Télécharger l’application
42.1% Katok (Knock On Wood) / Chapter 8: Seven

Chapitre 8: Seven

Pilit naming pinipigil ang tawa namin habang pasimpleng umaakyat pabalik sa kwarto ko. Hindi namin inaasahan ang maaabutan namin pagbaba namin. Nalaglag lang pala si Lanz sa upuan habang inaayos ang mga nakasabit na picture frame. Kailangan na kasing palitan yung picture ni Lola na nakasabit dahil medyo luma na at hindi na maaninag ang mukha niya kaya nagparestore kami ng iba niyang picture at yun yung pinakabit nila kay Lanz.

Pagkabalik namin sa kwarto ay tinuloy na ni Leila ang pagbabasa sa diary ko habang ako naman ay pilit nililibang ang sarili ko sa pagkanta habang ginagawang drums ang lamesa. Natigilan ako nang bigla kong makita ang isa ko pang notebook na nakagitna sa koleksiyon ko ng mga komiks at inusisa ang laman nito.

Mga drawing ko noong kasalukuyang kasama pa ako sa banda nila Lanz. Mga simpleng drawing lang ng lugar na madalas namin puntahan. Mga halamang nakikita ko sa tambayan o kung saan man kami mapadpad para mag-ensayo sa banda. Hindi kami madalas makapunta sa mga rental studio para magsanay ng mga kanta dahil hindi kami madalas magkaroon ng budget pambayad.

Hindi pa man ako nakakaabot sa kalahatian ay puro blangko na ang mga sumunod na pahina. Isasara ko na sana ang notebook nang bigla kong mapansin ang ilang nakatuping pahina ng notebook kaya binuklat ko ang mga pahinang iyon at nagulat ako sa mga nakadrawing sa nasabing mga pahina.

Una ay isang bata na nakatayo sa gitna ng mga sirang gitara. Nakangiti ng todo ang batang lalaki habang hawak-hawak ang isang fretboard na sira-sira habang may nakakabit na mga putol na string. Pangalawa, nakasakal sa isang lalaki ang cord ng isang electric guitar habang nakapulupot sa kanya ang mga string na magkakaiba ng size. Pangatlo, nakatusok sa mata ng isa pang lalaki ang mga drumstick habang nakapaligid sa kanya ang mga sirang drum toms at cymbals.

Hindi ko na nailipat pa sa iba pang mga drawing dahil biglang sumakit ng todo ang ulo ko dahilan para mapasalampak ako sa sahig na sinundan ng pagsusuka ko ng likido. Pilit kong nilalabas ang laman ng sikmura ko ngunit puro tubig lang ang lumalabas dahil siguro sa hindi ko pagkain ng agahan bago umalis kanina.

Nag-umpisa nang umikot ang paningin ko habang patuloy ako sa pagduwal. Nakikita ko ang reaksiyon at ginagawa ni Leila pero hindi ko na marinig ang mga sinisigaw niya. Unti-unting nagdidilim na ang paningin ko habang halos sumubsob na ako sa sahig. Pilit kong pinipigil na mawalan ng malay at pinananatiling nakadilat ang mata ko nang biglang tuluyang nagdilim ang paligid ko.

Napunta ako sa isang madilim na lugar habang nakasubsob sa sahig. Namimilipit ako sa sakit ng ulo at tiyan ko. Pilit kong pinapakalma ang sarili ko at sinusubukang labanan ang matinding sakit na nagiging dahilan ng pamimilipit ko. Ganunpaman, hindi ko tinatanggal ang pagiging alerto ko at nakikiramdam pa rin ako sa paligid.

Nawala ang sakit na nararamdaman ko sa magkaibang bahagi ng katawan ko. Gumagaan ang pakiramdam ko at nagiging mas maayos na ang pandama ko. Naging kalmado ang isipan ko at mas naging alerto na ako dahilan para maghinala ako sa lugar na kinalalagyan ko at ilibot ang paningin ko sa buong paligid ko.

Wala akong ibang nakita kundi purong kadiliman hanggang sa may magsalita at tumawag sa pangalan ko. Lalo akong naging mas maingat. Alam ko sa sarili ko na narinig ko na sa kung saan man ang malalim at nakakakilabot na boses na iyon na halos bumalot sa buo kong pagkatao at lamunin ang lahat ng kumpiyansa at tapang ko.

"Nagkita tayong muli, Jiojan", lumamig ang pakiramdam ko at nakaramdam ako ng bigat sa mga balikat ko. May namumuong liwanag sa harapan ko at bumubuo ng hugis ng isang tao. Napaatras ang kaliwa kong paa dahilan para maramdaman ko ang nginig ng mga tuhod ko.

