Descargar la aplicación
100% WANTED PROTECTOR / Chapter 107: SPECIAL CHAPTER

Capítulo 107: SPECIAL CHAPTER

PUMASOK si Ellah sa opisina ng kasintahan at deretsong umupo sa harapan ng mesa nito.

"Love," mahinahon at punong-puno ng paglalambing na sambit ni Ellah sa kasintahang nakaupo sa swivel chair sa loob ng opisina.

Nakapaharap siya rito at umupo ng tuwid, iniliyad ng bahagya ang dibdib.

Bilang Presidente ng kumpanya nila ito ang may pinakamataas na posisyon pangalawa sa abuelo niya.

Inabutan niya itong may kausap sa telepono.

"Yes, Mr. Tiu, thank you for considering our proposal. I'll send you the contract via email thanks."

Napangiti siya dahil ang galing ng accent ng nobyo sa pakikipag-usap.

Sumulyap muli ito sa kanya.

"What is it love?"

"Sino 'yon?"

"Si Mr. Tiu, nagustuhan niya ang proposal natin na mag supply sa kanila. Pag may kontrata na mag-export na tayo ng iron ore sa China."

"Wow! Congrats love!"

"Thank you!"

"Ang galing talaga! Iba talaga pag lalaki 'no? Ako kasi dati hirap akong kumbinsehin ang intsik na 'yon ba't ikaw napapayag mo?"

"Kasi lalaki ako," tipid nitong tugon saka nagbuklat ng papeles.

"Bakit nga?" pangungulit niya.

"Ipinasa ko ang result ng analysis ng produkto, sinabi kong kaya nating ibigay ang gusto nila. Pinaka high grade ang gusto nila kaya 'yon ang ibibigay natin."

"Pero kung puro high grade paano na ang natitira para sa bansa natin?"

"Still high grade pa rin. May nakita na tayong area na pwedeng mapagkuhanan ng produkto na high grade din. Kung nagbibigay tayo ng high grade sa ibang bansa mas lalo sa bansa natin."

"Really? Nakakita kayo ng ibang area?" namimilog ang mga matang turan niya.

"Yes love, bago ako nagbigay ng proposal sa ibang bansa sinigurado ko munang hindi tayo makukulangan sa supply. Hindi ako magpapa export kung sa bansa natin walang matirang high grade."

"Ay wow!" Napapalakpak ang dalaga sa narinig.

Natawa ang binata. Lumitaw ang magagandang ngipin nito na nagpatunaw ng kanyang puso.

"Sandali bakit hindi ko alam 'yan?"

"Sa operation ' yon. Saka dami mo ng obligasyon hindi na dapat idagdag ang  mga ganoong bagay, sasabihin ko rin naman sa'yo."

"Pero alam ni lolo?"

"Yes, alam niya siyempre. Chairman siya dapat lang."

"Hmp, kapag naging Chairman ba ako dadaan ka na sa akin?"

"Yes love, ofcourse. Alam ko namang ayaw mong maging plain house wife."

"Nope."

"Ayaw mo ba 'yong pamamasyal at pagpapaganda lang ang aatupagin mo?"

"Hindi, saka ang iba ayaw nagpapaganda ang asawa kasi pagseselosan nila, pero ikaw gusto mo lagi akong maganda."

"Iba ako, ang gusto ko laging maganda ang misis ko para ako ang kaiinggitan. Saka sa gwapo kong ito pangit ang asawa ko?" turo nito sa sarili.

Siya naman ang natawa.

"Ang yabang mo?"

Tumawa ito saka ibinalik ang tingin sa binabasa.

"Love look at me please?"

"Bakit?" seryoso nitong tugon habang hindi man lang siya sinusulyapan.

"I love you," aniya at ngumiti ng sobrang tamis.

"I love you too," tugon nitong pumipirma na sa papeles.

Napasimangot siya.

Nakakaramdam ng inis dahil hindi na siya nito pinapansin.

"Wala ka bang napapansin?"

"Saan?"

"Sa akin."

"Wala naman may bago ba?"

Sumimangot na siya.

Kapag hindi tungkol sa trabaho wala na itong pakialam.

Hinubad niya ang itim na blazer at itinira ang sleeveless na kulay puti na may malalim na uka ng neckline kaya lumitaw ang cleavage niya.

Pinag - ekis niya ang mga binti at sinadyang iangat ang mini-skirt lumitaw ang kanyang makinis at maputing hita.

"Love," untag niya ulit.

"Yes love?"

"Maliit ba ang dibdib ko?"

Kunot-noong umangat ang tingin nito derekta sa kanyang mukha pababa sa katawan saka nagtiim ang bagang.

"Ba't ka naghubad? Nasaan ang jacket mo?"

"Ah kasi-"

"Kailangang pormal ka kahit sa pananamit para respetuhin ka.

Saka umayos ka nga ng upo litaw na ang hita mo o nakakahiya!" mahabang litanya nito.

Inis siyang tumayo at nameywang.

" Dami mong sinabi. Kung anu-ano ang nakikita mo saka tayong dalawa lang naman ang nandito kaya ko ginawa 'yon! Ni hindi mo sinagot ang tanong ko kung maliit ba ang dibdib ko!" singhal niya rin saka tumalikod.

" M-malaki ng kunti, " tugon nito.

Ngumiti siya ng lihim saka pormal ang mukha ng muling humarap.

"Really?" lumiwanag ang kanyang anyo.

"Yes," seryoso nitong tugon.

"Lumaki na pala?" ngiti niya.

