50
LUBOS kong ipinagpapasalamat na hindi nangungulit si Felix na malaman kung ano na naman itong pinagdadrama ko. Isang beses lamang siyang nagtanong at nang sabihin kong hindi pa ako handang magkwento ay hindi na muli siyang nagtangkang mangulit pa.
Nahihiya ako sa kanya dahil nasayang lahat ng ginawa niya para lang mapasaya ako ngayong araw. Ilang sandaling engkwentro lamang namin ni Sir Rod ay bumigat na naman ang loob kong pinaghirapan niyang pagaanin.
Nakakainis! Naiinis ako sa sarili ko. Higit sa lahat, naiinis ako kay Sir Rod! Buhat ng ibasura niya ang relasyon namin, ngayon lang ako talagang nakaramdam ng galit, poot, at paghihinagpis sa kanya. Nakatatak kasi sa utak ko noon na ako ang may pagkukulang kaya ganun-ganun niya na lang ako ipagpalit. Sarili ko mismo ang sinisisi ko kung bakit niya ako iniwan. Pero noon 'yun dahil ngayon ay malinaw na sa akin ang lahat. Na sa aming dalawa, siya ang higit na may kasalanan. Siya ang nagloko! Siya ang malandi! At napakakapal lang ng mukha niya para ibintang iyon sa akin ngayon.
Napakarumi ng kanyang utak para bigyang-malisya ang pagkakaibigan namin ni Felix. Kung tutuusin ay mas masahol pa nga ang mga kabulastugan niya.
Ang daming tumatakbo sa utak ko habang lulan ako ng kotse ni Felix para ihatid pauwi. Sa tanang buhay ko, ngayon lang ako namuyos sa galit nang ganito. 'Yung pakiramdam na nangangati ang mga kamay mong manakit. Nakakapanggigil!
"We're here, Krisel," dinig kong wika ni Felix. Saglit kong sinipat ang lugar sa labas at sa lalim ng pag-iisip ko'y hindi ko namalayang nakarating na nga kami. "Do you want me to walk you to your house?" puno ng pag-aalala ang kanyang boses.
"'Wag na, Felix." Binigyan ko siya ng tipid na ngiti. Hindi siya nagpumilit pa, bagkus ay bumaba siya ng kotse para pagbuksan ako ng pinto.
"Salamat," anas ko.
"If you need someone to talk to, remember that I'm only one call away."
Tipid akong napangiti sa kanyang sinabi. "Opo, boy kanta."
"Boy kanta?"
"Ang hilig mo kasing gumamit ng titles ng mga kanta, e," pangre-realtalk ko sa kanya.
Siya naman ngayon ang napangiti at talagang nanggulo pa ng buhok ko. "Oh... alright crybaby," anitong may pagkindat pa. Hinampas ko kaagad siya na sinuklian niya naman ng mga tawa.
Sa panahong nababalot ng kadiliman ang paligid ko, napakapalad ko pa rin sapagkat may isang taong handang ilawan ang binabagtas kong daan.
Maraming salamat, Felix a.k.a Boy Kanta!
Hinintay kong makaalis si Felix bago ako nagsimulang maglakad patungo sa aming barong-barong. Bitbit ko ang ibinigay niyang stuffed toy at wala sa sarili ko itong kinausap.
"Masama ba ako kung naiisip kong gumanti?" Pinakatitigan ko ang stuffed toy na para bagang anumang oras ay sasagot ito.
Bumuntong-hininga ako. "Pero kung gagawin ko 'yun, tiyak na ako rin ang magiging kawawa sa huli. Isang kahig, isang tuka lamang ako. Wala akong kalaban-laban sa kanila."
Sa bagsak na mga balikat, iwinaksi ko sa aking isipan ang masamang binabalak. Mas makabubuti siguro kung hahayaan ko na lang sila. Ako na rin mismo ang lalayo para hindi na kami magpang-abot.
"Kriselda!" Nabalik ako sa huwisyo nang sumulpot sa harap ko si Andeng. Bubulyawan ko na sana ito sa ginawa nitong pang-iiwan sa akin sa mall nang may ibinalita itong nagpatigil sa akin.
"'Yung misteryosong lalaking pumupunta sa bahay niyo, kausap siya ngayon ni Aling Lourdes!"