Nanatiling nakatitig siya sa akin, wari ba'y sinusuri ang bawat hibla ng aking pagkatao. Maya-maya'y isang maluwang na ngiti ang kumawala sa kanyang mukha.
"Akala ko ba ay ayaw mo sa akin?" patukso niyang tanong.
Napatigil ako sa aking kinatatayuan. Ang isang kurap ay nasundan pa ng isa, at isa pa, at isa pa, at isa pa, muntik ko ng makalimutan, ang lalaking ito na nasa harap ko ay ang tanging tao na mamahalin ko sa buong buhay ko. Tulad pa rin siya ng dati, o sa tamang salita wala siyang ipinagbago. Andun pa din ang magagaang ngiti niya, ang mga mata niyang nangangko ng habang buhay na tag-araw, ang bawat kilos niya na wari ba'y walang pakialam sa mundo ngunit ilalagay ang sarili sa panganib para lang maitama ito. Rumagasa ang iba't-ibang emosyon sa aking dib-dib. Tama, siya ito. Si Jay, ang lalaking mamahalin ko, ngunit ayaw ko na. Dinagsa ako ng mapait na ala-ala ng mawala siya sa buhay ko, at ayaw ko ng maranasan pa muli iyon.
Kung ang pagbalik ko sa nakaraan ay ang itama o baguhin ang aking kasalukuyan ibig sabihin kailangan kong putulin ang anumang koneksyon namin dito pa lang. Marahil kapag bumalik na ako sa panahon kung saan ay wala siya sa buhay ko, kung saan isa lamang siyang malabong ala-ala, kung saan isa lamang siyang kaeskwela, marahil hindi na kasing hapdi ang aking madarama sa tuwing iisipin ko siya.
Hindi ko na namalayan ng lumapit siya sa akin at dahan-dahang pinahid ang mga luhang hindi ko napansing umaagos.
"Umiiyak ka na naman." May pag-aalala niyang wika. Nagtama ang aming mga mata ng sulyapan ko siya. Doon kasabay ng dalawa niyang kamay sa aking pisngi naramdaman kong hindi lamang niya ako pisikal na hinawakan, ramdam ko ng buong pagkatao ko ang kaniyang tingnan at panghawakan. "Wala akong problema sa umiiyak na babae kahit ako pa ang dahilan, pero ito" marahan niyang pinawi ang luhang patuloy na nananalatay sa aking mukha gamit ang kaniyang hinlalaki, "bakit parang bawat butil nito ay isang karayom na tumutusok sa puso ko?"
Dahil sa kaniyang sinambit ay tila ba isang ulan na matagal na nagtipon sa ulap ang kumawala sa aking dib-dib. Walang ano-ano ay niyakap ko siya na parang isang sanggol na nanabik sa kaniyang ina. Malayang tumulo ang mga luha ko, di alintana na ang taong kaharap ko sa panahong ito ay hindi ako kilala.
Naramdaman ko ng gantihan niya ako ng yakap. Tulad ng dati may dulot na kapayapaan ang mga bisig niya. Hinaplos-haplos niya ang aking ulo, gaya ng pagkakatanda ko.
"Kay tagal kong pinanabikang makita kang muli." Hinanaing ko habang lalong humihigit ang aking pagka-kapit sa kaniya, nangangamba na baka pati ito ay agawin pa sa akin ng panahon.
"Ssshhh… Maki," pang-aalo niya habang pinipilit na ilayo ang katawan niya. "Maki, tumingin ka sa akin." Utos niya ng hindi siya magtagumpay na kumawala sa aking mahipit na pagkakayakap.
Humihikbi akong tumalima sa kaniya. Bahagya akong lumayo sapat lamang upang mabanaag ang mukha niya. Naroroon ang pagkalito sa kaniyang mga mata at may bahid ng pag-aalala. "Hindi ko alam kung sino ang nakikita mo sa akin pero sinisigurado ko sayo ngayon lang tayo nagkita." Mahinahon niyang sabi.
Para akong nabuhusan ng malamig na tubig sa kaniyang pahayag. Nagising sa katotohanan. Ako lamang ang nakakakilala sa kaniya. Ako lamang ang may mahigit na sampong taong ala-ala sa aming pagsasama. Nanlulumo akong humakbang palayo sa kaniya. Ibinagsak ko ang aking mga kamay na naubusan ng lakas, kinagat ang mga labi upang mapigilan ang anumang emosyon na maaaring kumawala. Nang makita kong akma siyang lalapit sa akin ay ipininid ko ang aking ulo tumingin sa labas ng bintana. Ano ba itong napasukan ko?
