Hindi pa gising si Dashiell pagdating ko sa bahay, hindi ko na rin naman siya ginising pa kahit na lumubog na ang araw dahil deserve niya talaga ang mahabang pagpapahinga.
Pumunta ako sa kusina para magluto sana ng hapunan naming dalawa kaso wala man akong nakitang pagkain na pwedeng lutuin. Hindi pa naman ako makapagsaing dahil ano nga naman ang ulam namin? Kung may refregirator lang sana rito, kanina pa ako nakapagluto, kukuha lang ako ng hotdog o kaya itlog sa loob ng ref, solve na ako.
"Hey. Mukhang mahilig ka na ngayon sa bulaklak ah." Napalingon ako sa likuran ko nang marinig ko ang boses ni Dashiell.
Dang, bakit ba ang gwapo niya pa rin kahit magulo pa ang buhok niya? Nakasuot lang siya ngayon ng white shirt at shorts pero sa paningin ko, mukha na siyang model. Iba talaga kapag in love e, lahat na lang ng ginagawa niya, sobrang ganda para sa 'yo.
"Ano ang ginagawa mo?" Kumunot ang noo niya habang tinitingnan ako, namilog naman ang mga mata ko tsaka tumalikod para hindi niya makita ang pamumula ng mga pisngi ko.
Puso, kalma... huwag kang masyadong marupok.
"Wala naman! Naghahanap lang sana ako ng pwedeng lutuin para naman makakain ka na sana paggising mo, kaso wala akong nakita e," saad ko habang bahagyang inililibot ang aking paningin sa buong kusina, para naman hindi niya mahalata na kinakabahan ako sa tuwing malapit siya sa akin.
"Hmm, let me change my clothes first," paalam niya sa akin, tiningnan ko naman siya habang nakakunot ang aking noo.
Lalabas kami? Wait, pwede ko na ba 'tong maconsider na date? Siguro oo, pero para sa akin lang. Hindi pa rin ako aasa na may gusto siya sa akin dahil ayokong saktan ang sarili ko.
"Saan tayo pupunta?" tanong ko sa kaniya nang makita kong lalakad na sana siya papabalik sa kwarto niya. Ibinaling niya ang tingin niya sa akin tsaka ngumiti nang napakalawak.
Lagi talagang tumatagos sa puso ko ang mga ngiti niya. Sa tingin ko, kahit na ang sama-sama na ng pakiramdam ko, isang ngiti niya lang, magiging okay na ako. Kailan ba ako nagsimulang magustuhan siya? Hindi ko maalala. Minsan talaga, mahirap intindihin ang pagmamahal.
"Secret na lang 'yon, Ally. Pero, hindi mo naman kailangang maging bihis na bihis, ayos na 'yan," saad niya bago tuluyang pumasok sa kwarto niya.
Hindi ko maalis ang kilig sa katawan ko kapag sumasagi sa isip ko na lalabas kami ngayong gabi, hindi ko alam kung saan kami pupunta pero alam ko namang magiging masaya ako.
Minsan kasi, kahit saang lugar pa 'yan, basta't kasama ko ang taong gusto kong maging kasama, masayang-masaya na ako.
"I'm done. Let's go?" pag-aaya niya sa akin, tumango naman ako at lumabas na nga kami sa bahay. Kulay dilaw ang buwan at maliwanag din ang mga bituin, may iilan ding nasa labas at naglalakad sa gitna ng gabi pero hindi ko na sila binigyan pa ng pansin.
Nakatuon ngayon ang atensyon ko sa aming dalawa ni Dashiell. Bumibilis na ang tibok ng puso ko pero hindi ko dapat ipahalata kay Dashiell na kinikilig ako ngayon, mamaya na lang ako kikiligin kapag mag-isa na ako sa kwarto ko.
"Sa pagkakaalam ko, hindi ka naman mapili sa pagkain, diba? May allergies ka ba or something?" pagbabasag ni Dashiell sa katahimikan na bumabalot sa aming dalawa.
Well, hindi naman talaga ako mapili sa mga pagkain, basta kaya kong makain, kakainin ko, huwag lang talaga crabs at shrimps dahil allergic ako r'on. "Allergic ako sa crabs at shrimps e."
"Oh, shoot. Sayang naman, masasarap pa naman ang mga pagkain na 'yan, I feel sorry for you," sabi niya kahit halata namang inaasar niya lang ako. Inirapan ko siya.
