Télécharger l’application
45.19% BACHELOR'S PAD / Chapter 47: Chapter 10

Chapitre 47: Chapter 10

UMUWI muna si Bianca sa kanilang apartment upang magpalit ng damit at mag-ayos. Sasabak siya sa enemy territory kaya dapat, kahit paano ay maganda siya. Ayaw niya na sa entrance pa lamang ay palayasin na siya dahil hindi maayos ang kanyang hitsura. Isinuot niya ang isa sa ilang naitatagong semi-formal dress. Maganda naman ang damit kahit sa Divisoria lang niya nabili at hindi sa mamahaling boutique. Hinayaan niya na nakalugay ang kanyang tuwid at mahabang buhok. Pagkatapos, naglagay siya ng manipis na makeup. Nang matapos ay tumingin siya sa repleksiyon sa salamin.

Kamukhang-kamukha ni Bianca ang kanyang ina sa mga larawan nito noong dalaga pa. She looked beautiful.

Huminga siya nang malalim bago bitbit ang bag na lumabas ng apartment. Pumara siya ng taxi. Okay lang kahit mahal ang pamasahe dahil sa araw na iyon lang naman niya gagawin. Bago mananghali, nakatayo na siya sa entrada ng gusali na kinaroroonan ng law firm na kinabibilangan ng kanyang ama. Bahagya siyang nakaramdam ng pag-aalinlangan subalit nagpakatatag siya. Para sa nanay niya at para na rin sa kanya ang gagawin. Maniningil lang siya sa nararapat na ibinigay ng ama sa kanya mula pa pagkabata.

Sa naisip ay lumakas ang loob ni Bianca. Wala siyang balak maharang ng mga receptionist kaya deretso ang tingin niya sa elevator habang naglalakad sa lobby upang kunwari ay normal na ginagawa niya ang pumasok sa gusaling iyon. Nakahinga siya nang maluwag nang nasa loob na siya ng elevator. Alam niya kung anong palapag siya dapat bumaba. Matagal na niyang na-research ang tungkol sa kanyang ama. Hindi naman mahirap gawin iyon dahil ang law firm ng kanyang ama ang pinaka-elite na law firm sa bansa. Bukod doon, kilalang human rights advocate ito at madalas na lumabas sa telebisyon.

Mapait na napaismid si Bianca. Human rights advocator pero sariling anak ay iniwan niya. Kinalma niya ang sarili. Kailangang kontrolin ang kanyang galit kung gusto niyang magtagumpay sa misyon. Kailangan niya ng tulong para sa kanyang ina.

Bumukas ang elevator at lumabas si Bianca sa palapag na sakop ng law firm. May reception area na naman doon. Iyon lang ang isang problema na hindi niya nagawan ng paraan. Hindi niya alam kung saan eksakto ang opisina ng kanyang ama kaya mapipilitan siyang magtanong.

Kumakabog ang dibdib na lumapit si Bianca sa nag-iisang receptionist. Nag-angat ng tingin ang lalaki at palakaibigang ngumiti. "Good morning, Ma'am," masiglang bati nito.

Gumanti siya ng ngiti kahit sa totoo lang ay nanlalamig siya sa kaba. "Hi. I would like to see Attorney Salvador."

"Do you have an appointment, Ma'am?"

Apologetic ang naging ngiti ni Bianca at mabilis na nag-isip ng kasinungalingan. "Well, wala. Pero kausap ko lang siya sa cell phone kanina and he's expecting me."

Naging alanganin ang ngiti ng lalaki. Dahil doon ay ginawa ni Bianca ang isang bagay na hindi pa ginagawa kahit kailan at napapanood lang sa ilang palabas. Nagpa-cute siya. "Please? Puwede mo bang sabihin sa akin kung saan ang opisina niya? Ang sabi kasi niya, itanong ko lang sa `yo. Gustong-gusto niya talaga akong makita, promise," malambing na sabi niya kahit halos bumaligtad na ang kanyang sikmura sa pinaggagagawa.

Nakita ni Bianca na unti-unti nang bibigay ang receptionist. Ibinuka na ng lalaki ang mga labi at alam niyang papayag na nang lumampas ang tingin nito sa kanya at tila nakahinga nang maluwag. "Attorney Salvador, there's someone here to see you."

