MARAMING araw ang lumipas ay naging ganoon nga ang takbo ng buhay ni Jin. Tuluyan siyang naging parausan ni Din ngunit sa tuwing nakikita niya kung gaano kasaya ang pamilya niya ay gumagaan naman ang kanyang kalooban. Tungkol naman sa kanila ni Marian ay tanging cellphone pa rin ang koneksiyon nila sa isa't isa. Hindi pa rin sila nakahanap ng paraan kung paano magkita.
"Jin, halika rito sandali," tawag ni Ryan.
Napatingin siya sa kinaroroonan ng mga magulang at ni Din. Kasalukuyan siya noong nakinood sa mga naglalaro sa computer. Nasa isang maliit sila na mall noon sa lungsod. Naisipan ng kanyang mga magulang na mamasyal at bumili na rin ng mga kakailanganin nila para sa pista.
Lumapit nga siya sa mga ito. Hawak ng kanyang ina ang isang kulay pulang damit na may pokemon na desinyo sa harap. Napangiti siya kasi ganoon din ang hawak ni Din na damit.
"Sa pista, gusto kong ito ang isuot ninyo, ha. Nakakamiss na kasi noong mga bata pa kayo palaging magkatulad ang suot ninyo," sabi ni Ryan.
Nagtitigan sila ni Din kapagkuwa'y nagngitian. Hindi niya napigilan ang sariling yakapin silang lahat. Napatanong siya sa Panginoon kung bakit hindi na lang niya gawing normal ang lahat sa kanilang dalawa ni Din para maging perpektong pamilya ulit sila. Hindi man biniyayaan ng karangyaan pero masaya naman.
Pauwi na sila noon nang makita niya si Marian kasama ang yaya nitong si Rebecca na kakababa lang ng sasakyan. Gusto sana niyang lumapit agad sa mga ito pero naalala niya si Din. Baka pagselosan nito si Marian at kung ano pa ang magawa nito.
Nakita niyang pumasok na sa naturang mall sina Marian at Rebecca. Napatingin siya kay Din. Nag-aabang na sila noon nang masasakyang tricycle.
Hinawakan niya ang kamay ni Din. "Tay, nay, sandali lang po. Magpapasama lang ako kay Din saglit. Bibili ako ng yosi," paalam niya.
Alam niyang labag sa kalooban ng mga magulang ang paninigarilyo pero matagal nang tanggap ng mga ito ang bisyo niyang iyon kaya pumayag na rin.
Inakbayan niya si Din at naglakad na sila papunta sa nakita niyang nagtitinda ng sigarilyo. Kaagad siyang bumili at nagsindi ng isa. Binigyan niya ang kambal at laking gulat niya nang tinanggap nito ang sigarilyo. Nagsindi nga ito at sunod-sunod na hitit-buga ng usok ang ginawa.
"Kailan ka pa natutong manigarilyo?" maang niyang tanong dito.
"Matagal na," nakangising tugon ni Din.
Ipinagkibit-balikat na lamang niya iyon.
"Ahmm... Din, may sasabihin sana ako sa 'yo," umpisa niya. Ang gusto niyang sabihin ay ang tungkol kay Marian.
"Ano 'yon, Jin?" tanong nito.
"Din, may crush kasi akong babae. Hindi ka ba magagalit?"
Hindi tumugon si Din. Namangha siya sa ginagawa nito. Kung anu-anong hugis ang lumalabas na usok mula sa bibig ng kambal. Napalunok siya nang maraming laway nang sa kakatitingin niya sa usok ng sigarilyo na binubuga ni Din ay may mga letrang nabuo.
H
I
N
D
I
Iyon ang mga letrang lumabas.
"Din, paano mo nagagawa ang ganyan?" nagtataka niyang tanong dito.
Tumingin lang sa kanya ang kambal at ngumiti.
"Hindi ka magagalit?" Gusto niyang ibalik kay Marian ang usapan.
"Ayoko sa mga bakla!" Tanging tugon ni Din at naglakad na ito pabalik sa kinaroroonan ng mga magulang.