"Don't be, ayoko rin namang kumain ng mga 'yon. Ang hirap kaya nilang kainin," sagot ko kahit na ang totoo naman ay gustong-gusto ko talagang kumain ng mga 'yon. Especially the shrimps, parang ang sarap-sarap kasi nitong tingnan lalo na kapag nilalagyan pa ito ni Mama ng sprite.
Shemay, namiss ko tuloy 'yung mga luto niya.
"Mahirap kainin, pero masarap. Masarap na masarap," nakangising sabi ni Dashiell habang itinataas-baba ang kaniyang mga kilay, tiningnan ko siya nang masama habang nakataas naman ang isa kong kilay.
Hindi ko alam kung nasasarapan lang talaga siya sa pag-iisip niyang kumakain siya ng crabs at shrimps, o sadyang manyak lang talaga siya.
"Ewan ko sa 'yo, Dashiell. Saan nga ba talaga tayo pupunta, sabihin mo na sa akin dahil nagsisimula na akong magduda. Baka isa na naman 'to sa kalokohan mo, Dashiell. Nako, kapag ako ta—"
Inilapat niya ang kaniyang hintuturo sa aking mga labi na naging dahilan kung bakit natigilan ako sa pagsasalita. Ramdam ko na naman ang kaba sa katawan ko lalo na't nakadikit ngayon ang balat niya sa mga labi ko.
"Tahimik. Ang daldal mo naman e, bibili lang tayo ng pagkain tapos iihawin natin," sabi niya at nagsimula na uling lumakad. Inilagay niya rin ang magkabila niyang kamay sa kaniyang mga bulsa habang ako naman ay parang napako sa kinatatayuan ko.
What the hell was that? Bakit niya dinikit ang daliri niya sa labi ko? Hindi ko na maitago ang kilig ko, pinipigilan kong ngumiti pero tinatraydor ako ng mga labi ko!
Gusto kong sumigaw pero ayokong mahalata niya ako. Itinapat ko ang kanan kong kamay sa dibdib ko tsaka huminga nang malalim.
Puso, huwag kang marupok, huwag mong patulan ang pagiging malandi ng lalaking nasa harapan mo.
"Hoy, ano ang nangyari sa 'yo? Nakadikit ka na ba riyan?" Tiningnan ko nang masama si Dashiell at nagsimula na uling lumakad.
Minsan talaga, hindi ko rin maintindihan ang lalaking 'to. Minsan, ang sweet niya, minsan ang sungit niya, at minsan naman, para siyang bata dahil palagi niya akong inaasar. Ang hirap niyang basahin, pero kapag siya ang bumabasa sa akin, parang sobrang dali lang para sa kaniya.
It's as if I'm an open book when it comes to him.
"Iyan pong pulang bilog na malaki, tapos iyan pa pong kulay puti na medyo maliit. Meron po ba kayo no'ng kulay berde na medyo malaki?"
Halos tawagin ko na ang lahat ng greek gods para tulungan akong pigilan ang tawa ko dahil baka magalit na naman si Dashiell sa akin. Halatang-halata kasing naguguluhan na 'yung nagtitinda ng mga prutas dahil sa mga sinabi ni Dashiell, gusto ko siyang tulungan pero pinipigilan talaga ako ng ka-demonyohan ko e, parang gusto ko siyang kunan ng video at panoorin ito sa tuwing nalulungkot ako.
"Maraming salamat po!" masiglang sabi ni Dashiell tsaka lumipat uli ng tindahan, nakita kong ngumiti na lang 'yung babae at napakamot sa batok niya.
"Sigurado ka ba talagang hindi na kita tutulungan? Hindi ka ba nahihirapan?" sunod-sunod kong tanong kay Dashiell, hindi niya man lang kasi ako tinatanong kung ano ang mga dapat bilihin. Parang alam niya na ang lahat ng mga gusto niyang bilihin kahit na hindi niya naman alam kung ano ang mga pangalan nito.
Hindi niya rin ako pinapadala ng mga pinamili namin, literal na kasama niya lang talaga ako. Nakatayo lang ako lagi sa tabi niya e.
"Huwag na, kaya ko naman. And I'm enjoying buying these, ngayon na lang ako namalengke e." Oo, nag-e-enjoy ka pero hindi nag-e-enjoy 'yung mga pinamilihan natin.
"Bakit naman kasi ngayon ka lang bumili ng mga ganiyang pagkain, hindi ka ba nagluluto sa bahay mo noong wala pa ako?" tanong ko sa kaniya, ikinuha niya naman muna ang sukli niya sa pagbili niya ng singkamas bago ako sagutin.
