Mikay's POV
Naiinis na ako.
Inis na inis na inis na.
E pa'no ba naman kasi 'tong sticky hook na nabili ko sa tabi-tabi, hindi naman pala madikit. Mas madikit pa nga ata kulangot at libag ko dito e! Hindi ko rin tuloy maisabit-sabit yung maruming bra't panty na hinubad ko!
Gigil kong tinapon sa basurahan yung hudas na sticky hook na 'yun at saka ko pabalibag na sinarado 'yung pintuan ng aparador ko. Wala na akong oras ngayon para mag-inarte pa dito dahil may pasok pa ako.
Padabog kong kinuha yung backpack ko, at padabog ko ring sinarado 'yung pintuan ng unit ko. Wala akong pake kahit kumalampag 'yun. Solo ko naman ang kwarto na 'yon, at saka wala na 'yung mga kapitbahay ko. Nagsipasok na rin ang mga 'yon sa kanya-kanya nilang school at trabaho kanina pa.
Well, pwera lang kay Susanna.
Pero ako? Ito, late na naman. Peste kasing sticky hook 'yun, ayaw dumikit-dikit! Mahal-mahal nun e, ta's walang kwenta naman pala? Sayang 19 pesos ko! Sana ibinili ko na lang ng pancit canton 'yun!
Mabilis na lang akong tumakbo at wala pang tatlong minuto ay nakapasok na agad ako sa gate ng school namin na pinakamalapit sa building ko.
Humahangos akong tumakbo papuntang classroom namin. Sobrang dami kong nababangga. May prof, may janitor, naglalampungan na couple sa hallway, nagkacutting na isang grupo, at may ilan na 7:12 am palang e, naglalunch na. Panay sorry na lang ako sa kanila dahil hindi naman ako pwedeng huminto.
Laking tuwa ko naman nang pagdating ko sa classroom ay wala pa yung prof namin.
Hehehe. First time 'to ngayong sem ah? Late na ako pero mas late pa si prof?
Humahagikgik akong nagpunta sa upuan ko pero laking gulat ko nang makita kong may nakaupo na doon. At galit na galit s'yang nakatingin sakin habang kumukuyakoy ang paa n'yang medyo napupuno na ng kulubot.
Ngumit ako nang malawak. "M-maam Katapangtapangan! Hehehe. Good morni—"
"Ms. Dela Rosa, Maria Mikaela Maghirang! This is really unlikely for a graduating, and a running for laude student like you! How come na palagi ka na lang nale-late sa klase ko? Sa pagkakaalam ko, katabi lang nitong school ang dorm na tinitirhan mo, ha? Pero bakit nalelate ka pa rin?"
Napangiwi ako bigla.
"Kasi po, masyadong maaga ang klase n'yo? Dapat palitan po yung 7am ng 7:03am para makaabot ako."
Nakita kong mas lalong namula ang mukha ni ma'am kaya napalunok ako. Umalis s'ya sa upuan ko at tinuro sakin 'yon.
"Umupo ka na. Dali, umupo ka na." nagtitimping sabi n'ya kaya sumunod na lang ako. Nakita ko namang nagtawanan 'yung mga kaklase ko.
Imba naman kasi 'to si ma'am Katapangtapangan e. Paano naging sobrang unlikely 'yun? E 'yung running for laude nga last year sa course namin, na nakita nilang lumabas sa motel kasama yung isang prof namin, grumaduate pa rin with latin honors e! Tapos ako na palagi lang late, sobrang unlikely na agad? Grabe naman! Puro lang s'ya tapang pero wala naman s'yang katarungan!
Maghapon tuloy akong nakabusangot dahil doon. Hindi dahil sa mismong eksena namin kanina ni ma'am dahil sanay na sanay na ako na ginaganon n'ya ako. Prof ko na s'ya last sem, at ganito rin ang schedule namin sa kanya. 7am. Lagi akong nale-late, tapos lagi n'ya akong sinesermunan. Pero mataas pa rin naman ang grade ko sa kanya.
'Yun nga lang, naisip ko, paano kapag naisipan n'yang pagtripan ako ngayong sem na 'to? Tirahin n'ya yung grade ko, or ibagsak na n'ya ako nang tuluyan? Pa'no na 'yung latin honors na inaasam ko?
Haay. Iaadjust ko na lang ulit alarm ko starting bukas. Yung 6am na alarm, gagawin kong 5:58.
Okay na siguro 'yun. Hehehe.
Yung maghapong pagkabusangot ng pagmumukha ko ay mas lalo pang nadagdagan dahil sa sobrang daming assignment na pinapagawa sa amin. Bongga, 'diba? 2nd week pa lang ng classes para sa sem na 'to pero meron na agad nagbigay ng pointers to review para sa final exam. Umuwi tuloy akong nakasayad sa lupa 'yung nguso ko.
Huminto ako sa tapat ng unit ko at kinapa ko 'yung susi sa bulsa. Pero laking gulat ko na lang nang malaman kong 'di ko pala naisara yung pinto non.
"Nalintikan na. Baka nasalisihan na ako dito at may dumekwat na ng mga gummy worms ko, ah." bahalang bulong ko.
Dali-dali akong pumasok at dumeretso sa study table ko. Na tambak ng mga papel, folder, envelope, highlighters and pens, gamit na medyas, balat ng napkin, stool sample, curtain rod, erlenmeyer flask, side mirror, electric bike, at jackhammer.
Oops, joke lang. Hanggang sa balat lang ng napkin ang nakatambak sa table ko ngayon. Na agad ko ring hinawi. Only to find out na tama ang hinala ko.
Pinasok ang unit ko habang wala ako.