Napaderetso ng tayo si Bianca. Nanigas ang kanyang likod at kumabog nang malakas ang dibdib.

"Who?" narinig niyang tanong mula sa likuran.

Pilit na pinatatag niya ang loob at halos hindi humihingang humarap. Makalipas ang dalawang dekada, sa kauna-unahang pagkakataon ay nakita niya nang harapan si Atty. Ferdinand Salvador, ang kanyang ama. Hindi nagulat si Bianca sa nakita. After all, kapag matindi ang kanyang depresyon at iniisip kung bakit pinabayaan sila ng kanyang ama, isine-search niya ang pangalan nito sa Internet. Nakikita niya roon ang mga larawan ng ama. Bukod doon, madalas na makita niya ito sa mga balita sa telebisyon.

Sikat na abogado si Ferdinand Salvador. Pulos kontrobersiyal ang mga kasong hinawakan nito. Paborito ng masa si Atty. Salvador. May nabasa pa ngang balita si Bianca na balak ng kanyang ama na tumakbong senador sa susunod na eleksiyon.

Halatang nagulat ang kanyang ama nang makita siya. Titig na titig si Ferdinand Salvador sa mukha niya at habang tumatagal, lalong namumutla ang mukha nito. Nawala ang composure. May kumislap na rekognisyon sa mga mata nito. "J-Jackie?"

Sandaling hindi alam ni Bianca kung ano ang mararamdaman sa reaksiyon ng kanyang ama. Napagkamalan siya nito na ang kanyang ina. At namumutla ito na parang nakakita ng multo. Sa huli, pait ang kanyang naramdaman. "Dalawang dekada na ang lumipas kaya ba nakalimutan mo na?" sarkastikong tanong niya.

Lalong namilog ang mga mata ni Atty. Salvador at bumakas ang realisasyon sa mukha. "Bianca?"

At least, natatandaan pala niya ang pangalan ko, mapait na naisip niya. "Dito ba talaga tayo mag-uusap?" tanong na lamang niya.

Noon lang tila naalala ng kanyang ama ang receptionist na curious na nakamasid sa kanila. "Don't tell anyone about this," paasik na bilin nito sa lalaki.

"Yes, Attorney," mabilis na sagot ng receptionist.

Muling bumaling kay Bianca ang kanyang ama. "Follow me." Tumalikod ito at mabilis na naglakad.

Walang imik siyang sumunod. Hindi humarap ang kanyang ama hanggang makapasok sila sa private office. Hindi niya pinansin ang nagtatakang tingin na ipinukol sa kanya ng may-edad na babae na sa palagay niya ay sekretarya ng kanyang ama.

"Ano'ng ginagawa mo rito? Do you know what could happen if someone finds out who you are? Balak mo bang sirain ang reputasyon ko, ha, Bianca?" agad na tanong ni Ferdinand Salvador nang silang dalawa na lamang.

Kahit inihanda na ang sarili ay nasaktan pa rin si Bianca sa tono at paraan ng pagsasalita ng kanyang ama na halatang nakabawi na sa pagkabigla. Kung umasta ito, para bang hindi iyon ang unang beses na nagkita sila makalipas ang dalawang dekada. No teary and emotional reunion. Walang pagkamangha na ganoon na siya kalaki samantalang isang paslit lamang siya nang iwan nito.

Wala bang nararamdaman ni katiting na lukso ng dugo ang kanyang ama para sa kanya?

Mariing pinaglapat ni Bianca ang mga labi habang puno ng hinanakit na pinagmasdan ang ama. "`Yan talaga ang una mong itatanong sa akin? Hindi mo man lang ba naisip ang dahilan kung bakit sa kabila ng mahabang panahon ay lumalapit ako ngayon sa tatay ko?"

"Don't call me that!" nanlalaki ang mga matang asik ni Ferdinand. Nagpalinga-linga pa ito na para bang may makakarinig sa sinabi niya kahit wala namang ibang tao sa opisina na iyon.

Muntik nang mapaatras si Bianca. His harsh words felt like a physical blow. Masakit. Sobra. Hayagang itinatakwil ng kanyang ama ang relasyon nila. Naikuyom niya ang mga kamay. "Fine. Hindi kita tatawaging gano'n," nanggigigil na usal niya.

