Descargar la aplicación
95.32% WANTED PROTECTOR / Chapter 102: Chapter 102 - The Revenge

Capítulo 102: Chapter 102 - The Revenge

LINGGO.

Umaga.

"AAAAAAAHH FUCK!"

Pinagbabaril niya ang buong kapaligiran ng kinaroroonang rest house at walang pakialam sa kung sino at ano ang matatamaan.

"PAPATAYIN KITANG DEMONYO KAAAA! PAPATAYIN KITAAAA!"

Patuloy ang kanyang pamamaril.

Sa tindi ng kanyang poot ngayon, walang sinuman ang maglalakas-loob na lapitan siya.

Ang mga tauhan ay nagsipaglayo dahil alam nila kung paano magalit ang amo.

Nang maubos ang bala ay tila naubos din ang kanyang lakas at binitiwan ang baril.

Hingal na hingal siya ngunit nanginginig ang mga kamay.

Sinapo niya ang ulo at yumuko habang dahan-dahang napapaupo sa sofa.

Mariin niyang ipinikit ang mga mata, parang nakikinita pa niya ang pagngisi ng nag traydor sa kanila.

Nakangisi ito habang dinadakip ang kanyang ama at kitang-kita niya 'yon!

Ang hindi niya matanggap ay  ipinagkatiwala niya ang ama sa tauhang hindi lubusang kilala.

Nagsisisi siya ng lubos na hindi na protektahan ang ama at ngayon ay nasa kamay na ng kalaban.

Muli na naman niyang naalala ang nangyari kagabi.

Iniwan niya ang ama para maprotektahan ang iba.

Nang makabalik siya ay kitang-kita niya ang pagdakip ng mga awtoridad sa mga tauhang intsik ng pinuno, subalit wala ito roon.

Hinanap niya ito sa buong lugar hanggang sa matagpuan sa control room.

"Mr. Feng!"

"Xander!"

"We need to get out of here!"

"Okay!"

Tumakbo sila pabalik sa kinaroroonan ng ama ngunit nagitla siya nang wala na ito roon at hawak na ng mga awtoridad.

Mula sa itaas na kinaroroonan ay dinig na dinig niya ang isang lalaking nagsasalita laban sa ama.

Si Maravilla.

"Fuck!"

Ikinasa niya ang baril na hawak at akmang pagbabarilin ang mga naroon ngunit may pumigil sa kanya.

"Don't!"

Mahigpit na hinawakan ng intsik ang kanyang brasong may hawak sa baril.

Humagkis ang kanyang tingin dito.

"If you do, they can catch us too!"

Wala na siyang pakialam kung mahuli man basta mapatay lang ang kalaban!

"NO!" Itinaas niya ang kamay at itinuon sa kalaban.

Kalabang kaibigan ng mortal na kaaway!

Subalit hindi niya 'yon nagawa nang biglang hampasin ng tungkod ng intsik ang kanyang kamay dahilan ng pagkahulog ng baril.

Nabigla siya sa nangyari at nang makita ang tungkod na bakal sa kamay nito ay hinablot niya at inihampas dito.

Natamaan ito sa leeg sanhi ng pagkawala ng ulirat.

"Gago kang hinayupak ka!"

"Boss Xander!"

Umangat ang kanyang tingin at nakita ang isa sa mga tauhan.

Nakatingin naman ito sa nakalugmok na intsik.

"Anong gagawin diyan boss?"

"Isasama natin 'yan."

Tumango ito at pinasan ang pinuno ng terorismo.

"Dito tayo boss!"

Doon pa lang siya nakatakas kasama ang mga natirang tauhan.

"Boss."

Mula sa likuran ay bahagyang lumapit ang isang tauhan.

Humagkis ang kanyang tingin dito.

"Gising na siya."

"Papuntahin mo rito," matigas niyang utos na agad sinunod ng tauhan.

Hinablot niya ang isa pang baril na nasa ibabaw ng mesa.

Hindi na rin masama na iniligtas niya ang pinuno ng terorista dahil malaki ang maitutulong nito sa kanya kung sakali.

"Boss nandito na siya."

Nilingon niya ang mga ito.

"Have a sit Mr. Feng."

"What have you done to me! Where am I!" singhal nito.

Pwersahan itong pinaupo ng kanyang tauhan paharap sa kanya.

"You said last night my father is part of the organization am I right?" matalim ang tingin niya sa kaharap.

"Yes, but that was last night. Not today!" tugon ng kausap.

"He ruined my plan! Your father is useless and worthless! He must be dead by now! "

"Oh really?" Ikinasa niya ang kalibre kwarenta 'y singko at itinutok sa noo ng kaharap.

Naalarma ang kausap.

"Xander what are you doing! Put that gun down!" singhal ng kausap sabay taas ng kamay.

Kumiling ang ulo ni Xander saka hinigpitan ang hawak sa baril.

"I saved you Mr. Feng. You should pay me for what I did."

"What?"

"Save my father for the last time."