Gigil kong pinagpipindot yung mga langgam na nagsisigapangan na sa tatlong pirasong gummy worm na natira sa table ko. At nang mapatay ko sila, dali-dali kong sinubo, nginuya, at nilunok ang mga gomang uod na 'yon.
"Hmm.. lasang langgam. Pero pwede na rin!" papasok-pasok pa kasi 'tong mga langgam na 'to para nakawan ako e, ayan tuloy. Nadeads sila. Hmp.
Kekendeng-kendeng ako habang hinuhubad 'yung medyas na suot ko at matapos ay initsa ko na lang doon sa laundry basket na katabi lang ng aparador ko.
Aparador ko? Teka, bakit nakabukas 'to? Sa pagkakatanda ko, sinarado ko 'to kanina bago pumasok, ah? Pinasok din ba 'to ng mga langgam?
Mabilis pa ako sa alas kwatro y media na lumapit sa aparador ko para buyangyangin 'yun. At nashookt na lang ako nang sobra nang makita ko 'yung tatlong sticky hook na tinapon ko kanina; na nakadikit na ngayon sa likod ng pinto ng aparador.
Maingat na sinuri ng mga mata ko 'yung tatlong sticky hook na 'yon.
At maya-maya pa, napasayaw na lang ulit ako.
"Oh, yeah baby! Madikit din naman pala 'to e! Pinahirapan pa ako kaninang umaga. Yeah, yeah!"
Wala na akong pake kung pa'no napunta 'to dito at kung pa'no nadikit ulit. Ang mahalaga, matibay na talaga 'tong nakadikit ngayon at masasabit ko na dito yung bra't panty kong hinubad ko kanina. Wahahahaha!
Takip-ilong kong sinabit ang mga 'yun doon, at masaya akong humiga sa kama ko para matulog.
Well, ganito talaga routine ko 'pag kauwi ko galing school. Matutulog tapos bandang before mag midnight, gigising na ako para kumain at para mag-aral. Mas tahimik na ng ganoong oras at wala na talagang istorbo. Kaya mas mapayapa akong nakakapag-aral.
Kaya, good night na rin talaga, guys. See you later in my channel, bye!
Joke. Charot lang 'yung channel. Remote nga o tv wala ako e. Channel pa kaya?
Kbye!
*Kinabukasan..
7:02 am
Mabilis akong napabangon sa kama ko at napasigaw.
"Yeheeeey!! Walang klase kay Ma'am Katapang-tapangan today! Kaya okay lang na tanghali na akong nagising!!"
Sumayaw-sayaw pa akong pumunta sa study table ko pero nahinto rin agad nang maalala kong 'di nga pala ako nakagising kagabi at hindi ako nakakain. Hindi rin ako nakapag toothbrush, at hindi rin ako nakapag-aral.
But well, kayang-kaya ko namang maaral lahat ng due for today dahil after lunch pa pasok ko. Hehe. Marami pa akong time.
Inumpisahan ko na nga lang 'yung mga aralin ko at doon muna ako nagfocus. Almost 11am na nang matapos ako kaya nag-brunch na rin ako. Bumaba ako saglit sa katabing eatery namin at kumain ng malamig na lugaw at makunat na lumpiang toge tapos tumakyat din ulit ako para magprepare pumasok.
Medyo babanjing-banjing pa ako dahil mahaba pa oras ko. Nagfeeling commercial model pa ako ng tabo habang naliligo pero bigla rin akong nainis nang makita kong ubos na pala yung supply ko ng shampoo.
"Hmmm, pwede na rin siguro 'tong feminine wash. Bubula naman 'to saka hindi naman siguro ako makakalbo."
Pakanta-kanta pa ako habang tinatapos lahat ng seremonyas ko sa pagligo. Pero hindi ko naman kinalimutang magtawas para 'di ako mamutok kapag pinawisan ako sa school.
"Got to believe in magic, tell me how two people find each other.. In a world~~" hinagis ko sa laundry basket 'yung bra't panty na hinubad ko pero natigilan agad ako nang may mapansin ako.
Maingat kong nilapitan yung laundry basket ko. Takip-ilong kong hinawi yung bra't panty na hinubad ko kanina at napaupo na lang ako sa gulat nang dahil sa tumambad sakin.
Mabilis din naman akong nakabawi sa pagkagulat na 'yon at nilapitan ko ulit yung laundry basket ko para hawiin ulit 'yung mga salawal na hinubad ko kanina. Para na rin makita ko 'yung natatakpan non. Nang makumpirma kong tama nga ang hinala ko, takip-ilong kong inangat sa ere yung bra't panty.
Na kahapon ko pa hinubad.
"P-paano nangyari 'to? Tandang-tanda ko, sinabit ko 'to sa loob ng aparador ko. Doon sa sticky hook."
Sticky hook? Oo nga, 'yung sticky hook!
Dali-dali kong binuksan 'yung aparador ko at napa-gasp na lang ako nang makita ko doon yung tatlong sticky hook.
"Whoa, matibay nga talaga 'to! Pero teka teka, e bakit hindi na dito nakasabit yung mga salawal na hinubad ko kahapon? Paano napunta 'yun sa laundry basket ko?"
Binalot ako nang matinding takot at ang sumunod na lang na nalaman ko ay mabilis na akong nakapagbihis ng damit na pamasok. Mabilis din akong kumaripas ng takbo palabas ng unit ko at nakita ko na lang ang mga paa ko na dinadala ako papunta sa unit ng nag-iisang kapitbahay ko na kaclose ko.
"Susanna! Susanna! Tulungan mo 'ko. Magpatawas tayo! Haunted 'yung mga sticky hook na nabili ko!" paulit-ulit na sigaw ko.
*to be continued..
~~~~~~~~~~