Flashback
"Just walk casually and let me handle all of them. Smile if you have to but never answer their questions. You get me?"
Wala na akong nagawa kundi tumango sa bulong ni Cholo. Paano pa kasi ako makakapalag kung hindi niya ako binigyan ng pagkakataon na tumanggi dahil hinila na niya ako palabas sa sasakyan papunta sa napakalaking gate ng isang napakagarang mansiyon kung saan ay maraming mga nasa media na ang nasa labas at naghihintay sa amin.
Ang unang plano ay isang pagtitipon na naman ng mag-anak na Gastrell pero imbes na sa mansiyon ay sa labas na. Kailangang makita kami ng mga binayarang mga journalists ng ina ni Cholo para mailathala ang mga litrato kinabukasan para matapos na rin ang mga haka-haka. Papaunlakan din namin ang isang ambush interview para ipahayag sa lahat na kasal nga kaming dalawa.
Pero ang lahat ng iyon ay biglang hindi natuloy dahil tumawag ang mama ni Cholo kaninang nasa sasakyan kami para sabihin na nagbago na ang venue. Sa halip na sa restaurant ay sa bahay na lang kami ng mga Asturia kakain dahil may inihandang presscon ang pamilya para sa proklamasyon nito ukol sa kandidatura ng ina ni Cholo. Isa ang pamilya Asturia sa tinaguriang kingmaker ng madla. Sinumang pulitiko na susuportahan nito ay nananalo sa eleksyon.
Kaya ngayon ay pilit akong ngumingiti sa bawat tanong ng mga reporters kahit na ang una kong gustong gawin ay ngumiwi. Mahigpit na mahigpit ang hawak ko sa kamay ni Cholo dahil sa tensiyon.
Halos ipagduldulan na kasi nila ang mga dalang camera sa mukha ko. Kung hindi dahil sa tulong ng mga bodyguards at ni Cholo ay baka napitpit na ako sa sobrang agresibo nila na makuhaan man lang ako ng isang sagot.
Tumigil sandali si Cholo sa harap ng gate at hinarap ang mga reporters. Mapanghalinang ngumiti ito rito.
"I'm sorry guys but we have to decline some of your questions that don't have have anything to do with my mother's campaign. We're not here to answer your personal questions. We're here as members of Gastrell family to support my mother."
Inalalayan na ako ni Cholo papasok sa nakabukas na gate pero hindi pa rin sila magkamayaw sa pagtatanong.
"Mr. Gastrell, totoo bang asawa mo si Karina Versoza o isa na naman ba itong political gimmick para pagtakpan ang eskandalo mo?"
"Kung ganon, hindi na ba matutuloy ang engagement ninyo ni Elizabeth Asturia?"
"Babawiin na ba ng nga Asturia ang suporta nila kay Mrs. Gastrell?"
"Karina, ano naman ang masasabi mo sa kumakalat na balita na nagtatrabaho raw kayong prostitute sa isang club kung saan niyo nakilala si Cholo Gastrell?"
Natigilan kaming pareho sa tanong na iyon. Nanlamig ang mga kamay ko sa narinig at napalunok. Nagpapasaklolong binalingan ko si Cholo para lang mabigla sa napakadilim na ekspresyon sa mukha nito na nabungaran ko.
Lumuwag ang pagkakahawak niya sa kamay ko at hinarap ang nagtanong na reporter.
"Ask that malicious question again and I might reconsider our company's support to your broadcasting company. I love my wife very much and I will not stand here while hearing these untasteful remarks. You know me. I'm very open to all of you but you have stepped on the line. Do that again and I will do precautions for my wife's integrity."
Hinigpitan uli ni Cholo ang hawak niya sa kamay ko bago niya ako hinila papasok sa gate at iniwan ang natahimik na mga reporters.
Lumobo ang puso ko dahil sa mga narinig. Hindi ko akalaing ipagtatanggol pa niya ako at papatulan ang obvious naman na pang-ti-trigger ng mga reporters kanina. Akala ko nga babalewalain lang niya iyon.
Pagpasok namin sa mansiyon ng mga Asturia ay nalula na naman ako sa laki at gara ng buong kabahayan. Gaya ng mansiyon ng mga Gastrell, animo ay pumasok ako sa isang museum dahil sa mga antique na muwebles at kasangkapan na naka-display sa bawat sulok ng lugar. Larawan ng isang napakaalwan at makapangyarihang pamilya ang portrait ng mga Asturia na nasa pinakabungad ng sala.
"Cholo, it's good that you are here now. Kanina ka pa namin hinihintay."
