Isang oras muna ang inilagi nina Flora Amor at Devon kasama si Lemuel na busy sa pakikipag-usap sa mga katrabaho sa labas ng private room ni Dixal sa ospital bago siya nakapag-decide na pumasok na sa loob ng silid.
Naabutan pa niya ang byenang nagpapahid ng mga luha habang nakaupo sa isang silya sa gilid ng bed ni Dixal at hawak ang isang kamay ng lalaki kung saan may tila ipit na nakasipit sa isang hintuturo nito at nakakonekta sa isang aparatu sa uluhan ng bed nito.
Hindi siya nilingon ng ginang ngunit hindi na rin ito sumigaw sa kanila.
Dali-dali namang kumuha si Lemuel ng isa pang upuan para sa kanilang mag-ina, inilagay sa kabilang parte ng bed sa tapat ng ginang. Habang si Dix ay nakatayo lang sa likod ng ina, sinulyapan lang sila ngunit maya-maya'y lumapit din sa kanila nang umupo siya sa silyang bigay ni Lemuel at karga pa rin ang anak na nakapulupot ang dalawang braso sa bandang leeg niya pero nakatingin sa lolang 'di sumusulyap man lang sa kanila.
"Let me carry him, Flor," presenta ng lalaki ngunit biglang itinago ni Devon ang mukha sa batok ng ina at lalong hinigpitan ang kapit sa kanya.
"Okay lang kami," tipid niyang sagot kay Dix sabay panakaw na sumulyap sa ginang na paulit-ulit na pinipisil ang kamay ng natutulog na anak, panay pahid ng luha sa mga mata.
"Uhm--okay," ani Dix nang mapansing ayaw talagang magpakarga dito ni Devon.
Saka lang uli bumaling sa lola ang bata nang maramdamang lumayo na sa kanila ang tiyuhin.
Tinitigan nitong maigi ang matandang hilam ng luha ang mga mata habang nakatitig sa mukha ni Dixal.
"Grandma, why are you crying when daddy is just sleeping to regain his strength?" tanong ng bata na ikinagulat ng ginang.
"You can speak English fluently?" 'di makapaniwalang sambit nito.
Tumango ang bata, pagkuwa'y tumingin sa kanya sabay bulong.
"I bet you're right, Amor. She just misunderstood something an hour ago," usal nito saka kusang bumaba mula sa pagkakakarga niya.
Lihim siyang napangiti sa tinuran nito, panakaw na uling sinulyapan ang ginang na nakakunut-noo pa rin habang pinaglilipat-lipat ang tingin sa kanilang mag-ina at napapatitig kay Devon.
Nang tumalikod ang bata sa kanya at lumapit sa lola ay tila pa ito ang mas matandang hinimas ang likod ng huli.
"Stop crying, grandma. Daddy will surely wake up soon kasi nag-promise po siyang mamamasyal kami sa enchanted kingdom," pang-aalo nito.
"What do you know, you're just a kid who knows nothing," pasuplada sagot ng lola.
Pero sige lang sa paghagod ng likod ng ginang ang apo.
"You're right, I know nothing, but I trust daddy. I know he can make it. If he can't make it, I'll call God and beg Him to give me back my daddy kasi po nag-promise siya sa amin ni mommy na mamamasyal sa Enchanted Kingdom," kaswal na sagot ni Devon.
Napatitig ang ginang sa batang agad ngumiti sa huli at sa halip na tumigil sa pag-iyak biglang kinabig ang bata at lalo itong napahagulhol sa dibdib ng apo.
Doon na tumayo si Flora Amor para damayan ang byenan. Tama ang sapantaha niya, tulad ni Dixal, malambot din ang puso ng ina nito, naging gano'n lang ang reaksyon kanina dahil sa maling impormasyong ibinigay ng kung sino tungkol sa pagkatao niya.
Lumapit siya sa dalawa at tulad ng anak, hinagod niya sa ang likod ng ginang upang tumahan na ito sa kaiiyak.
