Nang magmulat si Banri Tatsuya ng kanyang mga mata ay muli niyang naramdaman ang bigat sa kanyang dibdib. Paulit ulit lamang ang mga nagdadaang araw sa isang katulad niyang may kapansanan.
Hindi na makalakad si Banri, dahil sa kanyang sakit na kung tawagin ay "Multifocal acquired motor axonopathy" kung saan inaatake ng immune system ang nervous system ng kanyang katawan.
Kaya naman nagdudulot ito ng inability para maigalaw ang ilang bahagi ng katawan, at sa case ni Banri inatake ng kanyang sakit ang kanyang pang ibabang katawan, mula sa kanyang balakang papunta sa kanyang paa kaya naman hindi na siya nakakalakad.
Sampung taong gulang siya nang tamaan ng kakaibang sakit na ito. At simula noon ay hindi na siya nakalakad, sampung taon na rin ang lumipas at siya ay bente anyos na ngayon.
Isang dekada na siyang lumpo, at pabalik balik ng hospital para sa kanyang mga follow-up check up. Dahil ayon sa doktor kapag hindi na manage ang kanyang sakit ay magdudulot iyon ng komplikasyon sa iba pang parte ng kanyang katawan.
Dating active sa sports si Banri, noong elementary siya ay kasali siya sa Track and field team. Mabilis kasing tumakbo si Banri, marami na siyang mga trophy at medalyang naiuwi.
At siya na sana ang ilalaban sa ibang rehiyon nang panahon na iyon, nang biglang magising siya na hindi niya maramdaman ang kanyang mga paa, nagsisigaw siya sa takot at gulat. Dahil hindi niya rin ito maigalaw.
Kaya naman dinala siya noon sa Hospital at ilang araw siyang sinuri ng doktor hanggang sa nagkaroon na siya ng diagnosis. At gumuho ang mundo niya at mga pangarap nang Sabihin sa kanila ng doktor, na habambuhay na siyang hindi makakalakad.
Tanging pag iyak na lang ang nagawa niya noon, habang yakap siya ng kanyang mga magulang.
At simula nang araw na iyon, ay hindi na nga nakalakad si Banri. Pinili ng mga magulang niya na pumasok parin si Banri sa school kasama ang body guard na hired ng kanyang mga magulang para sa kanya, at ito rin ang nagtutulak ng wheelchair niya. Pero hindi naging madali ang lahat para kay Banri, dahil naging tampulan siya ng tukso.
Natanggal na rin siya sa team ng track and field, marami ang naawa sa kanya, ngunit meron din mga nambully sa kanya. Hanggang sa isang araw, ayaw na niyang pumasok sa eskuwela hindi na niya kinaya ang pambu bully sa kanya, pati na rin ang kanyang pagka lugmok, dahil habang nag ti training na ang Track and field team ay siya naman ay napako na lamang sa pagkakaupo sa kanyang wheelchair.
Bumaba ng husto ang kanyang self esteem at kumpiyansa sa sarili. Kaya naman nagpasya siyang mag home school na lang, bagay na pinahintulutan na lamang ng kanyang mga magulang.
Dahil batid nila ang pinagdadaanan ng kanilang anak, sa pagka lugmok nito sa kanyang sitwasyon.
At simula nga noon, ay umikot na lamang ang kanyang mundo sa apat na sulok ng kanyang kwarto, tanging guro niya na pumupunta sa kanila ang kanyang nakaka salamuha.
Lumalabas na lamang din siya kapag may check up sa Hospital.
Nawalan ng kulay ang kanyang mundo. Nalungkot naman ang kanyang mga magulang sa sinapit ni Banri, dahil siya ay nag iisang anak lang din nila, at hangad sana ng mga ito ang magandang buhay at kinabukasan ng kanilang anak, ngunit pinagkait ito ng kanyang kakaibang sakit.
Mayaman ang mga magulang ni Banri, maraming mga lupain, ari arian at ibat ibang negosyo. Ngunit sa dami ng pera nila hindi parin nito kayang pagalingin ang sakit ng anak.
Hanggang magtapos nga ng highschool si Banri ay homeschool siya, hindi na siya nag college pa, dahil iniisip niya wala na ring saysay kung magka college pa siya, dahil para sa kanya ang isang tulad niyang PWD ay walang lugar at saysay sa lipunan.
Kaya naman pagkatapos niya ng highschool ay wala na siyang ibang inatupag kundi, gumuhit na lamang at maglaro ng maglaro ng mga online games.
Tanging mga video games, online games, at ibat ibang larong MMORPG o Role play games ang nagpapasaya kay Banri. Sandali niyang nakakalimutan ang reyalidad kapag nasa laro siya, yung character niya sa laro pakiramdam niya siya iyon, na malayang nakakalakad at nakakapag lakbay at nagagawa ang gusto.