Sinadya niya talagang palakihin ang dibdib niya dahil sa mga kababaihang  empleyado nila na mas malaki pa ang dibdib sa kanya.

"Wait! Don't tell me kaya lumaki 'yan kasi nagpasurgery ka?" mulagat na tanong nito.

"Ano ka! Hindi ah!"

Nanliliit ang mga mata nitong tumingin sa kanya.

"Baka naman pinahihimas mo 'yan sa iba?"

Nanlaki ang kanyang mga mata sa narinig.

"Baliw! Ako ang humihimas nito sa gabi bago matulog! Hmp diyan ka na nga! Kainis!"

Dumeretso siya sa opisina ng abuelo.

"Lolo!"

"Bakit apo?"

Umupo siya sa sofa na naroon tinabihan siya nito.

"Talaga bang mapapangasawa ko ang Gian na 'yon?"

Kumunot ang noo ng don.

"Oo naman. Bakit ganyan ang tanong mo?"

"Nakakainis kasi siya. Tinanong lang dami ng sinabi. Palagay ko hindi na niya ako mahal eh!" maktol niya.

Tumawa lang ang abuelo.

"Ano na naman ba ang ginawa mo?"

"Wala! Siya nga itong hindi makausap ng matino eh!"

"Siguradong walang kwenta ang mga sinabi mo kaya hindi makausap ng matino," iling nito.

"Ayan na naman kayo eh! Kinakampihan niyo lagi kayo na lang kaya magpakasal?"

Mas napailing si don Jaime.

"Hija, ano bang ikinagagalit mo?"

"Si Gian kasi!"

"Bakit ano bang sinabi mo at hindi niya nagustuhan?"

"Lolo palagay ko mas yumabang ngayon ang isang 'yon. Mula ng mag propose siya sa akin at naging Presidente ng kumpanya ang yabang na niya. Wala na kaming ibang napag-uusapan kundi ang negosyo na lang lage."

"Ganyan talaga hija. Pagdating sa anumang bagay na iaatang sa' yo dapat responsable ka."

"Lolo, responsable ako may mga pagkakataon lang talagang hindi ko kaya."

"Kaya magkatuwang kayo, ang mga bagay na hindi mo kaya siya ang gagawa ikaw naman sa hindi niya kaya."

"Lolo, kung sakali bang hindi mayaman o hindi natin ka lebel si Gian papayag pa rin po ba kayong makasal kami?"

Ngumiti si don Jaime.

"Walang duda hija. Si Gian  siya eh. "

"Ano ngayon kung si Gian siya? Ako naman si Ellah," taas-noong tugon niya.

Huminga ito ng malalim.

"Apo, sa buong buhay ko, dalawang tao lang ang nakilala kong handang ialay ang buhay para sa'yo ng walang kapalit."

"Dalawa sinong isa?"

Humugot na malalim na paghinga ang don.

"Si Vince."

Natahimik siya. Walang magsasabing hindi nito isinakripisyo ang buhay sa kanya at ginawa nito ang bagay na 'yon alang-alang kay Gian.

"Ellah hija, kapag buhay na ang isusugal para sa'yo huwag mo ng pakawalan.

Madalas ang tao, laging may kapalit ang serbisyo.

Noong tauhan natin si Gian ay binabayaran ko siya sa pagtataya ng buhay niya para sa'yo, pero nang mahalin ka niya wala ng kapalit ang buhay niya.

Kung hindi siya magaling wala na siya sa mundong ito."

Napatango-tango ang dalaga.

"Ano po bang meron kay Gian at gustong-gusto niyo siya lolo?"

"May taglay na apat na "M" ang lalaking 'yon."

Namilog ang kanyang mga mata.

"I know that lolo!"

"Talaga?"

Nagsimula siyang magbilang sa daliri.

"Mayaman, mayabang, matampuhin at maarte."

Kumunot ang noo ng matanda.

"Bakit parang ikaw 'yan hija?"

"Hmp! Lolo! Nakakainis ka, " ngumuso siya at humalukipkip.

Tumawa ang don saka sumeryoso.

"Si Gian may apat na M ang taglay.

Una, 'Maunawain'.

Malawak ang pang-unawa. Hindi agad nanghuhusga hangga' t hindi nakakasigurado.

Hindi rin ma pride, kayang-kaya patawarin ang mga may sala sa kanya.

Kung humingi lang ng tawad ang mga Delavega siguradong patatawarin niya pero hindi ginawa ng mga Delavega 'yon."

Natahimik siya.

Alam niya sa sarili na hinding-hindi siya papayag na humingi lang ng kapatawaran ang kalaban.

Ang nararapat sa mga ito ay kamatayan.

"Pangalawa, 'Mabait'. Kahit ako na muntik na siyang ipapatay napatawad niya. Sa sobrang bait sa halip na kamuhian ako tinulungan pang makaahon ang kumpanya natin. Kung napuruhan siya ni Alex wala na ngayon ang kasintahan mo."

Napailing siya. Tama ang abuelo, kung hindi pinalad ang kasintahan wala na ito ngayon.

"Pangatlo, 'Matalino'. Napakamautak na kahit ang kalaban mismo napaikot niya. Lagi siyang lamang sa bawat hakbang laban sa kaaway.

Harap-harapan niyang nalilinlang ang kalaban. Na ikaw nga mismo napaniwala niya sa panlilinlang niya.

Lagi niyang pinag-iisipan ang bawat hakbang na gagawin.

Minsan pumapalpak siya pagdating na sa'yo pero gano'n pa man lagi niyang naibabalik sa ayos ang lahat.