"Hindi naman talaga kasi ako madalas sa bahay na 'yon, lagi kasi akong binibigyan ng mga misyon ni Pinuno Ephraim. Medyo lumuwag lang ang schedule ko nang ibinilin ka niya sa akin," sagot niya tsaka muling lumakad. Ang taray naman ng sabi niyang schedule, parang artista lang ang peg e.
Hindi ko mapigilan na mapahinga nang malalim nang makita ko ang mga pinamili niya, marami na rin naman ang mga 'yon. Kasya na 'ata ang mga binili niya para sa isang linggo naming pagkain kaya bakit parang gusto niya pa ring bumili?
"Bakit ang rami mong pinamili? Baka masayang lang 'yan, o kaya baka naman mabulok na kaagad 'yung iba riyan," saad ko na naging dahilan kung bakit napatingin siya sa mga hawak-hawak niya, na-realize niya na rin naman siguro na tama nga 'yung mga sinabi ko.
"Yeah, maybe." Sa wakas. "Baka kasi magutom ka bigla sa bahay tapos wala kang makitang makakain kaya dinamihan ko na ang pinamili ko."
Ramdam ko na naman ang paghaplos sa puso ko dahil sa sinabi niya, he really cares for me... nakakalungkot nga lang dahil hindi ko 'yon ma-identify kung inaalagaan niya ako bilang kaibigan o higit pa r'on. But then again, ang importante lang naman 'ata r'on ay 'yung masaya kami sa presensya ng isa't-isa, para sa akin, enough na 'yon.
"E ikaw? May gusto ka pang bilihin? Bukod dito sa mga pinamili natin?" tanong niya sa akin, nagkibit-balikat na lang ako. Hindi ko naman kasi alam kung ano ba talaga ang dapat bilihin ko, mas maganda kung maglibot-libot na lang ako rito sa palengke. Sayang naman kung hindi ko pa susulitin 'to dahil hindi naman namin alam kung kailan pa kami babalik.
"Maglilibot-libot lang muna ako, ikaw din. Baka kasi may maisipan ka pang bilihin," sabi ko sa kaniya habang diretsong nakatingin sa kaniyang mga mata, nakita ko pa ang bahagyang pagtaas ng isa niyang kilay na parang sinasabi sa akin na hindi siya papayag sa sinasabi ko. "Come on, Dashiell. Wala namang mangyayari sa akin dito. Hindi naman masyadong malaki ang palengke kaya siguradong mahahanap mo ako kaagad."
Huminga siya nang malalim tsaka tumango. "Fine, basta huwag kang pupunta sa malayo, ha? Be a good girl, Ally. Don't make me worry again."
Ally, huwag kang kiligin sa harap niya. Mahiya ka naman kahit kaunti lang, kahit ngayon lang!
Binigyan ko siya ng isang napakalawak na ngiti tsaka tumango. "Sige na," sabi ko bago tuluyang tinalikuran siya at dahan-dahang lumakad papalayo.
Fudge, this is what I really need right now; a time to breathe. Masyado akong tensed sa tuwing kasama ko siya, tho ginagawa ko na rin naman ang lahat para mapagaan ang atmophere, tsaka hindi pa rin talaga maalis sa isipan ko na gusto ko ang isang tulad niya.
Napapaisip nga ako na ganito na nga ako nang mapagtanto ko ang nararamdaman ko, paano na lang kaya kung nalaman niya na may gusto ako sa kaniya?! Feeling ko, mga isang buwan akong hindi magpapakita sa kaniya.
"Bili na kayo ng keychain! Bili na kayo ng keychain!"
Natuon ang atensyon ko sa isang matandang babae na nakapuwesto sa dulong parte ng palengke, nilingon ko muna si Dashiell at nakita kong busy na busy siya r'on sa lalaking nagtitinda ng rambutan.
Good luck na lang sa nagtitinda.
Lumapit ako r'on sa nagtitinda ng keychain. Grabe, sobrang ganda naman pala ng tinitinda niya, isa lang itong maliit na bote na may moon at mga stars sa loob. Kinuha ko 'yung kulay blue tsaka niyugyog ito, umilaw ang mga nasa loob. Binalik ko naman ito kaagad dahil baka makabasag pa ako.
Hindi ko nga mapigilan na matuwa e, kung nandito lang si Dashiell sa tabi ko, sigurado akong sasabihin niyang nagmumukha na naman akong bata.
"Para kang bata."
"Ay mukhang bata!" Muntik na akong atakihin sa puso nang bigla kong narinig ang boses ni Dashiell, nilingon ko siya sa likuran ko at tumambad nga sa akin ang nakangisi niyang mukha.