Sa Online RPG games marami ding nakilala si Banri na ibang player, nagkikita kita ang mga character nila sa laro at nakakasama niya ang mga ito sa adventure sa laro, pag gawa ng mga quest at pag e explore sa mundo ng laro.
At sa sandaling mag log out siya sa laro, bumabalik siya sa reyalidad. Na isa lamang siyang lumpo na umiikot lamang ang mundo sa apat na sulok ng kanyang silid.
At muli lamang bumabalik ang sigla niya kapag naglalaro siya ng online games. Na para bang ito na lang ang nagbibigay ng pag asa sa kanya.
Kaya naman supportive sa kanya ang mga magulang niya. Lahat ng mga bagong labas na laro ay binili ng mga magulang niya para sa kanya, sinasamahan din siya sa mga event kapag may mga bagong launch ng games, at pag may mga cosplay event ng mga characters ng mga video games na paborito niyang laruin.
Hanggang sa isang araw na bored na si Banri, sa sandamukal na video games, at online Role play games na kanyang nilalaro.
Pakiramdam niya paulit ulit na lang, at parang wala na siya gana.
At isang araw, naka higa lang siya sa kama niya at nakatitig sa kisame, nag iisip ng bagong pagkaka abalahan na pamalit sa online games.
Nang biglang pumasok ang Papa niya sa kwarto niya.
"Banri, may magandang balita ako sa'yo," Nakangiting sabi ng Ama.
"Ano yun Pa?" Takang tanong niya tapos ay tinulungan siya nitong makaupo mula sa pagkakahiga sa kama.
"May bagong ilalabas na laro ngayon, at suportado ng gobyerno, ang laro na ito, ay hindi basta basta. Lahat ng pinakamagagaling na game developer ang gumawa ng laro na ito. Gusto mo ba anak bibili tayo, next week daw ilalabas ang laro."
"Eh Pa, ano kasi... Na bored na ko sa mga laro na yan, paulit ulit na lang kasi. Hindi na muna ako bibili pa."
"Anak, sinasabi ko sa'yo, iba 'tong laro na 'to. Hindi 'to basta basta... Dahil ikaw mismo ay mapupunta sa mundo ng laro na iyon, tapos kapag nandoon ka na, pwede ka ng makalakad at wala kang kapansanan."
Lumaki ang mga mata ni Banri sa sinabi ng Papa niya.
"Talaga Pa?" Di makapaniwalang tanong ni Banri
"Oo anak, ganoon ka lupit ang laro na yun, panoorin mo yung trailer sa website ng game developer, ginagawa talaga nila ang laro na 'to para sa mga katulad mong person with disability. Para magkaroon kayo ng panibagong mundo, at maranasan niyong maging normal. Pero pupwede rin naman doon maglaro ang walang kapansanan. Pero yun nga ang goal nila maging masaya at magparticipate sa laro ang may kapansanan."
Nangislap ang mga mata ni Banri sa sinabi ng kanyang Papa.
Naalala niya yung pinapanood niya na Anime na "Sword art Online, kung saan ang bidang lalake ay napunta sa laro. Nagkaroon siya ng excitement at muling nabuhay ang kanyang loob.
"Anak, ito na... Mabagago na ang buhay mo, magagawa mo na lahat ng gusto mo. Bibilhin ko ang laro na iyon anak, kahit magkano pa yun, para sa'yo, maging masaya ka lang," Seryosong sabi ng Papa ni Banri. Sa sobrang tuwa ni Banri ay napayakap siya sa kanya Papa.
"Pa, salamat, maraming salamat..." Sambit ni Banri sa Ama.
Kaya naman, inabangan ni Banri at kanyang Papa ang release day ng laro sa susunod na linggo. Pareho silang excited, suportado rin naman ang kanyang Ina.
At isang araw nga bago ang release ng laro, ay biglang nag announce ang game developer sa website nila ng presyo ng laro.
At sabay sabay silang nagulat sa presyo nitong Isang Bilyon.
"Grabe, sobrang mahal naman ng laro na yan! Isang kalokohan iyan!" Di makapaniwalang sabi ng Mama ni Banri.
Bigla ay nalungkot si Banri, dahil akala niya mababago na ang buhay niya, pero masyadong malaki ang 1 bilyon para lang gastusin sa laro.
Batid niyang kaya itong ibigay ng magulang niya, pero... Baka maibenta ang ilan sa mga ari arian, lupain at negosyo nila para magkaroon ng 1 Bilyon pambili sa laro.
At ayaw niyang gumastos ng ganoon kalaki ang magulang niya para lamang sa luho niya.