"No. My intention is purely business. Now that he can't do his part he is useless. And I won't let my group involve in that worse situation. I won't help him! This is his fault! Your fault!" Dinuro siya nito na siyang mas nagpatindi ng kanyang galit.

"Now that my father is useless I'll replace him and you will do what I want," ngisi niya bago tumalim ang tingin at

marahas na tumayo.

Nilapitan niya ang kaharap at diniin ang dulo ng baril sa bao nito.

Bagama't nahintakutan ang intsik ay hindi na nakataas ang mga kamay nito.

" Let my father live, or else you'll die," malamig niyang wika habang nakatitig ng mariin sa isa't - isa.

"You can't kill me," matigas nitong wika.

"I can Mr. Feng. You're all alone here, nobody knows."

Inilibot ng intsik ang paningin sa limang tauhan ni Xander na ngayon ay tuwid na nakatayo at nakapalibot dito habang bitbit ang mga mahahabang armas.

Amg mga ito lamang ang nakasama niyang naligtas sa nangyaring engkwentro kagabi.

Malakas ang kutob niyang may mangyayaring hindi maganda kagabi kaya sinabihan niya ang ama, ngunit hindi ito naniwala.

Ngayon kasalukuyan itong nakakulong at hindi maaaring piyansahan.

Pinaghahanap na rin siya ng batas.

At napakalaki ng patong na reward kung sino man ang makakita sa kanya.

Ang masama shoot to kill na siya!

Wanted dead or alive!

"Decide now... or you will be the target," turo niya sa mga tauhan habang kaharap ang kausap.

Ibinaba niya ang baril, na siya namang pag-angat ng mga tauhan sa kani-kanilang armas at sabay na itinutok sa intsik.

Napalunok ng matindi si Mr. Feng at nagsimulang pawisan.

"I'll give you ten seconds to decide Mr. Feng. TEN!"

"Try to kill me Delavega and no one in your family live."

"I don't care as much as they don't care! NINE!"

"If I help you my group will end!"

"Eight!"

"I won't!"

"Seven!"

"I can't!"

"Six!"

"We will die!"

"Five!"

"Whether I'll help your father or not he will still die!" sigaw nito.

"Four!"

"TĀ MĀ DE!"

"THREE!"

Muli niyang itinutok ang baril sa sintido nito na siyang ikinaputla ng intsik.

Sa pagkakataong ito ay handa na siyang tuluyan ang kaharap.

"SAVE MY FATHER AND YOU WILL BE SAFE! TWO!"

"I..."

"ONE!"

"I WILL!" Nakapikit nitong sigaw.

Pumutok ang baril.

Ngumisi si Xander.

"Good. Now listen to what I tell you so." May inilabas siyang dalawang larawan.

"Do this for me and you'll be free."

"What is that?" inabot nito ang ibinigay niya at pinagmasdan.

Nagtiim ang kanyang bagang.

Ngayon hindi na ang ama niya ang kalaban ni Villareal kundi siya na mismo!

Tumalim ang kanyang tingin sa mga larawan.

Desperado na kung desperado ang mahalaga mabawi niya ang ama kahit pa manganib siya.

"Bring. them. to me. alive. And I will serve you until I die. "

---

"Alas otso kagabi nang mahuli ang dating Congresista na umano'y isa sa miyembro ng terorismo na si Roman Delavega. Matatandaang si Delavega ay nasangkot sa 'di umano'y tangkang pagpatay sa dating PDEA agent na si Gian Villareal..."

Hawak ang remote ay palipat-lipat ng channel si Gabriel habang nanonood silang lahat na magkakasama sa telebisyon sa sala ng mansyon.

Isang babaeng reporter na may hawak na mikropono ang nagtuturo ng video sa kanyang likuran.

"Ang nakikita ninyo ngayon sa aking likuran ay ang malawakang raid na naganap kahapon ng hapon sa mansyon ni Roman Delavega. Nasabat ng mga awtoridad ang halos apat na bilyong halaga ng 'di umano'y ipinagbabawal na gamot..."

Lipat uli ng channel.

Isang lalaking news caster ang nagsasalita.

"Kasalukuyang nakakulong ang isa sa mga miyembro ng umano'y terorismong si Roman Delavega ngunit nakatakas ang anak nitong si Xander Delavega. Kasalukuyan itong pinaghahanap ng awtoridad na may patong sa ulo sa halagang..."

Pinatay ni Gabriel ang telebisyon at nilingon sila.

"Congratulations Gian!"

Sabay sa pagbati ang buong Villareal sa kanya at nagpalakpakan.

"Wow! Halos lahat ng channel ngayon iisa ang laman ng balita! Congrats bro!"

Tinapik ni Gabriel ang kanyang balikat.

Tipid lamang siyang ngumiti.

Mataman namang nakatingin sa kanya si Hendrix.

"I can't believe this, terrorist ang kalaban!" palatak ng ama ni Gabriel.

"That's my apo!" dagdag ng don, natawa ang lahat.

Panay ang pagpuri ng mga ito sa kanya na talaga namang ikinagalak ng husto ng binata ngunit ikinababahala niya rin.

