Ava's POV
ANO bang sinasabi ni Renzo na utang na loob ko sa kaniya ang buhay ko dahil dinala niya ako sa ospital? Siya nga itong dahilan kung bakit ako nandito ngayon. Habang hawak niya ang kamay ko at nangungusap ang mga mata niyang nakatingin sa akin ay hindi ko malaman ang aking mararamdaman.
"Please, Ava. Huwag mong sabihin sa mga pulis na ako ang may gawa niyan sa iyo. K-kapag nakulong ako, paano na kayo ni Eris? Paano kung hindi na ako makalaya? Si Eris… lalaki siya na walang ama. Isipin mo si Eris, Ava. Isipin mo ang kinabukasan niya." Patuloy na pagmamakaawa niya sa akin. Hinahalik-halikan pa niya ang mga kamay ko.
Ano ba ang gagawin ko? Kung iisipin ay may punto ang sinabi ni Renzo. Ayokong lumaki si Eris na walang kinikilalang ama. Pero paano naman ang pang-aabuso ni Renzo sa akin? Hahayaan ko na lang ba ang lahat?
Ito na ang pagkakataon ko para isumbong siya sa mga pulis. Papalampasin ko pa ba?
Kapwa kami napatingin sa pinto nang bumukas iyon. Kitang-kita ko ang pamumutla ni Renzo nang may dalawang pulis na pumasok. Isang babae at isang lalaki. Naglakad sila palapit sa akin at nagpakilala. Sinabi nila na ini-report sa kanila ng ospital ang nangyari sa akin. Gusto lang daw nila akong hingan ng statement sa nangyari para maparusahan ang mga gumawa niyon.
Pinatabi muna ng mga pulis si Renzo upang makausap ako nang maayos.
"Mrs. Madriaga, totoo po ba na may humarang sa inyo na dalawang lalaki at pinagnakawan kayo tapos ay binugbog?" tanong ng babaeng pulis.
Nagtama ang mga mata namin ni Renzo. Bumubuka ang bibig niya pero hindi ko maintindihan ang sinasabi niya. Pero alam kong ang sinasabi niya ay huwag kong sasabihin ang totoo.
Naglaglagan na ang luha sa mata ko.
Naglalaban ang utak ko. Sasabihin ko ba ang totoo o hindi?
"Mrs. Madriaga?" untag sa akin ng lalaking pulis.
Napatingin ako sa dalawang alagad ng batas. Nanginginig ang buo kong katawan.
"Kailangan niyo pong sabihin sa amin ang totoo para maparusahan ang gumawa niyan sa inyo. Para hindi na rin maulit sa inyo o sa iba. Huwag po kayong matakot," sabi ng babaeng pulis.
Muling nagtama ang mga mata namin ni Renzo. Kung kanina ay may pagmamakaawa doon, ngayon ay seryoso na siya. Para bang hinihintay na lang niya kung ano ang gagawin ko. May takot na lumukob sa akin. Natatakot ako sa pwede pang gawin ni Renzo sa akin kapag hindi ko sinunod ang gusto niya. Isa pa, si Eris. Siya talaga ang iniisip ko ngayon.
Pumikit ako at huminga nang malalim…
"Mrs. Madriaga?" Untag ulit ng lalaking pulis.
"Y-yes, sir…" sagot ko pagkabukas ng aking mata. "T-totoo po na hinarang ako ng dalawang lalaki t-tapos gusto nila akong pagnakawan. Nang manlaban ako ay binugbog nila ako at… at kinuha nila ang mga gamit ko." Napaluha ako. Alam kong hindi ko na pwedeng bawiin ang nasabi ko dahil baka hindi na nila ako paniwalaan.
"Natatandaan niyo ba ang mukha ng dalawang lalaki, misis?"
Umiling ako. "H-hindi po. May nakasuot na maskara sa mukha nila."
"Baka po kasi isa sa mga gang na pakalat-kalat dito sa lugar natin ang umatake sa inyo. Pero huwag po kayong mag-alala dahil magtatalaga kami ng pulis o tanod na magbabantay sa inyong lugar lalo na kapag gabi. Gagawan na rin namin ito ng police report, misis. Maraming salamat po!"