Bumilib ako sa kanya noong panahong nilinlang niya ang kaaway pero pagdating sa akin, sinabi niya ang totoo. Kung tutuusin kayang-kaya naman niya akong linlangin pero hindi niya ginawa kasi iginagalang niya ako."

Sumimangot ang dalaga.

Naalala niyang siya rin ay nalinlang nito pero hindi isinama ang abuelo.

"Ano ang pang-apat lolo?"

Ngumiti ang don.

"Ang pang-apat ay... 'Mapagmahal.'

Napangiti rin siya.

Pagdating sa bagay na 'yon, saludo siya sa kasintahan.

" Sa tindi niyang magmahal, kahit buhay niya iaalay niya sa taong mahal niya. Noong nabubuhay pa si Vince minsan na ring inialay ni Gian ang buhay doon sa kaibigan.

Sa tindi niyang magmahal nang mahalin ka niya ni hindi ka niya pinalitan, kahit ng mga panahong wala ka sa kanyang tabi at nandiyan ang ibang babae ni hindi ka nawala sa puso niya. Napakatatag at tibay niya kahit sa panahong halos ipamukha mo na sa kanyang papalitan mo na siya hindi siya nawalan ng pag-asa. Nagsusumbong sa akin ang isang 'yon kapag sinasabi mong papalitan mo na siya noong nagpapanggap pa siya."

Napangiti na siya na parang may humaplos sa kanyang puso.

" Sinasabi niya minsan tigilan na niya ang ginagawa para magkaayos na kayo pero kapag naalala niyang may mga biktimang umaasa ng hustisya tumitibay ang loob ng binatang 'yon.

Kahit lagi mo na lang siyang nasasaktan noon tiniis niya lahat kasi mahal na mahal ka ng tao. "

Kinamot niya ang noo.

" Nakaka konsensiya po pala ano? Pero kasalanan niya 'yon. But it's okay, atleast wala ng mabigat na problema ngayon. "

Tumango ang don.

" Kaya puntahan mo na at humingi ka ng tawad. "

" Hmp bakit ako?"

"Hija, napakaswerte natin sa nobyo mo dahil mahal na mahal tayo. At dahil mahal kita nagpapasalamat ako na si Gian ang pinili mo. Hindi mo 'yan pagsisihan. Panatag na akong mawala sa mundo dahil nandiyan na siya."

Nakaramdam ng lungkot ang dalaga sa mga sinabi ng abuelo.

"Lolo," tawag niya.

"Yes hija?"

Nilapitan niya ito saka tahimik na niyakap.

Niyakap din siya nito.

Bumukas ang pinto at pumasok si Gian.

"Ah sorry po," anito sabay sarado ng pinto.

"Gian halika group hug tayo," anang don.

Agad lumapit ang binata at niyakap siya mula sa likuran.

Siniko niya ito ni hindi man lang natinag.

" Love, sorry na."

" Gian hijo, " tawag ng don.

" Yes Chairman? " pormal nitong tugon saka kumalas.

"May kailangan ka?"

"Ah, oo nga pala gusto ko lang po ipaalam na nakuha na natin ang deal sa China."

"Then very good! Congratulations hijo!"  niyakap ito ng don.

"S-salamat ho."

Kumalas ang don.

"Pag-usapan natin ang tungkol diyan."

Napakamot ito ng batok.

"Ah, si Ellah po sana kasi ang-"

"You're forgiven," saad niya.

Ngumiti ang binata at saglit siyang niyakap.

"Thank you love," saka ito kumalas at binalingan ang don. "Ano pong pag-uusapan natin chairman?"

"Hijo, alam kong itong apo ko ang may kasalanan bakit ikaw ang humihingi ng tawad?"

Nagkatinginan sila.

"Ako po don Jaime, nainis ako agad sa nangyari."

"O, sige bueno mamaya na lang tayo mag-usap tungkol sa negosyo.

Tungkol na lang sa kasal ninyo.

Maayos na ba lahat? Sa susunod na linggo na 'yon hindi ba? "

"Yes po, prepared na lahat, nakapagsukat na rin kami ng isusuot ni Gian, tapos na rin magbigay ng invitations."

"Mabuti, naman. Darating na ba ang kamag-anak mo hijo?"

"Sa susunod na araw po don Jaime."

"Gian apo, huwag mo na akong tawaging don Jaime. Apo na kita kaya lolo na ang itawag mo sa akin."

Napalunok ang binata.

"O-opo l-lolo."

Humalakhak siya, lalo na noong sumama ang tingin ng nobyo sa kanya.

"Halinga kayo ritong dalawa."

Pumagitna sila sa abuelo.

Hinawakan ng don ang magkabilang kamay nila ng binata.

"Hindi talaga ako nagsisising nakilala kita ng lubusan Gian.

Kahit na napakaraming nangyaring hindi maganda sa atin natanggap mo 'yon at hanggang ngayon nandito ka pa rin."

Nag-abot ang tingin nila ng nobyo.

Tipid itong ngumiti saka ibinaling nila ang tingin sa don.

"Itong apo ko," pinisil ng abuelo ang kamay niya.

"Kahit minsan hindi maintindihan ang ugali ay pagpasensiyahan mo na lang hijo, mahal na mahal ka naman nito eh. Makakaasa kang ikaw lang ang mamahalin ng nag-iisa kong apo."

"Lolo," angal niya sa hiya.

Tumikhim ang binata saka tumiim ang tingin sa kanya.

Marahan siyang yumuko.

"Makakaasa po kayo na ang inyong apo lang ang mamahalin ko, lolo."