"Anong plano mo ngayon Gian?" ang ama ni Hendrix ang nagtanong.

Huminga siya ng malalim.

"Panahon na siguro para linisin ang pangalan ko."

"Tama. Wala ka namang kasalanan at ginawa mo lang ang tungkulin mo." Tugon ni don Manolo.

"Yeah, you are not a terrorist after all," sabad ng tiyahin na si Sandra.

Bumaling ang tingin nito sa kanya.

"Pero paano ang pagpapanggap mong ibang tao? Rage Acuesta remember?"

Si Hendrix ang sumagot.

"Madali na lang 'yon ayusin. Isa pa hindi naman masyadong mabigat ang naging resulta ng pagpapanggap na 'yon."

"Sabagay, isa pa dati namang parte ng serbisyo ang pinsan nating ito." Muling tinapik ni Gabriel ang kanyang balikat.

"Hindi ako makapaniwala bro na naging parte ako ng misyon mo at nagtagumpay tayo."

"Bakit Gab ano bang ginawa mo?" tanong ng ina nito.

"Wala, moral support hahahaha."

Natawa na lamang ang mga kamag-anak.

Bagama't natutuwa ang binata dahil nahuli na ang kalaban, hindi pa rin niya maiwasang mag-alala dahil hindi nakasama ang anak nito.

Mas matindi itong kalaban dahil hindi niya napaniwala kahit minsan sa kanyang ginawang panlilinlang noon.

Isa pa may pamilya din ito paano kung magsikilos ang mga ito?

Siguradong malaking labanan ang mangyayari.

" Gian hijo, what can you say?" si don Manolo.

Napahugot ng malalim na paghinga ang binata.

"Salamat sa tulong ninyong lahat.

Malilinis ko na rin ang pangalan ko.

Pasensiya na kayo kung sa tuwing pupunta ako rito may problema akong dala. Nadamay pa kayo. Kaya plano kong umuwi para hindi na kayo madamay pa."

"Madamay saan? Hindi ba't tapos na ang problema?" ang ama ni Gabriel ang nagtanong.

"Siguradong hindi mananahimik ang anak ni Roman. Bukod pa roon, hindi nahuli ang pinuno ng grupo nila. Isa pa may pamilya ang mga 'yon."

Sabay na napatingin sa kanya ang mga ito.

Nabanaag ang pag-aalala sa mga mata ng mga kamag-anak.

"Pinaghahanap na sila ng batas ngayon kaya ipinatag mo ang kalooban mo," suhestiyon ni Gabriel.

Napailing si Hendrix.

"Hindi gano'n ka simply 'yon. Terorista ang nakabangga ni Gian. International group pa. Siguradong humingi na ng tulong doon ang anak ni Delavega.

At siguradong gumagawa na sila ng paraan para makaganti. Kung hindi man sa atin... " nilingon siya ni Hendrix. "sa mga may kaugnayan sa 'yo."

Humugot ng malalim na paghinga ang binata.

"Iyon ang pinag-aalala ko," tugon niya. "Kapag magkasama sa grupo hindi nag-iiwanan kaya siguradong tutulungan siya ng organisasyon."

"Iyon din ang naisip ko.

Pasalamat na lang tayo na hindi natuloy ang shipment ng droga dito sa bansa," si Hendrix.

"Kapag nagkataon mas malaking problema," dagdag ni Gabriel.

Nagtiim ang kanyang bagang at kumuyom ang kamay saka yumuko.

"Kailangan kong makauwi sa amin."

Natahimik ang mga ito kaya inangat niya ang mukha at tiningnan ang mga kamag-anak.

"Kailangan kong protektahan ang mga taong mahalaga sa akin."

Tumango si don Manolo.

"We understand. Kahit ano pang mangyari nandito kami sa likod mo Gian. Hindi ka pababayaan ng angkan. We are family. We will support you in anything you need," anang ama ni Hendrix.

Napatingin siya rito.

"Thank you po."

Nilapitan siya ng mga tiyahin.

"Don't worry Gian, we'll give you anything you want."

"Power, money, everything, family. I'll give it to you hijo, " anang don. "Bukas ang tahanan para sa 'yo anumang oras."

Tumagos sa kanyang puso ang mga katagang binanggit ng don.

Pamilya.

Iyon ang pinaka kinailangan niya.

Ang tanging iintindihin niya sa ngayon ay sina Ellah at Vince.

Naayos na niya ang mga tauhan at pinag lie-low muna sa ibang lugar kaya hindi na ito problema.

Tinawagan niya ang nobya na agad naman nitong sinagot.

"Congrats love. Ang saya ko para sa'yo. Makakauwi ka na rin dito sa atin. Kailan ang plano mo?"

Ramdam niya ang saya at sigla sa boses ng dalaga.

"Pag-uusapan pa mamaya. Pero gusto ko sana bukas na."

"Ako rin love. Umuwi ka na."

"Yes love. Darating tayo diyan. Ingat kayo."

"Ikaw ang mag-iingat diyan. Ano bang sabi ng family mo? Natuwa ba sila? Proud ba sila?"