"Maraming salamat din po, sir…"
Nang makaalis na ang mga pulis ay nilapitan ako ni Renzo. Ang buong akala ko ay magiging mabait na siya pero nagkamali pala ako. Walang pag-iingat niyang sinaklit ang isa kong braso at mahigpit iyong pinisil.
"R-renzo…" Umiiyak kong samo.
"`Tang ina ka. Nag-aalinlangan ka pang sabihin ang sinabi ko? Ang tagal mong sumagot kanina!"
"G-ginawa ko naman ang sinabi mo. B-bitiwan mo ako. Nasasaktan ako…"
"Dapat lang `yan sa iyo!"
"Renzo, a-ano bang nagawa ko sa iyo? B-bakit mo ako sinasaktan?"
"Marami, Ava. Wala kang kwentang asawa. Sinagot mo pa ang mama ko!"
Agad niya akong binitawan nang may babaeng nurse na pumasok upang painumin ako ng gamot. Lihim akong nagpasalamat na may ibang taong dumating dahil baka kung ano pa ang gawing pananakit ni Renzo sa akin.
Hindi ko na talaga maintindihan kung bakit siya ganito sa akin. Siguro nga ay masama akong asawa. Baka nga naman pabaya ako. Baka malaki nga talaga ang pagkukulang ko sa kaniya pero hindi ko iyon napapansin…
-----ooo-----
ISANG araw na ako sa ospital. Okay na ang pakiramdam ko pero kitang-kita pa rin ang mga pasa ko sa aking katawan. Ang sabi sa akin ng nurse ay pwede na akong lumabas mamayang hapon. Nakatingin lang ako sa bintana at mag-isa sa kwarto. Simula nang umalis si Renzo kahapon ay hindi na niya ako dinalaw ulit. Iniisip ko na lang na baka abala siya sa trabaho o baka pagod. Naiintindihan ko naman kung ganoon.
Nasa ganoon akong pag-iisip nang may marahang kumatok sa pinto.
Napatingin ako doon. Bumukas iyon at nagulat ako nang sumilip si Anjo. Kinusot ko pa ang mata ko at baka namamalik-mata lang ako pero si Anjo talaga `yon, e.
"Anjo?" Hindi makapaniwalang bulalas ko.
"Pwede bang pumasok?" tanong niya.
"S-sige. Pasok ka…"
Binuksan niya nang malaki ang pinto. Pumasok siya at isinara iyon. Saka siya lumapit sa akin.
"Kumusta na ang pakiramdam mo?" May pag-aalalang tanong niya matapos humila ng upuan. Naroon siya sa tabi ko, sa gilid ng kama.
"A-ayos na ako…" Hindi pa rin ako makapaniwala na nandito siya. "Paano mo nalaman na nandito ako?" Ayaw maalis ng mata ko sa mukha niya.
"Nandito kami ni Lally nang isugod ka ng asawa mo dito. May kinausap lang kaming doktor. Pero ayos ka lang ba talaga?"
Tumango ako at pilit na ngumiti. "Oo naman. Ayos na ako. Uuwi na nga ako mamaya, e."
"Ayos? Tingnan mo ang sarili mo, Ava. Hindi ka ayos…" Natahimik ako sa sinabi niya. Hanggang ngayon pala ay kaya pa niyang mabasa kung ano ang nasa loob ko. "Anong nangyari? Bakit ka nagkaganiyan?"
Feeling ko ay nakahanap ako ng totoong kakampi sa katauhan ni Anjo. Ganoon naman siya noon sa akin. Siya ang kakampi ko sa lahat. Siya ang palaging naniniwala sa akin at sa kakayahan ko.
Hindi ko napigilan ang bugso ng aking damdamin. Napaiyak na ako.
Umusog siya para mas mapalapit sa akin. Ipinatong niya ang kamay niya sa ibabaw ng kamay ko habang nakatingin sa akin. Ang init ng kamay niya. "Ava, magsabi ka sa akin. Hindi ka pwedeng magsinungaling sa akin. Alam ko pa rin kapag hindi ka nagsasabi ng totoo," aniya.
