PAGGISING ni Lucas, kinurap-kurap niya ang mga mata at nilibot nang tingin ang paligid. Doon niya napagtanto na nasa kuweba pa pala siya. Tumambad pa sa harap niya ang walang buhay na katawan ng pinunong halimaw. Wakwak ang dibdib nito at nagkalat ang durog-durog na mga lamang-loob sa ibabaw ng katawan.
Doon niya naalala ang lahat ng mga nangyari kagabi. Napatayo siya sa sobrang pagkabigla. Napabuga siya ng malalim na paghinga habang inaalala ang lahat ng mga naganap. Maya-maya'y napaluhod siya at natulala sa bangkay ng pinunong halimaw.
Hindi siya makapaniwala sa lahat ng mga malalagim na pangyayari sa kanyang buhay. At hindi rin siya makapaniwala sa iba pang katotohanang natuklasan niya tungkol sa kanyang pagkatao. Larawan siya ng pagkasindak nang mga oras na iyon.
Pinulot niya ang kanyang mga damit at muling isinuot. Pagkatapos magbihis ay nagtatakbo agad siya palabas ng kuweba.
Pagkauwi niya sa kanila, nagsisigaw sa tuwa ang mga magulang niya. Pati si Aling Marites ay napayakap din sa kanya.
"Lucas, anak, nagbalik ka!" umiyak sa labis na tuwa si Lydia at hinaplos-haplos ang pisngi niya. "Sobra kaming nag-alala sa `yo dahil isang araw kang nawawala. Ipinahanap ka nga rin namin sa mga pulis kahapon. Ano ba kasi ang nangyari sa `yo, anak? Saan ka nagpunta? Bakit ngayon ka lang?"
Lumabas na naman ang pagkamakulit ng kanyang ina dahil sa dami ng tanong nito. Pero sa mga oras na iyon, walang nararamdamang inis si Lucas sa makulit na tinig ng kanyang ina. Sa halip ay sobrang tuwa ang nararamdaman niya nang marinig muli ang nangungulit nitong boses. Noon lang niya napagtanto sa sarili kung gaano kahalaga sa kanya ang dalawang tao na kumupkop at nagpalaki sa kanya.
"Lucas, saan ka ba kasi talaga nagpunta? Alam mo bang hindi kami halos natulog buong maggabi sa kakaisip at kakahanap sa `yo? Mabuti na lang at hindi inatake sa puso itong nanay mo. Magdamag na umiiyak 'yan!" maging si Nestor ay mangiyak-ngiyak habang nagsasalita.
Umakbay siya sa mga magulang at hinalikan sa noo ang mga ito. "Pasensiya na po kung napag-alala ko kayo. Hindi ko na po uulitin ito. May pinuntahan lang po ako at problemang inayos, pero huwag n'yo nang alamin iyon dahil tapos na rin naman. Isa pa ayaw ko na ring pag-usapan pa. Ang mahalaga ay nandito na po ulit ako. Pangako, magpapakabait na po ako. Hinding-hindi ko kayo iiwan."
"Maraming salamat, anak!" Lalo pang humigpit ang yakap sa kanya ng ina.
Si Aling Marites naman ay nakiyakap na rin at binati siya.
"Pasensiya na rin po sa abala, Aling Marites."
"Naku, Lucas! Wala 'yon! Ang mahalaga nandito ka na. Huwag mo na lang ulit pag-aalalahin pa ang mga magulang mo, ha?"
"Oo naman po!"
Sumabog muli ang saya sa munting bahay.
KASALUKUYANG kumakain sina Juliet at ng kanyang ina nang may kumatok sa kanilang pinto.
"Sino kaya 'yon?" takang tanong ni Aling Almira at napalingon sa pinto.
"Ako na po ang magbubukas." Tumayo si Juliet at nagtungo sa pinto. Pagbukas niya rito, laking gulat niya nang masilayan ang maamong mukha ni Lucas.
Halos lumukso ang puso niya sa tuwa. "Lucas! Oh my God! Lucas, you're back!" Nagsisigaw siya at biglang yumakap sa lalaki.
Nanigas si Lucas sa kinatatayuan habang puno ng tuwa at pagtataka ang buong katawan. Nagkatinginan pa sila ni Aling Almira na pasimple ring tumatawa habang pinagmamasdan silang dalawa.
Bigla namang binawi ni Juliet ang pagkakayakap at nag-sorry sa lalaki. "Pasensiya na. Nabigla lang kasi ako dahil hindi ko inaasahang magpapakita ka ulit ngayon. Ang tagal mo kasing nawala, eh."
Nangunot ang noo ni Lucas. "Oh, talaga? E, isang araw lang naman akong nawala, ah? Na-miss mo na ako agad nang ganyan katindi?"
Nanlaki ang mga mata ni Juliet at pinalo sa dibdib ang lalaki. Dahil manipis lang ang puting sando na suot ni Lucas ay bahagya niyang nakapa ang maskulado nitong dibdib na nagpapula naman sa pisngi niya.