"Suportado nila ako. Tanggap na nila ako. Kumusta ang lolo mo?"

"Well, he's so proud of you."

"Nakakahiya naman."

"Sus, huwag ka ng mahiya diyan, proud din ako sa ginawa mo."

"Salamat love. Anong ginagawa mo?"

"Mamimigay ng relief goods sa mga employees namin. Nalulungkot ako na kailangan mag force leave ng mga tauhang may mababang posisyon. Wala pa kasing operation ngayon eh."

Kinabahan siya sa narinig.

"Kasali ka pa sa mamimigay? Bahay-bahay ba 'yan?"

"Yes love. Gusto ko may personal touch ko ang pagbibigay bilang taus-pusong pagsisimpatiya. Isa pa okay namang lumabas na. May mga body guards din ako at-"

"Hindi pwede!" singhal niya na ikinabigla ng nobya.

"Ha?"

Bigla naman siyang kumalma.

"Hindi ka na dapat kasali diyan, hindi pa tapos ang kalaban-"

"Anong hindi? Nakakulong na si Delavega at walang piyansa. Nagtatago na rin ang anak niya at hinahanap ng awtoridad.

Ligtas na tayo love kaya umuwi ka na. Hihintayin kita para-"

"Ellah please! " singhal na niya sa kasintahan kaya natahimik ito.

"Love, please? Intindihin mo naman ako!"

"Bakit kasi ikaw pa ang mamimigay!"

"Dalawa kami ni Jen.

Naaawa na ako sa mga tauhan namin, " matigas ding tugon ng dalaga.

"Papuntahin mo sa mansyon."

"Bawal lumabas ang walang sariling kotse, at kami meron."

Sa huli ay bumuntong-hininga ang binata.

"Sige na, ingat kayo ha? Magdala ng maraming bodyguards."

"Thank you!" nakangiting tugon ng kasintahan tanda ng kasiyahan.

"Ikaw talaga," naiiling na lamang siya.

"Tumatawag si Jen, babay love, magkita na lang tayo pag-uwi mo I love you, " anito at pinatay ang tawag.

Ni hindi siya nakatugon.

"I love you," tugon niya kahit hindi na nito narinig.

Muling tumunog ang kanyang cellphone na agad din niyang sinagot.

"Vince pare?"

"Pare! Kumusta? Sa wakas pare napataob din ang demonyong kalaban! Makakauwi ka na magkita naman tayo. "

"Oo nga, salamat sa tulong pare. Pasensiya na kahapon hindi tayo nagkausap ng mabuti."

"Oo nga eh. Sandali lang may problema ba? Ba't parang hindi ka masaya?" Naglaho ang sigla ng kausap.

"Pare bakit gano'n? Kinakabahan ako eh."

"Saan naman?"

Bumuga siya ng hangin at inilipat sa kanang tainga ang cellphone.

"Pare, may kutob akong babalikan tayo ni Xander. Natatakot ako para sa inyo diyan. Paano kung?"

"Gian pare, huwag mong sabihing natatakot ka sa anak ng demonyong 'yon? Napataob na natin ang lider ni satanas, mga kampon na lang sila.

Wala ng magagawa ang mga ' yon!" saka nito sinabayan ng halakhak.

Natahimik siya.

"Ano ka ba? Pare magtiwala ka, wala ng magagawa ang mga 'yon. STK na eh!"

"Ha?"

"Shoot to kill pare."

Huminga siya ng malalim subalit kahit paano napanatag na.

"Ingat kayo diyan ha?"

" Oo naman, palagi, ikaw rin diyan. Anong plano mo ngayon? "

" Lilinisin ko ang pangalan. "

" Magaling! Hayaan mo hihingi ako ng tulong kay Chief."

"Maraming salamat pare."

Alam ni Gian malaki ang maitutulong ni Vince.

Mula pa noon, hanggang ngayon, ang kaibigan lang ang isa sa pinaka inaasahan niya.

"Pare, mag-iingat ka ng husto hindi ko alam ang gagawin kung wala ka," anang binata.

"Wow naman pare! Nagtatapat ka ba sa lagay na 'yan?"

"Gago!" natatawa niyang saad.

"Pare heto ah, matagal na talaga akong napapaisip eh. Ako ba o si Ellah?" dagdag pa nito.

"Tarantado ka talaga, ewan ko sa' yo!" akmang bababaan na niya ito ng cellphone.

"Hindi pare, ako rin hindi ko alam kung anong mangyayari sa akin kapag nawala ka," seryoso nitong tugon.

"Kaya Vince ingatan mo lagi ang sarili mo. Lagot ka sa  akin kapag napahamak ka. Bawal masaktan naintindihan mo?"

"Opo tatay," tugon nito.

"Gago talaga 'to. Bahala ka na nga!" asar niyang tugon.

"Teka nga nasaan ka ba ngayon?"

"Nasa bahay, ikaw nasaan?"

"Pabalik ng Pagadian pare, kakausapin ko si Chief pagdating ko sa opisina."

Kumabog ang dibdib niya sa narinig.