"A-anjo… s-si Renzo… sinasaktan niya ako!" Tuluyan na akong napahagulhol.
Agad na tumayo si Anjo at niyakap ako. Nakaramdam ako ng kaligtasan sa bisig niya. "Shhh… Tahan na. Huwag kang mag-alala, sasamahan kita sa mga pulis. Dapat mong isumbong `yan sa kanila. Hindi mo dapat hinahayaan na sinasaktan ka ng asawa mo."
Umiling ako. "Kinausap na ako ng mga pulis. Nagsinungaling ako sa kanila. N-natakot kasi ako. Hindi na ako pwedeng magsumbong sa kanila. Isa pa, a-ayokong makulong si Renzo. Kailangan namin siya ni Eris—ng anak ko," sabi ko sa pagitan ng paghikbi.
Inilayo niya ang sarili niya sa akin at pinagmasdan ang luhaan kong mukha. "Kahit minsan ay hindi kita sinaktan ng ganiyan noong tayo pa. Lumaban ka, Ava…" Puno ng awa ang boses niya.
Pinalis ko ang luha gamit ang mga kamay ko. "K-kaya ko naman. K-kasalanan ko rin kung bakit niya ako nasasaktan. Minsan kasi ay tatanga-tanga ako tapos sinagot ko pa ang nanay niya. Dapat lang sa akin ito—"
"Walang kahit na sino ang may karapatang manakit ng kapwa niya, Ava. Iyan ang tandaan mo."
Iniiwas ko ang tingin ko kay Anjo. "Hayaan mo na. Hindi naman ganoon palagi si Renzo. A-anjo, gusto ko na sanang magpahinga. Baka pwedeng iwanan mo na ako mag-isa." Pasimpleng pagtataboy ko sa kaniya.
Hindi ko na gusto ang nararamdaman ko dahil sa pag-aalalang ipinapakita niya. Natutunaw ang puso ko. Parang muling umuusbong ang pagmamahal ko sa kaniya at ayaw kong magpalamon doon. Hindi pwede. May Renzo at Eris na ako. Malaking kasalanan kung kukunsintihin ko ang damdamin na ito. Isa pa, naaawa lang si Anjo sa akin at hindi ako dapat umasa doon. May asawa na siya. Naaawa lang siya sa akin dahil may pinagsamahan din kami kahit papaano noon.
"Kung kailangan mo ng kausap, pwede ako, ha." May nakita itong ballpen at papel sa maliit na lamesa sa tabi ng aking higaan. Kinuha niya ang mga iyon at may isinulat sa papel. Pagkatapos ay inabot sa akin. "Number ko iyan. Tawagan mo ako. Bilang kaibigan, handa akong makinig sa mga hinanakit at problema mo. Mahirap na hindi mo iyan nailalabas."
"Salamat, Anjo…"
"Walang anuman. Sige, aalis na ako. Ingatan mo ang sarili mo. Sana ay huwag nang gawin ulit iyan sa iyo ng asawa mo."
Malungkot man ako sa pag-alis ni Anjo ay hindi ko iyon ipinakita sa kaniya. Bawal. Kahit gusto ko pa siyang kausap ay hindi na pwede.
Tiningnan ko ang papel na ibinigay niya. Kinuyumos ko iyon at akmang itatapon nang matigilan ako. Wala akong balak na tawagan siya pero hindi ko maintindihan kung bakit ko inayos ang papel at maingat na itinabi sa ilalim ng aking unan.
-----ooo-----
ISANG buwan ang lumipas matapos ang huling beses na sinaktan ako ni Renzo. Simula din niyon ay hindi na niya ako sinasaktan pero malamig pa rin ang pakikitungo niya sa akin. Siguro ay natatakot na rin siya na maulit ang nangyari sa akin na na-ospital ako. May pagkakataon pa nga na hindi niya ako kinakausap ng buong araw. Masakit na ganoon siya pero wala naman akong magagawa. Baka magalit pa siya kapag kinausap ko siya ng tungkol doon.
