Ava's POV
MARAMING nagsasabi na kapag sinasaktan ng lalaki ang isang babae at hindi pa rin hinihiwalayan ng babae ang lalaki ay tanga at martir ang babae. Marahil nga ay ganoon ako. Isang tanga at martir. Ngunit masisisi ba ako ng lahat kung ang gusto ko lang ay isang buong pamilya? Gusto ko lang na may ama ang anak ko. At oo, kahit ganoon si Renzo sa akin ay mahal ko siya. Pinanghahawakan ko pa rin ang mga pangakong binitawan namin sa harap ng dambana ng Diyos ng kami ay ikasal…
"Ava!" Napapitlag ako mula sa pagkakatulala nang sigawan ako ni Renzo. Nasa hapag-kainan kaming dalawa at kasalukuyang nag-aalmusal.
"Renzo?"
"`Tang ina naman, e. Sabi ko, ipagtimpla mo ako ng kape! Kanina pa ako nagsasabi, nakatulala ka lang pala diyan!"
Sa lalim ng iniisip ko ay hindi ko namalayan na may iniuutos pala siya.
"P-pasensiya na. Sandali lang at ipagtitimpla kita." Tumayo agad ako at ipinagtimpla siya ng kape.
"Bakit ba parang ang lalim ng iniisip mo, ha?" usisa ni Renzo nang inilagay ko na sa harapan niya ang tasa ng kape na hinihingi niya.
Umupo muna ako bago sumagot. "`Yong dalawang lalaki na parang nagmamatyag dito sa bahay." Pagsisinungaling ko. Ayaw ko kasing sabihin na ang iniisip ko talaga ay ang takbo ng aming relasyon. "Sila ang iniisip ko. Baka kasi masasamang loob na nagbabalak na magnakaw."
"`Sus! `Wag mo nang iniisip ang mga iyon. Ang lakas lang ng loob nila kapag nagnakaw sila dito sa subdivision natin. Maganda ang security dito. Hindi sila makakalabas dito kapag gumawa sila ng masama!"
"Sabagay. Tama ka. Baka mali din ako ng naiisip… Oo nga pala, kailangan ko nang mag-grocery, Renzo. Hihingi sana ako sa iyo ng pera."
"Mamaya bibigyan kita pagkatapos natin mag-almusal. Aalis nga pala ako. Birthday ng katrabaho ko. Sa resort sa Pansol gaganapin. Hindi na ako dito matutulog kaya huwag mo na akong hintayin. Bukas na ng umaga ang uwi ko."
"Ganoon ba? Anong oras ka aalis?"
"Pagkatapos nating kumain ay mag-aasikaso na ako."
"Sige. Mag-iingat ka doon, ha."
Pagkatapos ng almusal ay inasikaso ko na agad ang paghuhugas ng pinagkainan namin ni Renzo. Habang abala ako sa ginagawa ko ay nilapitan ako ni Renzo at may ipinatong siyang pera sa gilid ng lababo.
"O, `ayan na ang pang-grocery mo," aniya. May nakasampay na tuwalya sa balikat niya kaya nahinuha kong maliligo siya. May lakad nga pala siya ngayon.
"Maraming salamat," sabi ko at pumasok na siya sa banyo.
Tinapos ko na ang paghuhugas ng mga pinggan at kubyertos. Tinuyo ko ang kamay ko at kinuha ang perang ibinigay ni Renzo. Napakunot ang noo ko dahil three thousand pesos lang iyon. Usually kasi ay five thousand pataas ang ibinibigay niya na pang-grocery ko kapag nanghihingi ako sa kaniya. Alam naman niya na medyo mahal ang gatas ni Eris kaya malaki talaga ang kailangan naming pera para sa grocery.
Baka nagkamali lang siya ng bilang. Paglabas niya ng banyo ay kakausapin ko na lang siya.
Pinupunasan ko ang mga display sa salas nang lumabas si Renzo sa banyo. Nakatapis lang siya ng tuwalya at basa ang buhok. Tinawag ko siya. Huminto siya at tiningnan ako. Wala pa nga akong sinasabi pero parang naiirita na agad siya sa akin.