Papagabi na at delikado na, sa daan.

"Sinong kasama mo? May kasama ka ba?"

"Wala pare, malapit lang naman ang bahay ko sa stasyon."

"Sige, pare, tawagan mo ako agad pagdating mo."

"Sige, pare maraming salamat."

---

Gabi.

Natatawa na lamang si Vince habang papasok sa opisina.

Ngayon pa natatakot ang kaibigan kung kailan wala na ang kalaban.

"Good evening Captain!" bati ng mga naroon.

Mas lalong lumawak ang kanyang pagkangiti.

"Good evening din." Deretso niyang tugon papasok sa opisina ng hepe.

Inabutan niya ang mga kasama sa labas ng opisina.

"Magandang gabi Captain!" nakangising bati ni Greg.

"Captain mukhang napakaganda ng gabi mo ngayon," si Ryan na katabi si Esiah.

Mula ng pinalitan niya ang kaibigang si Gian ay tatlo na lamang ang nasa Alpha team na siyang pinakanauna. Bagamat anim sila, kasama ang tatlo pa.

Pagpasok niya sa opisina ay nakatayo roon ang hepe na mukhang hinihintay talaga siya.

"Good evening Chief!" aniya sabay saludo rito.

"Good evening," tugon ng hepe at sinagot ang kanyang saludo.

"Have a sit Maravilla."

"Thank you Chief."

Tumikhim ito.

"Binabati kita. Dahil sa nangyari noong isang araw. Nagtagumpay tayo at nahuli na rin ang pinuno ng terorismo. Wala na si Delavega kaya mapapanatag na tayo. At dahil sa ating grupo ikaw ang nakahuli, bibigyan ka ng promotion."

"Sir, maraming salamat, pero kung hindi dahil kay Villareal ay hindi ko po ito magagawa."

"Tama ka," sumandal ito sa kinauupuan.

"Sa totoo lang nanghihinayang talaga ako sa pag-alis niya. May potential kasi na maging heneral siya."

Tumango si Vince at matamang napatingin sa amo.

"Chief, paano ba natin malilinis ang pangalan ng kaibigan ko?"

Dahil sa sinabi niya ay napalingon ang kausap sa kanyang kinauupuan.

"Panahon na nga para malinis ang pangalan niya. Pero kailangang umuwi siya rito. Kailan ba siya uuwi?"

"Hindi pa sigurado pero posibleng sa susunod na araw na."

"Don't worry, tutulungan natin siyang malinis ang kanyang pangalan."

"Maraming salamat chief!"

"Kapag nakabalik na siya lilinisin natin ang pangalan niya. Paghandaan mo ang sinasabi kong promosyon."

"Salamat chief."

Sumaludo siya rito bago nagpaalam na tinugon ng hepe.

Huminga siya ng malalim bago napangiti at pumasok sa kotse.

Bagama't tumulong lamang siya sa pag raid sa mansyon at paghuli sa kalaban, sa kanya ipinagkatiwala ni Gian  ang tungkol sa operasyon kung paano hulihin si Delavega, kaya kung hindi dahil sa kanya ay hindi magtatagumpay ang ginawang pag raid.

Kaya kahit nahihiya man ay naisip niyang nararapat lang ang promosyon para sa kanya.

Habang pauwi, deretso ang kanyang tingin sa daan at seryosong nagmamaneho.

Malapit lang naman ang kanyang tinitirhan sa stasyon ng pulisya gano'n pa man hindi pa rin siya kampante lalo na at mag-isa.

Gabi na kaya naman matulin ang kanyang pagpapatakbo lalo pa at walang masyadong dumadaang sasakyan.

Mas binilisan niya ang pagpapatakbo, nang biglang makarinig ng pagputok kasabay ng pag giwang ng gulong ng kotse.

Nanlaki ang kanyang mga mata sa takot at kaba habang nagpa ekis-ekis ang takbo ng sasakyan.

Nakakangilo ang sagitsit ng gulong at halos hindi na niya makontrol ang dereksyong tinutungo ng sasakyan.

"Lintek! Lintek!"

Panay ang tapak niya sa preno at pigil sa manibela hanggang sa huminto ang sasakyan malapit sa bangin.

Nakahinga siya ng maluwag nang hindi tuluyang madisgrasya.

Awtomatikong hinablot niya ang kalibre kwarenta 'y singko sa tagiliran at mabilis na ikinasa.

Nagmasid siya sa paligid.

Bagama't may kadiliman ang kanyang kinaroroonan ay may ilaw naman sa poste hindi kalayuan.

Tahimik ang buong lugar, at tanging mga tunog ng insektong panggabi ang naririnig.

Nang mapagtantong walang kalaban o ano pa man ay nakahinga siya ng maluwag.

"Hooh! Muntik na 'yon ah!"

Lumabas siya ng kotse at sinuri ang gulong.

Napailing siya nang malamang na flat ito.

"May pako sigurong nadaanan," bulong niya mag-isa.

Yumuko siya ng kaunti upang alamin ang dahilan ng pagkasira ng gulong, ngunit hindi niya makita.