Habang nasa gano'n silang kalagayan, lumapit si Lemuel kay Dix at sabay na lumabas ang dalawa, hinayaan na lang ang tatlong magdrama sandali.
Ilang minuto lang ang lumipas, bumalik sa pagkakaupo si Flora Amor sa silyang kinauupuan kanina at ang dalawang maglola nama'y para nang magkaibigang nagkukwentuhan.
Nakaupo si Devon sa gilid ng kama at ang lola nito'y nakaupo sa silya't nakaharap rito.
"How old are you?" tanong ng ginang.
"Six po, magsi-seven next year. Grade six na po ako."
"You're just six and already in grade six?" natatawang bulalas ng kausap.
Pasimpleng tumango ang bata.
"I made a deal with our school principal. 'Pag nanalo po ako sa national quiz bee, magja-jump po ako sa grade six," kwento nito.
"And you made it?" curious na usisa ng ginang.
Tumango ang bata sabay ngiti.
"But they let me compete with a university student so I decided to just quit. I know my limit po," dugtong nito.
Natawa ang lola at napatingin sa kanya.
Nahihiyang ngiti ang kanyang iginanti sabay baling sa tulog ba si Dixal. Naihimas niya ang kamay sa braso nito.
Kung sanay gising na ang lalaki, makikita sana nito kung paano magkwentuhan ang maglola sa tabi nito.
SAMANTALA, hanggang ng mga sandaling iyon ay 'di pa rin maka-move on si Shelda sa nangyari kahapon sa loob mismo ng simbahan. Wala na siyang mukhang maihaharap sa lahat ng tao sa kahihiyang ibinigay ni Dixal sa kanya.
Ang masaklap pa, ni 'di man lang siya nagduda kung ang katabi niya sa altar ay si Dixal nga, saka na lang niya nalaman sa amang si Dix ang pakakasal sa kanya nang umalis na ito sa simbahan. Napakalaki niyang tanga. Paulit-ulit siya nitong niloko noon at ngayon nama'y muli siya nitong ipinahiya sa lahat ng tao. Tiniis niya ang lahat ng mga panghuhusga sa kanya noong umayaw ito sa engagement nila sa Germany. Ngayon ay imbes na ito ang dumalo ay si Dix ang nagpanggap na ito, mabuti kung natuloy ang kasal. Kahit si Dix tinakbuhan rin siya.
Napapagod na siyang maghabol, nakakasawa nang maghintay. Kakayanin niya ang insultong ibinigay nito sa kanya. Pero hindi niya makakaya ang panghuhusga ng mga taong nakapanood ng 'di natuloy nilang kasal. Ano'ng mangyayari sa career niya ngayon? Ano pang magandang bukas ang naghihintay sa kanya gayong sirang-sira na ang pangalan niya sa industriya dahil sa nangyari.
Mas mabuti pang magpakamatay na lang siya kung gan'to lang din ang mangyayari sa kanyang buhay.
Subalit takot siyang makakita ng dugo, pa'no siyang magpapakamatay? Kahit noon pang umurong ito sa engagement nila, 'di niya naisip magpakamatay.
Sa kawalan ng maisip para malutas ang problemang kinakaharap ay muli siyang napahagulhol habang nakadapa sa kama at nakasubsob ang mukha sa unan.
Nakikini-kinita na niya sa isip ang sinasabi ng mga nakakakilala sa kanya ngayon. Ang maarteng si Shelda, ang mala-dyosang kagandahan ni Shelda, ang sikat na model na si Shelda ay iniwan na lang basta ng groom nito sa loob ng simbahan sa mismong araw ng kasal.
Umaalingawngaw na sa kanyang pandinig ang halakhak ng kanyang mortal na kaagaw kay Dixal, si Veron, pinagtatawanan siya sa loob ng kulungan dahil hindi natuloy ang kasal niya.