Napatingin ang don sa nobyo.

"Maraming salamat Gian. Panatag na akong iwan si Ellah kasi nandiyan ka na.

Alam kong nasa mabuting kamay na ang nag-iisa kong apo."

Natahimik sila.

Tumingala si don Jaime at pumikit.

Humigpit ang kapit ng don sa kanilang mga kamay.

"Lubos ang pagpapasalamat ko sa Diyos na pinagtagpo kayo ng tadhana. Mahalin ninyo ang isa't-isa."

Pinaglapit ng don ang mga kamay nila ng nobyo na nakapatong sa tiyan ng abuelo.

"Mangako kayo sa akin, mga apo."

"Pangako po lolo," tugon ni Gian.

"Pangako po, lolo," tugon niya.

Sa pagkakataong ito, tumingin sila sa isa't-isa.

Ramdam ng kanilang mga puso ang dalisay at wagas na pag-ibig.

---

Isang araw bago ang kasal.

Nagsidatingan ang mga kamag-anak ng binata. Ang mga malalapit sa kanya na mga pinsan at ang abuelo ay sa condo niya nakitulog ang iba naman ay sa hotel.

Nagsitulog ang mga ito pagdating maliban sa kanyang abuelo na kinakausap siya habang nasa terasa.

"Gian hijo, I can't believe it's happening right now. You will leave me and... the company."

Huminga ng malalim ang binata.

"I won't lolo. Bibisitahin pa rin naman namin kayo, pero ang tungkol sa kumpanya, nararapat kay Hendrix 'yon."

"You are working on other' s company samantalang meron namang iyo."

"I am not just working, kapag ikinasal na kami ni Ellah, magiging akin po 'yon."

"Okay, if that is your decision. I will miss you, apo." Marahan nitong hinaplos ang kanyang balikat.

"Ako rin naman po. Nagpapasalamat ako at pumayag kayong ikasal ako sa babaeng mahal ko, wala kayong itinalagang babae para sa akin."

"Of course, arrange marriage is not our thing. Hindi natin kailangan ang yaman ng iba."

Napangiting siyang tumatango.

"You can marry anyone, kahit pulubi pa 'yan, walang natapos basta mahal ninyo, at mahal kayo wala akong tutol. Nagkataon lang na ang pinili mo ay may kaya gaya natin.

Hindi ako tututol, hindi ako gagaya ni papa. Hindi ko hahadlangan ang pagmamahal ng pamilya ko."

"Umalis lang si papa noon dahil sa ama ninyo hindi ba?"

"Yes. Si papa ang mahigpit. Natakot lang ako kaya napasunod niya ako sa gusto niya. But now I realize, I won't hinder the life of my family. I want them to be happy, I want you to be happy."

"Salamat po."

"You know what, I am so proud of you hijo. You met not just an ordinary woman, she is special."

Ngumiti siya.

"I know, a very special woman, with my very special love."

"Can you tell me how did you met her?"

Tumingin sa kawalan ang binata.

"Ang relasyon namin, masasabi kong isa sa pinakamabigat na nangyari sa buhay ko.

Noon pa mang nasa PDEA ako kilala ko na si don Jaime. May pagkakataong nag-agaw buhay ako noon at tinulungan niya ako.

Pero hindi niya agad nalaman 'yon.

Nabuhay ako dahil sa kanya. Kaya noong hiniling ni don Jaime na gawin akong body-guard at driver ng apo niya hindi ko tinanggihan.

Doon ko nakilala si Ellah.

Noong una pa man nagandahan na talaga ako sa itsura niya. Physically I admire her.

Pero hindi ko nagustuhan ang inaasta niya sa akin. Napakayabang, napaka high pride. Ang tingin niya sa akin isang gwardya lang na binabayaran.

Sinabihan pa akong dapat lagi akong nasa likuran niya tatlong hakbang ang agwat. "

" Oh! That woman? "

"Kaya sabi ko sa sarili ko, ang babaeng ito hinding-hindi ko magagawang mahalin.

But I failed lolo." Umiling siya.

"Iniyakan ko ng husto noong maramdaman kong mahal ko na siya. Kasi alam ko na hindi ako ang nararapat sa kanya. "

Naaawang napatingin si don Manolo sa apo.

"Iniyakan mo?"

"I did not cry because she doesn't love me. I cried because I fell inlove with her."

Natahimik ang abuelo.

"Hindi ko matanggap na makakaramdam ako ng pagmamahal gayong sa umpisa pa lang alam ko naman na hindi niya ako magagawang mahalin. Ako ang magiging kaawa-awa samantalang wala naman siyang pakialam."

"I am sorry apo, wala ako sa tabi mo sa mga panahong pinagdadaanan mo 'yan."

"Okay lang po. Hindi ko naman naiisip noon ang pamilya.

Hindi ko naman sana siya mamahalin kung hindi ko siya lubusang nakilala. Noong una naaawa lang ako sa kanya kasi ang daming hadlang para maging tagapagmana siya.

Ang daming kalaban samantalang ginagawa niya ang lahat ng makakaya niya para sa ikakabuti ng lahat. Palagi niyang pinatutunayan sa buong kumpanya na kahit babae siya, siya ang dapat maging tagapagmana. Kahit panlalaki ang negosyo nila pinapakita niyang karapatdapat siyang magmana."

"Really?"

"Humanga ako noong nagpakatatag siya at patuloy lang sa pagawa ng nararapat para sa lahat. Hindi siya madaling paikutin o paglaruan.