Letse talaga ang lalaking 'to, hindi man lang ako tinawag muna. Nakakahiya tuloy sa nagtitinda dahil nalakasan ko ang boses ko.
"Bakit ba bigla ka na lang sumusulpot?" nakakunot-noong tanong ko sa kaniya, tinaasan niya naman ako ng kilay sabay irap.
Napakataray talaga kahit kailan e, daig niya pa ang isang babae sa level ng katarayan niya. Kung hindi ko lang siya crush, matagal ko na siyang napagbintangan na bakla.
"Gusto ko lang namang ipaalala sa 'yo na hindi pa tayo kumakain. Baka malalim na ang gabi, wala pa ring laman 'tong mga tiyan natin. May abs na ako kaya ayokong mag-diet, tara na." Hindi ko mapigilan ang sarili ko na taasan din siya ng kilay.
Weh? May abs ka? Patingin nga. Char!
Hindi na lang ako umangal pa at sumunod na sa kaniya sa paglalakad papabalik sa bahay namin, medyo gutom na rin kasi ako tsaka excited na rin akong lutuin ang mga pinamili namin. Mukhang masarap kahit hilaw pa ang mga ito.
Marami-rami rin ang mga pinamili naming pagkain kaya maaaring mabigat na ang basket na dala ni Dashiell. Lumapit ako sa kaniya tsaka kinuha 'yung supot ng mansanas, singkamas at ng mga mangga. Tiningnan niya pa ako nang masama na para bang hinuhusgahan niya ako nang todong-todo dahil sa ginawa kong pagkuha ng iilang pinamili namin.
Ano ba ang nangyari sa lalaking 'to? Akala niya siguro, sasarilihin ko lang 'tong mga pinamili namin. Grabe naman, hindi naman ako gano'n katakaw! Kaunti lang!
"Bakit ganiyan ka makatingin?" tanong ko habang naglalakad pa rin, nakatingin lang ako sa kaniya kaya nagdadasal ako ngayon na sana naman ay huwag akong matisod sa daan.
"E ikaw? Bakit mo 'yon ginawa? Hindi nga kita binigyan ng dadalahin dahil ayokong mabigatan ka tapos kukunin ko naman."
At ayon na naman ang bilis ng tibok ng puso ko, parang hinabol na naman ako bigla ng mga kabayo. Dang it, ganito ba talaga kalakas ang epekto niya sa akin?
"S-Sa tingin ko k-kasi, masyadong m-mabigat na ang mga 'to, g-gusto lang naman kitang t-tulungan."
Fudge, why am I stuttering?!
"Kung nauutal ka dahil sa kagustuhan mong tumulong. Fine, I will let you help me. Pero sabihin mo sa akin kapag nangangalay ka na, ha? Para naman makuha ko ang mga 'yan mula sa 'yo," saad niya habang diretso lang ang tingin sa dinadaanan namin. Sinimangutan ko naman siya tsaka pasimpleng tinarayan.
"Nahimatay ako, Dashiell, pero hindi naman ibig sabihin n'on, marupok na 'tong mga buto ko." Hindi marupok ang mga buto ko, pero 'yung puso ko? Oo! Marupok na marupok!
"Ayoko lang namang mapagod ka," mahina niyang sabi. Fudge it, ito na naman siya. Masyado niya akong pinapahalagahan nang sobra, ayokong mag-assume kaya iniisip ko na lang na ginagawa niya 'to dahil sinabi sa kaniya ni Pinuno Ephraim na kailangan niya akong protektahan at dahil na rin kaibigan niya ako.
But well, speaking of Pinuno Ephraim, naalala ko na naman ang mga nangyari kanina sa kasilyo. Dapat itatak ko sa isipan ko na kailangan kong malaman kung ano ang pinag-uusapan nina Ma'am Marie at Mang Heriberto, kahit na maliit na bagay lamang 'yon o malaki, kailangan ko pa ring malaman.
Nang makarating na kami sa loob ng bahay, inilagay ko na kaagad ang pinamili namin sa kusina, aayusin ko na sana ang mga ito pero pinigilan ako ni Dashiell. I think he has a different plan in mind. "Bukas mo na 'yan ayusin, kunin lang natin 'yung mga kakainin natin ngayong gabi at aalis na tayo."
Kinunotan ko siya ng noo dahil sa sinabi niya. So, may pupuntahan pa rin pala kami bukod sa pagpunta namin sa palengke?
"Saan naman tayo pupunta?" tanong ko sa kaniya, narinig ko naman ang pagbuntong-hininga niya. Mukhang pagod na siya kakasagot sa mga tanong ko. Is it my fault that I'm too curious?
