Malakas at sunud-sunod na katok sa pinto ng kwarto ko ang gumising sa akin kinaumagahan. Masakit pa ang mga mata ko at tinatamad pa na bumangon sa kama pero ayaw tumigil ng ingay sa pintuan.
Inalis ko ang braso ni Timothy na nakayakap sa akin at tumayo na mula sa kama. Binuksan ko ang pinto at sumalubong sa akin ang mukha ng tatlo kong kaibigan. Sa mga hitsura nila ay parang may nangyaring importanteng bagay. Halata ang pagpa-panic sa mga mata nila na di mapakali.
"Bakit ganyan ang mga hitsura ninyo? May nangyari ba?" usisa ko.
"Yung parents mo Sammy, nasa baba sila," mabagal na sabi ni Maggie.
Napasinghap ako sa narinig. Kaagad akong nakaramdam ng kaba. Sina Mama at Papa, nandito sila. Narinig ba nila ang nangyari sa'kin? Well, of course malalaman nila! Kahit na nasa ibang bansa sila, natural na malalaman nila kung ano ang nangyari sa akin. Maging sina Lolo at Lola ay pinuntahan ako kagabi. Kinakabahan na napatingin ako kay Timothy. Nakaupo siya sa kama at mukhang narinig ang sinabi ni Maggie. May seryoso siyang expression sa mukha niya. Nakagat ko ang labi ko.
"Don't worry, I'll come with you."
Hinawakan niya ang kamay ko. Huminga ako nang malalim. Bumaba kami mula sa hagdanan, nakayuko lang ako. Hindi pa kami nagkakaayos ng parents ko simula nang umalis sila kasama si Angelo. Ngayon nandito sila at magkasama kaming haharap sa kanila ni Timothy.
"Mommy!" salubong sa akin ni Angelo na kaagad na yumakap sa binti ko. Napatingin ako sa kapatid ko. Nakaramdam ako ng tensyon sa paligid.
"Angelo," bati ko sa kapatid ko. Nilingon ko ang Crazy Trios at pinalapit. "Kayo muna ang bahala kay Angelo."
"Come here, Angelo." Isinama nila si Angelo papunta sa kusina.
Tumingin ako kina Mama at Papa. Tumayo sila mula sa pagkakaupo sa sofa. Namumula ang mga mata nila at mukhang pagod sila mula sa mahabang byahe.
"Samantha." Ngumiti si Mama looking relieved pero agad na nawala iyon nang mapansin niya kung sino ang nasa tabi ko.
"Ma, Pa, si Timothy po," pakilala ko kahit na alam ko na kilala naman nila ang isa't-isa.
Kilala na nila si Timothy simula mga bata palang kami. Kitang kita ko ang pamumuo ng galit sa mga mata ni Mama. Ilang sandali ang dumaan na puro katahimikan. Bawat segundo ay mas lumalala ang kaba sa dibdib ko.
"What is this boy doing here, Samantha?" tanong sa akin ni Mama habang matalim na nakatingin sa direksyon ni Timothy.
"Mama—"
"Ano ang ginagawa niya rito ng ganito kaaga? Ano ang ginagawa niya sa loob ng kwarto mo?" nakita ko ang panginginig ng kamay ni Mama. Nanatiling tikom ang bibig ni Papa habang nakatayo sa likod ni Mama.
"M-Ma, I'm sorry po."
Mabilis na nakalapit si Mama sa amin ni Timothy. Nakaririnding tunog ang sumunod. Nakita ko nalang na napaharap sa kabilang direksyon si Timothy sa lakas ng sampal sa kanya ni Mama.
"Bakit ba hindi ka pa mawala sa buhay ng anak ko?!"
"Mama!" Inawat ko siya. Pumagitna ako sa kanila ni Timothy. Pilit kong nilalabanan sa paglapit sa kanya si Mama.
"Sa tuwing may nangyayaring masama sa anak ko ikaw ang palaging dahilan!" sigaw ni Mama kay Timothy. "Dahil sa'yo kaya palagi siyang napapahamak! Hihintayin mo pa bang mapahamak ng tuluyan ang anak ko bago mo siya layuan?!"
"Mama tama na!"
"Selene, tama na yan." Tumulong si Papa sa pag-awat kay Mama.
Nilapitan ko si Timothy at tinignan ang namumula niyang pisngi dahil sa sampal na natanggap niya mula kay Mama.
"I'm alright," bulong niya sakin.
"Samantha! Lumayo ka sa lalaking yan! Hindi ka dapat dumidikit sa mga katulad niya!" utos ni Mama sa ma-awtoridad na tono. Ang tonong nakasanayan ko nang marinig tuwing nagagalit siya sa akin.
"Mama please..." naiiyak na sambit ko nang tumingin ako sa kanya.
"Pack your things, Samantha! Aalis na tayo ngayon din! Sasama ka samin sa England!"
Umiling ako sa kanya. Walang tigil ang tulo ng luha sa mga mata ko. Ilalayo na naman nila ako.
"Please Mama, ayoko." Humarap ako sa kanya nang tuluyan habang umiiling.
"I said pack your things, Samantha! Sasama ka sa amin ng Papa mo!" malakas na putol niya sa protesta ko. "No, nevermind. Bibili nalang tayo ng mga bagong gamit mo roon." Hinablot ni Mama ang kamay ko.
"Ayoko! Ayokong sumama sa inyo!" matigas na sabi ko.
"Samantha!" hindi makapaniwalang sambit ni Mama.
Tuluyan kong naalis ang hawak sa akin ni Mama. "Hindi ninyo ako gustong isama noon. In fact, kailangan ko pang magmakaawa sa inyo noon para lang isama ako dahil ayokong mag-isa rito. Pero ngayon na masaya na ako, saka ninyo ako isasama? Ayoko Mama, buhay ko 'to kaya ako ang masusunod!"
"Samantha!" pigil ang galit ni Mama habang matalim at malamig na nakatingin sa akin. "Nadikit ka lang ulit sa lalaking iyan, naging rebelde ka na ulit sa amin ng Papa mo! Kami parin ang mga magulang mo, Samantha. Kami parin ang masusunod! Pupunta tayo sa England kasama si Jared!"
"Nag-usap na kami ni Red, hindi na tuloy ang kasal Mama. I broke off the engagement, walang kasal na magaganap sa aming dalawa."
"That is absurd, Samantha! Magpapakasal kayo! Napag-usapan na namin ito ng mga magulang niya. Magpapakasal kayong dalawa," mariin niyang sabi. Matigas at malamig ang kanyang tono.
"Sorry Mama, pero hindi ninyo na ako mapipilit pa. Buo na ang desisyon ko na manatili rito. Hindi ninyo na rin ako mapipilit pa na magpakasal sa iba. Mahal ko si Timothy, Mama."
"You love Jared!" Napatingin si Mama sa tabi ko. "Kung alam ko lang na mangyayari ito, hindi na sana kita pinayagan pa na bumalik dito. Kung babalik ka sa lalaking 'yan, I suppose alam mo na ang mangyayari sa pamilya niya. Sa lahat ng ari-arian na meron ang pamilya nila," may pagbabanta sa boses ni Mama.
Naramdaman ko ang pangamba sa banta ni Mama. Ito ang parehong rason na ginamit niya sa akin noon. Kung hindi ko hihiwalayan si Timothy, ang pamilya niya ang mananagot.