"Ano ka ba! H-hindi sa gano'n! Siyempre nag-alala rin kami kahit papaano dahil sinabi sa akin ng nanay mo na hindi ka raw umuwi kagabi. Kahit sino ba naman siguradong mag-aalala, 'no!" panay ang deny ni Juliet sa kanyang loob tungkol sa nararamdaman niya sa lalaki.
"Lucas! Halika kumain ka muna rito. Sabayan mo kami sa hapunan," bati sa kanya ni Aling Almira.
Paglingon ni Juliet sa kanyang ina, nakita niya ang makahulugang ngiti nito na parang tinutukso siya.
Sumenyas siya sa ina gamit ang kanyang mata. Bahagya niya itong tinaliman ng paningin habang may ngiti sa labi, nangangahulugang itigil na nito kung anuman ang iniisip nito tungkol sa kanilang dalawa ng lalaki.
"Sige po! Hindi naman po ako makakatanggi sa inyo, Nanay Almira," nakangiting tugon ni Lucas sabay pasok sa bahay at biglang umakbay kay Juliet.
"Tara na, Juliet. Sasamahan ko raw kayo kumain ngayon."
Hindi nakasagot si Juliet. Halos hindi niya maramdaman ang hininga sa labis na lakas ng tibok ng kanyang puso. Magkahalong tuwa at hiya ang nararamdaman niya, lalo pa't nanunukso ang mga mata ng kanyang ina habang nakatitig sa kanila.
Habang kumakain, panay ang kuwento ni Aling Almira tungkol sa nakakatawang pangyayari sa buhay nito noong dalaga pa. Tuwang-tuwa namang nakikinig si Juliet, habang si Lucas ay biglang nagbago ang timpla ng mukha nang maalala ang isang bagay.
Malapit na namang sumapit ang gabi. Muli na namang lalabas ang tunay niyang pagkatao. Paano niya ito sasabihin sa mga magulang? Pati na rin kay Juliet? Hindi pa pala tapos ang problema niya.
Pagkatapos kumain ay agad siyang nagpaalam sa dalawa na uuwi na muna. Pagkauwi naman niya, agad siyang nagpaalam sa mga magulang na sasaglit lang sa computer shop. Nilambing pa niya ang mga ito para lang payagan siyang lumabas muli.
Paglabas ng bahay, nagmadali siyang naglakad patungo sa bayan. Nagpunta siya sa madamong parte ng lugar kung saan walang mga tao at gusali sa paligid. Doon niya hinintay ang pagsapit ng bilog na buwan.
Subalit lumipas ang hatinggabi ay walang nagbago sa kanya. Wala rin siyang naramdamang kakaiba sa katawan niya. Normal ang lahat sa kanya. Sinubukan pa niyang manatili ng ilang minuto, pero wala talagang lumabas na kakaiba sa katawan niya.
Sinubukan niyang umuwi at doon naghintay. Ngunit lumipas lang ang buong magdamag ay walang nagbago sa kanya. Nanatili siyang tao hanggang sa sumapit ang umaga. Napuyat lang siya sa paghihintay ngunit hindi lumabas ang halimaw niyang pagkatao.
Ibig sabihin ba nito ay ganap na siyang tao?
Kahit walang tulog ay masiglang binati niya ang mga magulang at si Aling Marites. Magana rin siyang tumulong sa paghanda ng agahan at paglinis ng bahay. Pati ang mga ito ay napansin ang kakaibang kilos niya na parang hindi maipaliwanag na saya.
Sobrang ganda ng mood niya nang araw na iyon. Tapos na ang kanyang problema tungkol sa madilim niyang pagkatao. Maaari na siyang mamuhay ng normal gaya ng isang pangkaraniwang tao.
Doon pa lang nakaramdam ng ganap na kaligayahan si Lucas sa buong buhay niya. Marami ang nagbago mula nang dumating ang liwanag sa kanyang buhay. Nakahanap na siya ng maayos na trabaho hanggang sa makapag-ipon ng pera para makaupa ng bahay sa ibang lugar.
Sa wakas at nailayo rin niya sa magulong lugar na iyon ang kanyang mga magulang. Lalo pang naging masigla at malusog ang kanyang mga magulang sa bago nilang tirahan.
"Hayaan n'yo po, Inay, ang susunod na iipunin ko ay pambili naman ng sarili nating bahay."
Lalo pang minahal ni Lucas ang mga magulang. Tinurin niya ang mga ito na isang ganap na ina at ama.
Si Juliet naman, kada linggo ay binibisita pa rin niya sa Antonio del Pilar. At sa pagkakataong iyon, siya naman ang nagpapasyal dito sa iba't ibang lugar. Labis na tuwa ang nararamdaman niya sa tuwing makikita ang ngiti ng babae sa magagandang lugar na pinapasyalan nila.