Lumuwag ang kanyang kalooban. Wala naman palang problema kay Din si Marian. Sumunod na siya rito. Nakita niyang may tumigil na tricycle sa tapat ng mga magulang.
"Bilisan ninyo!" tawag ni Ryan.
Napatakbo siya at inakbayan si Din. Mabilis silang naglakad.
"Nay, tay, mauna na kayong umuwi," sabi niya.
"Bakit naman, 'nak?" kunot-noong tanong ni Adela.
Napakamot siya ng ulo. "Kasi, nay, may nakita akong kakilala na pumasok sa loob. Kukumustahin ko lang sana," tugon niya.
Nagtinginan ang kanyang mga magulang saglit.
"Sige, sige, pero h'wag kang magtatagal, ha," sabi ni Ryan.
"Opo, tay," natutuwa niyang sabi.
Nagpaiwan nga siya roon. Kaagad siyang pumasok sa mall nang mawala na sa paningin ang sinakyang tricycle ng kanyang pamilya.
Buti na lamang at hindi naman gaanong marami ang tao sa loob. Hindi rin ganoon kalaki iyon kaya panatag ang kalooban niyang makikita agad si Marian.
Nagpalinga-linga siya sa buong paligid.
"Hi, pogi..."
Napaawang ang kanyang mga labi sa narinig na pamilyar na boses.
"Puwedeng bente?"
Natatawa siyang lumingon. Ang nakabungis-ngis na mukha ni Marian ang tumambad sa kanyang mga mata. Kaagad niya itong niyakap nang mahigpit.
"Hoy! Bawal PDA rito," untag ni Rebecca sa kanila. Ngumiti siya sa butihing yaya ni Marian. Biglang sumagi sa isipan niya ang pangmumulistiya ng asawa nitong si Amos sa kanya noong minsang nalasing siya sa bahay ng mga ito. Pero pilit niyang iwinaksi sa isipan ang tungkol doon.
Natawa lamang silang dalawa ni Marian.
"Ano'ng ginagawa mo rito, yap?" tanong ni Marian.
"Namasyal lang kami ng pamilya ko rito, at saka may mga binili na rin. Nakita ko kasi kayong bumaba kanina sa sasakyan kaya pinauna ko na sila sa pag-uwi."
"Buti na lang at matalas ang pang-amoy ni yaya pagdating sa mga pogi. Nakita ka niya agad," natatawang sabi ni Marian na sinabayan naman ni Rebecca. Nakitawa na rin siya sa mga ito.
"H'wag kayo rito baka may magsumbong sa daddy at mommy mo," mayamaya ay sabi ni Rebecca.
Hinawakan ni Marian ang kamay niya at iginiya palabas ng naturang mall.
"Lalabas na tayo? Ano pala ang pinunta niyo rito?" maang niyang tanong.
"Nag-withraw lang kami sa bangko, yap. Wala naman kaming bibilhin," tugon ni Marian.
Napatango-tango na lamang siya. "Saan tayo ngayon? Uuwi na ba tayo?" tanong niya. Ayaw pa kasi niyang maghiwalay sila ng kasintahan nang mga sandaling iyon.
"Yaya, saan nga ba tayo ngayon pupunta?" tanong naman ni Marian kay Rebecca.
"Kayo ang bahala. Kung gusto ninyo, uuwi na lang muna ako sa amin tapos tawag na lang kayo kung uuwi na sa San Isidro," tugon ni Rebecca.
"Sure ka, yaya? Plano ko kasi sanang gumawa kami ng baby ngayon, e."
Sabay na natawa sina Jin at Rebecca sa sinabing iyon ni Marian.
"Bahala kayo sa buhay ninyo," sabi ni Rebecca.
"Seriously, gusto kong pumasyal tayo sa inyo, yaya. Mag-inuman ulit tayo sa bahay ninyo."
Napatingin si Jin kay Marian. Nagsalubong ang kanilang mga mata. Sa totoo lang ay tutol siya sa plano nito. Hindi pa siya handang harapin ang asawa ni Rebecca. Baka kung ano pa ang magawa niya kung muling pagkainteresan ni Amos ang kanyang pagkalalaki.