Alam ko ng mga sandaling mahina siya naaawa lang ako, pero noong lumalaban siya mag-isa doon na ako nakaramdam ng paghanga, na habang tumatagal naging pagmamahal.

Alam ko na hindi ko agad nakuha ang pagmamahal niya, kayang-kaya niya akong ipagpalit para sa kumpanya at sa nag-iisang pamilya.

Noong mga panahong hindi ako gusto ni don Jaime ipinaglaban ko ang pag-ibig ko pero bumitaw siya.

Binitiwan niya ako para sa nag-iisang pamilya.

Tinanggap ko 'yon kahit sobrang sakit.

Kasi ako ang may kasalanan, minahal ko siya kahit hindi naman dapat.

Pero kahit wala na kami, may mga pagkakataon pa ring nagkakaroon kami ng koneksyon sa isa't-isa. Hindi man sadya pero laging nag ku-krus ang landas namin.

At alam niyo ba sa tuwing mangyayari 'yon? " Sinulyapan niya ang abuelo.

"Bakit?"

"Naiisip kong hindi ba talaga kami ba talaga ang para sa isa't-isa? Kasi kung hindi bakit lagi pa rin kaming nagkikita? Nagkakaroon ako ng kakarampot na pag-asa sa tuwing magku-krus ang landas namin.

Alam niyo bang minura ko pa siya para lang mapaamin?"

Namilog ang mga mata ng abuelo.

" Talaga? Nagawa mo 'yon? "

" Opo. Kasi noong mga panahong 'yon, alam ko na may nararamdaman pa rin siya sa akin, mahal pa rin niya ako binabalewala lang niya para kay don Jaime at sa kumpanya."

" Napaamin mo ba? "

Ngumiti siya saka nagkamot ng batok.

" Yes. "

Natawa ang don.

"I can't believe it! Minura mo para lang mapasaiyo!"

Natawa na rin siya.

"Hindi naman ako magkakalas-loob kung hindi ko naramdamang may pag-asa pa ako."

"May mga panahon bang nagsisisi ka na minahal mo siya?"

"Noong hindi pa ako tanggap ni don Jaime, talagang sinisisi ko ang sarili ko, pero noong tinanggap na ako ng lolo niya, wala na po. Kahit noong nagkahiwalay kami ulit at nagpanggap akong ibang tao, hindi ko pinagsisihan, kasi alam ko na ang ginawa kong pagsisinungaling magpapalabas ng katotohanan sa panig ng kalaban."

" That was when you declared you are Rage Acuesta right? "

" Yes po. Nilinlang ko siya at kahit nakakaramdam ako ng matinding konsensiya binalewala ko para sa kapakanan ng nakakarami.

Si Ellah ang nagturo sa akin kung paano magtiis, magsakripisyo, magpakatatatag at lumaban.

Kung hindi ko siya nakilala hindi ko alam kung ano po ako ngayon.

Madalas sinasabi ng iba kapag nakilala mo ang taong mamahalin mo ay babaguhin ka nito. "

" Right, binago ka niya hindi ba? "

Ngumiti ang binata bago umiling.

"Hindi niya ako binago, inilabas niya ang tunay na ako."

Napapahangang tumango ang kausap.

"Ang mga katangian ko na hindi ko alam na mayroon pala ako, naipalabas niya.

Mas nakilala ko ang buo kong pagkatao. Masasabi kong mas naging mabuti akong tao, mas nagkaroon ng malalim na pang-unawa at mas marunong  ng magtimbang ng sitwasyon dahil 'yon sa kanya."

"Salamat sa nag-iisang Ellah."

Humugot ng malalim na paghinga ang binata.

"Salamat sa kanya. Salamat na hindi ako ang inuna niya. Na hindi niya ipinaglaban ang pag-ibig ko.

Naiisip ko na kung kagaya siya ng iba na ipaglalaban ang pagmamahalan laban sa pamilya hindi ako magiging ganito kasaya ngayon.

Malamang pagsisisihan ko ang pag-ibig ko.

Masisira ko ang isang pamilya dahil lang sa pagmamahal kong sakim ng husto. Salamat sa kanya at hindi siya nagpadala sa kasakiman ko."

" Apo ko, hindi sakim ang pagmamahal. Kusa itong nagpapaubaya."

" Sa sitwasyon ko noon, noong hindi pa ako natutong magtiis at magsakripisyo at magparaya hindi ko maiintindihan ang mga ganyan.  Ang gusto ko mahalin niya rin ako.

Ang gusto ko walang hahadlang sa amin.

Ang gusto ko ako ang piliin niya laban sa kahit kanino man.

Hanggang sa umabot sa puntong hiniling ko na sana mamatay na ang nag-iisa niyang pamilya. "

" Gian! " gulat na sambit ng abuelo.

Napatingin siya rito. "Ganoon ako magmahal, ganoon lolo."

Natahimik ito.

"Pero hindi ako ipinaglaban ni Ellah. Iniwan niya ako. Doon ko napagtanto na hindi sapat ang pag-ibig ko. Na hindi sapat na pagmamahal lang ang maibibigay ko. Sa gaya niyang kahit karapatan na lang ipinaglalaban pa, nahiya akong pagmamahal lang ang kaya kong ibigay, kaya ipinangako ko na kahit buhay ko ibibigay ko sa para kanya.

Doon ako ipinaglaban ni Ellah, ipinaglaban niya ako kahit itakwil pa siya ng kaisa-isang pamilya.

Doon ako natanggap ni don Jaime.

Na kahit ano pa ang katayuan ko sa buhay, tinanggap niya ako."