Napalakas ang kanyang hagulhol. Ayaw na niyang magwala, ayaw na niyang sumigaw sa galit. Gusto na lang niyang humagulhol at ilabas lahat ng galit sa puso niya sa pamamagitan niyon.
Sakto namang may kumatok sa pinto.
"Give me the key! Quickly!"narinig niyang sigaw ng pamilyar na boses.
"Tita Cathy!" tawag niya sa pangalan nito.
Bumalikwas siya ng bangon at nagmamadaling binuksan ang pinto saka mabilis na yumakap sa ginang na sa edad na limampu't lima ay sexy pa rin at 'di kumukupas ang ganda idagdag pang mala-modelo ito kung manamit.
"Tita! Niloko na naman ako ni Dixal. Hindi siya sumipot sa kasal namin," sumbong niya sa dumating sabay hagulhol sa balikat nito.
"Silly girl. P'ano siyang pupunta eh nasa ospital siya, kaya nga ang kakambal niya ang pumalit sa kanya. Hindi ka ba nanonood sa balita?" tila nanenermong wika nito.
Natigil siya sa pag-iyak at agad inilayo ang katawan sa tiyahin.
"Ano'ng naospital ? Bakit naospital? Hindi ba naibalita sa TV ang kasal ko?" maang niyang tanong.
Tumawa ito bigla.
"Of course not! Papayag ba ang papa mo na mapahiya ka sa maraming tao? Kahit manood ka pa sa TV, wala kang makikita nagbabalita tungkol sa kasal na 'yon. Ang lahat ng balita ay tungkol kay Dixal. Gano'n kamakapangyarihan ang papa mo, iha," pagyayabang nito.
"A-are you sure? Hindi nila ako pinagtatawanan?" paneneguro niya.
Lalong lumakas ang tawa nito.
"Sino'ng maglalakas-loob na magtawa sayo, my dear Shelda? Ikaw ang pinakamagandang modelo sa buong bansa at ang papa mo ang pinakamayamang negosyante sa buong Pilipinas. Sino ang maglalakas-loob na manghamak sayo?"
Alanganin siyang napangiti. Imposible naman yatang hindi man lang naibalita ang nakakahiyang kasalang 'yon. Ang pagkakaalam niya live ang kasal. Anong ginawa ng papa niya para hindi mapag-usapan 'yon sa buong Pilipinas at malipat ang atensyon ng media sa pagkakaospital ni Dixal?
"Ano'ng nangyari kay Dixal, Tita? Bakit siya naospital?"
Sa halip na sumagot ay iginiya siya nito sa loob ng kwarto at binuksan ang flat-screen TV na nakadikit sa dingding sa gawing tapat ng kanyang kama.
"Hanggang ngayon ay 'di pa rin nagkakamalay ang kilalang business tycoon na may-ari ng kontrobersiyal na Flower Of Love Builders Inc dahil sa nangyari kahapon nang bigla na lang itong banggain ng isang sasakyan at ang akusadong mismong lolo ng biktima ay nakakulong pa rin hanggang ngayon dahil sa patung-patong na kasong isinampa rito ng tanyag na director ng NBI..."
"OMG? Si lolo ang akusado sa nangyari kay Dixal?" bulalas niya, namimilog ang mga mata sa pagkagulat saka bumaling sa tiyahin.
"Tita, let me see Dixal. Samahan mo ako sa kinaroroonan niya. Gusto ko siyang makita," aya niya rito.
"No!" tutol nito bigla.
"But why?" taka niyang tanong.
Itinaas nito ang kamay at inihimas sa kanyang nakaladlad at hanggang balikat na buhok.
"Iha, let's not rush things for now. Hayaan mo munang kausapin ko ang papa mo para mapaghandaan natin ang susunod mong gagawin," paliwanag nito.
"But what about my career, tita? Alam mo namang iyon ang buhay ko. I'll give up everything, 'wag lang masira ang image ko as a top-model," an'yang nasa mukha ang pagkatuliro.
Nagpakawala ito ng isang ngiti.