Dinukot niya ang cellphone at pinagana ang flash light saka itinuon sa gulong.

Eksaktong nakita niya ang dahilan ng pagka sira at bigla na lang nanlaki ang kanyang mga mata sa nakita!

---

"Naku madam, maraming salamat po sa ibinigay ninyo. Malaking tulong po talaga ito sa amin."

Malawak ang ngiti ng ginang habang tinatanggap ang ibinigay ni Jen na supot ng groceries.

Dalawa silang nagbabahay-bahay para mamigay.

Nagkatinginan sila ni Jen habang parehong may suot na mask.

Ngumiti rin siya sa ginang, wala itong mask.

Ito na ang panghuling bahay na bibigyan nila at matatapos na.

"Walang anuman ho ma'am. Pasensiya na kayo kung hindi muna makakapasok ang inyong asawa sa trabaho."

"Ayos lang po ma'am, naiintindihan po namin. Sana lang mabalik na ang buong mundo sa normal."

Tumango siya.

"Opo, sana. Hindi na kami magtatagal at pauwi na po kami."

"Opo madam. Maraming salamat po talaga."

"Sige ho."

Sabay sila ng kaibigang nagpaalam sa ginang bago bumalik ng kotse.

Hinubad niya ang suot na gloves maging ang face shield na suot, ganoon din ang ginawa ng kaibigan at itinapon nila sa basurahang naroon.

Sa takot nila sa virus kulang na lang ay magsuot sila ng PPE.

Habang bumabiyahe ay nilingon siya ni Jen.

"Hay sa wakas natapos din!"

"Tama ka Jen."

Nasa dalawampung bahay ang binigyan nila kaya naman napagod talaga siya.

"Last na si misis De silva 'di ba? Hindi pa ba tayo uuwi gabi na eh?"

"Uuwi na, mag take out na lang tayo ng pagkain?"

"Huwag na, may pagkain sa bahay, saka umuwi na kayo agad gabi na. Napagod ka ba?"

"Nakakapagod pero masaya."

"Tama ka diyan Ms. Walang kasing sarap ang makatulong sa kapwa. Kung ako lang ang mayaman, gagawin ko rin ang ginagawa mo."

"Ginagawa na natin."

"Iba pa rin 'yong sariling pera ang ginamit ko, pera mo lahat eh, labor lang ako," tumawa ito.

Natawa naman siya.

Nilingon niya ang driver na nasa harapan habang sila naman ay nasa likuran.

"Alam mo Ms. napakasaya ko na wala ng kalaban. Sana mamatay na rin ang anak ng Roman na 'yon.

Shoot to kill na siya hindi ba?"

"Oo, sana hindi na siya makapanggulo pa."

"Ang galing talaga ni sir Gian! Kahit wala siya rito, nagagawa pa rin niyang kumilos laban sa kaaway."

Napangiti ang dalaga sa narinig.

"Oo, kaya proud ako sa kanya."

"Nga pala, uuwi na ba siya?"

"Iyon ang sabi niya, next day daw."

"Kung gano'n dapat may big celebration 'yan."

"Oo naman! Punta ka ha?"

"Of course Ms."

Tumango siya at natahimik na sila.

Masaya siyang nakatulong sa iba, kahit pa tutol ang kasintahan, wala namang hindi magandang nangyari.

"Madam, parang may sumusunod sa atin?" ani mang Roger na sumisilip sa rear view mirror.

"Ha?"

Kumabog ang kanyang dibdib at sabay nilang nilingon ang likuran.

May napansin siyang itim na kotse sa likod ng kotse ng mga gwardiya.

"Yumuko kayo!" anang driver at awtomatiko silang nagsiyuko ni Jen.

Dumagundong ang kaba niya sa takot.

Bumagal ang takbo ng sinasakyan ng mga guwardiya at bahagyang gumilid na tila hinihintay ng mga ito ang pag-over take ng naturang sasakyan.

Maya-maya pa, nilagpasan ng kotse ang sasakyan ng mga gwardiya.

Bumagal din ang pagpapatakbo sa kotse nila habang yukong-yuko sila ng kaibigan.

Abot-abot ang kanyang kaba at takot sa dibdib.

Ngayon siya nagsisi na pinilit pa ang gusto.

Subalit gaya ng nauna, nilagpasan din ng naturang sasakyan ang kanilang kotse.

Doon pa lang sila nakahinga ng maluwag!

"Ms. wala na po ang kotse," saad ng driver.

Sabay silang umupo ng tuwid ni Jen.

"Hay salamat!" sambit ni Jen sa tuwa. "Nakakatakot 'yon ah!" hinaplos nito ang dibdib.

"Bibilisan ko na lang po ang pagmamaneho Ms." anang driver saka halos paliparin ang sasakyan sa tulin.

Tahimik naman sila at hindi mawala-wala ang tensyong nadarama niya hanggang sa makarating sila sa tinitirhang apartment ng kaibigan.

Kahit papaano nakahinga siya ng maluwag.

