"MAS lalo namang hindi ako papayag na lumabas na bakla! Mahihirapan lalo tayong kumbinsihin ng husgado kung iyon ang gagamitin nating dahilan. Look at me, mukha ba akong mang-aagaw ng lakas." Gigil na gigil si Cassius sa asawa.
"Anong paraan ang gusto mo?"
"Kung anong unang plano, iyon ang susundin natin."
"Ikaw na ang baliw?!"
"Minsan ang sarap mong sakalin. Bahala ka! Ikaw ang lumakad niyan, ikaw naman ang may plano ng lahat. Gawin mo ang gusto mong gawin!" Dumiretso sa banyo si Cassius upang magbihis. Padabog nitong isinara ang pinto. Natigilan naman si Kiona.
Noong una'y balak niyang galitin ng husto si Cassius upang ito na mismo ang maghamon ng hiwalay. Ngunit mahihirapan siyang gawin iyon, dahil natatakot siya kay Cassius.
Hindi niya kayang salubungin ang galit nito. At sa kung anong dahilan, sinisisi niya ang sarili kung bakit nagalit ang asawa. Parang gusto niyang mag-sorry.
Naka-t-shirt at maong na ito nang lumabas ng banyo. Kinuha ang sapatos, pagkatapos ay nagpabango ng husto.
"Saan ka pupunta?" Usisa niya.
"Pupunta ako nang tindahan. Pati negosyo ko ay napabayaan ko dahil sa kalokohang ito!" Mainit parin ang ulo nito habang nagsusuklay.
"Bakit nagpabango ka pa?" Tanong ulit ni Kiona.
"Paano kung magka-kustomer ako ng bading? Mabuti na iyong mabango."
"Tinatanong kita ng mahusay, sumagot ka rin nang maayos. Alam ko namang hindi ka sa tindahan pupunta, e. Pupuntahan mo si Katerin Chavez."
Natigil ni Cassius ang ginagawa. Paano nalaman ni Kiona ang plano niya? Ang hindi niya makuha kay Kiona, kukunin niya sa gynecologist.
"Narinig ko ang message niya sa phone mo. Susunduin mo siya sa St. Luke's. Bilib din naman ako sa babaing iyon, alam naman niyang bago kang kasal. At saka, doktora siya, dapat mataas ang moralidad niya."
"Wow! Tama ba ang naririnig ko? Akala ko ba, eh wives are off the offices?"
Tameme si Kiona. Bakit nga ba siya naiinis? Wala namang dapat siyang pakialam sa mga babae ni Cassius. Iyon ang nilinaw niya noon. Pero naiinis pa rin siya.
Isang linggo pa lang silang kasal nambabae na agad ang asawa niya. Ngunit hindi na niya ipinahalata ang inis na iyon.
"Sinasabi ko lang naman ang opinyon ko, ang mabuti pa, sasabay na lang ako sa iyo. Ihatid mo ako sa agency. Madadaanan naman natin papuntang St. Luke's, eh."
"Ikaw ang bahala." Lalong nainis si Cassius kay Kiona. Parang mas gusto pa niyang pinupuna nito ang mga kilos niya, kaysa ganito.
"May lakad pala kayo?" Usisa ng mommy niya nang makita silang bihis na bihis.
"Mamamasyal lang. Manonood ng sine." Ani Cassius.
"Anong oras kayo uuwi? Dito ba kayo maghahapunan?"
"Hindi na ho." Maagap ang tugon ni Cassius.
"Bahala kayo. O, sige have a good time. Enjoy yourselves. Ganyan talaga ang bagong kasal, sanay parati kayong ganyan kahit na may anak na kayo."
SA KOTSE
"Hintayin mo ako sa office nyo mamayang gabi." Bilin ni Cassius sa asawa.
"Bakit? Kaya ko namang mag-taxi."
"Hindi nga, e. Dapat magkasabay tayong uuwi. Makakahalata si Mama. Kaya hintayin mo ako, susunduin
kita."