Wala na ang marka ng pambubugbog ni Renzo pero nasa puso ko pa rin ang sakit. Lalong tumindi ang takot ko sa sarili kong asawa. Kapag umuuwi siya ay nanginginig ako sa takot. Nangangamba ako na baka bigla na lang niya akong sugurin at muling bugbugin.
Si Eris naman ay madalas na sa lola niya. Hanggang ngayon kasi ay parang ayaw niya pa rin sa akin. Ayaw ko man na nandoon siya dahil may hinala ako na nilalason ni Mama Gloria ang utak ng anak ko para ayawan ako ay wala na rin akong magawa. Pag-aawayan pa namin iyon na mag-asawa. Involved ang nanay niya, e.
Tuwing weekend lang naman nandoon si Eris. Sa buong weekdays ay sa akin siya. Iyon nga lang hindi na siya malambing katulad noon. Palaging umiiyak kapag nilalaro ko o naglalambing ako sa kaniya.
Umaga ng Sabado. Walang pasok si Renzo ng araw na iyon. Wala din si Eris sa bahay kaya kaming dalawa lang ang nandito. Medyo late na ako nagising dahil late na rin naman nag-aalmusal si Renzo kapag wala siyang pasok sa trabaho.
Simula nang every weekend ay wala si Eris dito ay nagsimula na rin akong magtanim ng mga namumulaklak na halaman sa harapan upang malibang ako kahit papaano.
Inuna ko muna ang paggawa ng almusal para kung sakaling magising si Renzo ay makakakain na agad siya. Ayaw kong mabulyawan na naman niya lalo na't umagang-umaga.
Pagkatapos niyon ay saka ko inasikaso ang aking mga halaman. Binungkal ko ang lupa sa paligid at diniligan ang mga iyon. Isang luma at medyo manipis na t-shirt ang suot ko at cycling shorts. Ganito lang naman ako kapag nasa bahay para presko at nakakagalaw ako nang maayos.
Abalang-abala ako sa pagdidilig nang may mapansin akong dalawang lalaki na parang nakatingin sa akin. Medyo matangkad sila. Tama ang pangangatawan. Simpleng t-shirt, pantalon at rubber shoes ang suot ng mga iyon. May motor silang katabi.
Nang tila mapansin nila na nakatingin ako ay sumakay sila sa motor at sumibad paalis.
Inisip ko na baka nagpapahinga lang ang dalawa o napadaan lang kaya hindi ko na iyon binigyan ng pansin pa. Pero maya maya ay nakita ko na naman silang dumaan. Pabalik-balik sila. Ilang ulit. Doon na ako nagkaroon ng kaunting kaba sa dibdib. Para kasing minamatyagan ng mga ito ang bahay namin.
Bigla akong kinabahan dahil baka mga magnanakaw ang mga iyon na nagmamatyag sa mga bahay-bahay. Nakapanood ako ng ganoon sa balita nitong mga huling araw.
Nakita ko na naman silang dumaan sa harapan ng bahay namin. Nilakasan ko ang loob ko. Isa pang daan nila ay sisigaw na talaga ako. Bahala nang ma-eskandalo basta ang importante ay malaman ng dalawang iyon na aware ako na kanina pa sila nagmamatyag sa bahay namin.
"Ay!" Muntik na akong mapamura nang may humawak sa balikat ko mula sa aking likuran. Paglingon ko ay si Renzo lang pala. Magulo ang buhok niya at halatang bagong gising.
"Ano ba, Ava? Bingi ka ba? Kanina pa kita tinatawag. Gutom na ako!"
"Pasensiya ka na. Hindi kasi kita marinig. Meron kasing dalawang lalaki na naka-motor na parang nagmamatyag dito sa—" Naputol ang pagsasalita ko nang may marinig na naman akong tunog ng motor. Pagtingin ko sa harapan ay eksaktong padaan na naman ang dalawang lalaki. "Ayon! Sila `yon! Kanina pa sila pabalik-balik, Renzo!" Itinuro ko pa ang papalayong motor sa aking asawa.
TO BE CONTINUED…