NAGMADALI na akong umuwi sa mansiyon. Nakasakay na ako sa bus nang makita ko sa TV ang nangyari kay Zetch Zacarias. Ito ang nakaaway ko bago kami mapalayas ng school. Tiyak na kami na naman ang suspek sa pagpatay rito. Muli na namang bumangon ang hinala ko kay Dexter. May mga nalaman kasi akong ulat kay Dexter, mga balita bago ito makauwi sa amin noong nakaraang taon.
May ipinadala ang ahensya na nanggaling sa mismong lugar na pinanggalingan niya. Matapos maganap ang trahedyang nangyari sa barko, six years ago, ay gamit-gamit pa rin niya ang pangalang Dexter Lacus. Ngunit nang mapatay ang mga magulang na kumupkop dito ay pinapalitan na niya ang pangalan sa Birth Certificate ng Shin Montello.
Lalo akong kinabahan. Bakit kinailangan magsinungaling nito? So, never itong nagkaroon ng amnesia? Akala ko bay Dexter Lacus ang nasa birth certificate niya? Bakit tuluyan niyang pinapalitan iyon ng Shin Montello?
"Kasalukuyan pa rin daw pinaghahanap ang pumatay sa mag-asawang Montello at ang biglaang pagkawala ng ampon ng mga ito na si Dexter Lacus."
Iyon ang nabasa ko sa article na hawak ko ngayon. Pinagpawisan ako nang malapot. Mukhang tama ang hinala namin nina Dada at Nakame. Unti-unti nang lumalabas ang katotohanan ng mga haka-hakang akala namin ay ilusyon lang naming magkakapatid.
Kailangan kong kumilos at alamin kung bakit nagbalik pa si Dexter at kung bakit nito inilihim ang lahat. Bakit puro kasinungalingan ang lahat ng mga sinabi niya sa amin?
Uumpisahan kong maghanap sa mga gamit nito para makahanap na ng konkretong ebidensiya para sa ikatatahimik narin ng lahat.
Sana hindi totoong pumapatay ito dahil oras na mapatunayan at makakuha ako ng tamang ebidensiya ay wala akong magagawa kundi tuluyang ilayo ang mga kapatid namin sa kaniya.
MAHIHIGA na sana ako sa kama nang marinig ako ng marahang katok sa pintuan ko. Agad kong binuksan iyon at nabungaran ko ang nag-aalalang mukha ni Kuya Tosh. Mahigpit pa niya akong niyakap pagkatapos.
"Bakit, Kuya Tosh? Mukhang kauuwi mo lang galing Manila, ah? Hindi ka pa nakakapagpalit ng damit panlakad mo, eh."
Ngumiti lang siya at saka niya tinanong kong tulog na ba sina Nakame at Dexter. Tumango naman ako.
"Ohh. . . sige. Matulog ka na. Maliligo pa ako at magpapalit ng damit."
Napatango na lang ako. Isasara ko na sana ang pintuan nang mabilis na ihinarang niya ang kamay sa may hamba ng pintuan. Tila nag-alangan pa siyang magsalita.
"May sasabihin ka pa ba, Kuya Tosh?"
"Ah, kasi, Da. . ."
Hindi pa man natatapos ni Kuya Tosh ang sasabihin ay biglang sumulpot si Kuya Dexter na parehas naming ikinagulat. "Ano ang sasabihin mo kay Dada, Toshiro?"
Seryosong nagtitigan ang mga ito na tila naglalabanan ng tingin.
"Dada, nai-lock mo ba ang mga pintuan at bintana nang maigi? Baka kasi may nakapasok na hindi natin namamalayan, eh. Ikapahamak pa natin o kaya pagpapatayin pa tayo. Di ba, Dexter? "biglang sabi ni Kuya Tosh.
Napakunot ang noo ko. Ewan ko ba pero parang may ibig sabihin si Kuya Tosh sa sinabi niya. Akala ko ba tapos na ang usapin na iyon kay Kuya Dexter?
Nang tingnan ko si Kuya Dexter ay blangko lamang ang ekspresyon nito.
"Tama ka, Tosh. Kaya, Dada, dapat i-lock mo nang mabuti ang mga pinto at bintana. Bukas nga pala ay maaga akong aalis kaya maiiwan kayong tatlo rito. Bago naman maggabi ay tiyak na makakauwi na ako at sa pagbabalik ko ay may sasabihin akong isang napakalaking bagay."
Pagkatapos niyon ay agad nang umalis ito sa harapan namin. Batid ko ang tensyong namuo sa pagitan ni Kuya Tosh at Kuya Dexter. Hindi ko lang alam kung saan nagmumula iyon pero sigurado akong may kailangan akong malaman.