"Bakit?" Malamig niyang tanong.
"Renzo, three thousand kasi `yong naibigay mo sa akin na pang-grocery…"
"O? Ano naman ngayon? Tatlong libo nga `yon. Hindi ka ba marunong magbilang?"
"Ano kasi… Kulang kasi iyon. Alam mo naman na mahal ang gatas ni Eris, `di ba?"
"Ava, `yan na lang ang perang kaya kong ibigay sa iyo ngayon. Okay? Magbawas ka ng mga binibili mo. O kaya ibang brand ng gatas ang bilhin mo. Iyong mura. Matuto ka namang magtipid. Alam mo naman na ako lang ang kumakayod sa bahay na ito! Peste!" Matalim ang mata niya sa akin.
Tumango-tango ako. "Okay. Sorry… Sige, magbabawas na lang ako sa mga bibilhin ko."
Hindi na siya umimik. Pumasok na siya sa kwarto.
Parang biglang sumakit ang ulo ko sa mga sinabi ni Renzo. Ang hirap kasing pagkasyahin ng tatlong libo sa mga bibilhin ko. Mahihirapan din akong magbawas lalo na't lahat ng binibili ko ay importante at kailangan namin dito sa bahay. Iyong sa gatas naman ni Eris, parang ayokong mag-iba ng brand. Sa gatas kasi na binibili ko hiyang ang anak namin. Pero bahala na mamaya sa grocery. Gagawa na lang ako ng listahan para alam ko kung ano ang mga dapat kong bilhin.
-----ooo-----
INUNA ko muna ang pagbili sa gatas ni Eris. Wala akong choice. Iyong pinaka mura at hindi naman talaga para sa edad niya na powdered milk ang binili ko. Pagkatapos ay saka ko pinagkasya ang natirang pera para sa pang-stock namin sa bahay. Mabuti na lang at marami pa kaming bigas kaya hindi ko na kailangan pang bumili niyon.
Talagang kimukwenta ko sa calculator ng cellphone ang presyo ng inilalagay ko sa cart. At nang halos umabot na iyon sa budget ko ay pumila na ako para magbayad. Binawasan ko ang karne at medyo dinamihan ko ang gulay. Mas mura kasi ang gulay ngayon kesa sa karne.
Sa pila ay nakatulala lang ako. Iniisip ko kung bakit bigla akong tinipid ni Renzo sa budget sa grocery. Dati naman ay malaki ang ibinibigay niya sa akin. Hindi na siya nagtatanong. Pero kanina ay iba. Nasumbatan pa nga niya ako, e.
"Miss, pwedeng umabante ka na?"
Nang marinig ako ay doon ko lang nakita na malayo na pala ang agwat ko sa sinusundan ko sa pila. "Pasensiya na po…" Nilingon ko ang babaeng nagsalita. Nagulat ako nang malaman kong si Lally pala iyon.
"Ava! Ikaw pala iyan!" Isang malaking ngiti ang sumilay sa labi niya nang makita ako.
"Lally. Kumusta?" Isang pilit na ngiti ang iginanti ko. Umusog na ako paunahan. "Bakit ikaw ang nag-go-grocery? Wala ka bang kasama?" Awkward man ay ayoko namang isipin niya na suplada ako kaya gumawa ako ng way para magkausap kami habang nasa pila.
"Nag-aalala ka ba dahil sa sakit ko? Ano ka ba? Hindi naman ako baldado para hindi makapag-grocery saka kasama ko si Anjo. Hindi naman ako no'n papabayaan. May binibili lang siya sa ACE Hardware. Nasira kasi iyong gripo namin. Siya ang mag-aayos."
Isang tanong lang naman ang sa akin pero ang dami na niya agad nasabi. Talagang ma-chika pala itong si Lally. Ang sarap niya sigurong maging kaibigan kasi madaldal. Kaya lang ang awkward kung magiging magkaibigan kami lalo na at alam niyang ex ako ng asawa niya.