Tiningala namin ang ina nito na nasa bungad ng hagdanan na nahuli ko pa ang pagtaas ng kilay at ang paglitaw ng disgusto sa magkahawak na kamay namin ni Cholo. Sinubukan kong bawiin ang kamay pero hindi niya hinayaan na makawala ako.
Nalipat ang tingin ko sa likod ng ina ni Cholo kung saan nakatayo si Elizabeth at nakatitig sa aming dalawa sa ibaba. Bumaba ang tingin nito sa magkahugpong namin na kamay. Wala sa loob na mas kumapit ako kay Cholo pero wala na pala akong kakapitan dahil binitawan na niya ang kamay ko.
Dismayadong tiningnan ko siya na sana hindi ko na lang ginawa dahil huling-huli ko kung paano nito titigan ng buong pangungulila si Elizabeth.
May pinong kudlit ng karayom ang bumaon sa dibdib ko. Tila wala na kasi silang kasamang iba pa sa paraan ng tinginan nila. Naging extra na lang ako bigla sa eksena mula sa akala kong bidang role na ginampanan ko kanina.
"Son, come up here. Kanina ka pa namin hinihintay," tawag uli ng ina nito bago bumaling kay Elizabeth. "Hija, pakihintay na lang si Cholo. I need to attend to some things now."
"Okay po tita," mahinhin na sagot nito sabay ayos nang mahaba at makintab nitong buhok.
Sinundan ko ng tingin kung paano ito kumilos, kung paano ito ngumiti nang walang kasingganda, at kung paano ito manamit nang walang kasinggara. Bumaba ang tingin ko sa mamahalin kong mga suot na hindi naman bagay sa akin. Para lang akong basahan kung itatabi sa isang Elizabeth Asturia.
"Karina, stay here. I'll be back."
Hindi na hinintay pa ni Cholo na makasagot ako dahil kaagad na itong pumanhik sa hagdan. Nagbawi na ako ng tingin sa kanila nang makita kong hinawakan ni Elizabeth ang kamay ni Cholo na kanina ay hawak ko pa.
Mabigat ang dibdib na tumalikod ako at lumabas ng sala at nagtuloy sa garden sa likod-bahay. Wala namang sumita sa akin kaya naupo na ako sa isang silya na nakaharap sa fountain. Tinitigan ko ang nililok na puting leon na nagbubuga ng tubig. Nanliit ako bigla. Ang kaninang saya na naramdaman ko sa pagtatanggol sa akin ni Cholo ay napalitan ng kalungkutan.
Matagal ko namang alam na alangan kaming dalawa. Ako lang naman itong nagbibigay-kulay sa bawat galaw niya tuwing kasama ako. Siyempre gagawin niya iyon dahil nga kailangan naming umakto na mag-asawa sa harap ng mga tao. Kailangan niyang ipakita sa mga tao na mahal niya ako. Kahit nga siguro ang mga sinabi nito kanina ay parte sa acting naming dalawa.
Humugot ako nang malalim na hininga at ipinikit ang mga mata. Nagbilang ako hanggang sampu para payapain ang sarili. Pagdilat ko ay kamuntik na akong mapasigaw sa gulat dahil sa isang pares ng asul na mga mata na blangkong nakatunghay sa akin. Napatayo ako bigla pero agad niya akong itinulak pabalik sa kinauupuan ko. Nanlalaki ang mga mata at nakaawang ang mga labing tiningnan ko ang estranghero na tumungko sa harapan ko at pinag-aralan ang mukha ko. Nagbaba ako ng tingin nang hindi ko na matagalan ang animo nang-aarok na titig nito. Maya-maya pa ay tumikhim ito at sumalampak ng upo sa semento at itinaas ang isang tuhod para isampay ang braso.
"So you must be her," basag nito sa katahimikan.
Napapitlag ako sa gulat sa biglang pagsasalita nito. Nagtaas ako ng tingin para magtama ang mga mata naming dalawa.
"Sino?"
Tumawa ito nang sarkastiko bago uli ibinalik sa akin ang tingin nito.
"Cholo's wife." Sinuyod niya ako ng tingin mula ulo hanggang paa bago uli tumawa. "Where did he find you? In the club? In the street? Hindi ko maintindihan kung bakit isang katulad mo pa ang nagawa niyang ipalit sa kapatid ko. I don't easily discriminate people but I can tell you are a fake with the way your eyes looked at me with shame. How much did he pay you? Isang milyon? Kalahati? I can pay you double. Just leave this town. Now."