"Ms. Maraming salamat. Ingat kayo ha? Hindi na tayo dapat magtagal pa lalo na at gabi na."

"Sige, ingat ka rin at salamat. Hindi na muna tayo mamimigay."

" Sige, okay. "

" Ingat ka. "

Tumango si Jen saka bumaba ng kotse.

Pagpasok nito ng bahay ay umalis na sila.

Nilingon siya ng driver.

"Ms. tinawagan niyo ho ba ang mga guwardiya?"

"Hindi na, wala namang nangyari."

Tumahimik na ito at binilisan ang pagpapatakbo.

Siya naman ay halos hindi na humihinga.

Panay ang lingon niya sa magkabilang panig ng bintana.

Nang malapit na siya sa mansyon ay saka pa lang nakahinga ng maluwag.

Humugot siya ng malalim na paghinga saka umupo ng maayos.

Tumunog ang kanyang cellphone.

Nang makitang ang head security ang tumatawag ay agad niyang sinagot.

"Ms. May sumusunod sa atin!"

"Ano?"

"DAPA!"

Awtomatiko siyang dumapa kasabay ng sunod-sunod na putok ng baril.

Gumanti ang mga guwardiya, at sa kalagitnaan ng gabi umulan ng mga bala habang naghahabulan ang kanilang mga sasakyan.

Panay ang hiyaw niya at kubli sa ilalim.

Halos mamatay siya sa tindi ng takot lalo na at nagbabasagan ang salamin ng kotseng sinasakyan.

Nagpa ekis- ekis ang takbo ng kotse hanggang sa bumangga ito sa poste.

Nagdilim ang kanyang paningin.

---

Kasalukuyang nagkakape sa sala si don Jaime nang tumunog ang kanyang cellphone.

Bagama't nagtataka kung bakit ang hepe ng pulisya ang tumatawag ay sinagot niya pa rin.

"Yes Chief?"

"Don Jaime may masamang balita," bungad ng nasa kabilang linya.

Agad siyang kinabahan. "Anong balita?"

"Ang inyong apo don Jaime naaksidente."

"A-ANO! NASAAN SIYA?"

"Iyon ang problema, nawawala siya."

"PUNYETA HANAPIN NIYO!"

"Nakita ng mga tauhan ko ang mga tauhan ng apo mo, patay lahat."

Nasapo ng don ang dibdib nang bigla na lang makaramdam ng paninikip.

"May nakita sa CCTV, may tatlong kotseng itim ang dumukot sa inyong apo matapos pagbabarilin ang mga tauhan niyo."

"Diyos ko!"

Napakapit ang don sa inuupuan kaya nahulog ang cellphone.

"Don Jaime?" untag ng kausap ngunit wala ng mauunawaan ang don.

"Don Jaime?" muling untag ng hepe.

Nahagip ng tingin niya ang alalay na si Ben.

"DON JAIME!"

Tuluyang nagdilim ang kanyang paningin at bumagsak sa sahig.

---

"Now that you've got what you wanted Delavega, set me free."

"You are. But, give me man power and resources before you leave."

Iba-ibang bansa ang miyembro ng naturang organisasyon kasama na ang Pilipinas doon.

Bagama't hindi niya kilala ang ka grupo alam niyang matutulungan siya ng mga naririto sa bansa.

Iyon ay kung ibibigay ng pinuno sa kanya.

"I will, and they are coming."

Nakahinga siya ng maluwag at sinundan ito palabas.

"I am sorry Mr. Feng."

Mahinang turan niya sa nauunang naglakad, tumigil ito at nilingon siya.

"I am just desperate to save my father."

"You are forgiven. Don't worry I'll support your battle." Tinapik nito ang kanyang balikat.

"Thank you."

"If you live in this war the Black Organization will be yours."

Umawang ang kanyang bibig sa narinig.

"Only, if you will live."

Tinungo na nito ang naghihintay na chopper sa tapat ng bakuran.

Ilang sandali pa umangat na ang chopper, muli siyang nilingon ng intsik.

"Good luck, Xander Delavega."

Sumaludo ito bago siya tinalikuran.

Tiningala niya ang chopper sa himpapawid hanggang sa tuluyan itong naglaho sa kanyang paningin.

Nagpasya siyang bumalik sa loob at tinungo ang silid kung nasaan ang bihag.

Binuksan niya ang pinto at

matiim na tinitigan ang babaeng nakaupo sa silya habang nakalaylay ang ulo at walang malay.

Duguan ang noo nito maging ang kanang braso sanhi ng pagkakadisgrasya.

Nakaposas ang mga kamay nito at mga paa sa inuupuang silya na gawa sa bakal.

Nilapitan niya ang babae. "Kumuha kayo ng gamot."

"Yes boss."

Nilingon niya ang tauhan.

"Ang isang bisita?"

"Nasa kabilang silid boss."

Nagtiim ang kanyang bagang.

Tahimik namang umalis ang tauhan.

Pinakatitigan niya ang mukha ng babaeng nasa harapan.

"Sayang ka, Ellah.

Masyado kang maganda para mamatay ng maaga."