Pero bigla akong nainggit sa mga sinabi niya. Kahit kailan kasi ay hindi nag-attempt si Renzo na mag-ayos sa bahay kapag may sira. Madalas ay ako pa ang gumagawa o kapag hindi ko na kaya ay saka kami tumatawag ng pwedeng mag-ayos. Parang ang sarap lang sigurong makita ang asawa mo na nag-aayos ng sirang gripo o nagre-repair ng upuan at lamesa.
Teka, ako na pala ang susunod sa counter. Nilingon ko si Lally para magpaalam sa kaniya.
"Hintayin mo ako, ha?" aniya.
Hindi na ako nakapagsalita pa sa sinabi ni Lally. Naglalakad kasi ako habang itinutulak ang cart papunta sa counter nang magsalita siya.
Talagang nagpapahintay pa siya? Iniiwasan ko na nga siya at si Anjo tapos magpapahintay pa siya? Ano bang gusto niya? Baka friendly lang talaga siya. Ako lang talaga itong kung anu-ano ang iniisip. Pero kapag hinintay ko siya, may chance na magkita kami ni Anjo.
Bakit parang na-excite ako sa aking naisip?
Ah! Hindi ko dapat nararamdaman ang ganito. Mali! Mali!
Pagkatapos kong magbayad sa counter ay si Lally na ang sumunod. Inilagay ko muna sa cart ang dalawang kahon ng mga pinamili ko para hindi ako mabigatan. Nasa isang gilid lang ako at hinihintay siya. Hindi ako papayag na magkita kami ni Anjo. Magpapaalam lang ako kay Lally at uuwi na ako. Ayokong umalis na lang at baka isipin niyang bastos pala ang ex ng asawa niya.
"Ava? Ikaw nga!" Nanlamig ako nang makita ko si Anjo sa harapan ko. Malaki ang pagkakangiti niya. "Kumusta ka na?"
"O-okay naman. Hello!" Hindi ko alam kung ngingiti ako o ngingiwi.
"Teka, nandito din si Lally, e."
"Nagkita na kami. `Ayon siya." Itinuro ko ang asawa niya na nagbabayad na.
"Nag-grocery ka rin pala. Pauwi ka na ba?"
"Oo, e. Kailangan ko nang umuwi. Magluluto pa ako."
"Ganoon ba? Magkakape kasi kami ni Lally pagkatapos." Tiningnan nito si Lally na kasalukuyang binubuhat na ang isang kahon ng mga pinamili nito. "Ay, sandali lang, ha."
Patakbo itong lumapit kay Lally at inagaw nito ang kahon na bitbit ng babae. "Ano ka ba? Hindi mo na ako hinintay. Hindi ka dapat nagbubuhat ng mabibigat, `di ba?" Puno ng pag-aalalang sabi ni Anjo sa asawa.
"Hindi naman mabigat, e. Akin na. Tutulungan na kita!"
Inilayo ni Anjo ang kahon dito. "Ayoko. Ako na ang magbubuhat," giit ni Anjo.
Mas lalo akong kinain ng inggit at panghihinayang sa aking nasaksihan. Naalala ko tuloy noong kami pa ni Anjo. Noon pa man ay gentleman na siya. Hindi siya papayag na hindi niya ako tutulungan kapag marami akong dalang aklat. Minsan ay siya pa ang nagdadala ng bag ko kapag alam niyang pagod ako. Inihahatid niya ako sa bahay para masiguro niyang ligtas ako na makakauwi kahit medyo malayo ang bahay niya sa bahay namin.
Shit! Nakita mo na kung ano ang pinakawalan mo, Ava? Ang tanga-tanga mo! Bulyaw ko sa sarili. Baka nga si Renzo na ang karma ko dahil hindi ko siya pinili. Hindi kaya?
"Sasama ka ba sa amin magkape? Treat ni Anjo!" Iniangkla pa ni Lally ang braso sa braso ni Anjo. Kung hindi ko alam na may sakit siya ay iisipin kong pinagseselos niya ako. "Pero doon lang sa mumurahin, ha? Hindi sa Starbucks!" Mahinang tumawa si Lally.