Nanliit na naman ang tingin ko sa sarili. Kung ang isang tulad nito ay nagawa akong basahin sa isang hayon pa lang ng tingin niya sa akin, paano pa kaya ang ibang mga nasa alta-sosyedad ng Cerro Roca na balak naming linlangin ni Cholo? Siguro nga ay lihim nila akong pinagtatawanan. Ang aking pananamit na kahit mamahaling tingnan ay alam ko namang hindi bagay sa akin. Ang aking pananalita na halatang baliko kung mag-Ingles ay palatandaan nang aking mababang pinanggalingan, at kahit ang paghawak ko sa maliit na parang laruang kutsilyo habang hinihiwa ko ang namumula at parang hilaw na karne ay baka lihim din nilang kinukutya.
Pero hindi na iyan mahalaga sa ngayon dahil kailangan ako ni Cholo gaya ng kailangan ko ang perang makukuha ko sa kaniya para sa kinabukasan ng kapatid ko at pagpapaospital ko sa ama.
Para sa isang tulad ko na isang kahig isang tuka, suntok na sa buwan ang oportunidad na ito kaya mamamatay muna ako bago ko aminin ang katotohanan.
Nagtaas ako ng tingin sa guwapong mukha ng lalaki. Kung gano'n ay kapatid ito ni Elizabeth pero wala akong makapang pagkakapareho sa mukha ng dalawa maliban na lang siguro sa kulay ng kanilang mga mata. Kahit may takot ako na nararamdaman dahil sa mapanganib na pagsilay ng ngiti nito ay pilit ko itong isinantabi.
"Pasensiya na pero hindi ko alam ang mga pinagsasabi mo. Maiwan na kita. Baka hinahanap na ako ng asawa ko."
Tumayo ako para umalis na pero pinigilan niya ako sa kamay.
"I don't think you get what I wanted to say. When I said you leave this place, you will leave or you'll be sorry for what will happen to your father and brother."
Nanlamig ako sa ibig ipahiwatig ng lalaki. Kinagat ko ang dila at nilunok ang bara sa lalamunan.
"A-ano ang ibig mong sabihin?" ang nahihintakutan kong tanong rito.
Nawala ang ngisi sa mukha nito at pumalit ang seryosong guhit sa mga labi.
Bahagya nitong ibinaba ang mukha sa akin at binigyan ako ng isang ngiti na hindi ko makakalimutan sa tanang buhay ko.
"Leave this place or I'll strangle you to death. With your entire family."
Habang sinasabi niya iyon ay nakatitig sa akin ang kaniyang mga malalamig na mata nang walang pagkurap. Dumaloy papunta sa kaliit-liitang ugat ng katawan ko ang lamig dulot ng takot na agad sumigid sa kalooban ko dahil sa banta nito.
Okay lang na ako ang pagbantaan nito. Okay lang na ako ang kanilang insultuhin at pagtawanan. Tatanggapin ko iyon lahat. Pero ang idamay nila ang pamilya ko ay iba ng usapan.
Ang lalaking ito ay isang Asturia samantalang isa lamang akong hamak na Versoza.
"B-bakit mo ba ito ginagawa? Ano ba ang nagawa ko sa inyo? Wala naman akong kasalanan sa inyo. Bakit idadamay niyo pati ang pamilya ko?"
Binawi ko ang nanginginig na kamay mula sa hawak nito at itinago sa likod. Umatras ako ng ilang hakbang para makalayo kahit papaano rito. Napakalakas ng tibok ng puso ko at kahit hindi ko nakikita ang sarili ay alam kong kanina pa ako namumutla.
Lumapit siya sa akin at inayos ang kumawalang hibla ng buhok ko.
"Wala kang ginawa nang direkta sa akin pero sinaktan niyo ang pinakamamahal naming kapamilya. Your trembling body cannot pay for the tears she had shed. It's sickening to see my sister crying because of a rag doll like you. There's no other way to retrieve herself but to eliminate you out of the sight. Now, choose. Aalis ka nang matiwasay nang may dalang pera o aalis ka nang nakalagay sa kabaong kasama ang iyong buong pamilya? Pumili ka na ngayon din Karina bago ko pa piliin ang huli para sa iyo."
Nanggigipuspos na nagbaba ako ng tingin upang kahit sandali ay makalma ko ang sarili. Pero kahit ang mamahaling de-takong na sapatos na suot ay nagpapalala lang sa kabang umaalipin sa akin.
Humugot ako ng hininga at nagtaas uli ng tingin sa lalaki. Kahit labag sa loob ko ang napiling sagot ay tumango ako, kahit hirap akong magpasya ay minadali ko ang sarili, at kahit alam ko sa sariling kamumuhian ako ni Cholo dahil sa gagawin ko ay hindi ko na iyon ininda.
"Magkano?"
Unti-unting gumuhit ang ngiti sa mga labi ng lalaki.
"Good girl. I know you will deliver."