kaalam-alam na may mga nangyayari sa mundo ni Maya.

Dahil hindi ordinaryong tao si Maya.

Hindi ordinaryo ang pamilya ni Maya. Hindi rin ordinaryo ang pinanggalingan niyang mundo.

Sikreto ang mundo ni Maya.

Ang angkan niya, ang angkang Maginoo, ay mga Pilipinong nagmana ng mga kayamanan mula sa mga ninunong datu at sultan. Lingid sa kaalaman ng mga tao, naipagpatuloy ng mga Maginoo ang sinaunang kultura kahit pa dumaan sa mga mananakop ang bansa. Dahil sa kanilang yaman, naipagtanggol nila ang kanilang mga pamilya sa pamamagitan ng salapi at pulitika. At ngayon, nagawang makibahagi ng mga Maginoo sa pamumuhay ng mga ordinaryong Pilipino. Ang ilan sa kanila ay may-ari ng mga lupaing ginagamit ng mga haciendero para sa mga taniman ng mga prutas, o 'di kaya'y mga pinuno sa likod ng mga naglalakihang kompanya. Ang ilan nama'y may mga salaping pinalalago sa ibang bansa. Sa yaman ng mga Maginoo, kayang-kaya nilang ilihim ang kanilang bawat galaw sa taumbayan.

Higit sa ginto ng mga Maginoo, mas mahalaga sa kanila ang kanilang mga pamanang galing. Ang mga pamilya sa Timog ang mga lumilinang sa Silat at nakikipagkasundo sa mga bansa sa Timog-Silangang Asya. Sa Gitna naman ay ang mga pamilyang gumagamit ng mahika. Sa angkang pinagmulan naman ni Maya, sa Hilaga, pinoprotektahan nila ang kultura ng Kali, kung kaya napakagaling ni Maya sa pakikipaglaban.

Dahil sa angkan ng mga taga-Hilaga, isang mandirigma si Maya. Isa siyang heneral.

At si Maya lamang ang tagapagmana ng kamay na punyal – na kahit hindi gumagamit ng sundang, ay kayang makasakit na tila kampilan ang mga palad niya.

Kung tutuusin, sa isang hampas lang ay kayang patumbahin ni Maya si Rodel.

At nalamang lahat ni Rodel ito isang gabi matapos nilang manood ng sine, at hahalikan sana ni Rodel ang kasintahan. Itinulak siya nang marahan ni Maya at sinabi ang lahat nang ito. Nais malaman ng dalaga kung mamahalin pa rin siya ni Rodel kahit pa hindi siya ordinaryong tao.

Nganga lang ang naisagot ni Rodel kay Maya noon. Inisip lang niya na binibiro siya ni Maya at ayaw nitong magpahalik.

Ngunit ipinakita ni Maya ang kanyang anting-anting. Ginto ito na tila pendant na may ukit na dragon at isang salita sa Baybayin. Nang tanungin ni Rodel ang kasintahan kung ano ang nakasulat, ito raw ang tawag sa kanyang angkan. Binulungan ni Maya ang anting-anting at gumalaw ang dragon.

"Bakunawa," ang sabi ni Maya.

Umikot ang maliit na Bakunawa sa leeg ni Maya at naging kuwintas ito.

Parang nawalan ng lakas sa kanyang mga tuhod si Rodel. Nanonood pa rin ba siya ng pelikula?

Tinulungan siya ni Maya na tumayo saka tinanong muli kung okey lang sa kanya na magpatuloy sila, ngayong nalaman na niya ang sikreto ng angkan.

Wala sa angkan-angkan, 'yan, ang tugon ni Rodel, kaya ipinagpatuloy nila ang kanilang relasyon hanggang sa sila ay nagpasyang magpakasal.

At noon lang naintindihan ni Rodel ang pinasok niyang problema – nang tumiwalag si Maya sa kanyang angkan upang mapatunayan ang kanilang pag-ibig.

~oOo~


Load failed, please RETRY

Status Power Mingguan

Rank -- Peringkat Power
Stone -- Power stone

Membuka kunci kumpulan bab

Indeks

Opsi Tampilan

Latar Belakang

Font

Ukuran

Komentar pada bab

Tulis ulasan Status Membaca: C3
Gagal mengirim. Silakan coba lagi
  • Kualitas penulisan
  • Stabilitas Pembaruan
  • Pengembangan Cerita
  • Desain Karakter
  • Latar Belakang Dunia

Skor total 0.0

Ulasan berhasil diposting! Baca ulasan lebih lanjut
Pilih Power Stone
Rank NO.-- Peringkat Power
Stone -- Batu Daya
Laporkan konten yang tidak pantas
Tip kesalahan

Laporkan penyalahgunaan

Komentar paragraf

Masuk