Nagising si Seth sa malakas na katok sa pinto ng kanyang silid. Iminulat niya ang kanyang mga mata at bahagya pa siyang nasilaw sa liwanag nanggagaling sa bintana. Nakalimutan niya yata iyong isara nang siya ay matulog kagabi. Kagabi? Ano bang nangyari kagabi?
Napabalikwas si Seth mula sa kanyang pagkakabangon. Ang mga nangyari kagabi ay bigla na lamang sumariwa sa kanyang isip. Dali-dali siyang nagtungo sa harap ng kanyang salamin at pinagmasdan ang kanyang mukha. Ang kanyang mata ay bumalik na sa dati na kulay abo at ang mga pangil niya'y bumalik na rin sa normal. Hindi kaya nananaginip lamang siya kagabi? Ano bang nangyari pagkatapos nilang mag-usap ni Lexus? Napahawak ang prinsipe sa kanyang sentido.
Isang malakas na katok na naman sa kanyang pinto ang kanyang narinig, "Prinsipe Seth?" tinig iyon ng kanyang kasintahan. Nagtungo si Seth sa kanyang paliguan at saglit na naghilamos. Pagkatapos ay kanyang binuksan ang pinto, bumungad sa kanya ang mukha ni Cisney.
"Kayganda naman talaga ng umaga kapag mukha ng aking mahal ang una kong makikita," wika ni Seth nang nakangiti, ngunit agad iyong nabura nang makita niya ang nagngingilid na luha sa mata ng dalaga. "Anong problema?" nag-aalala niyang tanong.
"Pinuntahan kita rito kagabi dahil sabi mo ay magkita tayo rito, ngunit wala ka dito nang dumating ako. Bigla ka ring nawala sa kasiyahan kagabi," wika ni Cisney. Nakagat ni Seth ang kanyang ibabang labi. Ano ang kanyang idadahilan? Hanggang ngayon ay hindi pa rin siya sigurado kung totoo o panaginip ba ang nangyari sa kanila ni Lexus kagabi.
"N-nag-usap kami ni Lexus hindi ba?" sagot ng prinsipe.
"Kaya nga mas lalo akong natakot nang hindi ka namin mahanap kagabi," sabi naman ng babae, "natagpuan ang prinsipe Lexus na wala ng buhay sa hardin."
Kung gayon ay hindi panaginip ang nangyaring iyon. Hindi maaaring malaman ng iba na siya ang pumatay kay Lexus. Hindi rin naman siya tiyak kung ano ang nangyari. Bakit tila naging isang halimaw siya at sinipsip ang dugo ng kanyang pinsan? Kailangan niyang magpanggap na walang alam sa nangyari.
"P-paano siya namatay?" tanong niya ngunit hindi na nakasagot pa ang dalaga dahil biglang dumating ang reyna.
"Seth!" wika nito bago yakapin ang kanyang anak. "Mabuti na lamang at walang nangyaring masama sa iyo, anak ko. Sobrang nag-alala ako nang bigla ka na lamang mawala sa kasiyahan kagabi."
"Ina, t-totoo ba na patay na si Lexus?" tanong ni Seth.
"Oo, anak ko. Pinatay ang iyong pinsan ng isang mabangis at kakila-kilabot na nilalang kaya't nag-alala ako na baka may nangyari na din sa iyong masama."
Kinabahan si Seth. Paano kung may nakakita pala sa kanila ni Lexus kagabi? Paano kung isumbong siya nito sa kanyang hari at reyna?
"Ayos ka lamang ba, Seth?" tanong ng reyna nang makitang bigla na lamang natahimik ang kanyang anak. Tumango naman ang prinsipe.
"Mahal na reyna!" tawag ng isang kawal sa reyna. Tinignan naman siya nito, "may isang lalake sa ibaba. Ang hardinero ng palasyo at sinasabi niyang nakita niya ang nangyari at kung sino ang pumatay kay Prinsipe Lexus kagabi. Kinakausap siya ngayon ni Prinsipe Zeos ngunit ayaw niyang magsalita hangga't hindi kayo bumababa."
Parang binuhusan ng malamig na tubig si Seth dahil sa narinig. May nakakita sa kanila. Paano na? Ano ang kanyang gagawin?
"Sige, sabihin mong kami ay bababa na," sagot naman ng reyna. Tumango naman ang kawal bago umalis. Humarap muli ang reyna sa kanyang anak, "magbihis ka, anak ko. Pakinggan natin ang sasabihin ng hardinero upang mabigyan natin ng hustisya ang pagkamatay ni Lexus. Kung sino o ano man ang pumatay sa kanya ay hindi ako titigil hangga't hindi siya nahahanap at napapatawan ng parusa."
Tumango naman ang prinsipe kahit ang kanyang isip ay lumilipad at iniisip kung ano ang mga maaaring mangyari. Nang makaalis ang reyna ay bigla na lamang napaupo si Seth sa kanyang higaan. Nilapitan naman siya ni Cisney at niyakap. Damang-dama ni Cisney ang panginginig ng katawan ng lalake. Para siyang natatakot. Ngunit bakit naman siya natatakot? Ano ang kanyang kinatatakutan? Marahil ay iyong pumatay kay Lexus.
"Mahal ko, mahal ko," mahinang sambit ni Seth, "hindi ko iyon sinasadya. Hindi ko alam kung anong nangyari. Maniwala ka sa akin, hindi ko alam."
"A-anong ibig mong sabihin, prinsipe ko? Hindi kita maunawaan," naguguluhang tanong ng babae. Humigpit naman ang yakap ng prinsipe sa kanya.
Mahal siya ni Cisney, ayaw ni Seth na magsinungaling sa kanya ngunit alam niyang hindi pa rin niya maiintindihan ang mga pangyayari. Ang dapat niyang isipin ay kung paano niya mapapatahimik ang hardinerong iyon. Hindi isang hardinero ang sisira sa kanya.
"Wala, mahal ko. Huwag mo na lamang intindihin," sagot na lamang ng lalake. Bumitaw siya sa pagkakayakap sa babae bago hawakan ang magkabilang pisngi ng babae at halikan ito. Hindi naman siya pinigilan ng dalaga na kumapit pa sa kanyang balikat upang mas lumalim pa ang kanyang halik. Hinapit ng prinsipe ang beywang ng dalaga bago niya ito ihiga sa kanyang higaan. Tumigil lamang sila nang maubusan sila ng hangin. "Mahal kita, Cisney."
"Mahal din kita, prinsipe ko."
— Un nouveau chapitre arrive bientôt — Écrire un avis