Pagkalabas ng manager, hindi kaagad nagsalita su Xu Jiamu.
Pero hindi naman nagmamadali si Song Xiangsi, kaya nanatili siya sakanyang
kinauupuan habang kalmadong naghihintay.
Sobrang tahimik ng buong pivate room.
At pagkalipas ng matagal na matagal na sandali, biglang umubo si Xu Jiamu, at
nagaalangang nagtanong, "Sa mga nakalipas na taon… nasa America ka?"
Simpleng tanong… pero dahil galing ito kay Xu Jiamu, pakiramdam niya ay muli
nanaman nitong pinalambot ang puso niya, na ilang taon niyang pinilit patigasin.
Kaya sa anggulong hindi nito nakikita, ikinuyom niya ang kanyang mga kamay, at
buong loob na pinilit na huwag magpahalatang apektado.
Sa totoo lang… hindi pa siya handang makausap Xu Jiamu… at hindi niya alam kung
magiging handa pa siya…kaya nang sandaling marinig niya ang tanong nito, ilang
segundo rin siyang nablangko bago siya ngumiti at magalang na sumagot, "Maraming
salamat sa pagaalala, Mr. Xu. Ayos lang ako."
Hindi ito ang unang beses na sinupladahan siya ni Song Xiangsi, pero noong
naramdaman ni Xu Jiamu kung gaano ito kailag, napayuko nalang siya at kabadong
nagpatuloy, "Balita ko ikinasal ka na raw sa America?"
Sa totoo lang, gusto sanang magsinungaling ni Song Xiangsi at sumagot ng 'oo', pero
noong magsasalita na siya, pakiramdam niya ay parang may pumipigil sakanya, kaya
bandang huli, pinili niya nalang manahimik at huwag ng sumagot .
Matyagang naghintay si Xu Jiamu, pero hindi talaga sumagot si Song Xiangsi, kaya
muli niya itong tinitigan, at nagpatuloy, "Kahapon, yung lalaking kasama mo… asawa
mo ba siya?"
'Ano ba talagang gusto niyang malaman? Bakit ba gusto niya pang balikan ang
nakaraan?'
.
Three years ago… Ginawa niya ang lahat para putulin ang lahat ng ugnayan nila.
Noong umalis siya ng China, halos gabi-gabi siyang hindi makatulog kakaisip kay Xu
Jiamu, at nabawasan lang ito noong naipanganak niya na si Little Red Bean, kung saan
nangako siya na mas magiging matapang siya para munti nilang prinsesa.
Walang may ideya kung ano ang mga pinagdaanan niya sa loob ng tatlong taon,
makalimutan lang si Xu Jiamu… Sa totoo lang… dumating nga siya sa puntong gusto
niya nalang mamatay sa sobrang lungkot.
Kaya hanggat maari, ayaw niya na sana talagang magkaroon ng kahit anong ugnayan
dito, kasi natatakot siyang masaktan ulit.
At hindi yun mangyayari kung magpapadala siya sa emosyon niya…. Kaya palihim
siyang huminga ng malalim, habang pinipilit kumalma habang nakatitig kay Xu Jiamu.
"Mr. Xu, tungkol sa kontrata, nilinaw naman na sayo ng manager ko ang mga dapat
niyang linawin, kaya kung wala ka ng idadagdag, pwede bang pumirma na ako?"
Habang nagsasalita, kinuha ni Song Xiangsi ang kontratang nakalapag sa lamesa at
hinanap ang pahina kung saan siya pipirma, pero noong kukunin niya na ang ball pen,
biglang hinawakan ni Xu Jiamu ang kanyang kamay.
Nang maramdaman niya ang mainit nitong palad, pakiramdam niya ay para siyang
niglang kinuryente. Hindi nagtagal… sinundan ito ng mahinahon nitong boses,
"Xiangsi"…. Yun ang tono ng boses nito sa tuwing kinakausap siya nito sa madaling
araw…
Kaya bigla niyang hinawi ang kamay nito, na para bang takot na takot siya sa susunod
na mangyayari, at dali-daling kinuha ang kanyang bag. Mabilisan siyang tumayo, at
pinilit niyang maging kalmado, pero kahit gaano niya subukan, ramdam pa rin sa boses
niya ang tensyon nang sandaling magsalita siya. "Sorry, Mr. Xu. Kausapin mo nalang
ang manager ko tungkol sa kontrata. Aalis na ako."
Pagkatapos, bigla siyang tumalikod, pero hindi pa man din siya nakakalayo ay muli
siyang hinawakan ni Xu Jiamu, at pwersado pinaupo.