Hinaplos niya ang pisngi nitong makinis.

"Pero dapat kang mamatay, maramdaman man lang ng hayop na Villareal na 'yon ang nararamdaman ko." Bumaba ang kanyang haplos patungo sa leeg nito.

"Sir, nandito na ang gamot."

Nilagyan niya ang bulak ng betadine saka tumingin muli sa dalagang wala pa ring malay.

Ngumisi siya.

"Ano kaya kung mamatay ka na ngayon?"

Tumayo siya at binitiwan ang bulak na hawak.

Saka naman siya nakarinig ng pag-ungol hudyat na nagising na ito.

"Gising na ang prinsesa," ngisi niya.

Naglibot ang tingin ni Ellah at kitang-kita ang takot sa mga mata nito, bagay na mas lalo niyang ikinatuwa.

"Nasaan ako? Pakawalan mo ako!"

Humalakhak siya ng husto.

"Sige lang, sumigaw ka lang!"

"HAYOP! DEMONYO!" Nagpupumiglas ito sa inuupuan subalit hindi nakakawala.

Lumabas siya ng silid at lumipat sa isa pang silid kung saan naroon ang naghihintay na bisita.

Bago pumasok ng naturang silid ay ikinasa niya ang baril at sinipa ang pinto dahilan ng pagkagising ng sinasabing bisita.

Nakaposas ang mga kamay nito maging ang mga paa habang nakaupo sa silyang bakal at may duct tape sa bibig.

Sinigurado niyang hindi ito makakapagsalita ng kahit ano pa mang ikakadagdag ng galit niya.

"HMMMMPPP! HMMMMP!"

Nag-abot ang kanilang tingin saka niya itinuon ang baril sa noo nito.

Nagitla ang naturang lalake.

"Kumusta ka na, Maravilla?"

"HHHMMMP!"

Binalingan niya ang limang tauhang nasa likuran.

"GULPIHIN 'YAN AT HUWAG NINYONG TITIGILAN HANGGA'T HINDI NAGHIHINGALO!"

Nilapitan ito ng mga tauhan at sinimulang tadyakan kaya natumba ito kasama ang upuan.

"Mmpp!" Gumulong si Vince.

Hindi pa man ito nakatayo ay muli na namang sinipa ng isa pang tauhan sa tagiliran.

Pinagsusuntok at pinagtatadyak ito ng mga tauhan.

Bawat daing at igik nito ay tila musika sa kanyang pandinig.

Nang lumupaypay na ay nilapitan niya ito at bahagyang lumuhod sa kinahihigaan nitong sahig.

"Ano Maravilla? Buhay ka pa ba?"

Ibinaba niya ang hawak na baril sa sahig.

Kitang-kita ang tumagas na dugo mula sa gilid ng bibig nito.

Bahagya pa siyang lumapit at nagpantay ang kanilang mukha.

Hinawakan niya ang buhok nito kaya napatingala sa kanya.

"Gusto mo pa bang mabuhay o magmamakaawa ka ng mamatay?"

Tumahimik lamang ito.

Subalit hindi niya napaghandaan ang sunod nitong ginawa.

Sa isang iglap ay binangga nito ang noo niya gamit ang ulo nito dahilan ng kanyang pagkatumba.

Naramdaman niyang tila may mainit na likidong tumulo mula sa kanyang ilong kaya kinapa niya 'yon ng palad.

Nang makita ang dugo sa palad ay nagdilim ang kanyang paningin.

"AAAH FUCK!"

Dinampot niya ang baril sa sahig sabay putok sa kaharap.

 

Tinamaan ito sa dibdib at kitang-kita ang dahan-dahang paghandusay  ng naturang bisita.

"Mmmppp..."


REFLEXIONES DE LOS CREADORES
Phinexxx Phinexxx

Hi po sa inyong lahat.

Grabe isang buwang mahigit na ako hindi nakapagsulat.

Sorry po, medyo na depress kasi ako.

Ngayon nakakabawi na.

Birthday ko kahapon.

Ito ang gift ko sa inyo.

Maraming salamat po sa pananatiling pagsubaybay sa kwentong ito.

Sana po ay magustuhan niyo ang chapter na ito.

Keep safe every one.

Thank you po.

Load failed, please RETRY

Estado de energía semanal

Rank -- Ranking de Poder
Stone -- Piedra de Poder

Desbloqueo caps por lotes

Tabla de contenidos

Opciones de visualización

Fondo

Fuente

Tamaño

Gestión de comentarios de capítulos

Escribe una reseña Estado de lectura: C102
No se puede publicar. Por favor, inténtelo de nuevo
  • Calidad de escritura
  • Estabilidad de las actualizaciones
  • Desarrollo de la Historia
  • Diseño de Personajes
  • Antecedentes del mundo

La puntuación total 0.0

¡Reseña publicada con éxito! Leer más reseñas
Votar con Piedra de Poder
Rank NO.-- Clasificación PS
Stone -- Piedra de Poder
Denunciar contenido inapropiado
sugerencia de error

Reportar abuso

Comentarios de párrafo

Iniciar sesión