Marahas na bumuga ng hangin si Ferdinand Salvador, tumingin sa wristwatch, at tila naiinip na muli siyang tiningnan. "Sabihin mo na kung bakit ka nandito. I'm expecting a visitor," tensiyonadong sabi nito.

Muntik nang magbago ang isip ni Bianca at tumalikod na lang, umalis sa gusaling iyon at huwag nang magpakita pa sa lalaki kahit kailan. Subalit nang gumitaw sa kanyang alaala ang hitsura ng nanay niya sa ospital, naging matatag siya.

"Mas mahalaga ang bisita mo kaysa sa akin?" tanong niya.

Pagak na tumawa si Ferdinand. "Of course. I'm expecting my wife. Kaya bilisan na natin ang pag-uusap na ito. Ayokong makita ka niya rito."

Parang sinaksak sa puso si Bianca. Darating ang babae na ipinalit ng tatay niya sa kanyang ina. Ang babaeng pinakasalan ng kanyang ama. Nagpakatatag siya kahit pakiramdam ay may asido sa kanyang sikmura.

"Gusto kong sa unang pagkakataon, magpakaama ka sa akin. Buong buhay ko, wala kang ginawa sa mga dapat ay responsibilidad mo sa akin. Ngayon mo gawin," matatag na sabi niya matapos patatagin ang sarili.

Ilang segundong napamaang lamang ang kanyang ama bago nagsalita. "Ano ang gusto mong mangyari?"

Lumunok muna siya bago nagsalita. "Nasa ospital si Nanay."

Muli ay tumawa nang pagak si Ferdinand. "Ah, pera. Iyon ang kailangan mo?" maanghang na bulalas nito.

Muli rin ay parang may patalim na sumaksak sa dibdib ni Bianca sa tono ng kanyang ama. Pinigilan niya na makaramdam ng labis na panliliit. Hindi niya gusto ang tinging ipinupukol nito sa kanya. Na para bang isa siyang gold digger na balak itong perahan. Itinaas niya ang mukha. "Kompara sa dalawang dekadang hindi mo ako sinuportahan, barya lang ang kailangan ko ngayon."

Muli ay pagak na tumawa ang kanyang ama. "Legally, wala akong responsibilidad sa inyo ng nanay mo. Ibinigay ko sa kanya ang lahat ng pangangailangan niya noon kahit labag sa loob ko. I allowed her to push me around because I was young and a coward. Alam niya na hindi ako puwedeng magkaanak sa kanya pero ginawa pa rin niya. Alam mo kung bakit? Because she was greedy. She wanted to get rich. She wanted money. Kagaya mo ngayon," malamig na pahayag nito.

Sumulak ang galit ni Bianca. "Hindi gano'n ang nanay ko!" sigaw na niya.

Hindi natinag si Ferdinand. Sa katunayan, lalo pang tumigas ang ekspresyon ng mukha nito. Naging ruthless. "Wala akong pakialam kung ano ang gusto mong isipin, Bianca. Pero wala kang mapapala sa akin kung para `yon sa nanay mo."

Parang binagsakan siya ng langit. Ang kanyang ama na lamang ang huling matatakbuhan para gumaling ang kanyang ina. "Kung gano'n… k-kahit para man lang sa a-akin," usal ni Bianca. Alam niya na nagmumukha na siyang kaawa-awa subalit wala na siyang pakialam.

Nakita ni Bianca na bahagyang nawala ang katigasan sa ekspresyon ng kanyang ama. Nakakita siya ng munting pag-asa. Humakbang siya palapit dito. "Please. Kahit ayaw mo, anak mo pa rin ako. Hindi na ako magpapakita sa `yo pagkatapos nito. Hindi na kita guguluhin. Tulungan mo lang ako ngayon."

Ilang segundong hindi umimik ang kanyang ama. Nagdasal siya na sana ay lumambot ang puso nito.

She should have known better.