"Sa mga una mong sinabi naisip kong napakasama ng abuelo ni Ellah. Pero nang matapos ka, masasabi kong napakabuti nila.

Ikaw lang ang nabigo na nagtagumpay."

"Napakabuti talaga nila. Lolo, alam niyo bang may dapat pa akong pasalamatan?"

"Sino?"

" Si Roman Delavega."

Umawang ang bibig ng abuelo at hindi makapaniwalang umiling.

"Dahil sa kanya nakilala ko kayo, nagkaroon ako ng tunay na pamilya, pero ang ginawa niya ay bayad na. Binayaran ng buhay ng kaibigan ko."

"Wala silang kasing sama."

"Kahit ganoon sila, hindi pa rin maikakailang nagkakilala tayo dahil sa kasamaan nila.

Nagpapasalamat din po ako sa inyo lolo, dahil sa kabila ng nangyari sa akin tinanggap niyo ako."

"Apo kita. Humihingi ako ng tawad sa lahat ng kasalanan ko. Salamat din apo," marahan siya nitong kinabig at niyakap.

Ngayon mas gumaan ang pakiramdam niya sa abuelo.

Minsan nagsisisi siya bakit hindi agad ito nakilala.

Niyakap niya rin ang abuelo.

"What's happening here?" si Gabriel na kagigising lang at kinukusot ang mata.

"Oh group hug! Drix come on!"

Dinaluhong sila ng mahigpit na yakap ni Gabriel.

"Sa wakas! Wala ng matinding problemang haharapin!" Sumunod namang yumakap si Hendrix.

"Kung meron man sama-sama nating solusyunan!" tugon ni Gabriel.

Natawa ang binata. Tila malulunod sa tuwa ang kanyang puso.

Kahit sa umpisa ay maraming hadlang ngunit dahil sa pagmamahal, tiwala at pagkakaisa ay napagtagumpayan nila ang  bawat laban.

Ah, ito ang kanyang pamilya!

---

Sa kumpanya ng mga Delavega.

"Bukas ikakasal na ang mga demonyong pumatay sa kapatid natin."

Mariing wika ng babaeng kapatid ni Roman habang umiinom ng wine at kausap ang isa pang kapatid.

Tahimik namang umiinom ng wine si Norman habang nakaupo sa sofa sa loob ng opisina kaharap ang kapatid.

Mula ng mawala ang panganay na kapatid at ang pamangkin ay sila na ang namamahala sa negosyo ng mga ito.

Nilinis ni Norman ang mga masasamang ginagawa ng kapatid at ng anak nito.

"Parang ang sarap masdan na magkalat ng dugo ang malinis na simbahan ano sa tingin mo?"

"Tumigil ka Georgia," matigas na wika ni Norman.

"Norman! Wala ka bang gagawin? Pinatay nila si kuya at ngayon nagpapakasaya ang mga hayop!" Malakas na inilapag ni Georgia ang baso sa mesa.

"Wala tayong gagawin. Huwag kang mag-isip na may gagawin kang hindi maganda sa mga Lopez o sa mga Villareal, naintindihan mo?" asik nito.

"What! Huh! I can't believe you! Tayo lang ang namahala ng kumpanya ni kuya nagkakaganyan ka na! Siguro nga mas gusto mo talagang mamatay sila ano!" panunumbat nito.

Tumalim ang tingin ni Norman sa kapatid.

"In the first place sino ba ang walang planong tumulong kay kuya? Hindi ba ikaw? Sino ang nagsasabing laging nagdadala ng kahihiyan sa pamilya sina kuya? Hindi ba ikaw! Sino ang gustong alisin sa pamilya si kuya? Hindi ba ikaw! Bumait ka yata?"

"I want revenge-"

"Shut- up!" singhal na ni Norman.

Natahimik si Georgia.

"Kung sakaling buhay pa si kuya gusto kong makulong siya. Makulong na hindi makakalaya.

Pero kilala mo naman si kuya hindi 'yon magpapatalo hangga' t may hininga.

Wala tayong katahimikan, buong buhay natin palaging nanganganib.

Hindi ko ginusto na mawala siya sa atin pero hanggat hindi siya nagbabago wala tayong kapayapaan.

Magpasalamat na lang tayo at hindi tayo nadamay sa nangyari."

" Ang ibig mong sabihin tanggapin na lang natin ang pagkawala nina kuya at Xander ng walang gagawin? Gano'n ba! Tanggap mo ang nangyari dahil kagustuhan mo naman! "

"Kahit hindi ko gusto ang nangyari wala tayong magagawa. Nagkasala sila sa batas dapat lang na pagbayaran."

"Buhay ba ang ibabayad!"

"Buhay ang kinuha nila."

"Shit! Kapatid ka pa ba?" Marahas na ibinalibag ni Georgia ang baso ng alak.

"Huwag mong isumbat sa akin ang mga bagay na hindi ko kayang gawin!"

"Abogado ka pero wala kang silbi!

Ni hindi mo mabigyan ng hustisya ang pagkamatay nina kuya! Anong klase kang kapatid!"

"Abogado ako! Ang nagkasala sa lipunan mananagot sa mamamayan!"

"NORMAN!" sigaw na ni Georgia.

"WALA KANG GAGAWIN GEORGIA! NAIINTINDIHAN MO!"

Marahas itong tumalikod.

"SA ORAS NA MAY GINAWA KANG MASAMA AKO MISMO ANG MAGPAPAKULONG SA'YO!"

Natigilan si Georgia at tumahimik.

"I'm sorry," mahinahong wika ni Norman sa kapatid.