Nagmahalan kami ng mahigit sampong taon. Ngunit hindi ko maaring asahan na ang taong kaharap ko ngayon ay ganun din ang nararamdaman. Tama na siguro ito. Dito pa lang sa panahong ito hindi ko na siya mamahalin. Kung mababago ko ang hinaharap sa desisyon kong gagawin sa oras na ito, mas pipiliin kong hindi siya maging parte ng buhay ko.
Marahas kong tinuyo ang aking mga mata muling tumingin sa kaniya at matipid na ngumiti, "Kamukha mo siya, pasensiya na. Hindi na mauulit. Mula ngayon ituturing kita na parang walang nangyare sa pagitan natin. Sana ganun ka din."
Mababakas sa mukha niya ang pagkagulat nakita kong bumuka ang bibig niya upang magsalita ngunit, isang malakas na tunog ang pumang-ibabaw sa paligid. Ipinikit ko ang aking mata at tinakpan ang tenga.
Hangang sa unti-unti itong humina at maulinigan kung ano ang ingay na iyon. Para itong kahoy na kinakatok. Tama parang may kumakatok sa pinto. Bigla akong nagmulat at tumingin sa direksyon nito. Kunot noo akong tumingin sa parang pamilyar na pinto.
"Panaginip?" tanong ko sa sarili ng bumangon ako. Ipinagwalang bahala ko na lamang ito. Hindi ko na rin naman ito halos matandaan. Muli may kumatok sa pinto. "Sandali lang." tinungo ko ang banyo upang maghilamos at nagulat na lamang ako ng makita ko ang bakas ng luha sa aking mukha. "Kay lungkot naman ng panaginip na iyon." Komento ko sa sarili at tuluyan ng naghilamos.
Nang matapos ako ay naulinigan ko na naman ang katok sa labas ng aking silid. "Tsk! Ang kulit ang aga-aga eh", sa kabila ng pagmamaktol ko ay binuksan ko ang pinto. Isang hindi kilalang laki ang bumungad sa akin.
"Magandang umaga!" Masayang pagbati nito.
Sinilip ko ang nakasabit na orasan sa may pader mahigit ala-una na at ibinalik ang tingin sa kaniya, "Tanghali na."
Tumango siya ng hindi napapahid ang ngiti sa mukha, "At kakagising mo lang!" Patuksong sabi ng estranghero.
"At hindi kita kilala at wala kang pakialam." Sagot ko sa kaniya na may bahid ng pagkairita. Sino ba itong taong ito na balak atang sirain ang buong araw ko.
Lalo lamang lumawak ang ngiti niya at para bang mas ikinatuwa pa niya ang aking pagkairita. "Ako yung bagong lipat sa katabi mong kwarto." Pagpapaliwanag niya.
Oo nga pala sinabi iyon ng may ari ng mga silid na aking inuupahan. Napatango-tango ako sa ala-ala.
"Ako nga pala si Jay, Jay Ramirez." Pagpakilala niya.
"Jay?" Tila pamilyar iyon. "Maki, Ma-"
"Maki Mae Mendoza?" Putol niya sa akin.
Napatingin ako sa kaniya ng may pagtataka.
"Hindi mo ba ako nakikilala?" Parang batang tuwang-tuwa siyang tumingin sa akin.
"Dapat ba kilala kita?" Balik tanong ko sa kaniya.
Napabunghalit siya ng tawa sa aking tanong, "Hindi ka pa din nagbabago, sumasagot ka pa din sa tanong ng kapwa tanong. Natatandaan mo si Jane?"
"Jane?" tumingin ako sa kaniya ng matagal, si Jane? Teka siya yung, "Ikaw yung manyak sa eskwelahan!" bulalas ko ng maalala ko kung sino siya.
Ginawaran lamang niya ako ng malapad na ngiti na parang tuwang-tuwa siya at nakilala ko siya, "Nagagalak din akong makita, Maki." Sabi pa niya ng may bahid ng sinseridad.
Hindi ko alam kung bakit ngunit ang tono ng kanyang pananalita ay may pinukaw na kung ano man sa akin.
To my readers,
I know, the story is kinda progressing slowly and it's kinda leaving off the feeling of what is real and what's not. Anyway I enjoy teasing my reader so this would be my last update for now. I'll be posting my update at the last minute of the contest. *wink-wink*. Procrastinating is my last name ^.^.
Yours' truly, Bolygrafo
PS: Please vote, Ipaglaban natin ang Tagalog na Literatura, though I'm honestly having a hard time here. -.^ (hehehe laters)