"S-sino ka?", Hinugot ko na ang lahat ng lakas ng loob ko para masigaw ko ang mga katagang iyon pero lalong bumigat ang mga balikat ko. "Magpakita ka", hindi ko alam kung tama bang sinabi ko iyon pero huli na ang lahat para isipin ko pa iyon.

Lumitaw sa harapan ko ang imahe ng sarili kong nakangiti habang magkasalubong ang mga kilay. Maputla ang kulay at nanlilisik ang mga mata. Bukod sa mga detalyeng iyon ay parehong pareho na ang wangis naming dalawa. Eksaktong kopya ng sarili ko.

"H'wag ka nang tumakas. Hayaan mo na lang akong bumalik muli sa katawan natin", hindi ko maintindihan kung ano ang ibig niyang sabihin. Nablangko na masyado ang utak ko. Hindi na ako makagalaw. Patuloy pa rin sa panginginig ang mga tuhod ko. Mabigat pa rin ang mga balikat ko.

Lumapit siya sa akin at hinawakan ang isa kong balikat dahilan para mapaluhod ako. Hinawakan niya ang baba ko at pinatingala ako para magtagpo ang mga mata namin dahilan para balutin ako ng takot. Nilapit niya ang mukha niya sa akin kaya napasinghap ako at napatigil sa paghinga. Naramdaman ko na lang ang dahan-dahang pagpulupot ng mga daliri niya paikot sa leeg ko at dama ko ang lamig ng mga ito.

Nagising ako na naghahabol ng hininga. Pagdilat ko pa lang ay nakita ko na ang mga taong nakapalibot sa akin. Si Mama, Si Papa, Si Leila, Si Klaire at Si Lanz. Limang taong nakatitig sa akin habang nakakunot ang mga noo. Sinubukan kong umupo kaya inalalayan ako ni Klaire na siyang pinakamalapit sa akin.

"Ano ba ang nangyari sa akin?", tanong ko habang nakahawak sa kanang sentido ko.

"Nagsuka ka kanina tapos nawalan ka ng malay", mabilis na sagot ni Leila.

"Oo nga. Tapos habang wala kang malay nag", hindi na natapos ni Klaire ang sasabihin nang biglang nagsalita si Leila.

"Nagpapawis ka. Pinunasan na namin kaya wala na", biglang putol ni Leila kay Klaire.

"Ah, Jio labas na kami ng pinsan mo mukhang ayos ka naman na", singit na sabi ni Lanz at hinatak na niya palabas si Klaire. Dinig ko pa ang bulungan nila habang papalabas sila sa kwarto ko. Sinundan naman sila nila Mama at Papa na tinapik lang ako sa binti bago lumabas ng kwarto.

Naiwan kaming dalawa ni Leila sa kwarto. Ilang minutong naging tahimik ang kwarto habang napapansin kong umiiwas ng tingin si Leila sa akin. Nagtaka ako kaya nakatitig lang ako sa kanya at hinahantay na lumingon siya sa akin. Ilang minuto pa ang lumipas at nanatiling walang kibo si Leila.

"Ano ba talagang nangyari?", tanong ko kay Leila na dahilan para unti-unti niyang iangat ang ulo niya at tumingin sa akin.

"Sinabi ko na, 'di ba?", sagot nito. Halata sa kilos niya ang pagkailang dahil sa malikot niyang mata na kung saan-saan tumitingin.

"Ah ganon ba? O sige lalabas muna ako papahangin", sabi ko habang dahan-dahang tumatayo.

Lumabas ako ng kwarto at iniwan ko si Leila sa kwarto ko at dumiretso ako sa labas kung saan ko nakita si Lanz na nakatayo at naninigarilyo. Nilapitan ko siya at tumingin ako sa paligid. Napabuntung-hininga ako bago ko siya hinarap.

"Pwede ba akong makakuha ng isa?", tanong ko na halatang ikinagulat ni Lanz.

"Nag-quit ka na di ba? Bakit?...", hindi niya itinuloy dahil na rin siguro sa pagkabigla at tinitigan niya muna ako ng halos isang minuto bago kinuha ang kaha at binigyan ako ng isang stick ng sigarilyo.

"Pagkaalis ko sa banda nag-quit na ako. Pero sa nangyayari sa akin nitong mga nakaraan parang masyado akong na-stress kaya mukhang kailangan ko munang makaharap ito for a while", paliwanag ko nang hindi tumitingin kay Lanz habang sinisindihan ang sigarilyo.

"Ahhhhhhh. Sabi mo eh", sagot niya sabay iwas ng tingin. Tumitig muna kami sa kawalan bago muling nagtagpo ang mga tingin sa isa't isa.

"Bakit?", tanong ko habang nakatingin sa kanya.