"Nakokonsensiya ako, nasasaktan para kay kuya. Tayo ang nawalan ng pamilya pero tayo pa ang dapat tumahimik."

Tuluyang bumagsak ang mga luha nito na ikinabahala ni Norman.

"Inaamin ko, naging masama akong kapatid pero hindi ko naisip na mawala siya sa atin."

Tahimik na lumapit si Norman sa kapatid.

"Hindi ko rin ginusto na mawala siya sa atin. Tayo pa rin ang pamilya niya."

"Nagsisisi ako na hindi kami nagkaayos ni kuya. Nawala siya nang hindi man lang ako nakahingi ng tawad. Nagsisisi ako na hindi ko man lang nasabi sa kanya na mahal ko siya, na kahit anong mangyari pamilya pa rin tayo."

Humagulgol na si Georgia kaya marahan itong niyakap ng kapatid.

"Kung nasaan man si kuya ngayon. Alam kong hindi niya gugustuhing maging kagaya niya tayo sa kanya. Hindi niya gugustuhing mabahiran ng dugo ang mga kamay natin. Makaranas ng matinding konsensiya dahil sa pagpatay.

Lumayo siya noon para hindi na tayo madamay pa. Hindi natin siya itinakwil, siya mismo ang lumayo dahil naiisip niyang hindi natin siya matatanggap.

Pero kahit anong nangyari hindi natin siya pinabayaan at alam ni kuya 'yon.

Kaya hayaan na natin siyang matahimik.

Matatahimik lang si kuya kung alam niyang payapa na rin tayo."

Tumahimik si Georgia at mahihinang humikbi na lamang ito.

Mas niyapos ni Norman ang kapatid.

"Ipanatag mo ang kalooban mo Georgia, bigyan natin ng kapayapaan sina kuya at Xander. Sa ganitong paraan makakaramdam ng kapayapaan ang mag-ama. Alisin natin sa puso ang pagkamuhi, galit at poot para sa mga kumitil sa kanila.

Ipagpasa Diyos natin ang lahat ng ito, hindi Niya tayo pababayaan. "

---

ARAW NG KASAL.

Lopez ang Villareal Wedding.

Magkasabayang dumating ang dalawang helicopter, dalawang limousine, apat na sports car at mahigit isang daang sasakyan.

Nagmistulang may parada ng mga kilalang personalidad kaya ang mga tao ay hindi naiwasang mag-abang sa kung ano ang nangyayari.

Kanya-kanya ng parking ang mga ito sa malawak na espasyo ng isa sa pinakakilalang simbahan sa buong Zamboanga City.

Ngayong araw, itinakda ang isa sa pinaka engrandeng kasalan ngayong taon.

Lopez and Villareal wedding.

Dadaluhan ito ng mga bigating personalidad sa buong lugar.

Hindi nakaapekto ang pandemya sa naturang selebrasyon.

Lahat ay naghihintay at nag-aabang sa pagdating ng bride.

May isa namang halos pagpapawisan sa tindi ng kaba.

Ang groom.

Mula pa kagabi ay hindi na sila nagkita ni Ellah hanggang ngayon.

Bagama't nag-uusap sila sa cellphone hindi pa rin niya maiwasang kabahan.

Inayos niya ang kulay puting amerikana na katerno ng puting leather na sapatos.

Hanggang sa bumukas ang pintuan ng simbahan.

Tumambad ang napakagandang babae.

Ang bride.

Marahan itong humakbang palapit sa kanya.

Deretso ang tingin ni Gian sa napakagandang babae sa kanyang harapan.

Nakangiti ito habang nakatitig sa kanya.

Kulay puti ang gown kasing dalisay ng pagmamahalan nila.

Habang nakatitig dito ay hindi niya maiwasang isipin ang mga pinagdaanan bago naabot ang ganitong tagumpay.

Ang mga paghihirap, pagtitiis, pagsasakripisyo at pagpaparaya, ang lahat ng iyon ay nalagpasan niya kaya ang tagumpay ay nasa kanyang harapan.

Nag-init ang sulok ng kanyang mga mata at pinigilan ang maluha, subalit hindi nakaligtas sa kanyang paningin ang kumislap na butil ng luha mula sa mga mata ng kasintahan.

Tuluyang nalaglag ang luhang kanyang pinigilan.

Nagsimula ang seremonya ng kasal kaharap ang pari.

Sumusunod lang siya sa bawat ipapagawa ng pari sa kanila.

Ang mga panunumpa, pag papalitan ng singsing.

"Gian Villareal do you take Ellah Lopez to be your wedded wife, to live together in marriage? Do you promise to love her, comfort her honor and keep her for better or worse, for richer or poorer in sickness and in health, and forsaking all others, be faithful only to her for as long as you both shall live?"

"I do." Deretsong tugon ng binata.

"Ellah Lopez do you take Gian Villareal to be your wedded husband , to live together in marriage? Do you promise to love him, comfort him honor and keep him for better or worse, for richer or poorer in sickness and in health, and forsaking all others, be faithful only to him for as long as you both shall live?"

"I do."

Hanggang sa marinig niya ang salitang...

"You may now kiss the bride."

Napakurap ang binata at napangiti.

Marahan niyang inangat ang nakatakip na belo sa mukha nito.

Napalunok siya habang nakangiti naman si Ellah.

Nang tumambad sa kanyang paningin ang simple ngunit napakagandang mukha ng kasintahan ay dahan-dahan niyang inilapit ang mukha sa mukha nito at pinakatitigan ang mga mata ng kasintahan.