"Alam mo, ang dami mong tanong. Secret na nga lang kasi e, sumama ka na lang, okay?" sabi niya tsaka nagsimula muling suputin 'yung iilan naming pagkain.
Nagkibit-balikat na lang ako at tinulungan na siya. Iiwasan ko na lang na magtanong nang magtanong dahil baka mainis na siya sa akin, pasalamat siya, crush ko talaga siya.
Isinupot ko 'yung iilang mansanas habang siya naman ay 'yung mga mangga. Maingat ang paghawak niya sa mga ito na para bang isang babasagin na bagay ang hawak-hawak niya.
Ang cute niya talagang tingnan kahit na hindi niya kabisado ang mga pangalan ng mga prutas. Kung tutuusin, sobrang swerte ko nga dahil nakikita ko ang iba't-ibang ugali ni Dashiell. Nakikita ko 'yung iba't-ibang sides niya, napakaselfish man pakinggan pero gusto kong ako lang ang makakita ng gano'n.
Gusto ko, ako lang kahit na wala naman akong karapatan.
"Let's go?" nakangiting aya niya sa akin, ngumiti naman ako tsaka tumango. Nag-iba na ang kulay ng mga mata niya at gano'n din ang ginawa ko. Nang isinara na namin ang pintuan, mabilis niya akong hinila papunta sa lugar na hindi ko alam kung saan. Nagpahila na lang din ako sa kaniya.
Hindi naman importante sa akin kung saan kami pupunta, ang mahalaga, kasama ko siya pagpunta sa lugar na 'yon. Hindi ako matatakot o mangangamba dahil alam kong nandiyan siya para protektahan ako... bilang kaibigan.
Patuloy lang kami sa pagtakbo ni Dashiell, ngunit nag-iingat pa rin kami dahil baka mabitawan niya 'yung mga dala naming pagkain. Maingat niyang hinahawakan ang kamay ko habang hinihila pa rin ako, ramdam ko ang simoy ng hangin na tumatama sa mga katawan namin pero mas hinuhugot ng magkahawak naming mga kamay ang atensyon ko.
Dumaan kami ni Dashiell sa may ilog, akala ko nga, titigil na kami r'on pero patuloy lang siya sa pagtakbo, hangga't sa tumigil na nga kami sa isang talon. Ito 'yung sinasabi niyang pwede naming kunan ng isda na pwede naming kainin.
Mukhang alam ko na ang plano niya, iihaw kami ng isda ngayong gabi. Naks, oras na para ipagmayabang ko ang natutunan ko kanina!
Inilapag na ni Dashiell ang dala niyang basket tsaka inilabas ang Telum niya, gano'n din naman ang ginawa ko. Tiningnan niya ako habang nakataas ang isa niyang kilay habang ako naman ay abot na sa langit ang ngisi.
"What the heck are you doing?" Kinagat ko ang ibaba kong labi tsaka inipon ang lakas ko para makagawa ako ng apoy gamit sa pulang apoy na nasa Telum ko. Tiningnan ko siya at mukhang manghang-mangha naman siya sa ginawa ko.
Well, hindi ko naman siya masisisi kung nakanganga siya ngayon, nakakabilib naman talaga kasi ang ginawa ko e! I really deserve a pat on my back!
"D*mn, you always surprise me with the things you do!" sabi ni Dashiell habang nakangiti nang napakalawak, inilagay ko naman 'yung kaliwa kong kamay sa aking beywang habang 'yung kanang kamay ko naman ay hawak-hawak pa rin 'yung espada ko.
"Well, ano na ba ang susunod nating gawin?"
"Well..." Inilibot niya muna ang kaniyang paningin sa buong paligid bago ako tiningnan uli.
"Hmm? Ano na namang naisip mo?" makahulugan kong tanong sa kaniya, baka kalokohan na naman kasi ang pumasok sa kukote niya.
Akala ko, simple lang ang lalabas sa bibig niya, pero namalayan ko na lang ang sarili ko na napanganga. Ramdam na ramdam ko na naman ang malakas na tibok ng puso ko dahil sa mga katagang kaniyang sinabi. Hindi ko na kayang pakalmahin ang puso ko, hindi ko na kayang itago ang nararamdaman ko para sa kaniya!
"Well, now we're here. Might as well call this... a date."
— — —
1 John 4:4
"You, dear children, are from God and have overcome them, because the one who is in you is greater than the one who is in the world."
— Un nouveau chapitre arrive bientôt — Écrire un avis