Inalis ni Ferdinand ang tingin kay Bianca at muling tumigas ang anyo. "Alam ko na kapag pinagbigyan kita ngayon, uulit at uulit ka. I know the type. Ganyan din ang nanay mo noon. So, I'm not going to help you. Umalis ka na, Bianca. Hindi ka dapat nagpunta rito. Not when I am at a very important stage of my life."

Naikuyom ni Bianca ang mga kamay. Pilit niyang nilunok ang tila kung anong bumara sa kanyang lalamunan. Pinapaalis na siya ni Ferdinand. Nag-init ang kanyang mga mata subalit hindi hinayaan ang sariling maluha. "H-huwag mong hayaang kamuhian kita nang husto. Magsisisi ka," usal niya, hindi bilang huling hirit kundi isang pangako na balak tuparin ng nasasaktang puso.

Pagak na tawa ang isinagot ng kanyang ama. "See? Pareho talaga kayo ng nanay mo. Mahilig magbanta. Unfortunately, hindi ako madaling takutin, Bianca. Hindi na. Hindi ako makakarating sa posisyon ko ngayon kung madali akong matakot."

At that moment, Bianca felt something inside her die. Naramdaman niya nang sandaling madurog ang katiting na pag-asa sa kanyang puso. Pag-asa na tutulungan siya ng ama. Pag-asa na baka kahit paano, importante siya rito.

Huminga siya nang malalim at sinalubong ang tingin ni Ferdinand Salvador. "Sigurado ka?" Hindi siya makapaniwala na kalmado ang boses niya. Sa katunayan, pagkatapos ng tila pagkadurog ng kanyang puso ay naging kalmado na ang buong pagkatao niya.

Muli, tumingin si Ferdinand sa wristwatch nito. "Of course I am," hindi tumitinging tugon nito.

Marahang tumango si Bianca. "Fine." Iyon lang at tumalikod na siya at lumabas ng opisina, hindi pinansin ang curious na tingin ng sekretarya at nagtuloy-tuloy sa lobby ng law firm. May mga tao na sa lobby na lahat ay naka-business suit. May mga lalaking curious na nakatingin kay Bianca subalit hindi niya pinansin ang mga ito.

Wala siyang nakikitang ibang tao. Ang nasa isip lang ay kailangan niyang umalis doon, bago pa maipahiya ang sarili at bumunghalit ng iyak sa teritoryo ni Ferdinand Salvador. Dumeretso siya sa elevator at kahit paano ay nagpasalamat nang bumukas agad iyon. Sa pagmamadaling makapasok sa elevator, nasanggi pa siya sa dalawang lalaking palabas naman.

"Be careful," sambit ng isang lalaki.

Ni hindi magawang humingi ng tawad ni Bianca dahil parang may nakabara sa kanyang lalamunan. Basta na lang siya pumasok sa elevator, pinindot ang Close button at ni hindi nag-angat ng tingin.

Nakasakay na siya sa taxi pabalik sa ospital nang sa wakas ay hayaan ang sariling tahimik na umiyak. Mariing nakakuyom ang kanyang mga kamay, nagtatagis ang mga bagang. Napakawalang puso ng kanyang ama. Hindi na nga siya tinulungan, kung ano-ano pa ang sinabi nito laban sa nanay niya.

Ngayon, ano na ang gagawin ko? Saan ako kukuha ng pera? helpless na naisip ni Bianca. Subalit huminto na ang taxi sa ospital na kinaroroonan ng kanyang ina ay wala pa rin siyang maisip na solusyon.


Load failed, please RETRY

État de l’alimentation hebdomadaire

Rank -- Classement Power Stone
Stone -- Power stone

Chapitres de déverrouillage par lots

Table des matières

Options d'affichage

Arrière-plan

Police

Taille

Commentaires sur les chapitres

Écrire un avis État de lecture: C47
Échec de la publication. Veuillez réessayer
  • Qualité de l’écriture
  • Stabilité des mises à jour
  • Développement de l’histoire
  • Conception des personnages
  • Contexte du monde

Le score total 0.0

Avis posté avec succès ! Lire plus d’avis
Votez avec Power Stone
Rank NO.-- Classement de puissance
Stone -- Pierre de Pouvoir
signaler du contenu inapproprié
Astuce d’erreur

Signaler un abus

Commentaires de paragraphe

Connectez-vous