"Paano kung madaling araw ka pa uuwi?"
"Hintayin mo ako. Tapos!"
"Are you seeing her because you need sex?"
Kahit paano'y nag-blush si Cassius sa tanong na iyon ni Kiona. "Natural lang naman iyon, a. I have my needs, you have yours..."
"Payag ka na makipagkita rin ako sa iba?"
"Ano ako bale? Over my dead body!"
"You're unfair!"
"Bakit? May boyfriend ka ba na hindi ko nalalaman?"
Umiling si Kiona. Alam ni Cassius na nagsasabi ito ng totoo. Napatunayan niya iyon.
"How much sex do you need in a week?" Tanong ulit ni Kiona.
"Ewan. Depende. Bakit ka ba tanong nang tanong tungkol sa sex life ko. Parang pinalalabas mo naman na sex maniac ako."
"Sorry, curious lang ako."
——
"KIONA!! My God! Lalo kang gumanda ngayon!" Bulalas ng bakla pagkakita kay Kiona. "Halika, I'll introduce you around." Isa-isang ipinakilala sa kanya ang iba pang modelo na nagre-rehearse.
"Ito naman si Vaugn, ang choreographer. The best iyan. Siya ang magbibigay ng choreography sa iyo. May plano na ako, sa show natin kita ipakikilala. Mag-isa kitang pararampahin sa entablado."
"Ha?! Ngayon pa lang ako magsisimulang mag-training, bakit bibigyan mo na ako agad ng show?"
"I Know...I know...Kaya nga mag-isa lang kitang pararampahin, dahil gahol na tayo sa panahon para makabisado mo ang choreography ng buong show. Gusto kitang ipakilala na, the best thing is for you to have your own number. Si Vaugn ang bahala sa iyo. Besides, you're a natural model. Hindi ka gaanong mahihirapan." Paliwanag ng bakla.
Dinismis muna ng choreographer ang ibang modelo, tutal ay kabisado ng mga iyon ang bawat hakbang at ikot na gagawin. Si Kiona ang inumpisahan nitong turuan ng basics.
"Kapag sinabi kong standard position, ganito ang gagawin mo." Lumiyad ang bakla at inilagay sa bewang ang kamay, pwede raw isa lang, pwede rin namang dalawang kamay.
Nanulis ang nguso ng bading sa pagpo-project. Napapangiti si Kiona. Malabo ngang mapagkamalang bading si Cassius. Napakunot ang noo niya nang maalalang pupuntahan ng asawa ang gynecologist.
"Kabit lang siya!" Bulong niya sa sarili.
"Anong sabi mo?" Napansin pala ng bakla ang pagbukas ng bibig niya.
"Ha?! Sabi ko ang galing mo."
"Ngayon, tingnan natin ang galing
mo." Istrikto ang bakla. Kahit bakla ay dedicated sa trabaho. Humanga si Kiona kay Vaugn.
"Walk in this line. Kapag sinabi kong lakad, I mean cat walk. Now, standard position!" Tumalima si Kiona, inilagay sa bewang ang dalawang kamay, pagkatapos ay tinitigan ng malalim ng bakla, bahagyang naka-pout ang mga labi.
"Now, walk!" Sigaw ng bakla.
Relax na relax na sinundan ni Kiona ang straight line sa sahig. Bata pa lang siya ay perpekto na niya ang cat-walk.
"Turn!" Medyo nalilis ang hemline ng maikling bestida ni Kiona sa pag-ikot niya. "Walk then pause."
Kung anong sasabihin ng bakla ay nagagawa ni Kiona. Nang marating niya ang dulo ng guhit ay nag-standard position muli si Kiona. Seryoso ang mukha. Nakataas ang baba.
May ilang saglit na nanatili sa ganoong anyo si Kiona. Gayon na lamang ang gulat ng bakla ng ngumiti si Kiona. Isang perpektong ngiti, ngiting praktisado.