"Trust me, iha. Walang magiging epekto ang nangyari kahapon sa career mo basta sumunod ka lang sa sasabihin ko, okay?" malumanay nitong sagot.
Tumango siya.
Simula nang mamatay ang kanyang mama, ang kanyang tita Cathy na ang itinuring niyang pangalawang ina. Ito ang naging sandalan niya sa lahat ng bagay, naging tita niya, her bestfriend, her best buddy. Ito lagi ang tinatawag niya 'pag may problema siya, kaya nang makulong ito, parang gumuho din ang kanyang mundo sa loob ng anim na taon. Pasalamat na lang siya at nakalaya ito sa maling paratang rito.
Honestly, wala siyang hilig magbasa ng newspapers at manood ng TV. Kung nanonood man siya, 'yong channel lang kung saan siya nai-interview at tungkol lang sa modelling ang topic. Pagdating sa social media, mahilig siyang magpost ng katawan sa fb pero hindi siya mahilig magbasa ng mga comments sa bawat post niya dahil mas gusto niyang dumalo ng party at magdisco kasama ang mga barkada.
She's not a Maria Clara type of lady. At hindi rin niya idi-deny na marami na siyang nakasex na guys, ang iba'y ilang beses na niyang natikman lalo kapag type niya ang lalaki at masarap sa kama. Pero iba si Dixal, kailangan pa niya itong akitin last month nang sunduin siya sa Germany para lang makipagniig sa kanya. Gayunpama'y ito ang gusto niyang pakasalan. Iyon din ang gusto ng kanyang papa at lolo ng lalaki. Subalit ngayong nadisgrasya ito, ayaw na niyang maghintay ng ilang taon pa. Wala na siyang pakialam kung pakakasalan siya nito o hindi. Ang mahalaga ay 'di magbago ang treatment nito sa kanya, na magiging tulad pa rin sila ng dati. Ang pinakamahalaga sa kanya ngayon ay ang kanyang career, kung paano siyang haharap sa mga tao na parang walang nangyari.
Tinitigan niyang mariin ang tita Cathy niya. Sa tono ng pananalita nito'y alam niyang 'di ito nagsisinungaling sa kanya. Na hindi talaga lumabas sa TV ang naudlot na kasal nila ni Dixal.
Mamaya, tatawagan niya ang kanyang manager. Titiyakin niya kung nagsasabi ba ng totoo ang kanyang tita Cathy.
"Sabi ng papa mo, kahapon ka pa raw 'di kumakain. Magpapadala ako ng pagkain sa kwarto mo para sabay na tayong kumain. 'Di pa rin kasi ako kumakain," yaya nitong nakadikit na ata ang isang maaliwalas na ngiti sa mga labi.
Nahahawa tuloy siya't napasunod na rin sa gusto nitong mangyari.
Ngunit pagkatapos lang nilang kumain, nakaramdam siya agad ng antok.
"Tita, I feel sleepy. Matutulog muna ako, dito ka lang tita ha? Paggising ko, gusto kong andito ka pa rin," wika niya sa tila lasing na boses.
Inalalayan siya nitong makahiga sa ibabaw ng kama at kinumutan siya.
"Sleep tight, Shelda. Matulog ka muna. 'Wag kang magpapaapekto sa nangyari sa'yo kahapon. Lilipas din ang lahat. Matulog ka muna."
Ang mga salita nito, talagang nakapagpapagaan ng kanyang pakiramdam, nakapagpapawala ng lahat ng sama ng loob sa kanyang dibdib.
Tama ito, hindi siya dapat magpaapekto sa nangyari. Everything is under his father's control. Iyon ang itatanim niya sa isip.
Paggising niya, normal ang lahat. Walang nangyaring kahiya-hiya kahapon. Walang magtatawa sa kanya. Walang mangyayaring gano'n.
Iyon ang paulit-ulit na umukilkil sa kanyang isip hanggang sa tuluyan siyang makatulog.