"Ah wala wala. Naisip ko lang na ang nostalgic nito. Ganitong-ganito tayo nung band days pa natin", sagot niya habang nakangiti.

"Teka. Nababading ka ba sa akin?", pabiro kong tanong sa kanya.

"Siraulo", sagot niya na sinundan ng pag-iling.

Tumawa kaming dalawa habang tinatapos namin ang pagpapausok at pagpatay sa mga lamok na paikot-ikot sa aming dalawa. Napatingin ako sa likod ko at nakita ko si Leila at Klaire na nakatayo sa harapan ng gate at hinahantay na matapos kaming dalawa habang nakapoker face. Sabay naming tinapon ang mga filter ng sigarilyo namin bago bumalik sa dalawa.

Sabay-sabay kaming bumalik sa loob at nakisalo sa iba pa naming mga kamag-anak. Napuno ng kwentuhan at pagbabalik-tanaw ang gabing iyon. Magkamustahan ang mga magkakapatid at magpipinsan sa isa't isa. Sa ganitong paraan ginagawa ng pamilya namin ang respeto sa kamag-anak na sumakabilang-buhay na.

Habang isa-isang nag-uuwian ang iba naming kamag-anak ay bumalik na ako sa kwarto ko at ginugol ang oras sa pagbabasa ng iba't ibang librong na-miss kong basahin. Kinamusta ko rin ang mga koleksyon ko ng mga action figure na matagal ko nang hindi nakikita at hindi ko nadala at hindi ko rin binalak dalhin sa apartment unit ko.

Maghahating gabi na ng mahiga ako sa kama. Nakakapanibago. Parang bagong salta ulit ako sa lugar na kinalakihan ko. Iba ang pakiramdam ko. Pinipilit pa rin makibagay ng katawan ko sa paligid at pilit hinahabol ang antok na hindi ako dinadalaw. Halos isang oras din akong nakatitig sa kisame bago ako tuluyang nakatulog.

Napamulat ako dahil sa kakaibang pakiramdam. Napatingin ako sa madilim na paligid. Nasaan ako? Inusisa ko ang bawat sulok at saka ko lang natukoy kung nasaan ako. Nasa kwarto ko pa rin at nakahiga sa kama ko. Nakahinga ako ng maluwag at muling napapikit. Babalik na sana ako sa pagtulog nang may marinig akong tinig.

Mahina at pino lang ang tunog na parang may nabulong sa akin ngunit umaalingawngaw ito sa paligid na parang nasa loob ako ng isang kuweba. Palipat-lipat sa kaliwa at kanang tenga ko ang tunog na tila umiikot sa ulo ko ang taong nagsasalita. Minsan ay parang lumalapit sa akin ang tinig at minsan nama'y parang lumalayo.

Sinubukan kong tumayo para kumpirmahin kung saan galing ang tinig at doon ko lang napansin ang mga tanikalang nakapulupot sa buo kong katawan. Sinubukan kong pumiglas ngunit humihigpit ito. Tuwing gumagalaw ako ay lalong humihigpit ang tanikala dahilan para lalo akong hindi makagalaw.

Wala akong ibang magalaw kundi ang paningin ko. Hindi ko magalaw ang katawan ko. Hindi ko magalaw ang kamay ko. Hindi ko maibuka ang bibig ko para man lamang makapagsalita. Hindi ko mailingon ang ulo ko sa alinmang direksiyon. Wala. Wala akong ibang magalaw kundi ang paningin ko na paikot-ikot sa buong paligid. Hinahanap ang pinanggagalingan ng tinig.

Napasinghap ako nang makaramdam ako ng malamig na bagay na dumampi sa mukha ko. Tila may humawak sa mukha ko sa panandaliang oras lamang. Pumikit ako at humingang malalim saka muling dumilat.

Halos atakihin ako sa puso sa nakita ko nang bigla akong dumilat. Muli siyang nakangiti sa akin. Nanlilisik ang mga mata. Sa pagkakataong ito ay hindi na siya mula sa malayo kundi lumitaw siya sa mismong tapat ng mukha ko. Dama ko ang lamig ng paligid na tila binabalot ng yelo ang bawat sulok ng kwarto ko.

Bumigat na naman ang pakiramdam ko. Gusto kong sumigaw. Gusto kong humingi ng tulong ngunit wala akong magawa kundi ang matakot lang sa kanya at ang maya-mayang pagpikit para iwasan ang nakakasindak niyang tingin. Unti-unting nawawala ang ngiti niya sa mukha at sumiseryoso ang hitsura niya dahilan para lalo akong balutin ng takot.

"Akin... na itong... katawan na... ito... Ibalik mo na... sa akin...", putol-putol at garalgal ang boses na pagkakasabi ng isa pang ako. Nagbago ang boses niya. Lalong lumalim lalong lumamig sa pakiramdam lalong naging nakakatakot at mas nanunuot sa pandinig ang nakakatakot na tinig nito.