`Buti pa siya. Kahit may sakit at may taning ang buhay ay nagagawa pa ring ngumiti ng totoo. Tapos may asawa pa siya na sobrang mapagmahal. Samantalang ako? `Eto nga at walang sakit pero malungkot naman sa piling ng aking asawa. Parang gusto ko na tuloy makipagpalit ng katauhan sa kaniya.
Umiling ako. "Naku, huwag na. Kailangan ko na rin talagang umuwi, e. Pasensiya na. Hayaan ninyo, sa susunod ay sasama na ako sa inyo," pagtanggi ko.
Hindi ako tanga para pumayag at makasama pa silang dalawa ng ilang oras. Ano ito? Sasaktan ko ang sarili ko sa panonood sa sweet moments nila? To-torturin ko sarili ko? Hindi, `no.
"Sayang naman. Kahit saglit lang…"
"Lally, hayaan na lang natin si Ava. May ibang araw pa naman, e," ani Anjo.
Bumagsak ang balikat ni Lally at bahagyang nalungkot ang mukha. "Hay… Sige na nga. Basta sa susunod ay bawal ka nang tumanggi, Ava. Magtatampo na talaga ako sa iyo. Joke lang!" At nag-peace sign siya sa akin.
"Promise! Nagkataon lang kasi na busy ako."
Mabuti na lang at sinegundahan ako ni Anjo na huwag nang sumama sa kanila. Kaya pagkatapos naming magpaalam sa isa't isa ay humiwalay na ako sa kanilang dalawa. Pumila na ako sa sakayan ng tricycle. Mas mura sana kung mag-ji-jeep ako pero mahihirapan naman ako sa dala kong dalawang kahon ng mga pinamili ko.
Mabilis akong nakasakay at nagpahatid ako sa bahay namin.
Habang nasa biyahe ay nakatulala ako. Tumatakbo sa isip ko si Anjo. Ano bang meron at nagkita na naman kami? Iniiwasan ko na nga siya pero bakit parang masyadong mapagbiro ang tadhana?
Mas lalo ko tuloy nakita kung ano ang pinakawalan ko. Sa kaunting oras na nakita ko si Anjo kung paano siya bilang asawa kay Lally ay nakita ko kung gaano siya kabuting haligi ng tahanan.
"Hay… Nakakainggit naman si Lally…" Malungkot kong sabi.
Maya maya lang ay pumasok na ang tricycle sa subdivision kung saan kami nakatira. Pagliko sa street kung saan nakatayo ang bahay namin ay napansin ko agad na may dalawang lalaki na nakatayo sa harapan ng bahay namin ni Renzo. May motor sa tabi nila at agad akong kinabahan.
Hindi ako maaaring magkamali. Sila `yong pabalik-balik na parang nagmamatyag sa bahay namin noong isang araw!
Tinapik ko sa braso ang driver. "Kuya, ihinto mo po muna," sabi ko. Huminto naman ang tricycle. "Sandali lang, kuya, ha. Pakihintay lang ako dito."
Nilakasan ko ang loob ko na lapitan ang dalawang lalaki. Sa medyo malayo ko pinahinto ang tricycle at baka maalerto sila kapag sa malapit sa mga ito. Habang naglalakad ako palapit sa kanila ay mas lalong lumalakas ang kabog ng aking dibdib. May kutob kasi ako na hindi sila mapagkakatiwalaan. Hindi ko kasi sila kilala tapos patingin-tingin sila sa bahay namin.
Halos isang dipa na lang ang layo ko sa kanila nang mapatingin sa akin iyong isang lalaki. Kita ko ang gulat sa mukha niya. Tinapik niya ang kasama niya at kapwa nakatingin sila sa akin.
"Sino kayo? Anong kailangan ninyo?" Malakas kong tanong habang papalapit sa dalawa.
"Tara na!" Narinig kong sabi no'ng isa.
Mabilis na sumakay ang dalawa sa motor at pinaandar iyon palayo. "Hoy! Bumalik kayo dito!" sigaw ko. Pero wala na akong nagawa nang tuluyan na silang mawala sa paningin ko.
TO BE CONTINUED…
— Un nouveau chapitre arrive bientôt — Écrire un avis