"I love you," tagos sa pusong usal niya.

"I love you too," taos-pusong tugon nito.

Masuyo niyang pinaglapat ang mga labi nila.

Kasunod ay ang masigabong palakpakan ng lahat.

Napangiti ang binata matapos ang halik.

Sino ang mag-aakalang ang dating binabantayan niya noon, asawa na niya ngayon?

Habang nagkakatuwaan ang iba, sa kabilang gilid ay naroon ang dalawang don.

"Don Manolo, hindi ko inaakalang ang mga apo pala natin ang magkakatuluyan. Maraming salamat sa pagpapalaki mo ng maayos kay Gian."

"Don Jaime, ni sa hinagap hindi sumagi sa isip ko na may kaya ang mapapabilang sa pamilya namin. After all, we are not expecting anything. I don't do arrange marriage how about you?"

"No, but I want my grand daughter to choose a businessman like me. But, I love Gian, he is the only one  for my Ellah."

"Yes, your grandaughter is only for my Gian."

Sabay na nagngitian ang dalawang don at napatingin sa ikinakasal.

Nagkaroon ng pagkakataong makapagbigay ng mga mensahe ang dalawang don para sa ikinakasal.

Hawak ni don Jaime ang mikropono habang nasa harapan.

" Una nagpapasalamat ako sa kasalang ito dahil hindi madali ang mga pinagdaanan ng dalawang 'yan para umabot dito.

Tutol talaga ako dati dahil ang gusto ko isang negosyante ang makakatuwang ng apo ko sa buhay. Pero sadyang may mga bagay at pangyayari na nagpabago ng desisyon ko. Nahigitan ng batang' yan, " tinuro nito si Gian. " Ang mga expectations ko.  May mga bagay na tanging siya lang ang nakakagawa, may kakayahan siyang kontrolin ang isang sitwasyon at namamalayan ko na lang napapasunod na niya ako.

Ma prinsipyo, may dignidad at maabilidad. Kaya hanggang sa tuluyang nakuha niya ang tiwala at kalooban ko. Nagpapasalamat ako ng husto, dahil sa dami ng babae sa mundo, ang apo ko" pinagmasdan ni don Jaime ang apo na nangingiti.

"Ang minahal niya.

Hindi madali ang pinagdaanan ni Ellah para lang mapasakanya si Gian. Noong panahong nahihirapan ang apo ko, si Gian ang palaging nasa tabi niya. Noong panahong hindi ko na kaya ang nangyayari, palaging nandiyan si Gian para sa kanya, para sa akin, sa amin.

Kaya naisip kong, kung hindi pa ang lalaking 'yan ang para sa apo ko, wala ng para sa kanya.

Kaya naman bilang regalo ko sa dalawa, ngayong mag-asawa na ang mga ito, ay ibibigay ko ang posisyon ko sa apo kong si Ellah bilang aking kapalit. Tiwala akong makakaya ng apo ko dahil nandiyan si Gian.

Maraming salamat. Congratulations newly weds." Bahagyang yumukod ang don.

Napapaluhang napapangiti si Ellah habang nakatingin kay Gian na naluluha ngunit nakangiti rin.

Hindi man derektang sinabi ng abuelo, itinalaga na siya nito bilang Chairman dahil tiwala itong makakaya na niya dahil sa asawa.

Si don Manolo naman ang pinagsalita.

"I am so thankful for this very important day of the lives of this couple." Nilingon ni don Manolo ang mag-asawa.

"To tell you the truth, I am so proud of my grandson Gian.

He won the battle.

He won the heart of the most influential person in entire Zamboanga Peninsula.

He defeated the enemy.

He brought justice to all victims.

And I am proud to his wife, for all the support, the sacrifices she did, the trust she made for my grandson. I am so thankful to have you in our lives, again congratulations newly weds."

Nagkatinginan ang mag-asawa.

Pinisil ni Gian ang kamay ni Ellah, hindi man magawang isa-isahin ang taus-pusong pagpapasamat, ipapadama na lang niya sa asawa ang lubos na pag-ibig.

" Thank you."

" Thank you."

"I can't believe you are my wife now," usal ni Gian.

Bumulong si Ellah.

" Because you are my..." sinadya nitong putulin ang sasabihin.

Hinintay niya ang kasunod.

"Wanted Husband."


REFLEXIONES DE LOS CREADORES
Phinexxx Phinexxx

Kumusta po kayong lahat? May Special Chapter po tayo sa Wanted Husband. Sana magustuhan po ninyo ito.

Sana na inspire po kayo sa kwentong ito.

Maraming salamat po.

Keep safe.

God bless.

Hanggang sa muli...

Phine.

next chapter
Load failed, please RETRY

Estado de energía semanal

Rank -- Ranking de Poder
Stone -- Piedra de Poder

Desbloqueo caps por lotes

Tabla de contenidos

Opciones de visualización

Fondo

Fuente

Tamaño

Gestión de comentarios de capítulos

Escribe una reseña Estado de lectura: C107
No se puede publicar. Por favor, inténtelo de nuevo
  • Calidad de escritura
  • Estabilidad de las actualizaciones
  • Desarrollo de la Historia
  • Diseño de Personajes
  • Antecedentes del mundo

La puntuación total 0.0

¡Reseña publicada con éxito! Leer más reseñas
Votar con Piedra de Poder
Rank NO.-- Clasificación PS
Stone -- Piedra de Poder
Denunciar contenido inapropiado
sugerencia de error

Reportar abuso

Comentarios de párrafo

Iniciar sesión