Nakita kong bumuka ang bibig nito. Napakalaki ng pagkakabuka na halos kasya na ang buo kong ulo dito. Kitang-kita ko ang maputla niyang lalamunan na parang naaagnas na. Nahati rin sa maraming bahagi ang dila nito na parang naging mga galamay ng pugita at binalot ang buo kong mukha. Binalot ng kadiliman ang paningin ko nang biglaang lamunin ako ng bibig nito.

Napaupo ako nang mabilis at nagising ako na maliwanag na ang sikat ng araw na pumapasok mula sa bintana ng kwarto ko. Nilibot muli ng paningin ko ang buong kwarto. Tila normal naman ang lahat. Isa na namang bangungot. Masamang panaginip na muli ko na namang uulit-ulitin sa utak ko hanggang sa matabunan ng panibagong masamang panaginip.

Tinignan ko ang oras. Alas sais y media ng umaga. Maaga pa pero bumangon na ako dahil alam ko sa sarili kong hindi na naman ako makakatulog ulit. Kinuha ko ang bag ko at inayos ang mga laman nito bago ako lumabas ng kwarto bitbit ito at bumaba para maggayak ng sarili at maghanda para sa panibagong araw ng trabaho.

Pagkababa ko ay naabutan kong naghahanda na ng agahan si Mama at nagbabasa na ng diyaryo si Papa. Tahimik namang nakatutok sa cellphone si Jane, ang kapatid ko. Naghimalamos muna ako at nag-toothbrush bago ako nagtimpla ng kape. Nilabas ko na rin ang uniporme ko para maihandang maplantsa.

Habang nagkakape ay paisa-isang inihahain ni Mama ang mga agahan na hinanda niya. Magkatapat kami ng upuan ni Papa. Hindi gaanong malayo sa isa't isa ngunit sapat na distansiya lang para hindi kami mag-usap. Wala rin akong ganang makipag-usap muna sa sinuman matapos ng mga masasamang pangitain na nakikita ko.

Hindi na ako nag-abalang kumain ng marami kaya matapos kong kumain ng ilang pirasong pandesal na pinalamanan ng peanut butter ay hindi ko na pinansin ang sinangag ay itlog na nakahain kaya dumiretso na akong maligo. Hindi rin ako natagalan sa pagligo. Halos sampung minuto lang ako sa banyo bago lumabas at nagbihis na rin ako kaagad.

Paglabas ko ng banyo ay gulat kong nakaplantsa na ang uniporme ko at susuotin ko na lang. Sinuot ko ito at muling ininspeksiyon ang laman ng bag ko kung wala ba akong nakalimutang ilagay. Napansin kong wala dito ang diary ko kaya muli akong umakyat sa kwarto ko para hanapin.

Pag-akyat ko sa kwarto ay agad ko itong hinanap sa bawat sulok. Sa study table, sa ilalim ng study table, sa ilalim ng kama, sa aparador at sa iba't ibang bahagi pa ng kwarto pero hindi ko ito makita. Inisip ko kung saan ko ito inilagay ngunit wala akong matandaan. Imposibleng na misplace ko lang ito dahil iniingatan kong huwag mawala ang diary ko. Naalala ko na binasa ito ni Leila kaya agad ko siyang tinawagan.

"Lei, nasa iyo ba yung diary ko", agad kong tanong pagkasagot niya pa lang ng tawag.

"Ah eh oo. Sorry nadala ko kahapon", sagot niya. "Dadalhin ko na lang sa apartment mo mamaya", dugtong pa niya.

"Sige sige. Puntahan mo na lang ako", sabi ko sabay pinatay ko agad ang tawag.

Agad din akong bumaba pagkatapos ko siyang tawagan. Iginayak ko ang sarili ko at nagpaalam bago umalis sa bahay.


Load failed, please RETRY

État de l’alimentation hebdomadaire

Rank -- Classement Power Stone
Stone -- Power stone

Chapitres de déverrouillage par lots

Table des matières

Options d'affichage

Arrière-plan

Police

Taille

Commentaires sur les chapitres

Écrire un avis État de lecture: C8
Échec de la publication. Veuillez réessayer
  • Qualité de l’écriture
  • Stabilité des mises à jour
  • Développement de l’histoire
  • Conception des personnages
  • Contexte du monde

Le score total 0.0

Avis posté avec succès ! Lire plus d’avis
Votez avec Power Stone
Rank NO.-- Classement de puissance
Stone -- Pierre de Pouvoir
signaler du contenu inapproprié
Astuce d’erreur

Signaler un abus

Commentaires de paragraphe

Connectez-vous