Hanggang sa dumating ang araw na magtapat ng pag-ibig si Lucas kay Juliet. Niligawan na niya ito at tumagal ng mahigit limang buwan bago siya sinagot ng babae. Naging kumpleto ang buhay niya nang maging sila na ng babae na itinurin niyang kaibigan sa loob ng mahabang panahon.
FIVE YEARS LATER.
Ganap nang mag-asawa sina Lucas at Juliet. Nagpagawa sila ng bahay sa Maynila na malapit lang din sa kumpanyang pinagtatrabahuhan nilang dalawa.
Ang mga magulang naman niya ay maayos na ang kalagayan sa Bulacan. Doon siya nakabili ng bahay para sa mga ito.
Naging masigla at maligaya ang pamumuhay nilang mag-asawa. Sila pa lang yata ang mag-asawa na hindi pa nag-aaway mula nang magkakilala. Kulang na lang ay langgamin sila sa sobrang tamis ng kanilang samahan.
Hanggang sa dumating ang araw ng panganganak ni Juliet. Iyon na yata ang pinakamasayang araw ni Lucas, ang araw kung kailan isisilang ang anak nila ng pinakamamahal na babae.
Masaya siyang naghihintay habang nakaupo. Makalipas ng ilang oras, lumabas din ang duktor at nilapitan siya.
Tuwang-tuwa naman siyang lumapit sa duktor at kinamusta ang kanyang mag-ina.
Pero iba ang naging reaksyon ng duktor. Puno ng takot ang anyo nito. "I'm really sorry…"
Biglang kinabahan si Lucas. "B-bakit po, Doc? Ano po'ng nangyari?"
Walang paliguy-ligoy na ipinahayag ng duktor ang nangyari sa panganganak ni Juliet. Binalaan pa nga siya nito na baka hindi siya maniwala sa maririnig niya.
Ayon sa duktor, hindi pa man daw lumalabas ang bata sa sinapupunan ay binawian na ng buhay ang babae. Ang nakapagtataka pa rito, bigla na lang daw nangitim ang buong balat ni Juliet at nagsuka pa ng ilang beses bago tuluyang nalagutan ng hininga.
Nang suriin ng mga duktor ang tiyan nito, laking gulat nila dahil wala na ang bata sa loob. Ang nakita nila roon ay isang likido na tila sumabog at kumalat sa tiyan ng babae, na di kalaunan ay kumalat din maging sa buong katawan.
Ito ang malagim na parteng hindi kapani-paniwala na sinabi ng Duktor. Ayon sa pagsusuring ginawa nila, lumalabas na kamandag daw ng ahas ang ikinamatay ng babae. Ang likidong nakuha sa loob ng katawan nito ay isang uri ng kamandag na noon lang nila nadiskubre.
Parang binagsakan ng langit si Lucas. Hindi siya makapaniwala noong una kaya sinamahan pa siya ng duktor sa loob ng kuwarto kung nasaan si Juliet. At ganoon na lamang ang pagkasindak niya nang makita ang kalunos-lunos na bangkay ng babae. Nangitim ang buong katawan at bakas pa sa bibig nito ang lumabas na suka.
Tuluyang bumigay ang mga paa niya at napaluhod sa sahig. Labis siyang nagulat sa pangyayari at hindi na niya nagawang magsalita. Tumulo ang kanyang mga luha nang hindi niya namamalayan. Nanginig ang buo niyang katawan habang balot na balot ng pagkasindak ang kanyang katauhan.
Habang nakaluhod siya sa puwestong iyon, biglang umikot sa alaala niya ang isang malagim na nakaraan. Naalala niya ang ginawa ng pinunong halimaw bago ito namatay. May ipinasa ito sa kanya na isang berdeng usok, pati ang sinabi nitong hinding-hindi raw siya nito hahayaan na maging maligaya sa mundo ng mga tao.
Doon lang niya natuklasan kung para saan ang berdeng usok na iyon. Isa iyong sumpa kung saan lahat ng babaeng makakatalik niya ay lalasunin ng kanyang kamandag.
Hindi bata ang maibibigay niya sa kung sinuman ang makatalik niya, kundi isang nakamamatay na kamandag na tatapos sa buhay ng mga ito, kagaya ng nangyari kay Juliet!
Sindak na sindak ang mga mata ni Lucas habang nakatitig sa bangkay ng pinakamamahal na babae. Nagwala siya na parang baliw. Isang matinding pagtangis ang inilabas niya dulot ng malagim na pangyayaring hindi niya inaasahan.
Wala siyang nagawa kundi ang magwala at magsisigaw…
"Hindeeeeeeeeee!!!"
Ang Pagwawakas!
TUKLAW
Written by Draven Black
All Rights Reserved 2019
Maraming salamat po sa lahat ng mga nagbasa ng kuwentong ito. Magkita-kita po tayo sa susunod ko pang mga kuwento!
— Fin — Escribe una reseña